“WHAT THE---“ halos sumigaw si Lady nang makita niya ang article sa diyaryo na ibinigay sa kanya ni Claudine nang tagpuin siya nito sa Kape Mitolohiya---isang coffee shop malapit sa bahay nila. “No!”
“Kaya naman pala hindi mo ako napuntahan agad kahapon nang sinabi ko sa `yong nasiraan ako ng sasakyan. Iyon pala ay nagkaroon ka ng kahalikan,” iiling-iling pero nakangiting wika nito sa kanya. “Hay, Lady, salamat naman at nagka-love life ka na,”
“No! Hindi ko boyfriend ang hudas na ito!” paliwanag niya sa kaibigan. Kung kahapon ay malungkot ang aura nito, ngayon naman ay parang binigyan ng liwanag ang mukha nito dahil sa ningning niyon. Obviously, tuwang-tuwa si Claudine sa nakita nito sa diyaryo na iyon na siya namang ikinapuyos ng dibdib niya. Hindi niya akalaing ang masamang pangyayaring nangyari sa kanya kagabi ay aabot pa hanggang sa mata ng sambayanan.
Last night was the worst night of her life. Nagkamali siya ng lalaking kakausapin kaya napahiya siya. Isama pa na naalis ang pagka-virgin ng labi niya dahil lamang sa pagkakamali na iyon. Maari ngang nasarapan siya sa halik ng lalaki pero masama pa rin ang loob niya dahil ni hindi nga niya ito kilala pero ito pa ang nakakuha ng tamis ng unang halik niya. At ngayon, ang pangyayaring iyon ay nabalita pa sa isang Diyaryo na wala man lang siyang kaalam-alam na nakuhanan pala sila ng litrato.
Guji Guirado’s new “unique” lady. Iyon ang title ng article sa Diyaryo na ibinigay sa kanya ni Claudine. Unique lady ang sinabi sa kanya sa Diyaryo dahil siya daw lamang ang bukod tanging nakita ng mga taong kakaiba ang itsura sa mga dine-date ng lalaking nakasalamuha niya kagabi. It was said there that Guji always prefers her woman to be on her satin revealing dresses and high-heeled shoes while she was the girl who just wear a long sleeved shirt, jeans and a pair of rubber shoes. Kaibang-kaiba daw ang get-up niya kaya binigyan iyon ng issue ng taong nakakuha ng litrato sa kanila.
Inis na inis siya, hindi lang sa sarili niya pero kundi sa “Guji” daw na iyon. Ni hindi niya ito kilala pero dahil sikat pala ito sa elite society, iyon siya, at nadamay pa. Kung bakit ba rin naman kasi ang tanga-tanga niya. Napagkamalan niyang ito si Rene. Nawala tuloy ang first kiss niya at ang masaklap pa ay lumabas pa iyon sa buong mundo. Napaka-arogante din ng Guji na iyon. Iniwan na lamang siya nito basta kahapon. Tila balewala dito na hinalikan siya nito.
Hahabulin niya sana ito kahapon pero nang may makita siyang isang taong tila takang-takang nakatingin sa kanila ay nabahag ang buntot niya. Baka mamaya, maisip ng taong iyon na mahalay siyang babae at may ginawa nga siyang masama sa lalaking humalik sa kanya kahapon.
Pero mas malala pa pala ang mangyayari sa kanya ngayon dahil may nakakuha pa ng litrato nila sa eksenang hinalikan siya nito.
Pagkatapos ng pangyayari ay umalis na siya sa naturang bar. Sakto namang tumawag sa kanya si Claudine at sinabi sa kanyang hindi ito natuloy sa pagsugod kay Rene dahil nasiraan ito ng sasakyan. Pinapunta siya nito sa lugar kung saan ito nasiraan. Tinulungan naman niya ito. Hindi niya sinabi ang nangyari sa kanya bago iyon dahil nakakahiya iyon. Isa pa, alam niyang tutuksuhin lamang siya nito nang tutuksuhin. Sinabi niya sa sarili na pilit niyang kalilimutan ang lahat. Pero dahil sa nangyaring iyon sa kanya, nawala lahat ng sinabi niyang iyon. Na-broadcast pa sa buong bansa ang kahihiyan---para sa kanya---na experience na iyon. Ang masama pa, pati pangalan niya ay nailagay din doon na hindi niya alam kung paano nakuha. Pero nang maalala niyang nang lumabas siya ng bar ay may isang taong nagtanong sa kanya kung siya daw ang may-ari ng Lady’s pizza na pagmamay-ari niya ay um-oo siya. Malamang sa malamang ay dahil doon, nakuha nito ang buong pangalan niya.
“Hindi boyfriend? Hmmm... Pero Lady, kung ako sa `yo, pipikutin ko na ang lalaking ito. Aba, bukod pala sa guwapo ay isa siyang milyonaryo,”
“Edi sa `yo na! Ipagpalit mo kay Rene. Tutal, magkakilala naman daw sila!”
“Wow! At magkakilala pala kayo ng lalaking ito? Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin?”
“Hindi `no! Napagkamalan ko lang siyang si Rene kahapon. Magkamukha kasi sila kapag nakatalikod. Kakausapin ko sana iyong ugok mong ex pero hindi pala siya ang nahablot ko sa crowd. At nang dahil sa paghila ko sa kanya, binigyan niya ako ng parusa. Ang akala ko, tapos na kagabi ang parusang iyon pero hindi pa pala. Dahil sa nakita ko sa ngayon, hindi lang pala parusa ang inabot ko. Kahihiyan, Claudine! Kahihiyan sa buong Pilipinas!”
“Alam mo, Lady, hindi `yan kahihiyan lalo na kapag ganyan ka-guwapo ang lalaki. Dapat nga maging proud ka, eh. Ang guwapo-guwapo niya kaya! And his name sounds familiar. Siguro nga ay dahil kaibigan siya ni Rene. Nakita ko na rin siguro siya sa isa sa mga events na pinupuntahan namin,”
“I don’t care. Eh ano naman kung guwapo siya at milyonaryo? Kinuha niya pa rin ang first kiss ko! Humanda sa akin ang lalaking `yan!” nangagalaiting wika niya.
“Okay lang `yan, Lady. At least, naranasan mo na ang first kiss. And I bet, masarap humalik `yan. Ang bali-balita kasi, habulin siya ng mga babae. So ibig sabihin lang noon, marami ang nangangarap na makasama at mahalikan niya,” sabi nito sa kanya. “So ano ngang lasa? Masarap nga ba talaga?” tinignan muli nito ang picture na nasa diyaryo. “Ah, mukhang masarap nga. Nakapikit ka pa. Parang feel na feel mo,”
She rolled her eyes. “Tsismosa ka! Hindi ko iyan feel `no! Nagkaroon lang ako bigla ng urge sa sarili ko na mapapikit dahil sa halik niya!”
“Okay lang `yun. Happy nga ako para sa `yo, eh. And don’t worry, hindi kita aagawan kahit sabihin mong ang paghalik sa kanya ang pinakamasarap na experience na naranasan mo sa buong mundo. Loyal pa din ako sa Rene ko kahit iniwan na niya ako,”
“Ewan ko sa `yo! Basta ako, galit pa rin sa kanya!” nangigigil pa rin na sabi niya. “Nakakadiri siya! Nakakadiri ang ginawa niya sa akin!”
“Haay naku, Lady, kahit kailan talaga ang prude mo. Kaya minsan, napapagkamalan kang boyish, eh. Masyado kang conservative. Halik lang `yun, okay? Hindi ka naman niya ginahasa,”
“Kahit na! Nakakainis pa din siya! Tatanggapin ko na sana iyong halik dahil akala ko, kami lang dalawa ang may alam. Pero nang dahil sa article na ito, buong bansa na ang may alam. Paano kung mabasa ito ni Mama?!”
“Edi okay. `Di ba, matagal ka ng binubuyo sa pag-aasawa ni Tita? Chance mo na ito na magpakilala sa kanya ng nobyo,”
“No!” nangagalaiting sabi niya saka kinuha muli ang Diyaryo. Ngali-ngali niyang punitin iyon. Bakit ba naman kasi hindi niya naramdaman na may camera palang kumuha sa eksenang nangyari kagabi? Kung alam lamang niya, edi sana, hinabol niya ito kahit magkandadapa pa siya mahuli lamang niya ito. Kung para sa iba ay kasikatan ang magkaroon ng larawan kasama ang Guji na iyon, para sa kanya ay hindi. First kiss niya iyon for Pete’s sake! Pero para lamang iyong bulang nawala dahil sa ginawa nito sa kanya.
Oo nga at guwapo ang Guji na iyon. He had brown eyes, cute pointed nose, and sexy lips. Mas nakadagdag pa sa kaseksihang taglay nito ang rugged na buhok nito. Tila nag-uumapaw din ang sex appeal nito sa brown na kulay ng kutis nito. Mataas din ito kumpara sa kanya. Sa 5’6 niyang height ay hanggang mata lamang nito ang bumbunan niya. Pero sa kabila ng binigay na kakisigan dito ng Diyos ay hindi pa rin maalis sa kanya ang kasamaang pinakita nito sa kanya. Bukod naman kasi sa kinuha nito ang tamis ng unang halik niya, tila kinutya pa siya nito ng sabihin nitong hindi daw nito paniniwalaan kung papatulan siya ni Rene. Alam niyang si Rene ay may reputasyon bilang mahilig sa mga babaeng maganda katulad ng best friend niyang si Claudine. Ang mga tipo nito ay iyong mga babaeng mahilig sa palda at mag-ayos ng sarili. At alam niyang ibang-iba siya sa mga babaeng ganoon. She wears clothes that she was comfortable with like shirts, jeans, rubber shoes or sneakers. Bihirang-bihira lang siyang magdamit na tila isang prinsesa.
Sa huli ay tinapon din niya ang diyaryo na ibinigay sa kanya ni Claudine. Inis na inis pa din siya. Dinagdagan pa lalo ang inis niya nang patuloy siyang lokohin nang lokohin ng kaibigan dahil sa nangyari. Kahit gusto niyang awatin na ito ay hindi naman niya maggawa dahil tila aliw na aliw ito. Simula nang mag-break ito at si Rene ay noon lamang muli niya itong nakitang ganoon kaaliw ang mukha.
Mag-aalas-tres na ng hapon ng maghiwalay silang magkaibigan matapos nang mahabang usisaan. Pumunta siya sa isa sa mga pizza house branch niya at tinignan ang operation noon. Pero bago niya pa matanong ang manager upang kamustahin ang lagay noon ay may isang matandang sosyal na babae ang lumapit sa kanya. Hindi na bago sa kanya ang makakita ng isang sosyal sa loob ng pizza house niya dahil marami na ring mayayaman ang tumatangkilik na produkto nila. Pero hindi niya ba alam kung bakit sa kabila ng masayang ngiti ng matandang babae habang lumalapit sa kanya ay may nararamdaman siyang kakaiba.
“Hi, ikaw ba si Lady Joy Alonzo?” tanong sa kanya nito habang hawak-hawak ang diyaryong kanina lamang ay sinusumpa niya.
“Hmmm... Opo. Bakit po?”
Tumingin ito sa kanya mula ulo hanggang paa. Lumawak lang ngiting nakapaskil sa labi nito at sa gulat niya ay yumakap pa ito sa kanya. “Finally, nakahanap din ang anak ko ng babaeng magugustuhan ko para sa kanya,” sabi nito at kumalas sa yakap niya. Pero hindi pa rin nito inalis ang pagbibigay ng affection sa kanya. Hinawakan nito ang mukha niya. “Hello future daughter-in-law. I’m Guji’s mother,”
PINILIT ni Guji na alisin ang panghihinayang na pakiramdam sa sarili niya habang nagda-drive siya patungo sa mansion nila ng gabing iyon. May gimmick sana siya ngayong gabi kasama ang mga kaibigan niya pero dahil tinawagan siya ng Mama niya kanina na pumunta daw sa mansion nila sa isang hindi niya matukoy na okasyon ay naudlot iyon.
Gustuhin man niyang umayaw sa paanyaya ng kanyang Mama ay alam niyang hindi ito tatanggi. He knew her mother well. Ilang beses na siyang tumanggi na sumama sa mga events kung saan isinasama siya nito at ilang beses na din siyang nairita nang husto. Kapag kasi hindi niya pinagbibigyan ang kanyang Mama sa mga gusto nito ay palagi na lang nitong ginagawang music player ang cellphone niya. Minu-minuto yata siya nitong tinatawagan kapag may gusto itong inaayawan niya. Kapag naman pinatay niya ang cellphone niya ay talagang pinapa-track pa siya nito sa mga bodyguards nila at parang kindergarten na batang pinapauwi kapag hindi siya sumunod sa utos nito. Ganoon ka-OA ang kanyang ina dahil siguro ay nag-iisang anak lang siya at menopause baby pa. Late na nagkaanak ito at ang kanyang ama dahil palaging nasa ibang bansa ang kanyang ama at may hormone imbalance pa ang kanyang ina noon.
Kaya naman kahit ayaw niyang sundin ang gusto nito dahil mas trip niyang gumimik kaysa sa kung anong gusto nitong paggawin sa kanya ngayong gabi sa mansion, sinunod na rin niya ito. Mahirap na at baka gawin na naman nito ang madalas na gawin nito sa kanya. Mapapahiya siya sa harap ng maraming tao dahil ang isang professional na civil engineer sa umaga at party animal sa gabing kagaya niya ay tila 5-year old kid kung ituring ng ina nito.
Pasado alas-sais na nang makarating siya sa Mansion nila sa White Plains. Paminsan-minsan na lamang siya umuuwi doon dahil may sarili siyang condominium unit. Doon siya madalas naglalagi dahil gusto na niyang maging independent at para na din makaalis sa anino ng Nanay niya.
Pagpasok niya ng Mansion ay agad na sinalubong siya ng isa sa mga katulong nila. “Hello Sir. Good evening po,”
“Good evening din. Si Mama?”
“Nandoon po sa garden. Kasama ang girlfriend niyo,” pag-iimporma ng katulong.
“Girlfriend?” takang tanong niya. Sa ngayon ay wala siyang girlfriend. Fling-fling lang lahat ng mga babaeng nakakasalamuha niya kaya ano itong sinasabi ng katulong niya?
“Sir? Ang ibig sabihin niyo po ba ay hindi niyo girlfriend ang babaeng nasa Diyaryo kanina?”
“What? Ako nasa diyaryo?” taka pa ring tanong niya. Iniabot naman ng katulong ang diyaryo kung saan nandoon ang litrato niya kasama ang babaeng hinalikan niya kagabi. Pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng biglaang Hydrocephalus dahil nanlaki ang ulo niya. “Oh shit!”
Dali-dali niyang ibinigay sa katulong ang diyaryo at pumunta sa garden ng bahay. At nakita nga niya doon ang babaeng nakita niya kahapon sa bar. Halatang ilang na ilang ito habang pilit na nakikipagkuwentuhan sa madaldal niyang Mama. Ang Mama naman niya ay tila aliw na aliw dito sa kabila ng expression ng kausap nito.
“So ayan na pala ang unico hijo ko,” sabi ng kanyang Mama nang makita siya nito. Tumayo pa ito para salubungin siya at hinalikan sa pisngi.
Hinalikan din niya ito pero hindi niya doon tinuon ang pansin kundi sa babaeng kasama nito sa garden table na sa halip na matamis na ngiti ay irap ang sinalubong sa kanya. Hindi tuloy niya alam kung matatawa o maiinis.
“Pinapunta ko na dito ang bago mong nobya. Paano ba naman kasi ay hindi mo pa siya pinapakilala sa akin tapos nadiyaryo na kayo. Mabuti sana kung siya iyong tipikal na babaeng nakikita kong palagi mong kasama sa mga society pages,” sabi nito at hinaplos-haplos pa ang braso ng dalaga. “I’m so happy, anak, at nakahanap ka na din ng babaeng nararapat para sa `yo. Sa wakas, matatapos na rin ang linggo-linggo kong pagno-novena sa Baclaran para lamang ipagdasal sana ay matagpuan mo na ang katapat mo. Maybe she’s not that beautiful like the girls in FHM covers pero maganda siya kahit simple lang siya. Sawang-sawa na din naman ako sa mga babaeng nirarampa mo sa kung saan na kulang na lang yata ay huwag nang magsuot ng damit dahil napaka-revealing lagi ng suot. Katulad ni Lady ang babaeng gusto ko para sa `yo, Anak. Maganda, mukhang mabait at career woman.” Magandang pagpupuri pa nito sa dalaga.
Hindi niya tuloy alam kung mapapangiwi siya sa sinabi ng kanyang ina. Pakiramdam niya ay magkakaroon yata ng real life shot-gun marriage sa pagitan nila ng babaeng ito. And knowing her mother, hindi malabong mangyari iyon lalo na sa isang taong nagustuhan nito.
“Ahmm, `Ma, Yeah I know,” sabi na lang niya para um-oo sa mga sinasabi ng kanyang Mama. Sa tantiya niya kasi, kahit i-deny pa niya na wala silang relasyon ni Lady ay hindi pa rin ito papayag. Kapag kasi may nagustuhan ang Mama niya, ipagpipilitan nito iyon kahit ano pa man ang nangyari.
Marami na siyang karanasan sa buhay na palaging ang Mama niya ang nasusunod. Isa na doon ang pagpili niya ng kurso niyang civil engineering. He wanted to go for architecture pero dahil mas bagay daw ang civil engineering kaysa sa architecture para sa construction company nila, iyon ang pinakuha nito sa kanya. Sinamahan pa talaga siya nito noong mag-enroll noong college siya para lamang masigurado nitong ang kursong gusto nito ang kukuhanin niya.
Lahat yata ng gusto nito ay dapat masunod. Ganoon ka-reyna ang kanyang Mama kahit na ba minsan naman ay mabait din ito. Lumaki kasi itong mayaman at spoiled kaya naging motto na nito sa buhay ang “what I want is what I get”. “But Ma, can I excuse Lady for a while? May sasabihin lang ako,”
“Oh sure, hijo. Pupunta na muna ako sa kusina para magkausap kayo nang masinsinan. Malamang ay nami-miss niyo na ang isa’t isa kaya kayo ganyan,” sabi ng kanyang ina at iniwan na sila. Nang siguradong nakalayo na sa kanila ang kanyang Mama ay kinausap niya ito.
“What the hell is this?! Bakit ka natunton ng Mama ko?!”
Humalukipkip naman ito at tinaasan siya ng kilay. “At ako pa ang tinatanong mo niyan ngayon eh basta na nga lamang akong sinugod ng Mama mo sa pizza house ko at sinasabing ako daw ang gusto niya para sa kanyang anak dahil sa nakitang article na iyon sa Diyaryo!”
“Eh kung ganoon, bakit hindi mo sinabi sa kanya na aksidente ang lahat? Na hindi naman talaga kita nobya?”
“Sa tingin mo ba hindi ko sinabi `yun sa Mama mo? Hindi niya kaya ako pinapakinggan! Pinipilit niyang nobyo kita dahil lamang sa picture na nakahalikan kita!” gigil na sabi nito. Napangiwi siya. Mukhang pati ito ay hindi na-resist ang ugali ng Nanay niya. Kaya ito ang babae at nakapunta sa bahay nila ng hindi oras.
Grabe talaga si Mama! Napakamanipulador, wika niya sa isip. Nagpaikot-ikot siya sa paglakad upang mag-isip dahil sa biglaang pangyayaring ito.
“I hate this. What now?!” sabi nito na tila iritang-irita. Sumunod-sunod ang mata nito habang palakad-lakad siya.
“Si Mama talaga! Maybe she saw something to you that makes her like you instantly,” tinignan niya ito mula ulo hanggang paa. Hindi nga ito katulad ng babaeng palaging dine-date niya kaya siguro nagustuhan ito ng Mama niya para sa kanya. Ito lang kasi ang babaeng nakasama niya sa isang larawan na kakaibang-kakaiba sa mga babaeng hilig niyang kasama. Palagi pa naman sa kanyang sinasabi ng kanyang Mama na ayaw daw nito ng ganoon. Kaya naman nang makita nito si Lady na ni-link sa kanya dahil lamang sa nakuhanang litrato nila, parang nakakita ito ng isang magandang alas para sa kanya.
Matagal na din siyang binubuyo ng kanyang ina sa pag-aasawa. Katwiran nito ay dalawampu’t siyam na taon na daw siya kaya naman kailangan na niyang magkapamilya. Ito naman ay magpitongpu na kaya sabik na sabik na itong magkaapo sa kanya. Baka daw kapag pinatagal niya pa ay humina na ito at hindi na magkaroon ng lakas pa para makipaglaro sa mga anak niya. Katwiran naman niya dito ay mas malakas pa ito sa kalabaw kaya hindi pa ito dapat magmadali na magka-apo na.
“What? Dahil lang ba kakaiba ako sa mga babaeng madalas na dine-date mo ay magugustuhan na niya ako? This is ridiculous!” sabi nito nang sabihin niya dito ang dahilan kung bakit siguro ito nagustuhan ng Mama niya. “May kamalasan ka talagang dala sa buhay ko! Na-broadcast sa buong Pilipinas ang kahihiyang nangyari sa akin kagabi, ngayon naman ay parang tutukan ako ng baril ng Nanay mo para lang makisama sa `yo!”
“I’m sorry, okay? Malay ko bang na-picture-an tayo kagabi? Ikaw kasi masyado mong f-in-eel iyong paghalik ko sa `yo, `yan tuloy nawala tayo sa pagka-alerto,”
“Aba, aba! Sa akin mo isisi ang lahat eh ikaw din naman ay isa sa hindi nakapansin?”
“Okay, fault na nating dalawa. Pero wala na tayong magagawa. Nandito na ito. Nadiyaryo na ang picture nating dalawa. Hindi na natin maibabalik ang nakaraan pa. Kaya naman nakaisip ako nang magiging magandang solusyon natin para dito,”
“At ano namang klaseng solusyon `yan, aber?” nakahalukipkip pa rin na sabi nito.
“I want us to be pretend lovers,” diretsahang sabi niya.
“Ano?! Ikaw, magiging boyfriend ko? No way! Uuwi na ako sa bahay namin ngayon! I don’t want to mess up with someone like you!” determinadong sabi nito saka nag-walk out sa kanya. Sinundan naman siya nito hanggang sa makarating siya sa gate.
“Teka nga, bago ka maghisterya, pakinggan mo muna ako, okay?” sabi niya at pinakalma muna ito bago nagsalita muli. “My mom, alam ko `yan, hindi `yan titigil hangga’t hindi niya nakukuha ang gusto niya. Hangga’t hindi niya nakikita na okay tayong dalawa dahil ikaw ang gusto niya para sa akin. Kaya naisip kong maging pretend lovers tayo. Hindi naman ito magtatagal, Lady. Later, maghihiwalay din tayo. Kumbaga, pagbibigyan lang din natin ang kapritso ni Mama sa ngayon,”
“No! Ngayon nga lang kita nakilala tapos makikipag-deal ako sa `yo?”
“At sa tingin mo ba matagal na kitang kilala? Parehas lang tayo. May problema ako sa Mama ko kaya pinakikiusapan kitang makisama sa akin. At ikaw? Hindi mo ba naiisip na magkakaroon ka din ng problema sa magulang mo kung sakaling makita nila ang larawan mong kahalikan ako eh hindi mo naman ako nobyo?”
Natigilan ito sa sinabi niya. Pero sa huli ay umiling din. “No. Kaya kong sabihin kay Mama ang lahat. Magpapaliwanag ako sa kanya. Siguro naman maiintindihan niya iyon,”
“Pero paano kung guluhin ka muli ni Mama? Pinaglihi sa kakulitan ang Mama ko, sinasabi ko sa `yo,”
“I don’t care. Alam kong sobrang kulit niya kaya kahit isinusuka ko ay sumama ako sa kanya dahil pakiramdam ko ay tutukan niya ako ng baril kung hindi ako sasama sa kanya. Isa pa, masyado akong nagulat dahil sa mga pangyayari. Next time, I will give my very best to resist her. Kung puwedeng tumawag ako sa pulis para lang tigilan niya na ako, gagawin ko. Ayaw ko na muling malagay sa ganitong sitwasyon. Nirerespeto ko lamang siya sa ngayon dahil una pa lamang ito,”
“Fine. Kung `yan ang gusto mo ay bahala ka. Pero kung sakaling magkaproblema ka sa Mama mo at kailangan mo ng tulong ko, you can call me anytime,” sabi niya saka inilagay sa kamay nito ang calling card niya.
Mukhang tatanggi sana ito sa ginawa niya pero nang pisilin niya nang mariin ang kamay nito ay tila natulala ito. Kahit naman siya ay nabigla sa reaksyon ng katawan niya nang gawin niya ang pagpisil. Parang may elektrisidad na pumasok sa buong kalamnan niya dahil sa simpleng pagpisil niya sa kamay nito.
“O-okay. I gotta go,” sabi nito at pinara ang taxi na biglang dumaan sa harap nila. Siya naman ay nanatiling nakatingin sa papalayong sasakyan na sinakyan nito habang iniisip ang nangyaring kakaiba sa kanya ngayong araw.
What the hell is that, Guji Guirado?
NAPANGIWI si Lady nang isalubong sa kanya ng Mama niya ang isinusumpa niyang diyaryo. Base sa itsura nito ay halatang nabasa na nito ang tungkol sa pinakasusumpa naman niyang article sa buong mundo.
“Ano ito, Lady Joy? Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin ito?” mangiyak-ngiyak na sabi nito habang nasa harap niya.
Parang nagulo tuloy ang buong sistema niya dahil sa reaksyon ng mukha nito. “Ma, I’m sorry. Hindi naman---“
“Sino ang lalaking ito? Bakit hindi mo man lang siya ipinakilala sa akin?” putol nito sa akmang sasabihin niya. “Alam mo naman na gusto na kitang magka-boyfriend pero sana man lang ay hindi ko malalaman sa paraang ito. Bakit kailangan mo pang maglihim? Matatanggap ko naman, Anak, eh.”
“Ma, hindi po ako naglilihim. Aksidente lamang po ang nangyari. Hindi ko naman po gustong ma-broadcast sa buong Pilipinas iyon pero wala na po akong magagawa dahil nandoon na iyon,” pagpapaliwanag niya.
“Hah! Ako din, hindi ko gusto ang nangyari! Kailangang ipakita mo sa akin `yang boyfriend mo bukas na bukas din!”
“Boyfriend?” tila nanlaki ang mata niya sa inaakala nito. “Pero Ma---“
“Huwag mong sabihin sa akin na hindi mo boyfriend iyon, Lady Joy? Kitang-kita naman sa larawan na may espesyal na namamagitan sa inyo dahil feel na feel mo dahil sa pagpikit mo. Mahal na mahal kita at ayaw kong basta-basta ka na lamang nagpapahalik sa iba. Kailangang panagutan ka ng lalaking `yan!”
“Hindi naman niya po ako ginahasa. Halik lang `yun, Ma, `wag kayong OA,”
“Kahit na! Napakalaking kahihiyan sa mga kakilala natin ang nangyari. Kailangang iharap mo sa akin ang lalaking `yan. Palihim-lihim pa kayo ang tatanda niyo na,”
“Pero Ma...”
“Walang pero-pero! Iharap mo sa akin ang lalaking iyon bukas na bukas din, Lady Joy Alonzo! Na-broadcast pa kayo sa buong Pilipinas tapos hindi mo man lang pinapakilala ng pormal sa akin `yang nobyo mo? Hindi ako papayag na ganito na lamang,” mariing sabi nito sa kanya saka umalis na sa harapan niya.
Napabuntong-hininga siya habang sinusundan ang pigura nitong palayo sa kanya. Naisip na nga niya at maaring magkaproblema din siya sa kanyang ina.
Mahigpit din ang kanyang Mam sa mga lalaking nagkakagusto sa kanya kahit na matagal na siya nitong gusto siyang mag-asawa. Ayaw na ayaw nito ng may bumabastos sa kanya dahil ayaw nitong maggaya siya sa nangyari dito noon.
Inis na inis tuloy siya. Pareho na sila ngayong may problema ni Guji sa kani-kanilang ina. Ang Nanay nito ay pinipilit siyang nobya ng anak nito dahil sa nakitang larawan na iyon sa diyaryo. Ganoon din naman ang naging reaksyon ng kanyang ina. Parang lahat yata ng kamalasan ay napunta sa kanya dahil lamang sa nakuhanang larawan na iyon.
Pakiramdam niya kahapon nang makita niya ang Mama ni Guji sa pizza house niya at sabihin na tuwang-tuwa daw ito dahil siya ang nobya ng anak nito ay kinilabutan siya. Ilang beses din niyang itinanggi na hindi siya nobya nito pero hindi ito naniwala sa kanya. Pinagpipilitan nito na nobya siya ni Guji dahil lamang sa litratong nasa diyaryo. Kaya naman hindi na siya nakaangal nangg pinapunta siya nito sa bahay ng mga ito kanina. Napapakakulit ng Nanay ni Guji at nahirapan talaga siyang i-resist ang kakulitan nito kaya sa huli ay pinagbigyan na din niya ito.
Doon niya nakausap si Guji at inalok siya na magkunwari na lamang munang nobya para sa Nanay nito. Doon din nito ibinigay ang calling card para in case na magkaproblema siya sa kanyang ina. Napatingin siya doon. Mukhang kailangan niya nga yatang makipag-deal dito dahil sa lintik na article na iyon sa diyaryo.
KINABUKASAN ay nakipagkita si Lady kay Guji sa isang restaurant. Dumating naman ito doon sa oras na tinalaga niyang magkita sila. Umupo ito sa upuang katapat niya.
“So ano? Payag ka na bang makipag-deal sa akin?” ngiti-ngiting sabi nito sa kanya.
“Hindi ibig sabihin na papapayag ako ay gusto ko na ito. Kailangan ko lamang ng tulong mo dahil nagalit sa akin ang Mama ko kahapon,”
“I told you. Sino ba naman ang Nanay na hindi maghihisterya kapag nakita nitong feel na feel ng anak niya ang makipaghalikan sa isang larawan?”
Umirap siya dito. “Hindi ko iyon feel, okay? Nagkataon lamang iyon. Anyway, I will accept your deal. Pero this is just for the meantime. Ipapakita lamang natin sa Mama ko na may relasyon tayo pero hindi kalaunan ay magbe-break din tayo. Ayaw ko lamang na isipin niya na isa akong babaeng hitad na basta-basta na lamang nagpahalik sa isang lalaking wala naman akong nararamdaman. Understand?”
Napag-isipan na niya ang lahat kagabi. Hindi naman niya diretsahang sinabi sa kanyang ina na hindi niya boyfriend si Guji kaya naman wala na siyang magiging problema dito.
“I know. Pagbibigyan ko lamang naman ang kapritso ni Mama, eh. Alam kong hindi ako titigilan noon habang hindi ko pinopormahan ang babaeng “gusto” daw niya para sa akin. O kung gusto mong maging matagalan, sabihin mo lang sa akin ng mapaghandaan ko na. Nasarapan naman kasi ako sa lasa ng labi mo at---“
Napapikit siya sa sinabi nito at iniharang niya ang isang kamay niya sa mukha nito upang patigilin ito sa pagsasalita. “Stop! Huwag mo ng ipaalala ang nangyari kagabi, okay?”
Tumawa ito. “Pero hindi natin maiiwasan iyon. As a pretend lovers, we should do it again.”
“No! Gumawa tayo ng rules! Hindi kasali ang kiss!”
“Ha? Eh paano tayo magiging effective na lovers niyan kung walang kiss?”
“Puwede namang holding hands o hug basta walang kiss!”
He twitched his lips. “At bakit naman? Masama ba ang lasa ng labi ko kaya ayaw mong mahalikan muli ko?” sabi nito at unti-unti pang inilapit ang mukha sa kanya. Nasa corner ng restaurant ang puwesto nila at dahil nasa likod siya ng pader ay hindi siya makaurong dahil sa ginagawa nito sa kanya. Hindi rin naman niya ito mapigilan dahil parang binabayo ng sampung kabayo ang dibdib niya habang nilalapit nito ang mukha sa mukha niya.
Tila siya tigre ngayon na naging kuting dahil sa takot na nararamdaman niya. Napalunok siya. Ano ba itong nangyayari sa kanya? Masarap sa pakiramdam iyon na hindi niya maipaliwanag. Parang natatakot din kasi siya. Natatakot na baka ang mga nagiging reaksyon ng katawan niya dito ay sign na in love siya dito. Ganoon kasi ang mga nababasa niya sa mga romance pocketbook na nababasa niya.
Pero pinigilan niya ang sarili na isipin ang mga iyon. She can’t be in love with this man. Ilang araw pa lamang ang nakakalipas simula nang magkakilala sila. Isama pa na katulad ng kanyang ama ay isa din itong lalaking hindi magseseryoso sa mga babae. Katunayan na doon ang nakita niyang mga babaeng nakapaligid dito sa bar kung saan niya unang nakita ito. Kaya naman hindi din niya dapat seryosohin ang nararamdaman niya at ang mangyayari sa kanila sa susunod pang mga araw dahil sa pagpapanggap nila. Hindi rin naman iyon magtatagal, iyon na lamang ang itatak niya sa isip niya. Hindi si Guji ang lalaking para sa kanya.
Pero hindi rin naman tinuloy ni Guji ang paglapit pa. Bagkus ay bumalik muli ito sa kinauupuan at pinagtawanan siya dahil sa nakitang reaksyon niya. Hindi naman niya mapigilan ang mamula ang mukha. Kung ano ang pinag-iisip niya pero pinaglalaruan lang pala siya ng loko. Para siyang tangang muntik ng maniwala dito. Pahiyang-pahiya siya habang ito naman ay tawa nang tawa.
Dear Lord, please help me to get over this,