Madalang siyang makakita ng lalaking umiiyak. At kadalasan ay nadidismaya siya. Ayaw niya sa mga lalaking mahihina. Na isang babae lang ay iiyakan na. Gusto niya ay mga lalaking matatatag. Na hindi umiiyak sa mga pagsubok. Na hindi mag-aaksaya ng luha sa isang babae. Iyon ang tunay na lalaki para sa kanya.
“Real men cry,” narinig niyang sabi ni Dreamilyn sa likuran niya.
Ngayon lang niya naintindihan ang ibig sabihin ng mga salitang iyon. Na ang tunay na lalaki ay hindi nagtatago ng anumang emosyon. Nakita niya ang sensitivity ni Kenji. Na nagawa nitong ipakita ang tunay na nararamdaman nito sa mundo. With other men, baka iisipin niyang gimmick lang ang pag-iyak-iyak nito. Kenji was different. Nakita niya ang vulnerability nito. He was pouring his heart out. He was a man who was really hurting. No pretentions.
It made him more beautiful in her eyes. Dahil ang pag-iyak nito ay nagpapakita na minahal talaga nito si Margaret. He bared his heart for everyone to see. At kahit sino sigurong babae ay maaantig at nanaisin na sana ay siya na lang ang minahal nito.
Tuluyan nang bumigay ang dam ng emosyon niya. "Kenji!" palahaw niya ng iyak at napasugod sa TV. Hinaplos-haplos niya ang mukha ni Kenji na nang iangat ang mga mata ay naka-shades na. "Kenji, tumahan ka na. Tahan na please. Nasasaktan lang ako kapag umiiyak ka. Tahan na."
"Hoy! Mukha kang baliw,” wika ni Dreamilyn.
Wala siyang pakialam sa sasabihin nito. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng buong mundo. Iiyak siya kasama ni Kenji. Masasaktan siya kasama ni Kenji. At hindi niya iaalis ang mukha niyang nakadikit sa TV screen nang mga oras na iyon. Kung pwede lang ay ipasok niya ang sarili sa TV para maramdaman ni Kenji na naroon siya para dito.
“Kahit naman ako naiiyak,” sabi ni Justine at narinig niyang suminghot sa likuran niya. “Tingnan mo naman si Kenji. Saan ka naman nakakita ng ganyang lalaki na iiyakan ang babaeng mahal niya on national TV. Akala ko nga kapag umiyak ang isang lalaki sa isang babae ay mahina siya. Pero tingnan mo si Kenji Matsunaga. He looks so vulnerable. Gusto ko siyang yakapin at i-comfort.”
Matalim niyang tiningnan ang kaibigan. “Akin lang si Kenji! Ako lang ang yayakap sa kanya! Magkakaaway tayo!”
Itinaas ni Justine ang mga kamay na animo’y sumusuko. “Oo na. Hindi ko na iha-hug si Kenji. Sa iyo na.”
Bumaling siyang muli sa TV at nagpatuloy sa pag-e-emote. "Kenjiiiiii! Walang karapatan ang Margaret na iyan na saktan ka. Kakalbuhin ko siya!”
“Tutulungan kita,” sabi ni Justine at ngumisi.
“Tigilan ninyo ang masasamang iniisip ninyo,” saway ni Dreamilyn. “Walang buting maidudulot iyan. Hindi kayo makakatulong kay Kenji.”
“Opo, Mother Superior. Sorry po,” wika ni Justine.
“Yngrid, ayusin mo ang sarili mo,” utos naman ng istriktang kaibigan sa kanya. “Itsura mo nga, Yngrid. Parang nilayasan ka ng asawa mo at iniwanan ka ng sampung anak. Kapag nakita ka ni Kenji ngayon matatakot sa itsura mo.”
Pinahid niya ang luha at hinaplos ang buhok. “T-Teka. Magre-retouch ako. Tapos pupuntahan ko si Kenji.” Twenty minutes lang ang layo ng TV station sa kanila. Sa palagay niya ay maaabutan niya si Kenji kung mabilis siya.
Namaywang si Dreamilyn. “Ano naman ang gagawin mo kapag nagkita kayo?"
"Iko-comfort ko siya. Iha-hug ko. Ganoon."
"Malamang marami nang ibang magko-comfort sa kanya,” wika ni Justine. “At malamang naunahan ka na nila.”
"Panira ka ng ilusyon,” angil niya sa kaibigan.
"Ganoon naman talaga. Anong magagawa mo? Hindi lang ikaw ang babaeng gustong pawiin ang sakit na nararamdaman niya ngayon. So bago ka pa makalapit sa kanya, mahaba na ang pila."
“Sige. Susugurin ko na lang si Margaret Choi at kakalbuhin. Siya na nga ang minahal ni Kenji tapos nagawa pa niyang saktan.” Gigil na gigil talaga siya. Gusto niyang mailabas ang emosyon niya. Gusto niyang may magawa para kay Kenji.
“At feeling mo mamahalin ka ni Kenji oras na saktan mo ang babaeng mahal niya?” tanong ni Dreamilyn na tumatagos ang matiim na tingin sa salamin nito.
Bumagsak ang balikat ni Yngrid at umupo sa sofa. "Anong gagawin ko?"
Siyempre ayaw naman niyang magalit sa kanya si Kenji. Pero anong magagawa niya para dito?
"Ayusin mo ang sarili mo at bumalik ka sa cafe. Marami ka pang trabaho. Aba! Di ka pwedeng magpaapekto sa isang isyu na wala kang kinalaman,” sermon ni Dreamilyn sa kanya.
"Importante sa akin si Kenji,” katwiran naman niya. “Pakiramdam ko wala akong silbi sa kanya.”
“Anong message mo sa mga suporter mo?” tanong ni Amonda kay Kenji.
Wala nang shades si Kenji nang muling ipakita sa screen. Hindi na ito umiiyak subalit kitang-kita na galing ito sa pag-iyak. “Thank you for your support. For your texts, messages, kind words… everything. You don’t know how much it means to me,” sagot ni Kenji.
Kinalabit siya ni Justine. “O! Thank you daw.”
Natigilan siya at lumingon ulit sa TV. “Oo. Ako iyon.” Kahit isa lang siya sa maraming iyon, nakakataba ng puso na pinasalamatan siya ni Kenji.
“Alam ko na hindi ako nakakapag-reply sa mga message ninyo. Nababasa ko ang lahat ng iyon. I appreciate it. Kayo ang dahilan kaya nagsisikap akong maka-recover. That’s why I want to be a better person after this. Salamat dahil hindi ninyo ako iniiwan,” anang si Kenji at tipid na ngumiti. “I also know that God won’t leave me. Sa Kanya at sa mga taong nagmamahal sa akin lang ako kumukuha ng lakas.”
“I also won’t leave you, Kenji,” usal niya.
“See? Di mo naman na siya kailangang sugurin. Naa-appreciate naman niya ang message mo sa kanya,” sabi ni Dreamilyn. “Okay na iyon. Napapasaya mo siya sa sarili mong paraan. Di mo kailangang kalbuhin ang ex-girlfriend niya o yakap-yakapin mo siya habang umiiyak.”
“E sa dami ng nagko-comment kay Kenji, paano naman mapapansin ang ganda ng friend natin?” tanong ni Justine at inilahad ang palad sa baba niya.
“Ipakita mo kung saan ka magaling. Igawa mo siya ng mga concoction mo sa café na para sa kanya lang at i-send mo sa Twitter or Instagram. Siguro naman mapapansin ka niya kung ginawa mo iyon para sa kanya. Then imbitahan mo sa café mo,” sabi ni Dreamilyn.
Napanganga siya. “Iimbitahan si Kenji sa café ko? Okay lang sa iyo?”
Tumango ito. “Oo naman. I guess a subtle move like that will work. At siya pa mismo ang lalapit sa iyo.”
Bigla niyang niyakap ang kaibigan. “Thank you!” Suportado din pala siya nito sa love life niya. Akala niya ay forever kontrabida ito. “Ano ang mas masarap ipadala sa brokenhearted – hot chocolate o black forest frappe?”