Chapter 12

NAKATUNGANGA sa loob ng coffee shop si Venus nang mga sandaling iyon. Ang daming pumapasok sa isip niya ngayon. Mga bagay tungkol kay Derrick.

Nahuhulog na muli ang loob niya sa lalaki. At hindi niya alam kung paano papaalisin iyon sa damdamin niya. Magdamag yata niya iyong inisip kagabi. Kaya naman siya ngayon ay mukhang haggard na haggard ang itsura. Para kasi itong lintang ayaw lumabas sa isip niya.

She loves how he acts last night. Napakagaling nito. At kahit siya ay napaniwala sa concern na ginawa nito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit ganoon kadaling mahulog ang loob niya dito. Noon, sa loob lamang ng isang linggo ay nakuha nito ang puso niya. Ngayon, wala pang dalawang linggo ay nakukuha na naman muli nito iyon.

Hindi siya madaling ma-fall in love sa mga lalaki. Ang mga naging panandalian niyang boyfriend noon ay mga halos dalawang buwan niyang pinanligaw sa kanya bago niya sagutin. Pero si Derrick talaga ay kakaiba sa lahat. Isang tingin pa lang nito sa kanya ay pinapalakas na nito ang tibok ng puso niya.

Kagabi ay ramdam na ramdam niya kung paano siya nito pahalagahan. Natutuwa siya dahil kahit kung anu-ano ang pinagsasabi ni Maureen tungkol sa kanya ay hindi ito nagpa-apekto. Hindi rin ito tumugon sa mga anyaya dito ni Maureen kahit na ba alam niyang lamang na lamang sa kanya si Maureen sa angking kagandahan. Pero sa kabila noon ay nalulungkot pa din siya. Dahil kahit ganoon si Derrick ay hindi ito magiging kanya. Ang lahat ng ginawa nito kagabi ay para lang sa pagpapanggap nila. Hindi magiging kanya si Derrick kahit na ba sa mga nagdaang araw ay nakikita niya ang saya kapag kasama siya nito. Ang sabi kasi nito sa kanya ay gusto lang siya nitong makasama bilang maging isang dakilang kabangayan. At hindi kasali doon ang dahilan na gusto o mahal siya nito.

Nakahalumbaba siya sa lamesa nang biglang may kamay na wumagayway sa harapan niya. Pagtingala niya ay nakita niya ang nakangiting mukha ni Derrick. Sa isang kamay nito ay may hawak itong isang pumpon ng rosas.

“Derrick! Ano ang ginagawa mo dito?”

Ibinigay nito sa kanya ang rosas pero tinitigan niya lamang iyon. Bakit siya bibigyan nito ng rosas eh tapos na ang palabas nila?

“`Wag mong titigan lang `yan, baka matunaw.” Untag nito sa kanya.

“Ha? Bakit—“

“Ayaw ko nang maging torpe pa, Venus.”

“Ha?” lalo siyang naguluhan sa sinabi nito. Torpe? Ano ang gusto nitong palabasin? Na gusto siya nitong ligawan?

Nagkamot naman ito ng ulo. “Venus naman, bakit ba ganyan ang reaksyon mo? Dinadaga na naman tuloy ang puso ko.”

“Pero…” kitang-kita niya ngayon kung paanong ang kaninang ngiti sa mukha nito ay napunta sa pag-ngiwi. Parang pinagpapawisan nga din ito. “Liligawan mo ba ako?”

“Oo sana. Pero ikaw naman parang ayaw mo. Sige na nga, `wag na lang.” sabi nito saka tumalikod na sa kanya. Iniwan ang flowers sa lamesa saka tuloy-tuloy na lumabas ng coffee shop niya.

Naging mabagal ang pag-sink-in sa utak niya nang sinabi nito kaya naman nasa may parking lot na ito nang mahabol niya. In-start na nito ang engine nang katukin niya ang kotse nito.

“Teka, sandali, saan ka pupunta?!”

Binuksan naman nito muli ang pinto ng kotse at hinarap siya. “Iinom. Ikaw, eh. Ayaw mong magpaligaw.”

“Ha? Bakit ka iinom? Wala naman akong sinabing ayaw kong magpaligaw, ah.”

“But the look in your face—“

“Nagulat lang ako. Ikaw kasi, masyado kang mabilis. Pero totoo ba talaga `yang sinabi mo?”

Huminga muna ito nang malalim bago muling nagsalita. “It’s true. Pero alam ko namang mahirap kang maniwala sa akin. Katulad na lang nang nangyari sa diary mo. Ang tingin mo naman sa akin ay sinungaling.”

“Ha?” tanging nasabi na lang niya.

“Tamo, puro ka, ha? Ang gulo mo, eh. Kapag ba sinabihan kita ng mahal kita, ha din ang isasagot mo? Maniniwala ka ba sa akin?”

“Mahal mo ako?” hindi makapaniwalang sabi niya.

“Tignan mo, ayaw mong maniwala.” Kita niya ang pagdadamdam sa mata nito.

“Teka! Totoo ba `yan? Baka naman niloloko mo ako!”

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “It’s true. I love you, Venus. Matagal na. Dati-rati sa university, inaabangan kita kapag nanonood ka kahit na ba ang alam ko ay tanging si Franz Ian lang naman ang pinupuntahan mo. Nasasaktan ako noon kasi gusto kita samantalang iba naman ang gusto mo. Hindi ko alam kung paano ka lalapitan kasi hindi ako ang gusto mo. Kaya naman ginamit ko ang diary mo para malapitan at makasama kita.

“The week that we have dated was the most amazing week in my life. I’ve got the girl that I’ve dreaming of. Nagkaroon ako nang pagkakataon na mahawakan iyong kamay niya at mayakap siya. At kahit hindi ko siya nahalikan noon ay ayos lang. Kasi kahit papaano napalapit siya sa akin. Masayang-masaya ako kasi nang isang linggong iyon, naalis ko ang tingin mo kay Franz Ian. Sa wakas, bumaling ka din sa akin. Pero kung gaano ako naging kasaya noon, ganoon naman ako nalungkot nang mawala ka sa akin. Ang akala ko, okay na tayo. Na mahal mo din ako katulad nang nararamdaman ko sa `yo. Pero nang dahil lang sa isang diary kung saan tayo unang nagkakilala ay doon din tayo pinaglayo ng tadhana…”

“Derrick…” ngayon niya napagtanto kung gaano niya ito nasaktan noon. Kung ganoon nga ang nararamdaman nito sa kanya noon, imposibleng saktan siya nito. Hindi ito ang nagpakalat ng diary niya pero hindi niya pinaniwalaan ito.

“Nasaktan din ako sa nangyari. Ayaw kong nakikitang nasasaktan ka. Pinilit kong hanapin kung sino man ang taong gumawa noon pero kahit pagsusuntukin ko na ang mga kasamahan ko sa soccer sa galit ay wala pa din naamin. Then I’ve tried to talk to you pero hindi mo ako pinakinggan. Don’t you know how devastated and hurt I am because you don’t believe me? Nasira iyong maganda na sana nating pagsasamahan dahil lamang sa isang kalokohan.”

“I’m sorry kung nasaktan kita noon, Derrick. Nasaktan din kasi ako noon. I trusted you but I thought you betrayed me…”

Niyakap siya nito. “But that’s all in the past now. Ang mahalaga ay ang ngayon at ang hinaharap.”

“Tama ka diyan,” wika niya saka tumingin sa mukha nito habang yakap siya.

Ngumiti naman ito. “So it means, bati na tayo.”

“Kagabi pa tayo bati kasi ginawa mo na ang part mo sa drama. Pang-best actor ka nga, eh.”

“All the things that I’ve done to you last night was true. It’s not part of the act. I really care for you. You are the only girl that my heart sees. And I love you, I really do. Sana ganoon ka din sa akin.”

“I feel something for you, too, Derrick. I’m falling in love with you. Pero puwede bang ligawan mo muna ako?”

Tumawa ito. “Ay, kailangan pa pala `yan sa mga panahon ngayon?”

Tumawa din siya. “Oo naman. Para ma-feel kong nililigawan ako nang lalaking unang nakahalik sa akin.”

Mukhang nagulat ito sa sinabi niya. “Ako ang first kiss mo?!”

Tumango siya. “Masama ang loob ko nang araw na muli tayong magkita dahil sa edad kong beinte sais ay wala pa akong first kiss. Lahat nang nakikita ko sa paligid ay in love samantalang ako, wala man lang first kiss. Idagdag pa ang mga pang-aasar sa akin ng mga tao. So I decided to kiss someone who’ll go in my way. At kahit nagalit man ako nang una dahil ang isang lalaking akala kong niloko ako noon ang nakakuha pa ng first kiss ko ay nakaramdam pa rin ako ng kakaibang damdamin sa puso ko.”

“Whoa! Buti na lang pala’t ako ang natiyempuhan mo. Paano kung manyak ang natiyambahan mo?”

“Di kawawa ako. Pero lucky na din kasi ikaw.”

He smiled. “Yes, and I’m so damn lucky too because of that silly plan, I found you again. And I’m thanking God above too, for making me your first kiss.”

Ngumiti din siya. Na-late lang pala ang buhos ng Diyos sa kanya ng suwerte sa lalaki. Dahil ngayon nito ibinuhos ang lahat sa kanya. Tila may fiesta sa pagdiriwang ang puso niya dahil mahal din siya ng lalaking mahal niyang akala niya’y niloko siya.

TATLONG araw makalipas na magtapat sa kanya ni Derrick ang nararamdaman nito ay kasal nina Rodgine at Luis. At sa nakalipas na araw na iyon ay niligawan nga siya ni Derrick. Tuwing hapon ay susunduin siya nito sa coffee shop pagkalabas nito sa trabaho. Tapos magdi-dinner sa labas o di kaya ay manonood ng sine. Talagang totoo ngang nililigawan siya nito. Araw-araw din itong may dalang flowers sa kanya kaya naman palaging kantiyaw ang inaabot niya sa mga staffs niya sa coffee shop na pag-aari niya.

Masayang-masaya siya sa mga araw na iyon. Para siyang dinuduyan sa alapaap sa saya. Ang sarap pala ng pakiramdam na may nagmamahal sa `yo at nag-aalaga sa `yo. Kung ganoon siguro si Derrick araw-araw ay mapapaaga ang pagsagot niya dito.

At ngayon ay magkapartner pa sila sa kasal ng kaibigan niya. Naibalita niya noong makalawa kay Rodgine na nagkakamabutihan na sila ng partner niya sa kasal nito. Natutuwa naman ito sa kanya dahil sa wakas daw ay nakakita na siya ng taong mamahalin. Naramdaman din daw niya ang pakiramdam nito kapag kasama si Luis. Masaya ito para sa kanilang dalawa.

“Babe, ang ganda-ganda mo ngayon.” tanong sa kanya ni Derrick habang nakatingin sa kanya. Kitang-kita niya ang paghangang nasa mata nito habang tinitigan siya. Nakasuot siya ngayon nang green above the knee na gown na ipinatahi nina Rodgine at Luis para sa lahat ng mga abay. Si Derrick naman ay naka-barong at sa loob noon ay may green na T-shirt. Naka-style din ang buhok nito na lalong nagpaguwapo dito.

Pinisil niya ang pisngi nito. “Bolero ka talaga. Gusto mo lang sabihin kong guwapo ka, eh.”

Tumawa lang ito. Mamaya ay nag-umpisa na silang maglakad. Habang naglalakad ay kung anu-ano ang nai-imagine niya. Kung masaya siya ngayon ay siguro walang pasidhan pa ang magiging saya niya kapag sila naman ni Derrick ang ikakasal. Hindi pa nga sila magnobyo ay iyon na ang naiisip niya. Pero hindi niya iyon mapigilan dahil dumadalo sila ngayon sa isang kasal. At nae-excite siya sa isiping aantayin siya nito sa harap ng altar at papangakuang aalagaan habang buhay.

Naging maayos at masaya ang kasal. Kitang kita niya ang pagmamahalan sa mata nina Rodgine at Luis habang nagsasabi ng “I do” sa isa’t isa. Maganda ang naging kasal ng dalawa. Masayang-masaya naman siya para sa kaibigan niya.

Nang matapos ang kasal ay nagtuloy sila sa reception sa isang sikat na hotel. Magkatabi sila ni Derrick nang upuan. Bilog ang mesa at sa isang mesa ay kinabibilangan ng apat na tao. Bakante ang isang upuang katabi ni Derrick. May katabi siyang isang lalaking abay din pero wala itong kasama. Nagtaka tuloy siya.

“Hi, nasaan ang partner mo?” tanong niya dito.

Nagkamot ito ng ulo. “Ewan ko nga, eh. Sabi nila late lang daw pero tignan mo naman, reception na, wala pa. Sobrang pa-V.I.P. talaga noon,”

“Ah…” tanging nasabi na lang niya. Sobrang pa-V.I.P. nga dahil halos dalawang oras sila sa simbahan pero hanggang ngayon ay wala pa rin ito.

Nagdaan ang ilang minuto at kumakain na sila. Nasa kalagitnaan na sila ng pagkain nang may isang babaeng dumating sa lamesa nila. “I’m sorry, I’m super super late. Na-traffic ako sa may Edsa.” Tumingala siya sa babae. Parang pamilyar ang mukha nito. Maganda ito at may mestizang kutis. Nakakulot din ang buhok at sexy din ito sa suot nitong gown. Tumabi ito sa upuang katabi ni Derrick sa kaliwa. Nang pasadahan nito ang katabi ay nanlaki ang mata nito nang makita si Derrick. “Oh my God! Derrick! Ikaw na `yan?” parang linta pang kumapit ito sa braso ng suitor niya. “I miss you so much.”

Kumunot naman ang noo ni Derrick sa ginawa ng babae. “Ah…eh… Kilala ba kita?”

Mukhang nagtampong lumabi naman ang babae dahil hindi ito naalala ni Derrick. “Naman! Si Jamaica Kristofedes ito!”

Doon naman unti-unting nag-sink-in sa utak niya at ni Derrick ang babae. College schoolmate nila ito. Palagi niya nga palang nakikita ang babae noon sa may bleachers field na nanonood ng game ng kupunan nila Derrick. Ang alam niya’y patay na patay ito sa lalaki.

“Ah, yes, Jam. I remember now.” Sabi naman ni Derrick. “Kumusta na? Kakilala mo ang isa sa mga bride and groom?”

“Oo. Kinakapatid ko si Rodgine. Ayos lang naman ako at single. Ikaw ba? May girlfriend ka na ba?”

Tumingin sa kanya si Derrick at ngumiti. “Malapit na,”

Doon naman siya tinignan ng babae. Tila nakikilala din naman siya nito nang pagtuunan siya nito nang pansin. “Venus de Vera?!” parang hindi makapaniwalang sabi nito saka tinignan si Derrick. “Paano? `Di ba’t nagkahiwalay na kayo noon?”

Ngumiti siya. “I still don’t give up, Jam. Mahal ko pa rin si Venus hanggang ngayon.”

Parang naging kuting turn to a tiger ang itsura ni Jamaica. Tinatitigan siya nito nang matalim. Tila inggit na inggit sa kanya. Hindi na lang niya ito pinansin. Insecure lang ito dahil kahit saksakan ito ng ganda noong college ay hindi ito masyadong pinagbigyan pansin ni Derrick. Nakalimutan pa nga nito ang pangalan ng dalaga.

Nagsimula ang iba’t ibang program sa naturang kasal. Si Derrick ang nakakuha ng garter na hinagis ni Luis. Isang makahulugang tingin naman ang ibinigay sa kanya ni Rodgine. Ang nababasa niya base sa tingin nito’y dapat na siya ang makakuha ng bulaklak na ihahagis nito para silang dalawa naman ni Derrick ang susunod na ikakasal. Siyempre ay pinag-igihan niya iyon dahil iyon ang gusto niya. Pero nang ihahagis na ni Rodgine ang bulaklak sa kanya ay may humarang sa harapan niya at sinambot iyon. At ang walanghiyang babaeng iyon ay ang babaeng kasama nila sa lamesang si Jamaica. Abot tainga ang ngiti nito habang hawak-hawak ang bulaklak na dapat siya ang makakasambot.

“I got it!” malakas pang tili nito na para bang nanalo ito sa lotto. Siya naman ay hindi alam ang mararamdaman. Dapat sa kanya ang bulaklak kung hindi lang ito humarang sa harapan niya.

Pinapunta na ang mga nakakuha ng garter at bouquet sa may unahan. Sinuot ni Derrick ang garter sa binti ng babae. “Higher! Higher!” malakas na tilian ng mga tao. Pinagbigyan naman ni Derrick ang mga ito.

“Kiss kiss!” request naman ng mga tao. Nag-alboroto tuloy bigla ang puso niya lalo na nang makita niya ang mukha ni Jamaica na tumingin sa kanya at iniinggit siya. Gustong-gusto niyang irapan ito pero dahil siya lang ang magiging mukhang talo kapag ginawa niya iyon ay pinilit na lang niyang `wag gawin. Si Derrick naman ay tumingin sa kanya waring nanghihinga ng permiso. Tumango siya dahil ayaw niyang maging KJ sa mga tao kahit na ba masama ang loob niya.

Naglakasan ang hiyawan ng mga tao makatapos ng halik. Sa pisngi lang naman hinalikan ni Derrick si Jamaica. Siya naman ay tumalikod at nagpunta sa CR. Naiinis siya kay Jamaica. Feel na feel nito ang role nito na akala mo ay ito nga ang babaeng papakasalan ni Derrick. Ilang sandali lamang siya sa loob ng CR. Gusto niya lang talagang `wag ipakita sa mundo ang galit niya kaya pumasok siya sa loob. Nang akmang palabas na siya’y bigla namang pumasok si Jamaica. Isang nakakalokang ngiti ang nakapaskil sa labi nito. Tinaas-taas pa nito ang garter na sinuot dito ni Derrick.

“Poor girl,” sabi nito sa kanya habang tinititigan siya mula ulo hanggang paa.

“So? Ang akala mo naman por que ikaw ang nakakuha ng bulaklak ay ikaw na ang papakasalan niya. Baka nakakalimutan mo, ako ang nililigawan niya at ako ang mahal niya.”

Inirapan siya nito. “I don’t care. I know in the end maghihiwalay din kayo katulad nang nangyari sa inyo noon.”

“Iyon ang akala mo!”

Ngumisi ito. “Let’s see…” sabi nito saka lumabas na muli ng banyo. Pumasok lang pala ito ng CR para mang-inggit. Ilang sandali pa’y lumabas na din siya ng banyo. Nakita niya si Derrick sa di kalayuan na tila hinahanap siya. Nang makita naman siya nito’y lumapit ito sa kanya.

“Babe, wala lang lahat ng iyon, ha. Request lang talaga ng tao.”

Kahit nagseselos siya at masama ng loob ay pilit na lang niyang inintindi ito. After all, wala naman talaga itong kasalanan sa mga nangyari. “I know. Alam ko namang ako lang ang mahal mo `di ba?”

Ngumiti ito at niyakap siya. “Yes. Thank you, Babe, for understanding. Siyempre, ikaw lang ang mahal ko. At mamahalin ko habang buhay.”

Napangiti na lang din siya at niyakap ito. Sa bawat love story, hindi nawawala diyan ang mga kontrabida. At isang kontrabida lamang si Jamaica sa magandang pagsasamahan nila ni Derrick. Hindi dapat siya nagpapa-apekto dito dahil siya lang ang mahal ni Derrick. Siya lang at wala ng iba pa.

MASAYANG-masaya si Venus nang sumunod na mga araw ay naging faithful talaga sa kanya si Derrick. Paminsan-minsan ay nakikita niyang umaaligid dito si Jamaica pero hindi nito pinapansin ang dalaga. Simula nang makita kasi muli nito si Derrick ay nakigulo na ito sa kanilang dalawa. Alam niya ang ginagawa nitong pang-aakit kay Derrick. Noong una’y natatakot siya dahil maganda si Jamaica kumpara sa kanya. Kaakit-akit ang kubra ng katawan nito pati na rin ang naglalakihang boobs nito na walang-wala siya. Tangang lalaki lang siguro ang hindi papatol dito. Pero nagpapasalamat naman siya’t tanga pagdating doon si Derrick dahil hindi nito pinagtutuunan ng pansin ng dalaga kahit todo na ang pagpapansin dito ni Jamaica. Sa kanya lang talaga nakatuon ang atensyon ng lalaki.

Napakasuwerte niya’t nahanap niya muli si Derrick. Napaka-alaga nito at mabait sa kanya. Lahat na yata ay nandito na. He was the perfect boyfriend a girl would wish to have for. Kaya naman hindi na rin niya patatagalin at sasagutin na niya ito. Balak na niyang sagutin ito sa mismong araw ng mga puso. Plano sana niya itong bigyan ng walong cupcakes at sa itaas ng cupcakes ay nakasulat ang katagang mga salitang “I love you.”

Kung anu-anong klaseng proposal ang naiisip niya bago niya naisip ang gagawin niyang iyon. At excited na siya. Tatlong araw na lang at magiging opisyal na sila na ni Derrick. Hindi na siya makapaghintay na sagutin ito.

Nahihiling niyang sana ay habang buhay na maging ganoon si Derrick sa kanya para maging maayos ang relasyon nila. Mahal niya ito at kung sakaling mawala pa ito sa kanya ay labis-labis siyang masasaktan. Sana lang ay walang maging panira pa sa magandang samahan nila ng future boyfriend and someday, future husband niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.