Akala niya ay sapat na ang magbabad sa mainit na tubig sa bathtub para mawala ang lamig ng katawan pero tinamaan talaga ang baga niya. Sabi ng doktor ay kailangan din daw niya ng pahinga. Iba nga naman ang dalang stress kung lagi siyang tinututukan ng camera sa araw-araw pwera pa ang training niya off-cam at mga brainstorming.
“Girl, pinagpipiyestahan ng mga buong bansa ang eksena ninyo sa concert ng Phantom Band,” sabi ni Desmond at ipinakita pa sa kanya ang picture kung saan kung saan sinusuutan siya ni Calden ng jacket.
“Mas nakakakilig naman ‘yung nag-duet kayo sa Without A Word. Hugot na hugot kayong dalawa, girl. Feel na feel ninyo ‘yung kanta,” segunda naman ni Matilda.
“Paborito kaya nilang kantahin iyon.” Umupo si Desmond sa tabi ng kama niya. “Sana pala nakasama din kami sa concert para may pala ang CalTrice love team. Ito ang tunay na pag-ibig. May mga kinikilig nga rin sa inyo.”
“At madami ring bashers,” dagdag ni Matilda. “Alam mo naman kung gaano ka-rabid ang fans nila ni Darling. E di kung nasa concert tayo at nag-cheer sa kanila, malamang kalbo na tayo ngayon.”
“Ang weird, no? Kung kailan kami break saka pa kami makikita in public. Saka pa kami makakanood ng concert nang magkasama at nakapag-duet sa stage. Saka pa namin nagawa mga relationship goals namin,” pabirong sabi ni Patrice at huminga ng malalim.
Wala silang ibang kasamang staff at ihinatid ng nanay niya si Miss Kara at ang mga manliligaw niya hanggang sa lobby ng ospital. Sila-sila lang magkakaibigan ang naiwan.
Sa kabila ng masaklap na realidad, di pa rin niya maiwasang kiligin nang maalala kung paano siya nito kinantahan at inalaagan sa harap ng publiko. Hanggang ngayon ay parang yakap siya nito dahil dama pa niya ang init ng jacket nito na ipinasuot sa kanya. May pagkukulang man si Calden sa kanya, tinitiyak nitong naalagaan siya nito kapag magkasama sila.
Umuugong pa rin sa tainga niya ang sermon ni Kara sa mga manliligaw niya pag-uwi lalo na’t kumalat na sa social media ang naging eksena sa concert. Nabasa daw kasi sa ulan at wala man lang sa manliligaw niya ang nagbigay ng jacket sa kanya. Kailangan pa daw na ibang artista at mula pa sa ibang istasyon ang mag-alaga sa kanya. Her suitors were put in a bad light. Ipinagtanggol naman niya ang mga ito pero napasama pa ang mga lalaki nang magkasakit siya. Si Calden pa ang umangat.
“K-Kumusta pala ang mga boys? Di ba sila nagalit sa akin?” tanong niya sa mga kaibigan. Hindi na niya naitanong sa mga manliligaw kanina kung nagtatampo ang mga ito sa kanya. May mga camera kasing nakatutok sa kanila at ayaw niyang pasamain pa ang loob ng mga ito sa pagbanggit niya kay Calden.
“Guilty ang mga iyon dahil di ka naalagaan,” sabi ni Matilda.
“Ang sabihin mo, gusto rin nilang mag-fanboy kay Calden. Pinagtatalunan na nga nila kung kanino mo daw ibibigay sa kanila ang jacket na bigay ni Calden.” Namaywang si Desmond. “Ewan ko ba sa mga unggoy na iyon. Wala silang kamalay-malay na si Calden ang pinakamatindi nilang karibal.”
“May statement na ba si Calden sa nangyari kagabi?” tanong niya.
“Siyempre damage control si Tita Mina. Bawal ka nang banggitin sa interviews kay Calden at baka ano na naman ang masabi. Manganganib ang love team nila ni Darling. Mas sweet naman kasi ang shots ninyo ni Calden kagabi kaysa sa date nila ni Darling na puro wacky shots. Barkada shots versus magjowa shots,” kinikilig na sabi ni Desmond. “Ex-jowa pala pero mahal pa rin ang isa’t isa.”
“Tama na iyang usapan tungkol kay Calden sa pag-i-pag-ibig na iyan. Magkakasakit pa lalo ang anak ko. Magsiuwi na kayo at nasa baba na ang sundo ninyo,” sabi ng nanay niya pagpasok ng hospital suite.
“Tita, ang haba naman kasi ng hair ng anak ninyo. Kundangan sa kanya na lang lahat ng boys. Di na kami tinirhan,” nanghababa ang ngusong sabi ni Desmond at humalik sa pisngi ng nanay niya. “Tita, wala ba kayong balak mag-boyfriend?”
“Tigil-tigilan mo nga ako, Desmond. Mag-ingat kayo.”
Inayos ng nanay niya ang kumot niya nang umalis na ang mga kaibigan. “Nay, pasensiya na po. Nag-enjoy kasi akong masyado sa concert at nakalimutan ko pong magdala ng jacket.”
Tumango ito. “Oo. Naiintindihan ko. Nag-enjoy ka naman?”
Tumango siya at bahagyang ngumiti. “Opo.”
“Kasi nakita mo si Calden?”
Yumuko siya. “May iba naman po siyang ka-date.”
“Pero gusto ka pa rin niyang alagaan.” Inilapag nito sa tabi niya ang jacket ng binata. “O! Nilabhan ko na. Baka sakaling iyan ang magpagaling sa iyo.”
Dinampot agad niya iyon at iniladlad saka ikinumot sa katawan niya. “Ahhh! Ang sarap talagang gamitin ng jacket niya.” Pakiramdam niya ay gagaling na siya dahil parang yakap siya ng binata. Sana ay totoong nasa tabi na lang niya ito.
“Anak, gusto ko lang maging patas ka. May mga manliligaw ka na iniisip na seryoso ang palabas ninyo. At sa katapusan ng palabas na ito, kailangan mong mamili ng isa sa kanila. Di naman yata patas na di malinaw sa kanila kung ano talaga ang estado nila sa buhay mo.”
“A-Ang ibig mo ninyong sasabihin kailangan kong sabihin sa kanila ang tungkol kay Calden?” tanong niya.
“Hindi. Pero dapat malinaw sa kanila na hanggang ngayon ay mahal mo pa rin ang dati mong nobyo. Para wala silang masyadong expectations sa iyo. Wala silang masyadong asahan o hingin sa iyo. Dapat malinaw sa kanila kung hanggang saan lang ang kaya mong ibigay.”
“Naiintindihan ko po.”
“Kahit man lang sa ganitong pagkakataon maging totoo ka sa kanila at sa sarili mo. Tama ba ako?”
Tumango siya at niyakap ang ina. “Salamat po, Nanay.”
Pasimple niyang sinilip ang Facebook Messenger. May mensahe doon si Totoy Biloy na nangungumusta sa kanya. Hindi ka dapat nagpakabasa sa ulan. Nagkasakit ka tuloy. Hanggang kailan ka sa ospital?
Patrice: Sana i-discharge na sa isang bukas. Hindi tuloy ako makakasama sa football clinic bukas. Di rin ako nakasama sa pagdalaw sa orphanage kanina.
Kanya-kanyang pagpapasikat na naman ang mga boys bukas. Higit sa lahat, pwede na siyang lumanghap ng sariwang hangin. Kahit na gaano pa kaganda ang hospital suite niya, hospital pa rin iyon. Ayaw niya ng pakiramdam na may sakit. Gusto niyang bumalik sa normal na buhay para di puro si Calden ang naiisip niya.
Totoy Biloy: Gusto mo dalawin kita sa ospital ngayon?
Patrice: Ngayon na? Fifteen minutes na lang ang visiting hours ko. Saka gabi na rin. Bukas ka na lang siguro pumunta.
Hindi pa ata siya handang makipagkita sa Totoy Biloy. Bukod sa limitado ang oras, gusto niyang maayos na siya kapag nakipagkita sa ibang tao. Iba kapag kausap lang ang isang tao sa internet at iba pa rin kapag personal.
Hindi na sumagot pa si Totoy Biloy. Nagsisimula nang mamigat ang talukap ng mata niya nang may kumatok sa pinto. “Anak, may bisita ka.”
“Sino po?” tanong niya at lumingon sa pinto.
Isang matangkad na babaeng mahaba ang buhok at nakasuot ng long sleeve na blouse at mahabang itim na palda. Nakasuot din ito ng makapal na salamin. Parang hindi niya ito kilala.
“H-Hi! Sino po sila?” tanong niya sa babae nang lumapit sa kanya. Hindi yata n niya ito kilala.
Ngumiti ito at lumabas ang dimples nito. “Ako ito, si Calden.”