Chapter 11

NAISIP ni Venus na kung sakaling may makasama siya habang nasa paligid si Artemis ay mapipigilan niya ang sariling gumawa ng kasalanan sa Diyos. Pero mali yata ang naisip niya dahil baka mas malaki pang kasalanan ang magawa niya dahil sa dalawang ito. Nagsama kasi ang dalawang hudas sa pang-aasar sa kanya. Wala pang isang oras na nagkakasama ang dalawa ay tila mag-best friend na ang mga ito.

At siya naman ay inis na inis. Kung pagtulungan siya ng mga ito ay parang wala ng bukas. Mabuti na lamang at inambunan siya ngayon ng Diyos ng pasensya dahil kung hindi, malamang ay kanina pa dumadanak ang dugo sa kamay niya.

“Tito Derrick,” Tito Derrick na ang tawag nito sa lalaki dahil gusto daw nitong maging Tito ito hindi para sa kanya kundi sa bunsong kapatid niyang si Athena. Maganda daw kasi ang bunsong kapatid niya samantalang siya ay hindi. “Ano ba ang nakita mo kay Tita Panget at pinuntahan mo pa siya sa unit niya? Hindi ka ba nasusuka sa mukha niya at naisipan mo pang pumunta sa dirty house niya?”

Natawa naman sa kaartehan ng pamangkin niya si Derrick. Hinimas-himas nito ang ulo ng bata na parang aso. “Ikaw talaga, puro pamumula ang alam mo sa tita mo. May itsura naman siya, ah.” Sabi nito saka tumingin sa kanya.

Inungusan ito ni Artemis. “Maganda? `Yang mukhang `yan? Eh kahit nga ugali niyan nakaka-yuck na!”

“`Oy, Artemis, sumusobra ka na, ha! Baka gusto mong ipakain kita sa tiger dito.” Banta niya kay Artemis.

“May itsura siyang pangit,” dugtong naman ni Derrick at tumawa.

Tumawa din naman si Artemis sa sinabi ni Derrick. Siya naman ay parang gusto ng ilublob sa bahay ng hippopotamus ang dalawang ito.

“Kung alam ko lang na ganito pala ang kahihinatnan ko sa piling niyo, sana’y ikinulong ko na lang sa banyo si Artemis buong maghapon.”

Tinawananan lamang siya ni Derrick saka binuhat ang bata. Kung kanina ay parang mag-bestfriend na bata at matanda ang itsura ng mga ito, ngayon naman ay mukhang mag-ama na ang mga ito. Mukha namang natuwa ang bata sa ginawa ni Derrick dito dahil hanggang sa masilip nila lahat ng hayop sa zoo ay hindi pa rin ito nagpapababa sa lalaki.

Habang naglalakad sila kanina ay kung anu-ano ang pumapasok sa isipan niya. Sa anyo kasi ni Derrick habang hawak-hawak ang pamangkin niya’y tila magiging mabuti itong ama. Magiliw ito sa bata at mahaba ang pasensya. Hindi kagaya niyang ilang kulit lang ay nagwawala na. Naiisip niyang kapag nagkaanak kaya ito, ganoon din ito magiging kabait at kalambing? Magiging sweet din kaya ito sa misis nito? At ang isang tanong na pinipilit niyang inaalis pero pilit pa ring bumabalik sa isipan niya ay kung magiging maganda kaya kung siya ang magiging asawa nito at magiging ina ng anak nito?

Alam niyang kabaliwan ang naisip niyang iyon. Pero ewan niya ba sa sira niyang isip kung bakit iyon naisip. Kung anu-ano ang iniisip niya eh isang laruan at kabangayan lang naman ang tingin nito sa kanya. Gusto nga siya nitong makasama at maka-date pero hindi naman ang dahilan noon ay dahil gusto siya nito, iyon ay dahil gusto lang nito ng makakaasaran. At siya ang perpektong makakasama nito para doon.

Aminado siya sa sarili niya na na-miss niya si Derrick. Matapos ng tagpo kung kailan siya nito sinamahang magpunta sa wedding shop, kumain sa lunch at halikan sa labas ng unit nila’y hindi na sila muling nagkita pa. Ngayon na lamang muli sila nagkita sa personal. Kahit na ba tinatawagan siya nito araw-araw at taray naman ang ibinibigay niya dito ay may ibayo pa ring saya ang dala nito. Ibig sabihin ay naalala siya nito. At natutuwa siya sa kaisipang naalala siya nito kahit na ba malaki ang galit niya dito.

Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Malaki ang atraso nito sa kanya pero tila nawawala lahat ng galit niya nang halikan siya nito sa labas ng unit niya. Ganoon ba talaga ang epekto ng unang halik? Nang dahil lang sa halik ay tila naglaho na ng parang bula ang lahat ng galit niya dito? O iyon ay dahil sa katotohanang kahit nasaktan siya nito noon ay may natitira pa ring pagmamahal sa puso niya para dito? At ang pagmamahal na iyon ang nagbura ng galit na naramdaman niya para dito?

Masyado siyang nasaktan sa mga nangyari noon. Kahit isang linggo lamang silang nagsama ay naging malaking bahagi na ito ng buhay niya. Ito ang unang lalaking minahal niya. At hindi niya matanggap na ang taong akala niya’y may pagtingin na rin sa kanya ay lolokohin pa din siya. At kahit na sinabi nitong wala itong alam sa mga nangyari ay naging bulag na siya sa mga paliwanag nito. Pinagkatiwalaan niya sa diary niya, nakipag-date ng isang linggo kasama ito at hinayaang mahulog ang loob niya dito pero nauwi rin sa wala ang lahat ng iyon. Masakit iyon para sa kanya. Lalo na’t unang beses niyang nasaktan dahil sa pag-ibig.

“O, mukhang malalalim yata ang iniisip mo?” untag sa kanya ni Derrick nang mapansin nitong tila nawala siya sa sarili niya.

“Wala ito. May mga bagay lang na biglang pumasok sa isip ko.”

“At ano naman iyon?” curious na tanong nito.

Ikaw, ang nakaraan natin at ang maari nating hinaharap. Nais sana niyang sabihin pero pilit na lang niyang binalewala ang tanong nito sa pagsasalita ng “wala”. Hindi na ito muli pang nagtanong at itinuon na lang kay Artemis at sa nalalapit nilang tanghalian.

“TITO Derrick, ikuwento mo nga po sa akin kung paano kayo nagkakilala ni Tita Panget?” tanong ni Artemis habang nakain sila sa Jollibee. Dito kasi nagyaya ang bata matapos nilang magliwaliw sa Manila Zoo.

“Nagkakilala kami sa university noong college. Magka-schoolmate kami.”

“Ah… Tapos?”

“Tapos nag-date kami ng isang linggo.”

Hindi makapaniwala naman ang tingin na ibinigay sa kanya ng bata. “Ano?! Nag-date kayo ni Tita Panget? Nagustuhan mo ang Tita Panget ko kahit mukha siyang alien noong unang panahon?!”

“Malapit na talaga kitang paluing bata ka,” banta dito ni Venus.

“I’m saying the truth, okay? Daddy said, liars go to hell.” Malditang wika naman ni Artemis. “I saw your picture when you were in college and you looked like an alien. You have an eyeglass and you were wearing a long skirt! So baduy!” pinaikot pa nito ang mata.

“Kaunti na lang talaga at ihuhulog ko na ito sa Ilog Pasig.” Narinig niyang sabi ni Venus sa mahinang tinig. Hindi naman iyon umabot sa pandinig ng bata.

Bumaling sa kanya ang bata. “Pero tito, paano kayo nag-date ni Tita? Ano ang ginawa niyo nang nag-date kayo?”

Mukhang curious na curious ang bata tungkol sa nakaraan nila ni Venus. Unti-unting nag-sink-in sa utak niya ang nangyari sa isang linggong date nila ni Venus. Napangiti naman siya. “Bl-in-ackmail ko kasi ang tita mo na makipag-date sa akin ng isang linggo.”

“Bl-in-ackmail? Pa-hard-to-get pa si Tita?”

Tumawa siya. Natutuwa siya’t kahit 6 years old pa lamang si Artemis ay napaka-witty na nito. Ang dami nitong alam sa mga bagay na ganoon. Ang sabi ni Venus kanina ay masyado daw kasi itong napalapit sa kapatid nitong si Athena na maarte at maldita din. Kaya siguro kung anu-ano ang ipinasok ng kapatid nito sa bata. “Oo. Lalo na noong unang date namin. Sinasabi niyang naiinis siya sa akin pero kitang-kita ko naman sa mata niya habang nakain na nagaguwapuhan siya sa akin.”

“Ah! Pakipot pa si Tita! Ang arte!” komento ng bata. “But how about your 2nd date?”

“On our second date, we went to a park. Kumain kami ng ice cream habang naglalakad. Dito ko na-discover na masarap pala siyang kasama at kausap.”

The girl rolled her eyes and looked at her aunt. “Akalain mo, may tao palang nasasarapang kasama ka?”

“Siyempre naman. Ikaw lang naman ang hindi trip na kasama ako. And the feeling is mutual.”

Hindi niya pinansin ang dalawa at itinuloy ang pagkukuwento. “The very first time I held her hand was on our 3rd date. And when I did it, I thought the world stops from revolving. Her hand is so soft and warm. Pakiramdam ko noon, ako na ang pinakamasuwerteng lalaki sa mundo dahil ako ang unang nakahawak ng kamay niya. Pag-uwi ko ng bahay, pigil ko ang paghuhugas ng kamay ko dahil sa nangyari. And on the 4th, it was the very time I hugged her. Para siyang teddy bear na masarap yakapin. At ang bango-bango niya. At katulad ng sabi sa pelikulang twilight, “her scent is like a drug to me”. Nang mga sumunod na araw ay kung saan-saan pa kami nag-date. We held hands and hugged each other like we are a real couple.”

“Tito, ikaw pa ba `yan? Ang corny mo pala,” komento nmana ng bata.

Natawa na lamang siya. Maybe that sounds corny but it is true. Ganoong-ganoon talaga ang nararamdaman niya noon.

“Derrick, puwede ba, `wag kang magsalita ng mga kasinungalingan sa bata!”

“Totoo iyon!” giit niya.

“Sabihin mo `yan sa lelang mong panot at baka maniwala pa siya sa `yo.”

Bumuntong-hininga siya. He was hurt. Bakit ba ayaw nitong maniwala sa kanya? Hindi ba nito alam na nasasaktan siya kapag hindi ito naniniwala sa kanya? Ages ago, he was hurt too because she didn’t believed in what he had said. Pero tiniis niya iyon dahil mahal niya ito. Ngunit balewala lamang pala ang pagtitiis niya dahil hindi pa rin ito naniwala sa kanya hanggang sa huli. “Okay, kung ayaw mong maniwala, `di `wag. Hindi na kita pipilitin. Kahit ano namang paliwanag ko, hindi ka makikinig sa akin.”

“THANK you for the day, Tita. Nag-enjoy ako sa araw na ito kahit na kasama kita.” Wika sa kanya ni Artemis nang makapasok sila sa loob ng unit niya.

“`Wag mo na akong bolahin, okay? Alam kong hindi ka nag-enjoy kasi kasama mo ako,”

“Ikaw talaga, Tita. Kaya lang naman ako naiinis sa `yo kasi hindi ka mahilig sa kids. Palagi mo akong tinatakwil noon saka hindi binibigyan ng gift kahit maarte ako. Pero kahit ganoon, alam mo bang love kita? Ang mga Christmas card na natatanggap mo every Christmas, sa akin galing `yon. Iyong mga walang name.”

Nagulat at na-touch naman siya sa sinabi ng bata sa kanya. Totoong may mga Christmas cards na dumadating sa kanya tuwing pasko pero hindi niya alam na sa bata pala galing iyon. Ang alam niya kasi ay talagang inis na inis ito sa kanya kaya naman kahit gusto sana niyang regaluhan ito kapag birthday at pasko ay hindi niya ginagawa. Baka kasi itapon lang nito ang regalo niya dahil galit ito sa kanya.

“Ikaw ba talaga ang pamangkin ko? Nilalagnat ka na yata,”

“Oo naman, Tita. Gusto mo bang i-hug pa kita?”

“Ha?” gulat na sabi niya. H-in-ug nga siya ni Artemis. Isang kakaibang damdamin na naman ang namuo sa dibdib niya. Unti-unting pumatak ang luha niya. Lalo na nang halikan siya nito sa pisngi. “Artemis…”

“I’m sorry, Tita kung naging brat ako.”

“I’m sorry din kung naging bad ang pakikitungo ko sa `yo.”

“So bati na tayo, Tita Panget?”

“Kung hindi mo na ako tatawaging tita panget,”

Lumabi ito. “Ay, ang daya naman. Sanay na ako, eh.”

“Dapat masanay ka na tita ganda ang tawag mo sa akin.”

“Ha? Di ba po bad magsinungaling?”

“Hindi iyon kasinungalingan, totoo iyon.”

“Ay ayaw ko. Gusto ko Tita Venus na lang.”

Umiling-iling na lang siya. “Ikaw talagang bata ka,”

“Pero tita, bati na po tayo, ha?”

“Oo na.”

Ngumiti ito. “Yes! Puwede na po ba akong pumasok sa kuwarto niyo? Inaantok na po ako, eh.”

“Ganoon? Kaya ka lang nakipagbati sa akin kasi gusto mong makatulog sa kuwarto ko?” taas ang isang kilay na sabi niya. Noon, tuwing bumibisita ito sa bahay niya kasama ang ama nito’y hindi niya ito pinapapasok sa kuwarto niya.

Humagikgik naman ito. “Sort of,” sabi nito saka pumasok na sa kuwarto niya at basta na lamang humiga.

Iiling-iling na lang niyang pinanood na natulog ang bata. Tinabihan niya ito. Pati siya tuloy ay inaantok na dahil sa pagod. Makatapos kasi nilang kumain sa Jollibee ay nagyaya naman ang bata sa MOA. Nag-IMAX sila at nag-archade. Katulad ni Artemis ay nag-enjoy din siya sa araw na iyon. Nabawas-bawas din kasi ang pang-aasar ng dalawa sa kanya nang mag-MOA sila. Nakilaro din siya sa mga ito ng kung anu-anong archade games. Pakiramdam niya’y bumata muli siya ng sampung taon. Isa ito sa mga pinaka-enjoy na araw niya kahit na ba kasama niya ang dalawang taong kinagagalitan niya. Pero sa ngayon ay parang wala na ang mga galit na iyon.

Bati na sila ni Artemis at nag-iba ang tingin niya kay Derrick. Sa sinabi nito kanina sa Jollibee ay ramdam niya ang saya nito nang mag-date sila noon at ang sakit na naramdaman nito nang sabihin nitong hindi niya pinaniniwalaan ang lahat ng sinabi nito noon. Alam niyang masyado siyang naging bulag siya sa mga sinabi nito. Pero ganoon naman siguro talaga kapag nasasaktan. Nabubulag sa katotohanan. Kung katotohanan ngang maituturing ang mga sinabi sa kanya ni Derrick. But with the looks in his face that moment, parang gusto na niyang maniwalang hindi nga ito ang may pakana ng lahat ng noon at minahal nga siya nito katulad nang iniisip niyang ginawa nito noon.

Lahat ng mga sinabi nito tungkol sa nangyari sa date nila ay totoo. At pareho din sila ng naramdaman nang araw na iyon. On their 2nd date, nakilala niya ang tunay na Derrick Ramirez. Mayabang ito pero may laman itong kausap. At hindi niya akalaing mag-e-enjoy pala siyang kausap ang lalaking ito. Nang pangatlong araw naman ng date nila’y hinawakan nito ang kamay niya habang nanonood sila ng sine. Noong una’y gusto niyang magprotesta pero nang makita niya ang ngiti nito’y nawala lahat ng sasabihin niya. Plus the added fact na gusto niya ang pakiramdam nang mainit na kamay nitong dumadampi sa palad niya. At kaparehas nito, hindi rin siya napaghugas ng plato ng gabing iyon dahil ayaw niyang mabasa ang kamay niya.

Pero may mas masarap pa pala sa feeling na iyon dahil niyakap siya nito sa pang-apat na date nila. Naglalakad kasi sila noon sa baywalk nang may isang bike na muntik nang makabangga sa kanya. At upang hindi siya madali ng bike ay niyakap siya nito. Their eyes met and suddenly, pakiramdam niya’y tumigil ang mundo sa pag-inog. His hug was so warm and comforting. Doon niya na-realize na unti-unti na nitong nakukuha ang puso niya. Maaring maraming magsasabing napakadali niyang ma-inlove pero kung sakaling naranasan ng mga ito naranasan niya sa kamay ni Derrick Ramirez ay hindi makakapagsalita ang mga ito. Napakalakas ng charm nito at gustong-gusto niya ang ginagawa nito sa puso niya.

“Ako din inaantok, puwedeng patulog?” untag sa kanya ni Derrick na hindi niya namalayang nakahiga na rin sa kama niya.

“Ano ka sinusuwerte? Umuwi ka na bago ka pa maabutan ng kuya ko!”

“Ayaw ko. Inaantok din ako, eh.” Sabi nito saka lumipat ng puwesto. Tumabi ito kay Artemis. Yumakap dito ang bata kahit tulog na. Siguro’y akala nito’y iyon ang ama nito. Ganoon kasi ang bata kapag katabi nito ang ama. Kahit tulog na’y yumayakap pa din kapag naramdaman nito ang presensya ng kapatid niya. “Nakakapagod din na maging taga-buhat ng bata, taga-bitbit ng gamit at maging driver `no!”

“Aba’t, gusto mo ng kambal na sampal?”

Tumawa ito. “You can slap me to your hearts content but I’ll still sleep. Saka tignan mo naman, yinakap pa ako ni Artemis, mahihirapan lalo akong makaalis nito.” Sabi nito saka ipinikit na ang mata niya.

Akmang iimik pa sana siya nang nilagay nito ang isang kamay nito sa bibig niya para patahimikin siya. Natahimik naman siya dahil sa ginawa nito. Ilang sandali pa’y inalis na nito ang kamay sa bibig niya’y hindi pa rin siya nakaimik. At hindi niya alam kung bakit. Siguro ay dahil nasiyahan siya sa pagtitig sa mukha nitong mukhang anghel habang nakapikit ito.

At tila hinehele din siya sa pagrinig nang marahang hininga nitong dumadampi sa balat ni Artemis. Siguro ay dahil na rin sa pagod kaya nakakaramdam din siya ng antok. Ilang sandali pa ang lumipas ay pumikit na din siya. Hinayaan itong matulog sa kama niya katabi ang pamangkin niya at siya.

NAGISING si Venus nang may ngiti sa labi. Nanaginip siya nang maganda. Katabi daw niya ang isang napakaguwapong anghel sa pagtulog. Nakayakap pa daw ito sa kanya at tila alagang-alaga siya.

Iminulat niya ang kanyang mata habang nakangiti pa din. At mukhang hindi naman panaginip ang nangyari sa kanya. Dahil may isa nga siyang guwapong lalaking katabi. Napakaamo ng mukha nito at nakakapang-akit halikan ang labi. Nakayakap pa ito sa kanya na lalong nagpasarap sa pakiramdam niya.

Ilang sandali niya ding tinignan ang mukha ng lalaki at unti-unting kumunot ang noo niya. Diyata’t totoo nga ang panaginip niya! At ang lalaking anghel na iyon ay walang iba kundi si Derrick! Nakahawak sa baywang niya ang isang braso nito at nakadantay ang paa nito sa hita niya. Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya nang mapagtanto kung ano ang nangyari. Sumigaw din siya nang pagkakalakas-lakas na para bang wala ng bukas.

Bigla naman itong nagising sa lakas ng sigaw niya at napahawak sa dalawang tainga nito. “Venus, manahimik ka! Aba’t baka akala ng mga nasa kabilang unit ay nababaliw ka na dahil sa lakas ng sigaw mo!”

Pero hindi niya ito pinansin. Pinagbabato niya ito ng unan. Pilit namang umiiwas ito sa mga bato niya. “Walanghiya ka! Ano ang karapatan mong tabihan ako sa sarili kong kuwarto! Saka anong ginawa mo sa akin! Baka ano ang ginawa mo sa akin!” wika niya saka niyakap-yakap ang sarili niya. Nakahinga naman siya nang maluwag nang makitang ang suot pa rin niya ay ang suot niya kagabing damit. Ibig sabihin ay wala ngang nangyaring milagro sa pagitan nilang dalawa. Dahil kung hindi ay makakapatay talaga siya ng hindi oras. Virgin pa siya at balak niya lamang isuko ang bataan kapag kasal na siya. Isa pa’y hindi naman niya ito nobyo kaya talagang magpi-freak-out siya kung sakaling may ginawa ito sa kanya.

“Huh? `Di ba’t si Artemis ang katabi ko kagabi at hindi ikaw? Paanong—“ naputol ang pagtataka nito nang biglang tumunog ang cellphone niyang nasa side table. May nagtext doon. Galing sa kuya niya ang mensahe. Binasa niya iyon. Nakibasa din naman si Derrick.

Sis, kinuha ko na si Artemis kagabi ng alas-otso. Nakapasok ako sa unit mo dahil naiwan mong bukas ang pinto. Hindi ko na kayo ginising ng syota mo dahil mukhang pagod na pagod kayo.

Kasing pula nang kamatis ang mukha niya matapos niyang basahin ang text nito. Pagharap naman niya kay Derrick ay isang ngisi ang ibinigay nito sa kanya. Binato niya ito ng pinakamalaking unan sa kuwarto niya. “Ayan! Dahil sa kaantukan mo, nakita tayo ng kuya ko! Nakakahiya! Ang akala niya pa’y mag-boyfriend tayo!”

“Ayaw mo noon, ang akala nang kuya mo, may pumatol sa `yong guwapo!” sabi nito saka kindat.

“Aba’t! Ang yabang mo, ah!”

Tumawa ito at nagkibit-balikat. Bakit ba naman kasi hinayaan niya itong matulog sa kuwarto niya? Iyan tuloy, nakita sila ng kuya niya at nakaramdam siya ng pakiramdam na parang araw-araw ay gusto niyang balik-balikan.

NAPAKUNOT ang noo ni Venus nang kinabukasan ay makatanggap siya ng tawag mula sa highschool classmate niyang si Maureen. Nagtataka man ay sinagot niya ang tawag nito.

“Hi bitch,” mataray na sabi nito. Sa lahat ng mga kaklase niya nang highschool siya ay ito ang kinaiinisan niya. Inis siya dito katulad na lamang ng pagkainis niya sa sibuyas. Mataray, maldita at palagi itong nagpapahiya. Lalo na sa mga katulad niyang hindi naman pansinin ang itsura. Isa siya sa mga naging biktima nito nang pagpapahiya. At dahil hindi naman siya bumababa sa level na makipag-away dito ay naging tame lang siya sa mga pang-aasar nito noong highschool sila.

“Bakit ka napatawag?” sabi niya sa kalmadong boses.

“I just want to invite you to our section’s get-together tonight.”

“Hindi ako puwede. Busy ako,” pagtatanggi na lamang niya. Kung sakaling hindi ito kasama ay baka pumunta pa siya sa sinasabi nitong get-together nilang magkakaklase mamayang gabi. Ilang taon din silang nagka-hiwa-hiwalay ng mga ito. Ang iba sa mga kaklase niya noon ay wala na siyang balita kaya gusto niyang makibalita. Sina Rodgine, Luis at iilan-ilan lang niyang kaklase ang mga may-contact pa siya. Naging mas makulay naman kasi ang highschool life niya kaysa noong college siya kaya na-e-excite siya kung sakali ngang totoo ang sinasabi nito. Pero dahil si Maureen mismo ang nag-imbita sa kanya na tanging kinaiinisan niya noong highschool niya ay hindi na niya gugustuhing sumama.

“Busy o wala ka lang talagang boyfriend na maipapakilala kaya ayaw mo?”

Nagtagis ang bagang niya. Isa ito sa mga taong nag-push sa kanya para humanap ng first kiss niya. Masyado siya nitong nilait sa tawag niya at kinawawa. At dahil malaki na siya ngayon at hindi na siya ang Venus na parang kuting noon ay hindi na siya papatalo sa kasamaan ng ugali nito. “May boyfriend na ako `no!”

Tumawa ito sa kabilang linya. “O talaga? Kung mayroon nga, isama mo nga siya mamayang gabi?”

“Hindi nga sabi ako pupunta kasi busy ako!”

“There’s always a time for everything. Kung ano man iyang gagawin mo mamayang gabi, ipagpaliban mo muna at ipakilala mo ang sinasabi mong boyfriend mo.”

Kinalma niya ang sarili niya. Kailangang hindi siya magpatalo kay Maureen. Ipapakita niya dito na hindi na siya ang dating Venus na kayang kutya-kutyain nito. “Okay! I’ll go. At ipapamukha ko sa `yo kung gaano ako kasuwerte sa boyfriend ko!”

“Talaga lang, ha? I wonder who that unlucky guy is.” Sabi nito saka humagikgik pa na lalong nagpadagdag sa inis niya. Ibinababa niya ang cellphone sa galit.

Nang dahil kay Maureen ay kailangan niyang maghanap ng boyfriend ngayon. And for Pete’s sake, mamayang gabi na ang get-together party! Kung bakit ba naman kasi kapag nilalait siya nito’y masyado siyang apektado.

Lakad-upo siya sa unit niya dahil sa problema. Nasa gitna siya ng pag-iisip nang biglang may nag-door bell sa labas. Ang mukha ni Derrick ang nasilayan niya.

“Hi,” bati nito. With matching a wide smile that can melt every girl’s heart.

Tinaasan niya ito ng isang kilay. “At bakit ka nandito?”

“Wala lang. Dinadalaw ka,”

“Dinadalaw? Ano ako may sakit? Puwede ba, `wag mo muna akong guluhin dahil malaki ang problema ko?”

Kumunot ang noo nito. “Ano namang problema mo?”

“Kailangan ko ng—“ napahinto siya sa akmang sasabihin ng biglang may isang bumbilyang pumasok sa isip niya. Tinignan niya mula ulo hanggang paa si Derrick at napangiti.

“Tama! Nandito ka na rin naman, ikaw ang sasagot sa problema ko!”

RINIG ni Venus ang dahan-dahang pagsinghap ng ilang kaklase niya habang naglalakad siya patungo sa table ng mga ito. Sa isang restaurant malapit sa may SM North Edsa naganap ang kanilang get-together party. Kitang-kita din ang kinang sa mata ng mga kaklase niya nang makita ang mukha ng lalaking katabi niya.

Sinabi niya kay Derrick ang problema niya at hinain ang kanyang plano. Noong una’y parang ayaw pa nitong pumayag pero dahil sinabi niyang kapag pumayag ito sa plano niya’y papatawarin na niya ito sa kasalanang nagawa nito sa kanya noon at sa pagtulog nito sa kama niya kahapon. Pumayag na naman ito matapos niyang sabihin iyon. Plinano nila kanina ang gagawin nilang pag-arte sa harap ng mga kaklase niya lalo na sa harap ni Maureen.

“Hi classmates!” bati niya sa mga kaklase at humarap kay Maureen. “Hi Mau, thanks for inviting me and by the way, this is my boyfriend, Derrick Ramirez.”

Halatang nagulat din pati si Maureen sa pagpapakilala niya kay Derrick. Nginitian naman ito ni Derrick at nakipagkamay pa. “It’s nice meeting you, Maureen. I heard a lot about you from my babe.” Wika naman dito ni Derrick.

Matagal ding nagkamayan ang dalawa. At kitang-kita niyang gusto nang ialis ni Derrick ang kamay nito pero ayaw pa din ni Maureen. Umusbong na naman ang inis sa dibdib niya. Lalo na nang makabawi si Maureen ay ngumiti pa ito nang mapang-akit kay Derrick.

“It’s nice to meet you, lover boy. I just wonder what you saw in Venus to make her as your girlfriend. You know marami namang magaganda diyan sa paligid.” Wika nito saka pinaakit pa ang mata nito.

Nais niya tuloy itong sabunutan sa ginagawa nitong pang-aakit sa pekeng boyfriend niya! Kahit na ba arte lamang ang maging boyfriend niya si Derrick ay hindi niya pa rin maiwasang magselos. Nakakairita din ang ginagawa nitong pang-aakit ng mata.

Tumawa naman si Derrick saka tumingin sa kanya. Nagdiwang ang puso niyang nang akbayan siya nito at hinalikan sa pisngi. “Even if my eyes can look for many beauties, it’s only Venus that my heart sees…” madamdaming wika nito. Sa pandinig niya’y tila musika iyon. Pero dahil alam niyang palabas lang nila ang pagiging mag-boyfriend ay pilit niyang pinapasok sa isip niyang gawa-gawa lang nito iyon para sa drama niya.

Napatanga naman dito si Maureen. Hindi nito inaasahang ganoon ang sasabihin sa kanya ni Derrick. Siya naman ay piniling ngumiti at iginiya si Derrick sa ibang direksyon. Ngayong naipakilala na niya si Derrick kay Maureen ay wala na siyang pakay pang makipag-interact pa sa babaeng iyon. Sumama naman sa kanya si Derrick at nakihalubilo din sa mga kaklase niya kahit hindi ito kilala ang mga iyon. Wala kasi sina Rodgine at Luis nang mga sandaling iyon dahil napagod daw ang mga ito sa pag-aasikaso sa darating na kasal ng mga ito.

Asikasong-asikaso siya ni Derrick habang nasa lamesa. Habang kumakain sila ay ito ang naglalagay ng pagkain sa lamesa niya. He acted as if he really cares for her. At kung tumingin ito sa kanya, para bang baliw na baliw at mahal na mahal siya nito.

Si Maureen, kahit malayo ay halata pa din niya ang malalagkit na tingin na ibinibigay kay Derrick. At nangigil siya lalo na kapag kinikindatan nito ang binata. Pero sa isang banda ay natutuwa din siya dahil hindi naman nagpapa-apekto dito ang pekeng nobyo niya. Alam niyang naiinis na rin si Maureen pero hindi pa rin ito sumusuko. Paminsan-minsan ay lumalapit pa ito sa upuan malapit sa kanila para lamang magpapansin ng binata. Pero no effect pa rin kay Derrick ang presensya nito kahit yata maghubad si Maureen sa harapan nila at ialok ang sarili sa lalaki.

Ayos siya sa ganoon. Ibig sabihin ay faithful lang sa kanya si Derrick. Sana lamang ay totoo itong ginagawa nila at hindi palabas lamang. Pero ayaw na niya ring maging ambisyosa. Guwapo si Derrick, simple lang siya. Hindi sila bagay na dalawa kaya hindi na dapat siya mangarap pa.

“HI LOVERBOY,” malanding wika sa kanya ni Maureen makatapos niyang makalabas ng boys rest room. Hindi na niya pinagtaka kung susundan man siya nito dahil alam niyang kanina pa ito kireng-kire sa kanya. At naiinis siya dahil todo pa rin ang pagpapakita nito ng interes sa kanya kahit na ba nobya niya ngayong gabi si Venus.

Nang sabihin sa kanya ni Venus na gagawin siya nitong pekeng nobyo ngayong gabi ay nainis siya. Ayaw sana niyang pumayag dahil ang gusto niya ay totohanan na. Nang pumunta siya sa unit nito ay balak na talaga niyang ligawan ito. Katunayan nga’y may dala siyang isang box ng chocolates sa bulsa. Pero dahil sinabi nitong pagpapanggapin siya nito ay hindi na niya nagawang ibigay iyon. Sinabi nitong papatawarin na siya nito sa kasalanan niyang hindi naman niya ginawa talaga noon ay pumayag na rin siya. After all, ang gusto din naman niya ay magkabati na sila bago niya ligawan ito.

Pero lahat ng pinapakita niya ngayon kay Venus ay totoo. Ang mga paraan niya ng pag-aasikaso niya dito ay hindi peke. And what he said to Maureen to make her mouth shut up from insulting Venus was true. His heart only sees Venus at wala siyang pakialam kung palibutan man siya nina Natalie Portman, Britney Spears at Paris Hilton. Para sa kanya, wala ng mas gaganda pa kay Venus dahil ito lang ang nakikita ng puso niya.

“H-hi,” ganting bati na lang niya. Kahit naiinis siya dito ay pinili

“Ang suwerte nga ni Venus para maging boyfriend ka niya. Ang guwapo-guwapo mo kasi,”

“Thanks,”

Nilapit nito ang katawan nito sa katawan niya. Hinipan pa nito ang tainga niya saka pinaglandas ang kamay nitong may mahahabang kuko sa dibdib niya. “Don’t you know I’m interested in you?”

Tumawa siya. “Kahit yata ang bulag mahahalata iyon,”

Tumawa din naman ito. “Then break up with Venus and be with me.”

“I can’t,”

Kumunot ang noo nito. “Why? Don’t you want me? I will asure you, mas magaling ako kay Venus.” Sabi nito saka kumindat pa sa kanya.

Inilayo niya ang katawan nito sa kanya. “I don’t like you.”

“Oh, come on. Ikaw lang ang nagsabi sa akin niyan,”

“Si Venus ang gusto ko,”

Tumaas ang isang kilay nito. “Talaga? At paano mo naman siya nagustuhan eh mas plain pa sa plain rice ang itsura niya. Isa pa, alam kong tatanga-tanga din siya. Hindi ka niya mapapaligaya.”

Humugot siya nang mahabang hininga saka tinalukuran ito. Sinabi niya sa sarili niyang lalaki siya at hindi dapat niya saktan sa pisikal na paraan ang babae. Tinitimpi lang kasi niya ang sarili niya. Naiinis na talaga siya sa babaeng ito. Mas magaling pa ito kay Artemis mang-insulto.

Pagtalikod naman niya dito ay nakita niya si Venus. Sa itsura nito ay parang narinig nito ang pinagsasabi ni Maureen kanina. Hindi niya masabi kung ano ang reaksyon ng mukha nito. Parang natutuwa ito na parang nasasaktan. Nilapitan niya ito. “Babe, may problema ba?”

Umiling ito pero deep inside her, alam niyang may tinatago ito. “Okay lang ako. Sinundan kita kasi balak ko na sanang umuwi. Umuwi na rin kasi si Jesrelle,” anito na ang tinutukoy ay ang kanina pang kakuwentuhan nitong kaklase.

Tumango na lamang siya at hinawakan ito sa baywang pahapit sa kanya. Nasaktan kaya ito sa pinagsasabi dito ni Maureen kanina? He just wished he could know whats her real problem is.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.