Chapter WAGW 30

PINASADAHAN ulit ni Patrice ng tingin ang nasa harap. Mukha itong manang sa suot nitong mahabang damit. Kung napasama pa, parang mananakot ito sa isang horror film. Malayo sa itsura ng guwapo at makisig na matinee idol.

“Calden? Ikaw talaga iyan?” tanong niya.

Inalis nito ang salamin at pilit na ngumiti. “Ako nga. Tingnan mo ang dimples ko.”

Humagalpak siya ng tawa. “Mukha kang mananakot sa hallway ng ospital. Malayo pa naman ang Halloween.”

“Kailangan kong mag-disguise para madalaw ka. Tapos pagtatawanam mo pa ako,” naiinis na sabi nito at ibinalik ang salamin.

“Kasi naman kahit na nakakatakot ang itsura mo mas maganda ka pa sa akin. Saan mo naman nahalungkat ‘yang damit mo?”

“Pahiram sa akin ng asawa ni Mang Rodolfo. Kailangan ko daw mag-disguise para hindi ako maalala.” Patuloy siya sa paghagalpak ng tawa habang sapo ang dibdib. Nagdilim ang mukha ng lalaki. “Sige tumawa ka pa. Magwo-walkout na ako dito.”

“Ito naman. Ang bilis namang magtampo.”

“Hubarin mo na iyan, Calden. Hindi titigil sa katatawa si Patrice hangga’t hindi mo tinatanggal ang wig mo.” Sumunod naman ang binata at saka lang niya nakita ang totoong kaguwapuhan nito. “Matutulog na ako. Ikaw na ang bahala sa anak ko. Tandaan mo na mag-iikot ang nurse matapos ang isang oras.”

“Isang oras?” tanong niya. Hindi ba ito aalis agad?

“Dito muna ako.” Umupo si Calden sa tabi niya at hinawakan ang kamay niya. “Kumusta ka na?”

“Mas mabuti na ang pakiramdam ko,” nakangiti niyang sabi.

Kahit pa siguro nangungumbulsiyon siya sa sakit ay gaganda ang pakiramdam niya kapag dinalaw ni Calden, kahit pa nga mukha itong manang.

Di ito kumbinsido sa sagot niya at hinipo ang noo niya. “Mataas pa rin ang lagnat mo. Pasaway ka kasi.”

“Ano namang gusto mong gawin ko? Umuwi na lang dahil nabasa ako ng ulan? Nandito ka ba para sermunan na naman ako?”

“Dinadalaw kita. Mula nang makita kitang basang-basa, hindi na ako matahimik.” Dumampot ito ng orange mula sa basket sa bedside table at ipinagbalat siya. “Alam ko na kailangan kitang dalawin. Hindi ako makakapagtrabahong mabuti hangga’t di ko alam na okay ka lang.”

“Pero baka may makakita sa iyo. Saka ano na lang ang sasabihin ni Tita Mina kapag nalamang wala ka? Magagalit iyon tiyak.”

Ayaw ni Patrice na magkasira na naman si Calden at ang nanay nito. Kahit pa hindi sila magkasundo ng babae at masama ang trato nito sa kanya, nanay pa rin ito ng lalaking mahal niya. Kahit pagbali-baligtarin pa ang mundo, kapakanan lang din ni Calden ang iniisip nito.

Ngumisi ito. “Kahahatid ko lang kay Mommy sa airport. Papunta siyang Paris. One week siyang mawawala.”

“Umalis siya kahit na lumabas ang isyu ng concert kagabi?” Himala. Di basta-basta iniiwan ni Tita Mina si Calden.

“She won’t miss shopping in Paris. Saka di naman natin kasalanan na nagkasama tayo sa stage kagabi. Coincidence lang na tayo ang unang naidala ng crowd sa stage,” paliwanag ng lalaki at sinubuan siya ng orange.

“Parang tadhana,” usal niya at hinaplos ang pisngi nito. “Hindi lang ako makapaniwala na nagkaharap tayo kagabi. At ngayon nandito ka rin. Bakit kailangan mo nating pahirapan ang sarili natin? Alam mong malabo na tayo.”

Sinapo nito ang kamay niya at kinintalan ng halik. “Dahil mas nahihirapan ko kung lagi kong dadayain ang sarili ko. It is bad enough that I have to pretend. That I have to hide to everyone who’s inside my heart. Pero ikaw ang mahal ko. Kahit sa pagkakataong ito, hayaan mo naman akong iparamdam sa iyo na mahal kita.”

Pumikit siya nang isa-isa nitong halikan ang mga daliri. Ipinapaalala lang ni Calden kung bakit niya ito minahal noon at kung bakit nai-in love na naman siya dito. AT parang ginagawa nitong imposible para sa kanya na kalimutan ito.

“Alam mo naman na di na tayo pwedeng bumalik sa dati,” usal ni Patrice.

“I am not asking you for anything. Di ko hinihiling na bumalik ka sa akin. Parang masyado nang imposible para magkasama tayong dalawa ngayon. But I want to be with you. Kahit ngayon lang. Kahit mabantayan lang kita ngayong may sakit ka. Pwede bang ngayong gabi lang kalimutan mo muna na nasa magkalaban tayong istasyon ngayon o ayaw ng mundo na magkasama tayo? Let’s just be... Calden and Patrice. Tulad dati. Tulad noong masaya pa tayo at walang mga patakaran na kailangang maghiwalay sa atin.”

“Parang ordinaryong tao lang?” tanong niya.

“Yes. Katulad noong ako ang unang pumapakyaw ng pastillas mo.”

Tumango siya. Gusto rin niya iyon. Gusto niyang makasama ang binata. Gusto niya na malaya silang magkasama nang walang gagawa ng isyu sa kanila. Wala silang pakialam sa buong mundo ngayon. Mahalaga lang sa kanila ay magkasama sila.

Nakayukyok si Calden sa kama habang nakatitig lang sa kanya at pinapakinggan ang masasayang experience niya sa mansion pati na rin ang mga bagong natutunan niya sa production. Hindi niya binabanggit dito ang tungkol sa mga manliligaw niya. Hinaplos niya ang buhok ng binata. “Salamat sa pag-aalala mo sa akin kahapon. S-Sorry kung nainis ako sa iyo. Inaalala mo ako pero ikaw naman itong may ibang kasamang date.” At di maiwasang tumirik ang mga mata ng dalaga.

“Hindi ko naman gagawin iyon kundi ko nakitang walang pakialam sa iyo ang mga manliligaw mo. Masyado silang busy sa concert, nakalimutan ka na nila. Nakalimutan nilang ikaw ang pinaka-importante kaya ka nandoon.” Hinaplos nito ang dulo ng ilong niya. “Bago nila unahin ang sarili nila, ikaw muna ang dapat nilang intindihin. Huwag mong sabihin na ikino-consider mo na isa sa kanila ang magiging totoong boyfriend mo?”

“No. Alam mo naman na game lang ang lahat ng iyon. O gusto mong marinig mula sa akin na walang makakatalo sa iyo pagdating sa pag-aalaga sa akin?” aniya at naghahamong tumango dito.

Tumuwid ito ng upo. “Alam ko naman na hindi ako perpektong boyfriend. At some point, I made you feel neglected and unimportant. Pero di kita hahayaang mabasa sa ulan habang nasa nagpapakasaya sa concert. Kahit na ako ang mabasa at magkasakit basta safe ka lang.”

“Pinatunayan mo iyon kagabi.” Hindi na lang niya binanggit na napagalitan ang mga manliligaw niya dahil ipinamukha ni Calden sa lahat kung gaano ka-incompetent ang mga ito pagdating sa babaeng liligawan. Dahil walang makakatalo sa totoong pusong nagmamahal. “Thank you, Calden.”

“Sa jacket? Wala iyon.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.