MALALIM na ang gabi nang maihatid siya ni Andrew sa bahay nila kaya naman hindi na nila inabutang gising si Andrea habang si Mama Cecille naman ay nasa sala at nanonood ng TV, halatang hinihintay siya.
"Bakit ginabi ka yata ng uwi?" ang tiyahin niyang tumayo at alam niyang sa kusina ang tuloy.
Nakangiting nilingon ni Lana si Andrew saka masaya ang bukas ng mukhang ipinakita sa tiyahin ang suot niyang diamond engagement ring.
"May pa-singsing si mayor eh," aniyang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Maganda ang ngiting pumunit sa mga labi ni Mama Cecille.
"Masaya ako para sa inyong dalawa. Halina kayo at ng makakain na," anitong nagpatiuna na sa paglabas ng kusina.
"May petsa na ba ang kasal ninyo?" si Mama Cecille matapos silang ipaghain ng hapunan ay naupo habang umiinom ng mainit na gatas.
"Sa ngayon Mama wala pa po. Pag-uusapan pa lang namin ang lahat ng detalye," sagot ni Lana na sinimulang lagyan ng kanin ang plato ni Andrew.
"Pero sa lalong madaling panahon sana kung ako ang tatanungin ninyo," noon nakita ni Lana sa mga mata ni Andrew ang kakaibang damdamin na hindi niya maipaliwanag. Pero iba ang naging haplos niyon sa puso ng dalaga. "gusto ko nang iuwi sa bahay ang mag-ina ko. Kasama po kayo Mama."
Naramdaman ni Lana ang katapatan sa sinabing iyon ni Andrew kaya naman mabilis na nag-init ang kaniyang mga mata. Pero gaano man katindi ang paghahangad niyang pakawalan ang mga luhang iyon ay nagpigil pa rin ang dalaga. Hindi niya gustong sirain ang magandang araw nang dahil lamang sa pagiging iyakin niya.
Sa huling naisip ay hindi lihim pang pinagtawanan ni Lana ang kanyang sarili.
"B-Bahay?" ang hindi makapaniwalang tanong-sagot ni Mama Cecille.
"Naalala mo ba iyong dati nating bahay Mama?" si Lana na hindi parin maka move on sa sinabi kanina ni Andrew.
Nagsalubong ang mga kilay ng kaniyang tiyahin saka siya pinakatitigan. "Hindi ba ibinenta na natin iyon?" anito.
Tumawa ng mahina ang dalaga saka nilingon si Andrew na maganang kumakain ng pritong galunggong, talong at talbos ng kamote habang katulad niya ay naka-kamay rin.
"Si Andrew na po ang may-ari ng bahay na iyon ngayon," sagot ni Lana.
"Ano? Paano nangyari iyon?" nasa tono ni Mama Cecille ang kalituhan.
Noon pahapyaw na ikinuwento ni Lana sa tiyahin ang lahat.
"Eh kung sakali, paano itong bahay na ito?" ang tiyahin ulit ni Lana.
Nagkibit ng balikat ang dalaga. "Pwede naman po tayong kumuha ng caretaker. Or ibenta natin. Kayo po ano sa tingin ninyo?" tanong ni Lana.
"Aba eh kung ako ang tatanungin mo hindi ko gustong ibenta ang bahay na ito. Marami itong magagandang alaala kasama ang apo ko," katwiran ni Mama Cecille na matamis pang ngumiti.
Tumango-tango si Lana. "Sige Mama, ganoon nalang. Matulog na kayo, ako na po ang bahala dito," aniya nang makitang naghikab na ang tiyahin.
Noon tumayo si Mama Cecille saka inilagay sa lababo ang baso na pinag-inuman nito ng gatas.
"Dito ka na magpalipas ng gabi kung gusto mo hijo. Malaki naman iyong kama ng anak mo, tabihan mo nalang siya doon," bilin pa nito bago tuluyang lumabas ng kusina.
"GUSTO mo ba ng kape?" nang matapos ni Lana ang pagliligpit ng pinagkainan nila.
"Okay lang," sagot ni Andrew na nanatiling pinanonood lang siya.
Sinimulan ng dalaga ang pagtitimpla ng kape. Pagkatapos ay nagtuloy sila sala.
"Come here," ang binatang tinapik ang bahagi ng upuan sa tabi nito.
Nang mailapag ang tasa ng kape sa center table ay saka naupo sa tabi ni Andrew si Lana. Inakbayan siya ng binata kaya naman awtomatiko niyang inihilig ang kaniyang ulo sa balikat ng binata.
Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan at si Lana ang bumasag sa katahimikang iyon.
"Gusto mo ba ng pamalit? Kahit t-shirt lang?" tanong niya sabay lingon sa binata.
"Sure, oo nga pala Sabado bukas, baka gusto mong sumama sa bahay para makilala na ni Andrea si Sam?" bago siya tumayo ay iyon ang itinanong ni Andrew.
"After siguro ng ballet class ng anak mo pwede," nang makabalik ay inabot ni Lana sa binata ang oversized shirt niya.
Ngumiti si Andrew. "Sige susunduin ko nalang kayo dito sa bahay?"
Tumango-tango sa Lana.
"Tulog na tayo?" aniyang naghikab pa pagkatapos.
Tumawa ng mahina si Andrew. "Sorry kung pinagod kita ng husto kanina ah," ang binatang hinalikan ang kaniyang buhok.
"Sira ka talaga!" aniyang hinampas ng mahina ang hita ng binata.
Lalong lumapad ang pagkakangiti ni Andrew sa ginawi niyang iyon. "Hindi ko matiis sa totoo lang. To tell you the truth alam mo naman ang ugali ko bago ikaw hindi ba? Kailangan kong aminin iyon sa iyo bilang babaeng pakakasalan ko at ang magiging ina ng lahat ng magiging anak ko pa," ang madamdaming hayag ng binata na hinawakan ang kamay niya saka hinalikan.
"Aminin ang ano?" lumakas ang tahip ng dibdib ni Lana dahil doon.
"Listen, aminado akong noon babaero ako. Siguro kung aaminin ko lang sa iba ang totoong ako bago itong muli nating pagkikita, mabilis pa sa alas singko, malalaos ako. Kasi kabaligtaran ako ng lalaking iniisip nilang ako," ang pag-amin ng binata.
Nang hindi magsalita si Lana ay nagpatuloy si Andrew.
"Tinatanong mo sa akin si Patricia hindi ba? Oo may nangyayari sa amin noon. Pero wala kaming relasyon kasi para sa kaniya mas masayang magtrabaho kung may kasamang pleasure. At dahil nga ganoon pa ako noon, tinanggap ko ang alok niya."
Tahimik lang na nakinig ang dalaga at kahit hindi niya aminin, alam niya sa kalooban niya mismo na naaapektuhan siya sa lahat ng sinasabi ni Andrew kahit sabihin wala pa siya sa buhay nito nang mangyari ang lahat ng iyon.
"Pero nagbago ang lahat mula nung nagkita ulit tayo, nung nakita ko kayo ni Andrea," wika ni Andrew.
"Nagbago?" sa kabila ng pagpipigil ni Lana na magsalita, hindi niya napigilan.
Tumango si Andrew saka banayad na hinaplos ang kaniyang pisngi. "Ngayon ko lang nakita ang totoong kaligayahan. Kasama ka at si Andrea, alam ko kayo lang ang kailangan ko para magkaroon ako ng dahilan na magsumikap at magpatuloy sa buhay."
Nag-init ang mga mata ni Lana sa narinig.
"Oh Andrew," aniyang umiiyak na yumakap dito.
"I am trying to be the best man that I can be, para sa iyo at kay Andrea, kasi gusto kong madala ang pamilya natin ng mas maayos, kasi gusto kong makita mo na sa kabila ng lahat, worth it parin ako," ang makahulugang sabi ni Andrew.