Chapter WAGW 25

NANG pumasok si Patrice ng conference room ay nagtaka siya nang makitang nakangiti sa kanya ang mga head na bumubuo sa You’re The One For Me. Nasa sampung tao lang ang pwedeng umupo doon at isang bakanteng upuan na lang ang natitira. Umupo siya sa tabi ni Kara. Mukhang good mood ito. Ano kaya ang pag-uusapan nila? Bagong sponsor? Malaking twist sa programa? Minsan kasi ay may wildcard at pinababalik ang mga dating manliligaw.

“You should watch this,” sabi ni Kara at pinindot ang play sa remote.

Video footage iyon mula sa isang showbiz news channel na independent at di hawak ng kahit anong istasyon. Nagulat siya nang mabasa ang headline. Calden Faulkner, namigay ng pastillas sa mga batang naulila na kasama niya sa fans day.

Bigla siyang pumihit sa upuan. Ano naman ngayon kung namigay ng pastillas ang lalaki? Mukhang namigay din naman ito ng ibang candies doon at chocolates.

“Calden, alam mo ba na ang tatak ng pastillas na ipinamigay mo ay gawa ni Miss Pastillas sa katapat mong timeslot?” tanong ng reporter.

Bigla niyang pinagsalikop ang palad. Nanlalamig iyon. Hindi niya alam kung gusto niyang marinig kay Calden ang totoo o i-deny na lang nito. Sanay naman akong itinatago niya. Ano ba ang bago?

“Yes. Paborito ko ang pastillas na iyan noong college pa ako. Bumibili ako niyan,” sabi pa ng binata. “Kaya gusto ko ring i-share sa mga bata. It is good.”

“Pareho kayo ng university ni Pastillas Girl,” sabi ng reporter.

“Naging magkaklase kami noong first year college,” pag-amin ng binata. “Then I pursued showbiz.”

Nag-iinit ang pakiramdam niya na hindi niya maintindihan. Inamin ng binata na magkaklase sila. Sa unang pagkakataon ay inamin ng binata ang existence niya sa mundo. Pakiramdam niya ay nag-awitan ang mga anghel sa langit. Dati ay parang di siya nag-e-exist sa mundo nito pero ngayon ay parang nasa iisang lupa na lang sila nakatapak. At nakikita din ng mundo kung paano siyang tingnan nito.

“Do you like her?” tanong ng reporter sa nanunuksong boses.

Humalakhak ang binata. “Kahit naman siguro magkakaugusto kay Patrice. Look at her. She is intelligent and beautiful. Wala ring arte sa sarili. At mabait din siya. Kaya hindi nakapagtataka na marami siyang manliligaw.”

“Di ka ba nanligaw sa kanya? Baka naman di namin alam, naging girlfriend mo pala siya,” sabi ng reporter kay Calden.

Sinapo niya ang dibdib. Aaminin ba niya ang relasyon namin?

“Bata pa kami noon at alam ko focus niya ang pag-aaral niya. She’s graduating this coming school year and I heard she’s running for magna cum laude.”

Gusto niyang maiyak sa pagmamalaki sa boses ng binata. Hindi lang niya magawang maging emosyonal dahil nakatutok sa kanya ang atensyon ng mga head sa kanya. She couldn’t betray Calden now. Nangako siya na di ito pag-uusapan. Pero napakahirap magtago ng emosyon kung si Calden na mismo ang bumabanggit sa kanya. Hindi man nito sinabi na may relasyon sila o mahal siya nito, masarap sa pakiramdam.

“Wala bang isyu sa inyo kung magkatapat man ang show ninyo?” tanong ng reporter sa binata.

“I am happy for her. Masaya ako na nakakapagpasaya kami ng audience.” Tumingin ito sa camera. “Hi, Patrice! Sana mahanap mo ang lalaki na magpapasaya talaga sa iyo. Ilibre mo naman ako ng pastillas next time,” pabirong sabi ng binata.

Natutop niya ang bibig at di mapigilang maiyak. Nakakunot tuloy ang noo ng mga head sa kanya. “Bakit ka umiiyak?” tanong ni Sir Roco.

“K-Kasi... Di ko po inaasahan na makikilala pa ako ni Calden. Na maalala pa niya ako. F-Fan po kasi niya ako,” sabi na lang niya. “Ang bait pa rin niya kahit na matagal na po kaming di nagkikita.”

“Gusto mo ba ng interview tungkol kay Calden Faulkner?” tanong ni Kara.

Umiling siya. “A-Ayoko po. H-Huwag na po natin siyang idamay.”

Tinaasan siya ng kilay ng story editor na si Bong. “Bakit naman hindi? Malaking tulong sa show natin ang statement niya. After all, hindi naman natin siya pinilit. Siya itong unang bumanggit sa iyo.”

“At ayon sa kontrata natin, tungkol lang sa ex-boyfriend mo ang di natin pag-uusapan. Di mo naman siguro ex-boyfriend si Calden,” anang si Kara.

Yumuko siya. “A-Ayoko pong madamay si Calden dito sa show. Hayaan na lang po natin siya kung gusto niya akong banggitin. Ayoko pong isipin ng mga tao na ginagamit ko lang siya para sumikat tayo. Mag-focus na lang tayo sa manliligaw ko.”

Itinaas ng head scriptwriter nila ang kamay. “Pero sayang naman si Calden...”

“Tama si Patrice. Mag-focus na lang tayo sa kung ano ang meron sa show natin. Huwag na nating gatungan,” putol ni Kara sa sasabihin nito. “Magpahinga na tayo. Marami pa tayong gagawin bukas.” Tatayo na sana siya nang biglang matigilan nang m magsalita si Kara. “Maiwan ka, Patrice. We need to talk.”

“T-Tungkol po saan?” tanong niya.

“Wala ka ba talagang sasabihin sa akin tungkol kay Calden Faulkner? Baka naman may higit pa sa relasyon ninyo kaysa sa kine-claim mo.”

Inipon niya ang lakas ng loob at tiningnan ito sa mga mata. “W-Wala po. M-Mabait lang po talaga siya sa akin noon.”

“Di nanligaw sa iyo? Hindi mo naging boyfriend?” tanong nito.

Umiling siya. “H-Hindi po. Hindi naman po kami ganoon ka-close malibang bibili siya ng pastillas sa akin.”

Mahabang sandali siyang tinitigan ng babae habang pigil naman niya ang hininga. Huwag kang bibitaw ng tingin, Patrice. Sa ganitong pagkakataon, alam niyang kailangan niyang protektahan si Calden. Tutuparin niya ang pangako niya.

Hindi niya alam kung gaano siya katagal na tinitigan ng babae pero sa huli ay tumango din ito. “Sige na. Magpahinga ka na.”

Gusto sana niyang tawagan si Calden bago matulog pero baka nanay na naman nito ang sumagot. Sinubukan niya itong padalhan ng mensahe sa messenger pero ni hindi naman nito binuksan ang mensahe.

Sa huli ay nagpadala na lang siya ng message sa kaibigan niyang si Totoy Biloy. Calden, ano bang ginagawa mo sa akin? Mababaliw na ako sa iyo.

Sa sobrang frustration niya dito ay ang poser nito ang binalingan niya.

Totoy Biloy: Hindi ba matagal na nang baliw sa akin?

Patrice: Seryoso ako. This is silly. Bakit ba ikaw ang kinakausap ko? Hindi naman ikaw si Calden.

Totoy Biloy: Hindi man ako makaharap sa iyo ngayon, hindi ko man masabi sa lahat na mahal kita, hindi ibig sabihin na nabawasan ang pagmamahal ko sa iyo, Patrice. Gagawa at gagawa ako ng paraan para iparamdam sa iyo na mahal kita. Di man ngayon, pero alam ko na magagawa ko ring isigaw sa buong mundo na mahal kita kapag tama na ang panahon pa sa atin.

Patrice: Tama na. Paasa ka lang din. Ayoko nang umasa. Goodnight, Calden... Totoy Biloy... Whatever!

Tapos na ang isang gabing kahibangan. Dahil kahit ano pang gawin ni Calden, malupit pa rin ang tadhana para sa kanila.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.