Chapter WHC: 35

MASAKIT na masakit pa ang mata ni Yngrid nang dumating sa Sweet Surrender. Nakasuot pa siya ng shades dahil masakit ang mata niya dahil sa puyat. Inabutan na yata siya ng pagsikat ng araw bago pa niya magawang dapuan ng antok. Kaya naman nangangalu-mata siya at matamlay.

Heto na naman siya. Apektado na naman siya dahil kay Kenji. Kailan ba siya makakawala sa tanikalang ito? Bakit ba hindi niya ito makalimutan? Wala talaga siyang dala. At dahil sa nalalaman niya, pakiramdam niya ay di niya basta-basta makakalimutan ngayon si Kenji. Involved na rin siya sa sitwasyon nito kahit di naman talaga siya direktang kasangkot, kahit na di nito alam.

Pagpasok niya ay sinalubong agad siya ng bati ng mga staff na sina Frecy at Armie. “Good afternoon, Ma’am!”

“Aftie,” nausal lang niya at napabuntong-hininga. This wasn’t good. Dala-dala niya ang bad mood niya hanggang sa café. Di ito maganda sa negosyo. “Pwede bang humingi ng iced choco o chocolate cake? Kahit anong may chocolate. Kailangan ko ng pampasaya. I feel so down right now.”

“Hindi ninyo kailangan ng chocolate-chocolate na iyan dahil mas matamis pa sa chocolate ang good news namin sa inyo.

"Anong good news?" tanong ni Yngrid. Yeah! Kailangan talaga niya ng good news ngayon. Baka sakaling mabura sa sistema niya si Kenji.

"Tadaaa! Break na sila Margaret Choi at Kenji Matsunaga."

At ipinakita sa kanya ang tablet ni Frecy ang tablet nito. Nakabukas ang internet browser nito sa isang showbiz website na may larawan nina Margaret at ng congressman na ka-date nito. Naroon din ang interview sa isang close friend ni Margaret na nagsabing kinumpirma mismo ng dalaga ang break up ng mga ito.

In-emphasize pa doon ang madamdaming paghahatid ni Margaret kay Kenji sa airport kung saan grabe kung mangunyapit ang dalaga at kulang na lang ay magpasilid sa hand carry baggage ni Kenji huwag lang mahiwalay sa binata. Tapos break na ang mga ito? It was really fishy.

Nasapo niya ang noo. "Oh, no! Heto na nga ba ang sinasabi ko."

Hula niya ay si Glinda iyon, ang kausap ni Margaret kagabi. Malamang ay iyon din ang nagbenta ng pictures at istorya sa reporter. Alam naman siguro ni Margaret na mangyayari ito. After all, ito ang lumabas sa publiko kasama ang inaamag na pulitikong iyon at ito ang nagsiwalat sa tsismosa nitong kaibigan tungkol sa pakikipaghiwalay nito kay Kenji.

Pero paano si Kenji? Mukhang wala talaga itong kaalam-alam sa nangyayari. At mukhang seryoso si Margaret na tapos na ang relasyon ng mga ito.

"May pag-asa na para sa atin,” excited na wika ni Armie at napapalakpak.

"Kawawa naman si Kenji. Ipinagpalit siya sa matandang congressman,” aniya at napabuntong-hininga. Ano na lang ang mararamdaman nito oras na malaman ang masamang balita? Nasa abroad pa mandin ito.

"Maswerte si Kenji. Nakawala siya sa selfish na girlfriend. Kapag ako ang girlfriend niya, hindi ko siya masyadong ipagdadamot sa mga fans,” sabi ni Frecy. “Hindi ako sisingit sa picture. Kita mo si Miss Dreamilyn. Di siya kontrabida sa fans ni Casey Jimenez kaya love na rin siya ng fans ngayon.”

"Hindi ko naman siya ipagpapalit sa ibang lalaki. Lalo na sa isang lalaking parang tatay niya. Mamahalin ko siya habambuhay. Siya lang,” sabi ni Armie at niyakap ang sarili. “Naku! Mahalin lang ako ni Kenji, gagawin ko ang lahat.”

Tinaasan niya ng kilay ang dalawang tauhan. "E kung bumabalik na kaya kayo sa trabaho? Aagawan pa ninyo ako kay Kenji."

Aba! Masyado na siyang maraming naisakripisyo para kay Kenji. Kung may dapat na magwagi sa puso nito ay siya iyon.

Ngumisi si Armie. "All is fair in love and war, Ma’am. Kahit ang aliping saguiguilid ay pwede ring mapansin ng isang tulad ni Kenji Matsunaga."

“Balik na sa trabaho,” utos niya. Patay na oras noon pero may mangilan-ngilan silang customers. Mga isang oras pa ay tiyak na marami silang customer ulit dahil oras na para mag-miryenda.

"Nag-post ang kasamahang model si Kenji sa Instagram. Babalik na daw sila sa Pilipinas sa isang araw. Hinihintay lang daw na bumalik si Kenji na na-stranded sa pictorial niya sa Scotland dahil sa malakas na ulan," sabi ni Frecy.

Babalik na si Kenji sa Pilipinas at ito ang balitang bubungad dito? Oh, no! This was not good.

"Mag-abang kaya tayo sa airport tapos ipakita natin ang suporta sa kanya. Tapos magdala tayo ng plackard. Ano kayang ilalagay ko?" tanong ni Armie.

"I love you, Kenji. Marry me,” sabi ni Frecy at itinaas ang kamay.

"I will be your love slave, Kenji,” wika naman ni Armie na niyakap ang sarili. “Alipin mo ako forever.”

“Shhh!” saway niya sa dalawa. “Ang ingay ninyo. Di ako makaisip ng ilalagay ko sa plackard ko.”

Tumunog ang bell nang bumukas ang pinto ng café. Pumasok si Justine na may dalang kahon ng pizza. “Hello! Good afternoon! Mukhang nagkakatuwaan yata kayo.”

“May nasagap po kasi kaming magandang balita sa internet. Break na sina Kenji Matsunaga at Margaret Choi,” anang si Armie habang hanggang tainga ang ngiti.

“Susunduin po namin siya sa airport sa isang araw. Nag-iisip na kami ng magandang ilagay sa plackard. Basta ako “Will You Marry Me”,” sabi ni Frecy. “Makapagsuot nga ng wedding gown.”

“Ako naman magco-costume na parang genie,” wika naman ni Armie.

“O…kay,” anang si Justine at hinawakan ang siko niya. “Doon muna kami ni Yngrid sa opisina niya. May importante lang kaming pag-uusapan.” At saka siya hinatak ng kaibigan niya papunta sa opisina niya. “Ano iyon? May naglabas ng balita na break na sila Margaret Choi at Kenji Matsunaga?”

“Huwag mo akong tingnan ng ganyan. Wala akong kinalaman diyan,” depensa niya. “Sa palagay ko ang kaibigan na kausap ni Margaret kagabi ang nagbuko sa kanya sa reporter. Baka ibinenta ang pictures at istorya niya. Ang totoo, parang nabunutan ako ng tinik. At least hindi galing sa akin ang impormasyon.”

“Tapos hahayaan mo ang mga tauhan mo na salubungin si Kenji sa airport? Huwag mong sabihing pati ikaw sasama sa pagsalubong sa airport."

Inilahad niya ang mga kamay. "Anong gagawin ko? Wala akong staff. Plano nilang sumalubong sa airport. Sasama na lang ako."

"No. You can show your support on Kenji Matsunaga by staying away from him. Kaya na niya ang sarili niya sa gulong iyan. They have people who will take care of the issue."

Bumuntong-hininga na lang siya. Bakit pa kasi niya sinabi na sasama siya samantalang ayaw na nga nitong madikit pa siya kay Kenji kahit pa sabihing single na ulit ang binata. “Mabuti pa kainin na lang natin ang pizza na dala mo at pag-usapan natin ang tungkol sa Stefan mo.”

“He is not my Stefan!”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.