HINDI maiwasan ni Lana ang hindi maapektuhan sa inasal na iyon ng kaibigan niya. Aware naman siya sa feelings nito para sa kanya. Pero hindi niya inasahan ang nakita niyang sakit na gumuhit sa mga mata nito kaninang tinitigan siya ni Marius.
"May problema ka ba hija?" si Mama Cecille nang daluhan siya nito sa mesa kung saan siya tahimik na nagkakape.
Napabuntong hininga si Lana saka tinipunan ng sulyap ang tiyahin. Pagkatapos ay itinaas ang mug ng kape saka humigop doon bago nagsalita. "Naguguluhan kasi ako Mama" aniyang nagbaba ng tingin para itago ang pamumuo ng kanyang mga luha.
"Saan? Naguguluhan ka saan?"
Napasinghot si Lana saka pinagsikapang kontrolin ang sariling emosyon. Alam niyang hindi makakatulong ang pagiging emosyonal niya sa ganitong mga pagkakataon. "Nandito kasi si Marius kanina. Tulog pa kayo kaya hindi na ninyo nakita" aniyang muling humigop ng kape.
Tumango-tango ang tiyahin niya. "Umalis rin kaagad?"
Sa tanong na iyon naramdaman ni Lana ang tila patalim na gumuhit sa kanyang dibdib. "Nasasaktan ko siya, M-Mama" at muling nabasag ang tinig ng dalaga.
Naramdaman ni Lana ang muling pag-iinit ng kanyang mga mata. Pero hangga't maaari hindi niya gustong umiyak. Kaya naman muli ay inayos niya ang sarili at nagtagumpay naman siya doon.
"Alam naman nating pareho na matagal nang may pagtingin sa iyo ang kaibigan mong iyon hindi ba? At maging siya hindi naubusan ng kahit anong paraan para iparamdam at patunayan iyon sa iyon. Sa napakaraming pagkakataon siya ang kasama mo" ang tiyahin niyang sinimulan narin ang pagtitimpla ng kape nito.
"A-Ano pong ibig ninyong sabihin Mama?" ang naguguluhang tanong ni Lana.
"Hindi mo ba napaghandaan ang tungkol dito?" ang sa halip ay tanong-sagot sa kaniya ng tiyahin.
"H-Hindi ko po inasahang magkikita pa ulit kami ni Andrew" pag-amin niya saka tila humihingi ng saklolong sinalubong ang mga titig ng Mama Cecille niya.
Nakakaunawang ngiti ang pumunit sa mga labi ng tiyahin niya. "Bakit anak, kailangan mo na bang mamili?"
"A-Ayoko pong mamili, Ma" totoo iyon.
Ayaw niyang mamili dahil totoong napakahalaga ni Marius sa buhay niya. Higit pa sa isang kaibigan ang turing niya rito. Dahil para sa kanya, he will always be the brother she never had. Pero si Andrew, alam naman niya noon pa man kung ano ang feelings niya para rito. At ayaw na niyang bigyan ng masyadong focus ang tungkol doon dahil iyon ang nakikita niyang posibleng maging dahilan ng paglalim pa ng nararamdaman niya para rito, at hindi niya gusto ang ideya na iyon.
Mas may edad na siya ngayon kaya tama lang na mas matured na ang mga desisyon niya sa buhay. Dahil higit kanino man, si Andrea ang kailangan niyang unahin. Ang lahat ng makabubuti para rito ang dapat na piliin niya, ang dahilan ng lahat ng alinlangan niya. At ang sarili niyang kaligayahan, hangga't kaya niya, isasakripisyo niya.
"Pero minsan anak dumarating sa buhay natin ang ganoon, kahit hindi natin gusto" ang makahulugang paliwanag ng Mama Cecille niya.
Mapait ang ngiting pumunit sa mga labi ni Lana. "Hindi ko na nga po alam ang iisipin ko Mama. Naawa kasi ako sa kanya kanina, nasaktan ako para sa kanya. Kasi ang totoo hindi ako sanay na nakikita siyang ganoon. Kapag kasama ko siya palagi siyang masaya. Pero kanina iyong nakita kong sakit sa mga mata niya," sandaling natigilan si Lana saka nagpakawala ng mabigat na buntong hininga. "feeling ko ang sama-sama ko kasi sinaktan ko ang nag-iisang lalaking nanindigan sa akin simula pagkabata" totoo iyon.
"Huwag mong sabihin iyan hija, dahil si Andrew, kung nagkataon na hindi mo itinago sa kaniya ang anak mo, nakikita kong paninindigan ka niya" nasa tono ni Mama Cecille ang katiyakan.
Hindi na nagsalita si Lana sa sinabing iyon ng tiyahin niya dahil tama naman ito. Pero hindi parin talaga niya mapigilan ang makaramdam ng matinding guilt dahil kay Marius. At natatakot siya sa kaisipang baka hindi na ito muling magpakita sa kaniya.
"GOING somewhere, kuya?" si Sam nang madaanan nito ang bukas niyang silid.
Malapad ang ngiting pumunit sa mga labi ni Andrew. "Magsisimba kasama ang mag-ina ko," ang maikli niyang sagot saka nag-spray ng cologne. "ano sa tingin mo?" dugtong niyang tanong na ang tinutukoy ay ang simpleng white polo shirt at maong pants na suot niya.
Nagkibit ng balikat niya si Sam. "Mukha kang tatay," anitong sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Noon nangislap ang mga mata ni Andrew. "Talaga?" masigla nitong tanong.
"Seryoso? Okay lang sa'yo kahit sinabi kong mukha kang tatay?" ang kapatid niyang natatawa bagaman salubong ang dalawang kilay.
Nagkibit siya ng mga balikat. "Eh talaga namang tatay na ako di ba?" hindi parin nagbabago ang tono ng boses niya.
Naiiling siya nginitian ng kapatid saka nilapitan. "Masaya ako na nakikita kang ganiyan, kuya" anito sa kanya.
"Salamat" aniya inakbayan ito saka hinalikan sa noo. "sundate kasama ang mag-ina ko" aniyang pinakawalan si Sam saka dinampot ang susi ng sasakyan sa ibabaw ng console table.
"Sundate huh" ang kapatid niyang amuse siyang sinundan palabas ng kaniyang kwarto.
Nilingon niya ito saka nginitian. "I'll go ahead. Sa condo ako uuwi mamaya, may mga tatapusin lang akong trabaho."
"Okay, iyong idea ko pag-isipan mo" pahabol ni Sam na ang tinutukoy ay ang plano ng kapatid niyang paglalagay narin ng ice cream sa kanilang menu.
"Sige, itatanong ko kay Andrea" aniyang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa bago pinatakbo palayo ang sasakyan.
Bakit nga hindi, anak niya ito at gusto niyang magkaroon ito ng part sa lahat ng desisyon na gagawin niya sa buhay niya. Kasama narin doon ang ideya ng ina nito, si Lana.
"DADDY!" ang masiglang bati ni Andrea sa ama nitong ngayon ay nakatayo sa may entrada ng bahay.
"Hey," si Andrew na kinarga ang anak saka hinalikan sa magkabilang pisngi. "you look so pretty, sinong nag-braid ng hair mo?" ang malambing nitong tanong sa anak.
"Si Mommy! Tingnan mo same kami!" si Andrea na itinuro siyang tahimik pero nakangiting pinanonood ang mga ito.
Noon siya humahangang pinakatitigan ni Andrew, dahilan kaya nagsimula na namang kumabog ang dibdib niya. "Oo nga, lalong gumanda si Mommy" anitong pilyo siyang nginitian saka ibinalik kay Andrea ang paningin. "nakaka-in love siya, she look young and vibrant" dugtong pa nitong muli siyang sinulyapan saka walang anumang salitang kinindatan.
Agad na napasinghap si Lana sa pagkabigla. Kasabay noon ay ang matinding pag-iinit ng mukha niya. Magbubuka sana siya ng bibig para magsalita pero noon naman tamang lumabas ng kwarto nito ang Mama Cecille niya.
"Mga anak hindi na muna ako sasama, sumasakit ang rayuma ko. Ipapahinga ko na muna" anitong naupo sa mahabang sofa saka itinaas ang kaliwang paa sa center table.
"H-Ho? O-Okay ka lang ba Ma? Gusto mo dalhin na kita sa ospital?" ang magkakasunod na tanong ni Lana.
Noon iwinasiwas ni Mama Cecille ang isang kamay bago nagsalita. "Huwag kang mag-alala, uminom na ako ng gamot at ipapahinga ko lang ito . Hindi na kailangan ng ospital. Sige na lumakad ng kayo" pagtataboy nito sa kanila saka dinampot ang remote ng TV.
"Sure ka Ma?" paniniyak ni Lana saka wala sa loob na sinulyapan si Andrew na napag-alaman niyang sa kanya rin nakatingin.
Tumango si Mama Cecille. "Sige na" anitong kinawayan ang apo na nagpababa naman sa ama nito at saka mahigpit na yumakap at humalik sa lola.
"See you later Lola, I'll buy you pasalubong" pangako pa ni Andrea kay Mama Cecille.
Humalik at yumakap rin ang Mama Cecile niya kay Andrea. "Sige, mag-enjoy ka apo kasama ang Daddy mo" anitong sinulyapan si Andrew. "ikaw na ang bahala sa kanila" pagpapatuloy ng tiyahin niya na ngayon ay sa binata naman nakatingin.
"Makakaasa po kayo, ma'am" si Andrew.
"Tawagin mo akong Mama Cecille hijo, kung paano ako tinatawag nitong si Lana" anito kay Andrew sa karaniwan na nitong mabait na tono.
Noon walang anumang napadako kay Andrew ang paningin ni Lana. At kitang-kita niya ang mabilis na pagkislap ng matinding kaligayahan sa mga mata nito dahil sa sinabing iyon ng tiyahin niya. Hindi rin niya maintindihan kung bakit parang may kung anong mainit na haplos ng damdamin ang naramdaman niya dahil doon, dahilan kaya matamis siyang napangiti.
"Sana Daddy palagi nating gagawin ito every Sunday!" si Andrea nang nasa loob na sila ng kulay puting Land Cruiser ni Andrew.
Maganda ang ngiting nilingon muna siya ni Andrew bago ang anak nilang nasa back seat. "Oo naman anak" anito.
"Yehey! Saka mas maganda Daddy kapag si Mommy nakaupo sa tabi mo, tapos ikaw ang nagda-drive, tapos dito ako sa likuran ninyo!" ang magkakasunod na winika ng bata sa tonong masayang-masaya.
Tumawa ng mahina si Andrew saka muling nagsalita. "Mag-seatbelt ka, sweetheart" anito kay Andrea.
"Done" ang bata na ngiting-ngiti.
TInanguan lang ni Andrew ang bata. Mukhang naubusan na ito ng isasagot sa anak nila kaya ganoon nalang ang ginawa nito. Dahil sa kaisipang iyon ay kusang napangiti si Lana na sa huli ay natawa rin ng mahina. Narinig iyon ni Andrew na nagtatanong ang mga mata siyang tinitigan.
"W-Wala, masaya lang akong makita na magkasundo kayo ni Andrea" aniya.
Tumango-tango si Andrew. "By the way, iyong sinabi ko kanina, totoo iyon" anito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Lana. "Alin?"
"Iyong sinabi kong bagay sa iyon ang naka-tirintas. You look young and vibrant" anitong muli na naman siyang kinindatan.
Kinikilig na napangiti ang dalaga.
"You're blushing again" si Andrew sa tono na siya lang ang makaririnig.
"Tumigil kana kasi, kanina ka pa" aniyang hindi naitago ang kilig kaya muli na naman siyang napangiti.
"Okay, pero may gusto pa akong sabihin sa'yo" ang binata.
"What?" si Lana na tinitigan ang magagandang mata ng lalaki.
"Thank you for taking your rightful place here," ang tinutukoy ni Andrew ay ang minamaneho nitong sasakyan.
Natigilan doon si Lana. "S-Salamat din" ang naisip niyang isagot nalang sa kalaunan.