NAPANSIN ni Venus na parang nanlalamig sa kanya nitong mga nakaraang araw si Derrick. Hindi ito masyadong nagte-text at hindi na rin siya nito sinusundo sa trabaho niya. Nagtataka siya pero hindi siya nagtatanong. Kung kailan pa naman niya balak ng sagutin ito ay kung kailan pa ito tila nanlalamig.
May takot na namumuo sa dibdib niya pero hindi niya iyon pinapansin. Maraming katanungan sa isip niya na pilit niyang hindi iniisip. Paano kung ang panlalamig pala ni Derrick sa kanya ay may ibig sabihing masama. Paano kung may iba na itong babae bukod sa kanya?
Tuwing naiisip niya iyon ay kinakabahan siya. Paano nga kung ganoon? Hindi siya kagandahan katulad na lang ng mga babaeng madalas na nagpapansin dito. Lalaki lang ito at madaling maakit. Paano kung nagsawa na ito sa kakahintay sa kanya? Ang daming tanong ang pumapasok sa isip niya.
Mababaliw yata siya sa mga isiping iyon. Masasaktan siya nang husto kapag iniwan siya ni Derrick. Mahal na mahal niya ito at ayaw niyang mawala ito.
Valentines day na ngayon pero hindi pa rin siya tinatawagan nito. Ito na ang araw na sasagutin na niya ito. Ready na ang cupcakes niya. Ang gusto sana niya’y ito ang unang pumunta sa kanya at sabihing mag-date sila pero hapon na ay hindi pa rin ito nagte-text. Sabado ng araw na iyon at alam niya kapag sabado ay hanggang alas-dos lang ito nang hapon. Alas kuwatro na eh hindi pa ito tumatawag sa kanya. Kaya naman napagdesisyunan niyang pumunta na lang sa town house nito. Ilang beses na rin siyang nakarating doon kaya alam na niya ang pagpunta doon.
Kakatok sana siya nang makita niyang bukas pala ang pinto ng bahay nito. Pumasok siya sa loob nang bahay nito. Nakarinig siya ng ingay sa kusina kaya doon siya unang nagpunta. At ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang makita si Derrick na nakasandal sa dingding at nakalapat ang labi nito sa labi ni Jamaica. Pakiramdam niya’y tumigil ang pag-inog ng mundo sa nararamdaman niyang sakit sa dibdib. Parang sinaksak ng daan-daang punyal ang puso niya dahil sa sakit nang nakita. Kaya naman pala nanlalamig ito sa kanya nang mga nakaraang araw ay dahil may ibang babae nito! At ang ibang babae nito ay ang walanghiyang si Jamaica pa!
Ibinagsak niya nang malakas sa sahig ang dala-dala niya. Pinaghiwalay niya ang dalawa. Gulat namang napatingin sa kanya si Derrick.
“Venus!” wika nito sa nanginginig na boses. Namumutla din ang mukha nito dahil nakita siya nito sa aktong na pinagtataksilan siya nito.
Sinampal niya ito sa pisngi. “How dare you do this to me!”
“No, Venus! Hindi kita niloloko! Ang nakita mo ay hindi totoo!”
“Hah! At sinong niloko mo? Hindi ako bulag! Nakita ng dalawang mata ko na magkalapat ang labi niyo ng babaeng `yan!” sabi niya saka dinuro si Jamaica. Tila wala naman itong pakialam sa pag-aalboroto niya. Tila tuwang-tuwa pa ito sa nakitang pag-aaway nila ni Derrick.
“Hindi ko siya hinalikan! Siya ang nanghalik sa akin!” giit naman ni Derrick.
“At sa tingin mo ba maniniwala pa ako sa `yo?! Pinanlamigan mo ako nitong mga nakaraang araw tapos bigla kitang makikita sa ganitong sitwasyon? Hindi ako tanga, Derrick! Kaya mo iyon ginawa para unti-unti akong lumayas sa landas mo’t makapunta ka sa bagong babae mo kaya `wag mo akong gigiitan ng ganyan!”
“Pero iyon ang totoo! Hindi ako ang unang nanghalik!”
Unti-unting naglaglagan ang luha sa mata niya. “Ayaw ko nang maniwala sa `yo, Derrick. Dapat noong una palang talaga’y hindi na ako naniwala na mahal mo ako. You betrayed me again. Sabi nila, “if someone betrays you once, it’s their fault. But if someone betrays you twice, it’s your fault.” At pangalawang pagkakataon ko na ito! Ang tanga-tanga ko para maniwala sa mga kasinungalingan mo!” pagkatapos niyang sabihin iyon ay lumabas na siya ng townhouse nito. Dali-dali siyang pumara ng taxi para hindi siya maabutan nito. Ayaw na niyagng marinig ang mga paliwanag nito. Nasaktan na siya nitong una, umulit pa siya. Ayan tuloy, kasalanan na niya. Ang tanga-tanga kasi niya!
Kahit kailan, hindi na siya maniniwala sa mga paliwanag nito. Napakasinungaling nito. Pinaniwala siya nitong mahal siya nito pero sa huli ay wala din iyon. He will always end up breaking her heart into pieces.
Nagsimula sa diary ang magandang pagsasamahan nila noon at natapos din iyon dahil sa diary. Sa panahon nila ngayon, nagsimula iyon dahil sa isang halik at natapos din sa isang halik. Oh how cruel life is to her be!
PARANG nauupos na kandila ang pakiramdam ni Derrick nang mga sandaling iyon. Malayo na ang taxi na sinasakyan ni Venus nang makarating siya sa gate ng town house niya. Pinigilan kasi siya ni Jamaica na habulin ito pero nanglaban siya. Ang lahat ng nakita nito ay gawa-gawa lang ng dalaga. Hindi totoo ang lahat ng nakita nito sa pagitan nilang dalawa ni Jamaica.
Sa totoo lang ay naiinis na siya sa kakahabol sa kanya ng dalaga. Para na itong stalker kung umasta. Ganoong-ganoon din ang ugali nito noong college pa sila kaya iniiwasan niya ito. Ayaw kasi niya nang ganoong kakapit na babae. Para kasing kapag oras na pinansin niya ito ay wala na siyang kawala dito.
Kaya naman natuwa siya noon ng magdate sila noon ni Venus ay hindi na siya nito ginulo. Siguro ay nakita din na hindi na siya ang Derrick Ramirez na madaling landiin dahil nakakapit na siya sa isang babae. Pero pagkatapos nang isang linggong date nila ni Venus ay bumalik muli ito sa kanya. Pinipilit pa rin nito ang sarili nito sa kanya kahit ayaw naman talaga niya dito. Nang makatapos na lamang siya muli ng college ay saka na lamang ito sumuko sa kanya. Marahil ay dahil alam nitong mahirapan na siyang lapitan at makita.
“For the 2nd time, she left you again because she thought you betrayed her. What a poor girl. Ang bilis niyang maniwala sa mga palagay niya. Katulad na lang noong college tayo.” Pumapalatak na sabi nito.
Naniningkit naman ang mata na tinitigan niya ito. Wala pa siyang babaeng sinaktan physically pero ngayon ay kayang-kaya na niyang gawin iyon. Jamaica was the one who kissed him! Basta-basta na lamang itong pumasok sa bahay niya. Naiwan niyang nakabukas ang pinto kaya siguro nakapasok ito. Nagulat siya nang makita ito sa loob ng bahay niya. She talked about things pero ayaw niyang makinig dito. Pilit niyang pinapaalis ito sa bahay niya pero ayaw naman nitong umalis. Hanggang siguro ay mainis na ito at bigla na lamang siyang isinandal sa dingding at hinalikan. At iyon ang tagpong naabutan ni Venus.
“Will you just leave me?! Hanggang kailan ka ba mangungulit? Bakit ayaw mo akong tigilan?!” nangagalaiti ng sabi niya.
“Mahal kita, Derrick! I’m crazy about you! Lahat ng bagay ay madali kong nakukuha lalo na ang mga bagay na gusto ko. Pero ikaw, para kang bituin, ang hirap-hirap mong sungkitin!”
“Hindi kita mahal, Jamaica! Alam at nararamdaman mo na siguro iyon! Bakit ba kailangan mo pa kaming sirain?!”
“Dahil nga mahal kita, Derrick! Hindi ako papayag na sa pangalawang pagkakataon ay mawalay ka muli sa akin! Binigyan muli ako ng Diyos na makita ka muli kaya susulitin ko na iyon. Dalawang beses na akong nagtagumpay na mapaghiwalay kayo ni Venus. Noong una’y sumuko ako sa pang-aakit sa `yo makatapos ka niyang iwan dahil mas matigas ka pa sa bato noon. Pero ngayon ay hindi na ako papayag. Kung kailangan kong ibenta sa demonyo ang kaluluwa ko para maging akin ka, gagawin ko!”
Parang pinana siya sa puso dahil sa sinabi nito. “Ano ang ibig mong sabihing dalawang beses kang nagtagumpay na mapaghiwalay kami ni Venus? Ikaw ang—“
“Oo!” malakas ang loob na sabi ni Jamaica. “Ako ang nagpakalat ng diary para mawalan siya ng tiwala sa `yo at maghiwalay kayo. Ako ang may pakana ng lahat ng iyon. But Derrick, I did that because I don’t want you to fall in love with her. She’s a plain Jane while your one of the campus prince! Hindi kayo bagay!”
Pakiramdam niya’y nagdilim ang paningin niya dahil sa narinig. Ibinalya niya si Jamaica sa may dingding. Hawak-hawak niya ang leeg nito. Sa mga oras na iyon ay para na siyang sinapian ng demonyo sa galit. “At ano ang gusto mong palabasin? Na ikaw ang bagay sa akin! Damn it, Jamaica! You ruined everything between me and Venus!
Namutla ang mukha nito sa ginawa niya. “Derrick, pakawalan mo ako…”
“No! Dahil ikaw ang sumira sa amin! Alam mo bang ang tagal kong inantay ang pagkakataon na mapansin niya ako? Noon pa man ay gusto ko na siya pero hindi ko siya makuha-kuha. At nang makuha ko siya’y nawala siya sa akin ng dahil sa mga kalokohan mo! And you did it again! Pagkatapos akong iwan ni Venus noon, I tried to be with girls again. Trying to erase Venus in my mind and heart pero kahit maikama ko pa yata ang pinakamagandang babae sa buong mundo’y hindi pa rin siya maalis sa isipan ko!
“And today, it’s Valentines Day pero pakiramdam ko, doom’s day na dahil iniwan ako ng babaeng mahal ko! Ang tagal kong inantay ang pagkakataong makita ko siya muli. Sinuyo ko siya kahit alam kong malaki ang galit niya sa akin. Pero saan napunta lahat ng pinaghirapan ko? Napunta lahat sa wala ng dahil sa `yo! Napakasama mo!” ngali-ngali na talaga niyang pilipitin ang leeg nito sa galit. Ang dami na niyang sinakripisyo ng dahil kay Venus pero dahil lamang sa isang baliw na babae ay nawala ito sa kanya.
Pinagpaplanuhan niya ang araw na ito para sa kanilang dalawa. Kaya nga niya ito pinanlalamigan dahil may surprise siya para dito. At para hindi niya masabi ang surprise niya para dito ay pinanlamigan niya muna ito ng ilang araw. Pero maling-mali pa ang ginawa niya dahil naging isa pa iyong factor para hindi siya paniwalaan nito.
Nais niyang iumpog nang malakas ang ulo niya sa dingding. For the 2nd time, the love of his life left him again. And that’s because of a crazy girl who is crazy over him.
What about now? Ang akala ni Venus ay niloko niya ito sa pangalawang pagkakataon. Paano niya maipapaliwanag dito ang lahat? Alam niyang mabubulag na naman ito sa katotohanan dahil masyado itong nasaktan. Hindi niya yata kakayanin kapag nawala muli si Venus sa kanya sa pangalawang pagkakataon.
KINABUKASAN din ay nagpunta si Derrick sa Kape Mitolohiya para makausap si Venus. At tama nga siya na doon niya makikita ang dalaga. Papasok na sana siya sa loob nang makita itong may kasamang lalaki. Nakahawak ang kamay nito sa dalaga at mukhang masayang nag-uusap ang mga ito. Sa itsura ni Venus ay parang hindi naman ito nasaktan dahil nakikipagtawanan pa ito sa lalaking kausap nito.
Parang kinagat ng malaking langgam ang puso niya dahil sa nakita niya. Kahapon lang sila nagkalabuan ay parang okay na agad ito. Nakikipagtawanan na ito at parang nakahanap na agad ito ng lalaking ipapalit sa kanya. Kung ganoon ay hindi pala talaga siya nito mahal dahil nagawa agad nitong tumawa matapos nang nangyari kahapon.
Nasaktan siya nang husto. Tinawagan niya ito buong gabi para magpaliwanag pero hindi nito sinagot ang tawag niya. Patay ang cellphone nito buong magdamag. Pumunta siya sa unit nito pero wala ito doon. Sa labas ng condo unit siya nito nagpalipas ng magdamag. Inantay niya itong bumalik pero hindi niya alam kung saan ito nagpunta. Hanggang sa maisipan niyang puntahan ito sa coffee shop nito.
Inihagis niya ang hawak niyang puting rosas. Binili niya iyon para maging peace offering dito kahit naman wala talaga siyang kasalanan. Ganoon naman kasi lagi siya. Susuyuin niya ito kahit ang totoo ay wala naman siyang kasalanan. Ganoon niya kasi kamahal si Venus. Pero sa dulo, sinasaktan lang siya nito.
Kinuha din niya ang singsing na nasa loob ng bulsa niya. Pati iyon ay gusto na niyang itapon sa sakit. Kahapon kasi ay dapat ibibigay niya na iyon dito. Iyon ang surprise niya para dito. Kahit kasi hindi pa siya nito sinasagot ay talagang balak na niya itong alukin ng kasal. Ganoon siya ka-excited para maging asawa ito. He wanted everything to be fast between them because he loves her very much.
Pero lahat pala iyon ay mauuwi sa wala. Labis siyang nasaktan dahil sa nangyari. All he wanted was her but all she gave back to him was hurt.
KITA ni Venus kung paano dumaan ang sakit sa mata ni Derrick habang nakikita sila ni Kevin na magkausap sa loob ng shop niya. Nakilala niya si Kevin Clemente sa isang seminar na dinaluhan niya tungkol sa pastry making. Isa kasi itong chef kaya dumalo ito. Samantalang siya ay gusto lang makita ang mga ginagawa doon kaya siya dumalo sa seminar. Nakatabi niya ito at naging kaibigan na rin kinalaunan.
Mabait si Kevin at palabiro kaya naman napapatawa siya nito nang mga sandaling iyon kahit na ba durog na durog ang puso niya dahil sa nakita niya kahapon. Hinahawakan din nito ang kamay niya dahil pinipilit siya nitong ipasok sa shop niya ang ilang pastries na mismong ito ang gumagawa.
“May problema ka ba, Venus?” untag sa kanya ni Kevin nang mapansin nitong nakatingin siya sa sasakyan ni Derrick na palayo na sa shop niya.
Umiling siya. Pilit na hindi pinapahalata ang problema niya.
Pero mukhang magaling itong bumasa ng isip. “I know there is something. Come on, spill it out. I’m a good listener. Tungkol ba sa lalaking nagtapon ng puting roses sa labas ang problema mo?”
Bumuntong-hininga siya. Kapag hindi niya nasabi lahat ng mga nararamdaman niyang sakit ng mga sandaling iyon ay baka sumabog iyon. “I love him, Kevin. But he betrayed me again. Pilit niyang sinasabi sa akin na hindi niya ako niloloko pero nasaktan ako. Ilang araw siyang nanlamig sa akin tapos makikita ko siyang may kahalikan na babae sa loob ng town house niya. I was hurt. I trusted him again pero nasira ang lahat ng iyon. Sinabi niya sa aking hindi rin siya ang may kagagawan noon. Pinaniwalaan ko siya sa sinabi niyang iyon ngayon. Pero nang dahil sa nangyari kagabi’y hindi ko alam kung paniniwalaan ko pa siya. Kitang-kita ng dalawang mata ko ang nangyari kagabi.”
“And what he had said to you?”
“Na hindi daw siya ang humalik sa babaeng iyon.”
“Kilala mo ba ang babaeng iyon?” tanong ni Kevin.
“Yes, baliw na baliw ang babaeng iyon kay Derrick,”
“At anong ginagawa sa kanya ni Derrick bago mo siya makitang kasama ang babaeng iyon?”
“Iniiwasan ni Derrick ang babaeng iyon. Palaging sinasabi sa akin ni Derrick na mahal niya ako kaya hindi dapat akong magselos sa babae. Pinaniwalaan ko siya. Pero nang makita ko siyang kasama ang babaeng iyon sa town house niya’y nawala lahat ng paniniwala kong iyon.”
“Kung ganoon naman pala, maybe he really loves you. Pilit niyang iniiwasan ang babaeng iyon noon para sa `yo.”
“Pero pinanlamigan niya ako ilang araw bago mangyari ito. Paano kung ang panlalamig na iyon ang daan niya para mawala ako sa landas niya dahil naakit na siya ng babaeng iyon?”
Pumalatak ito. “What a misunderstanding. Teka, ikuwento mo nga muna sa akin kung paano nabuo ang pagmamahalan ninyo. At kapag naikuwento mo na’y saka ko sasabihin sa `yo kung tanga ka ba na hindi siya pinaniwalaan o tama lang ang ginawa mo.”
Ikinuwento naman niya dito lahat. Nang matapos siya’y iiling-iling ito sa kanya. “Base sa kuwento mo, napakadakila ng lalaki mo. `Tamo, college pa pala kayo ay may love story na kayo. Tanga ka para hindi siya paniwalaan. He made great efforts for you. And you know what, Venus, sa pag-ibig, parte ang sakit. May mga nasasaktan, may mga sumasaya. At kung hindi ka masasaktan, hindi ka tuluyang liligaya.”
“Pero nasaktan na ako noog una… Panglawang beses na ito at ayaw ko nang maulit pa.”
Pumalatak ito at tinapik-tapik ang likod niya. “Narinig mo na ba iyong katagang “try and try until you die and when you die, at least you try?” dapat ganyan ang buhay. Sabi mo, mahal mo siya. Di gawin mo ang lahat para mapunta muli siya sa `yo. That’s life. Kailangan nating magsumikap para maging maligaya tayo. At sa bawat pagsisikap natin, nandiyan ang mga batong tatalapid sa atin para masaktan tayo. Pero panandalian lang naman ang sakit na `yan. Nagagamot `yan. Kaya kung ako sa `yo, sundan mo na ang tanging makakagamot sa sugat mo. Paniwalaan mo siya, Venus. Dahil iyon ang tanging paraan para maging maligaya ka.”
Tumatak sa isip niya ang sinabi ni Kevin. Tama nga naman ito, kung hindi niya pakikinggan at paniniwalaan si Derrick ay hindi sila magkakaintindihan. Pero paano niya gagawin iyon kung alam niyang masyado niyang nasaktan si Derrick dahil sa nakita niya kanina? Tanggapin kaya nito ang rason niya matapos niyang hindi maniwala dito? Lalo na’t sinaktan na ngayon na nasaktan niya ito nang husto dahil sa nangyari kanina?
TATLONG araw makatapos ng huling pagkikita nila Venus at Derrick ay bumisita si Jamaica sa unit ng dalaga. Agad naman ang pag-ubsong ng galit sa dibdib ni Venus nang makita ang naging dahilan nang pagkasira ng maganda ng samahan nila ni Derrick.
“Bakit ka narito?” malditang wika niya. Gustong-gusto na niyang isarado ang pinto dahil sa inis na nararamdaman kapag nasa paligid ito. Pero nang makita niyang parang may importante itong sasabihin sa kanya ay hindi na niya naituloy ang gustong gawin.
“Puwede mo ba akong papasukin? May importante kasi akong sasabihin.”
“At bakit?” taas ang isang kilay na sabi niya. “Hindi ako nagpapasok ng mga taong mang-aagaw sa bahay ko at mas mabaho pa sa amoy ng sibuyas.”
“Please Venus, stop arguing. I need to talk to you. It’s about Derrick and you.”
Nang marinig ang pangalan ni Derrick ay parang may isang magical power na humila sa kanya para papasukin ito. Hanggang ngayon kasi ay hindi niya pa rin nakakausap ang lalaki. Natatakot kasi siya. Paano kung hindi na siya nito muling tanggapin? Paano kung napagtanto nitong hindi naman siya worth it mahalin dahil hindi siya marunong magtiwala at maniwala dito? She was scared of rejection.
“Kung ano man iyang sasabihin mo’y sabihin mo na.”
“Derrick needs you. Those days without you are like hell to him.”
“Siyempre ikaw ang kasama niya, eh. Magiging impiyerno talaga iyon. Demonyo ka, eh.” Sarkastikang wika naman niya.
Nagyuko ito ng ulo at bumuntong-hininga. “I’m sorry Venus, I know this is my entire fault. Ako ang may pakana ng lahat. Pero sana naiintindihan mo na kaya ko nagawa iyon ay dahil mahal ko si Derrick.” Pagkatapos nitong sabihin iyon ay ikinuwento nito sa kanya ang lahat. Nalaman niyang ito rin pala ang may gawa nang mga nangyari sa pagitan nila ni Derrick noon pa. Gustong-gusto na niyang kumuha ng kutsilyo sa kusina niya dahil sa galit sa ginawa nito pero pinigilan niya ang sarili niya. Hindi niya dapat gawin iyon dahil ayaw niyang humarap sa altar ng simbahan na madumi ang kanyang kamay.
“Napakawalang-hiya mong babae ka! Saan ka ba pinaglihi ng nanay mo? Sa aswang? Ang sama ng ugali mo!”
“I know, I know. That’s why I’m here. I’ve been such a brat. All my life, I get everything what I wanted except for Derrick. And that’s the reason why I got so obsessed with him. Siya lang ang tanging hindi ko nakuha.”
“I don’t care! Ang sama pa rin ng ugali mo! Kapag hindi pa rin kami nagkatuluyan ni Derrick pagkatapos nito, I swear, ibabaon kita ng buhay!”
Pero hindi nito pinansin ang sinabi niya. “Go to her, Venus. Nitong mga nakaraang araw ay wala siya sa sarili niya dahil sa `yo. Muntik na rin niya akong mapatay ng dahil sa galit. And after that, I feel guilty for what happened. So I decided to go here. Ituloy niyo na ang pagmamahalan niyo. And I promise, hindi na ako magiging kontrabida sa love story niyo.”
“Talaga! Pupuntahan ko siya! At ito ang tandaan mo,” sabi niya saka dinuro pa ito. “Hindi ka abay sa kasal namin!”
Hati ang dibdib niya ngayon sa emosyon. Galit siya dahil sa ginawa ni Jamaica na paninira sa kanila at saya dahil sa panibagong bukas para sa kanila ni Derrick. Pero alam niyang walang patutunguhan ang galit niya kaya pagtutuunan na lamang niya ng pansin ang sayang nararamdaman para sa kanila ni Derrick. This time ay hindi na siya matatakot puntahan ito. Alam na niya an gang lahat. At gagawin niya ang lahat para maging maligaya silang dalawa.