Chapter WAGW 24

“ANAK, kailangan ba akong tutukan ng camera? Hindi naman ako ganoon kaganda para mai-TV pa. Kita mo nga at wala pa akong tulog,” anang ina ni Patrice na si Aling Lita habang sapo ang pisngi. Nakaupo sila sa tabi ng swimming pool at nagre-relax. Ipinaliwanag dito na may partisipasyon nito sa episode para sa araw na iyon bago ito lagyan ng make up. “Kailangan pa bang gawin ito?”

“Oras na para makilala po kayong mabuti ng mga manliligaw ko. At para rin po malaman ng lahat na di biro-biro ang trabaho ninyo,” sabi niya. “Nanay ko kaya ang gumagawa ng pinakamasarap na pastillas sa Pilipinas.”

Ipinagmamalaki niya sa lahat ng negosyo nilang mag-ina. Dahil sa exposure sa telebisyon ay dumami ang orders nila. Lumaki ang operasyon nila at sa tulong din ng talent fee niya ay nakabili na ng bagong kagamitan ang nanay niya. Nag-asikaso din ito ng mga permit nitong nakakaraang araw para sa negosyo nila kaya sa gabi lang ito nasa mansion. Ayaw naman ng nanay niya na pabayaan iyon dahil alam nitong pansamantala lang ang exposure niya sa telebisyon. Di naman iyon habambuhay. Kapag bumalik sila sa normal na buhay, kailangan nilang bumalik sa negosyo na iyon para mabuhay.

Hinaplos nito ang buhok niya. “Anak, masaya ka ba sa ginagawa mo? Maayos naman ba ang trato sa iyo ng mga manliligaw mo?”

“Opo. Inaalagaan naman po ako ng lahat dito.”

Kahit si Sullivan ay natuto na ring makisama lalo ba’t binantaan ito ni Kara na tatanggalin na ito sa susunod kapag hindi pa ito nagtino.

“Kailangan ba talagang mamili ka sa huli kahit na di mo naman sasagutin o hindi mo mahal?” nag-aalalang tanong nito.

“Nanay, sa TV lang po ito. Saka isipin na lang ninyo mga kaibigan ko sila. Parang kinikilala lang po ninyo ang mga kaibigan ko.”

“Alam ko lang kasi na mahal mo pa si...”

“Huwag na po nating pag-usapan,” aniya at huminga ng malalim.

Ayaw na niyang umasa kay Calden. Napag-tripan lang siguro nito ang trivia game nila nang nakaraan dahil mahaba ang breaktime nito. Hindi ito ang gusgusing lalaki na tumugtog sa kanya sa bar. Wala itong oras para doon. At nalulungkot siya dahil sa puso niya, umaasa siyang mag-e-effort din ng ganoon si Calden para sa kanya.

“Anak, kahit na saan ka pa makarating, huwag mong kalilimutan ang lahat ng magagandang pangaral na itinuro ko. Huwag mo ring ikokompromiso ang alam mong tama para lang sa trabahong ito,” bilin ni Aling Lita.

“Opo, Nanay,” aniya at niyakap ang ina.

Kuntodo pagpapa-impress ang mga manliligaw niya nang ipakilala niya. May natitira pa siyang anim na manliligaw at nangangalahati na sila sa show. Napansin niya na nagba-blush niya ang nanay niya kay Sullivan. Magaling talaga itong mambola.

“Hindi lang simpleng meet-and-greet sa kay Nanay Lita ngayong araw na ito, suitors. We also have a challenge today, para makilala ninyong mabuti sina Patrice at Nanay Lita. Tuturuan nila kayong gumawa ng pastillas,” anunsiyo ng host na si Vhon.

“Whoo! Easy, easy,” puno ng kompiyansang sabi ni Sullivan.

“At matapos balutin ang pastillas na gawa ninyo ay kailangan ninyong ibenta sa labas. Ang pinakamaraming mabebenta ay mananalo ng dinner kasama sina Nanay Lita at Patrice. Alalahanin ninyo kung gaano kahalaga kay Patrice ang approval ng nanay niya. Advantage ito sa sinumang mananalo,” dagdag pa ni Vhon. “So, are you ready?”

Matiyagang tinuruan ng nanay niya ang mga manliligaw niya. Ang iba sa mga ito ay di naman magaling sa pagluluto pero sinusubukang makasunod sa instruction.

Napansin niya si Chard na dumudukot ng nabilot nang pastillas kay Jess. “Pare, ang sarap talaga ng gawa mo. Pareho lang naman tayo.”

Tinampal niya ang kamay nito. “Um! Mauubusan si Jess ng ititinda.”

“Ang sarap kasi,” ngingisi-ngising sabi ni Chard.

“Singilin mo siya,” aniya kay Jess at ngumuso sa kay Chard.

Natutuwa naman siya dahil sa nabuong pagkakaibigan ng mga manliligaw niya. Parang magkakapatid ang mga ito o isang malaking barkada. Walang gaanong malaking isyu. Alam niya na minsan ay lumalaki ang maliliit na di pagkaka-intindihan ng mga ito kapag ipinalabas sa TV. Kailangan iyon sa show. Pero sa totoong buhay ay good vibes lang ang mga ito.

Humalukipkip siya sa tabi ni Sullivan nang mapansing nanay na niya ang naghahati-hati ng nabuong pastillas para dito. “Nay, pabayaan n’yo na po si Sullivan diyan. Maggawa lang ng pastillas di pa kayang mag-isa.”

“Nangangalay daw kasi siya,” katwiran ng nanay niya. “Kawawa naman. Di pala siya sanay na magluto.”

“Naglalambing lang naman ako kay Nanay,” sabi ni Sullivan at yumakap sa baywang nito. “Thank you po, Nanay.”

Isang matamis na ngiti ang ibinigay niya sa lalaki. “Sige. Tutal nanay ko naman ang gumawa ng pastillas para sa iyo, dito ka na lang at maghugas ka ng mga pinaglutuan nila. Di ka na kasali sa challenge. Mas nakakapagod kasi iyon. Nakakahiya naman sa laki ng katawan mo kung wala kang gagawin.”

Humalakhak si Sullivan. “You really have the hots for me, Patrice. Bakit hindi mo na lang aminin?” At saka kumindat sa camera.

Alam naman niyang maka-cut sa final editing ang panlalait niya kay Sullivan at ang matitira na lang ay ang sinasabi nitong may pagnanasa ito. Alam na alam talaga ng lalaki kung paano paglaruan ang camera. Kung gusto nito ang larong showbiz, sa palagay niya ay sisikat ito paglabas ng mansion. Pero di bilang The One para sa kanya. Sinasakyan lang niya ito sa ngayon.

Sa kabila ng katamaran ni Sullivan ay ito naman ang nanalo sa challenge na iyon. Subalit sa palagay niya ay mas nag-enjoy ang nanay niya sa date. Kuhang-kuha ni Sullivan ang kiliti nito. May mabait naman na side ang lalaki kahit may kayabangan ito. Nabanggit nito na maagang namatay ang nanay nito at di na nag-asawa ang ama kaya nami-miss nito ang pagkakaroon ng nanay na mag-aalaga dito.

“Salamat sa pagpapahiram sa akin sa nanay mo,” sabi ng lalaki nang ihatid siya sa baba ng hagdan na paakyat sa kuwarto niya.

“Mukhang nag-enjoy din si Nanay sa company mo. Sa company ninyong lahat.” Nasa baba pa rin ang nanay niya at ipagtitimpla daw ng gatas ang mga manliligaw niya. Gising pa rin kasi ang mga ito at nanonood ng TV.

“Pasensiya na nga pala kung naging mayabang ang dating ko o kaya mukha akong tamad. H-Hindi lang talaga ako sanay na nag-aalaga o nag-e-effort para sa ibang tao. Sanay kasi ako na pinagsisilbihan. Ang mga babae mismo ang naghahabol sa akin.”

Tumango siya. Nararamdaman niya ang sinseridad ng lalaki nang mga oras na iyon. “Sullivan, kapag natagpuan mo na ang babaeng mamahalin mo nang totoo, mag-effort ka para sa kanya. Iparamdam mo na gusto mo talaga siya. At ipaglaban mo. Dahil kaming mga babae kahit konting effort lang ng lalaki masaya na kami. Ang simpleng effort mo, ibabalik namin nang sampung beses sa iyo. Ganoon kami magmahal.”

“Tatandaan ko iyan. Pwede ba kitang yakapin? Walang malisya.” Itinaas nito ang isang kamay. “I swear.”

Tumango siya. “Okay.”

At pinangatawanan naman iyon ni Sullivan. Hindi sa kung saan-saan dumapo ang kamay nito. Sa likod lang talaga ay tinapik-tapik siya. Pwede naman pala silang magkasundo. May common ground na sila. Ang nanay niya. At sa palagay niya ay magiging mabuti silang magkaibigan matapos ito.

May mensahe siyang natanggap mula kay Totoy Biloy nang buksan niya ang Facebook. How’s your date?

Ngayon na lang ulit ito nagparamdam. Ni hindi siya nito pinansin nang mag-send siya ng mensahe dito tungkol sa ex-boyfriend niya.

Patrice: Nag-enjoy kami ni Mommy at ng ka-date ko. Minsan talaga mahirap husgahan ang isang tao dahil lang sa nakikita mo sa kanya. May magaganda din pala siyang katangian kahit na nakakainis siya.

Totoy Biloy: Sayang di kita nakasama ngayon. Siguradong mag-e-enjoy ka kung ako ang kasama mo.

Patrice: Saan ka ba nagpunta?

Totoy Biloy: Kasama ko ang mga batang ulila sa fans day ko.

Patrice: Yeah, right! Ibig sabihin hindi ka sumali sa challenge ko ngayon?

Totoy Biloy: Kailan ba ako nagpahuli pagdating sa iyo?

Patrice: Gumawa at nagbenta ka rin ng pastillas? Hahaha!

Totoy Biloy: Pinakyaw ko para sa iyo.

Magtatanong pa sana siya dito nang kinatok siya ni Abegail sa kuwarto nang nakabihis na siya ng pantulog. “Miss Patrice, ipinapatawag po kayo sa opisina ni Ma’am Kara sa conference room. Nandoon na po lahat ng head. Kayo na lang po ang hinihintay nila.”

Bumuntong-hininga siya at hinablot ang bathrobe. Alas onse na ng gabi at may meeting na nama? Mukhang problema na naman ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.