Chapter 28

NAGISING si Frances na parang may nakapatong na mabigat na bagay sa ulo at ilong niya. Pakiramdam kasi niya ay parang mabibiyak ang ulo niya sa sakit noon. Ang bigat-bigat rin ng ilong niya dahil parang ang daming nakabara doon. Parang ang init rin ng buong paligid niya kahit ramdam naman niyang malakas ang aircon sa kuwarto niya. Nang bumangon siya ay saka niya lamang dinama ang katawan niya. Napabuntong-hininga siya nang maramdaman niyang mainit siya.

Damn the rain!

Ang sama na nga ng kinalabasan ng gabi niya dahil sa pinaramdam ni James at naging desisyon niya, iyon at pati ang katawan niya ay nakisama pa pala. Alam niyang mahina ang resistensya niya sa ulan pero hindi niya akalaing magkakasakit pala siya dahil sandali lang naman siyang naulanan. May mga pagkakataon naman kasi noon na hindi siya nagkakasakit kapag sandali lang siya naulanan. Tinakbo kasi nila ni James kagabi ang bahay nito. Wala kasing covered area mula sa garahe patungo sa bahay nito eh malayo-layo pa naman iyon. Wala rin payong si James kaya napilitan na siyang takbuhin iyon dahil inaantok at pagod na rin siya. Pero hindi niya akalaing sa pinagsama-samang pagod at kaunting ulan, iyon at magiging unproductive siya sa buong araw. Hindi kasi siya makagawa nang ayos kapag nagkakasakit siya.

Tumingin siya sa relo sa beside ng table ng kama niya. Napaungol siya nang makitang alas-nuwebe na nang umaga. Napahaba pa ang tulog niya! Bumangon siya ng kama at lumabas ng kuwarto. Expected niyang makakita siya ng post-it note sa ref dahil sa pagkaka-late niyang maggising at hindi niya naipaghanda ng almusal si James na parte ng trabaho niya. Pero sa halip na iyon ang bumulaga ay isang almusal na mukhang si James ang naghanda ang bumungad sa kanya. Nakasuot pa kasi ito ng apron nang makita niya. Ngumiti ito sa kanya at parang sandaling nawala ang sakit ng ulo niya nang dahil doon.

Peste! Nakapagdesisyon na ako! Bakit naapektuhan pa rin ako?

“Good morning! Masyado ka yatang napagod kagabi kaya tanghali ka na nagising. I cooked breakfast,” wika pa nito nang makita siya. Pero napakunot noo ito nang mahalatang matamlay siya. “Bakit namumula ka? May problema ba?”

“Ha? Ah, eh, bakit ikaw, nandito pa?”

“Questions shouldn’t be answered with another question,” parang naiinis na sabi nito. Hinubad nito ang apron saka lumapit sa kanya. Hinawakan nito ang leeg niya. Nang maramdaman nitong mainit siya ay pumalatak ito. “You’re sick,”

“W-wala ito. Gagaling rin siguro ako mamaya kapag nakainom na ako ng gamot,” pumunta siya sa lalagyanan ng plato at naghain. Pero bago niya pa matapos ang ginagawa ay pinigilan siya ni James.

“Don’t bother doing the chores. Ako na ang bahala diyan,”

“I am your maid. I am supposed to do those,”

“And I am your boss. Dapat ay ako ang pinakikinggan mo,” maawtoridad na wika nito. Kinuha nito ang plano at pinaupo siya sa silya ng mesa. “Just eat, okay? May sakit at hindi ka dapat nagpapagod. Don’t worry, I’ll treat you like a princess today,”

Umiling siya. “Hindi mo na kailangang gawin, James. I’m tough. Ilang taon rin akong naging independent at kapag may sakit ako ay wala namang nag-aalaga sa akin. I can still manage even if I am sick. Hindi nga lang ako ganoong kahusay na gumawa hindi kagaya kapag okay ang pakiramdam ko,”

“Iyon na nga, eh. Hindi ka okay gumawa so you are prone to mistakes. At ano naman kung aalagaan kita ngayon? Sinabi mo na nga na wala namang nag-aalaga sa `yo nitong mga nakaraang taon sa pagiging independent mo. Ayaw mo bang maramdaman ulit na may nag-aalaga sa `yo o galit ka lang talaga sa akin?”

“Hindi ako galit sa `yo,”

“Kung ganoon, bakit ayaw mong sundin ang gusto kong mangyari? Pakiramdam ko ay nilalayo mo ako sa buhay mo simula nang manahimik ka kagabi. Hindi kita maintindihan, Frances,”

Nagyuko siya ng ulo. Paano niya ba i-explain rito na kaya ayaw niyang gawin nito iyon ay dahil natatakot siyang baka kapag napalapit pa ito sa kanya ay tuluyang mahulog ang loob niya rito? Hindi naman kasi niya masabi iyon ng diretsahan dahil ayaw naman niyang maramdaman nito ang tunay na nararamdaman niya rito ngayon.

Tinaas naman nito ang mukha niya at pinatingin siya sa mga mata nito. “I don’t like you this way, okay? So please, let me take care of you. Kahit ngayong araw lang,”

Kahit anong pilit ng isip niya na isiksik doon ang sinabi niyang desisyon niya kagabi ay ang lakas naman ng tibok ng puso niya sa pagsasabing pagbigyan niya ang sarili niya. Ni minsan ay walang nag-alaga sa kanya kapag may sakit siya. Hindi na rin naman siya nangarap pa dahil nasanay na rin naman siya.

Bahala na nga, wika niya sa sarili niya dahil nanabik naman ang puso niya sa isiping aalagaan siya nito. Siguro nga ay ayaw na niyang mapalapit kay James pero gusto naman niya ang ideya na may mag-aalaga sa kanya. Na may nagmamahal. Kahit saglit lang.

Hindi na siya nagsalita at hinayaan na lamang ito sa gusto nitong gawin. Sinubuan pa siya nito ng pagkaing ginawa nito at sa tuwing ginagawa nito iyon ay parang lalong nagiging abnormal talaga siya dahil hindi lang ang isip niya ang ginugulo nito, pati na rin ang puso nito. Pero sa halip na mas sumama pa ang pakiramdam niya dahil sa pangugulo nito sa mga importanteng organs ng katawan niya ay mas lalo pa siyang nakaramdam ng kaginhawan doon. Kaginhawaan na ngayon niya lamang naramdaman. At nang dahil doon, parang kinain tuloy niya ang napagdesisyunan niya kagabi na huwag i-entertain ang mga nararamdaman niya rito.

Ngayon ay parang nagbabago tuloy ang isip niya. Alam niyang mali kung sakaling hahayaan niya pang ilapit ang sarili niya kay James. Pero kung susundin naman niya ang alam niyang tama niyang gawin ay parang may mali pa rin dahil kinalulungkot naman niya iyon. Sinusubukan naman niya at hindi ba’t nagdesisyon na nga siya? Kung hindi lang siya nagkasakit ngayon, malamang ay ginagawa na niya iyon. Pero dahil sa mahina siya ngayon at kahit sinasabing hindi niya kailangan ng tulong nito, there was a part of her telling that she wanted a care for someone. Most especially the care of him.

Hindi niya rin naman masunod-sunod ang desisyon niya, gusto na tuloy niyang baguhin iyon. Para man siyang may bipolar disorder dahil sa pabago-bago ng isip niya, dahil naman sa mga pangyayari sa paligid niya ay hindi niya magawang makontrol iyon. Lalo na at nakasalalay doon ang kasiyahan niya.

“Take this,” binigyan pa siya nito ng gamot pagkatapos nilang kumain. Kinuha naman niya iyon at nilunok. Pagkatapos siya nitong painumin ng gamot ay inilalayan pa siya nito sa kuwarto para makapagpahinga raw siya nang ayos. Nang makahiga siya ay tumabi pa ito sa kanya dahilan para lalong mag-panic ang sistema niya dahil sobrang lapit na nila sa isa’t isa. “Mabuti na lamang pala at naka-leave ako ng ilang araw kung hindi, walang mag-aalaga sa `yo,”

“Sa labas ka na lang. Kayang-kaya ko ng magpahinga na mag-isa. Hindi mo na ako kailangan pang bantayan,”

“Gusto ko, Frances. Please let me do this to you,”

Humugot siya nang malalim ng hininga. “But why, James? Bakit ba nilalapit mo ang sarili mo sa akin?”

Naramdaman niyang tila natigilan ito dahil sa tanong niya. Hindi ito nagsalita at tinitigan lamang siya. Waring nag-iisip ito ng sagot sa tinanong niya. Mas lalo tuloy siyang nakaramdam ng kaba sa isasagot nito sa kanya.

“Gusto ko kasing gumaling ka, eh. Sabi nila magaling daw akong magmasahe kaya naisip kong baka gumaling ka agad kung sakaling hihilutin ko `yang sentido mo. Naramdaman ko kasing barado ang ilong mo kaya for sure, masakit rin ang ulo mo,”

Napa-“ah” na lang siya sa naging sagot nito. Nanlumo siya nang hindi ang klase ng sagot na inaasahan niyang sasabihin nito ang sinagot nito sa kanya. Pero ganoon pa man ay ipinagsawalang-bahala na lamang niya iyon at ninamnam ang paghihilot nito sa ulo niya. It was the best feeling ever.

Bukod roon ay inalagaan talaga siya nito nang husto buong araw. Tinupad nito ang sinabi nitong ituturing siya nitong parang prinsesa. He cooked for her the whole day. Pinupunasan rin siya nito maya’t maya para bumaba ang lagnat niya. He made a lot of efforts and because of that, the desire of her to get close to him became more intense. Mas lalo rin naging malala ang dahilan niya para baguhin ang desisyon niyang sinabi sa sarili niya kagabi.

She couldn’t deny the fact that she wanted to be close to him...even if she knew it was wrong.

NAKANGITI si James kahit na ba kaibang-kaiba iyon sa reaksyon ng kasama niya ngayon. Kasalukuyan silang nasa park ngayon para mag-picnic ni Frances. Kakagaling lang nito sa pagkakaroon ng lagnat at para mag-“celebrate” kuno sa paggaling nito ay niyaya niya ito sa isang park.

Kahit hindi siya nito pinapansin ay kontento na siyang pinapanood niya ito habang hawak-hawak niya ang kanyang gitara. Kakatapos lang kasi nilang kumain at dahil may deadline ito sa sarili nito kung kailan nito ipapasa ang patapos na manuscript nito ay dinala nito ang laptop sa park at napagpasyahang doon na lang siya magsulat. Siya naman ay dala ang gitara niya para if ever na ma-bored siya at hindi pansinin nito ay magagawa siya. Pero napagtanto niyang hindi naman pala nakakabored ang pagtingin sa mukha ni Frances kahit na ba ilang beses na itong napapakunot noo sa sinusulat nito. Kahit ganoon ang reaksyon nito ay maganda pa rin ito.

Ilang beses niyang sinasaway ang sarili niya dahil sa mga nagiging reaksyon niya kapag nasa malapit ito. Pero kahit anong gawin niya ay hindi naman niya iyon magawa. Simula nang dumating ito muli sa buhay niya ay nasanay na siya na nasa tabi niya ito, na kinakausap at kinukulit siya nito. Kaya naman noong araw na nanahimik ito sa kanya ay parang nakadama siya ng pagkadismaya. Sinabi niya noon sa sarili niya na parang ayaw na niyang mapalapit dito. Na kahit gusto niya ang ideya na magkukunwari silang magkarelasyon ng isang gabi ay pinilit niya ang sarili niya na huwag maging masaya dahil ayaw na nga niyang mapalapit dito. Pero hindi niya pa rin magawa, lalo na nang maramdaman niyang inilalayo nito ang sarili nito sa kanya noong gabing iyon.

Sanay siya sa na kinakausap siya ni Frances at hindi iyong halos buong gabi ay nanahimik ito sa kanya. He likes her silly thoughts, lalo na kapag parang nawawala ito sa sarili nito. Pero nang gabing nagpanggap sila, pakiramdam niya ay bumalik ito sa dating Frances katulad na lamang noong highschool sila. Nagpapanggap nga sila pero parang nag-iba naman ang ugali nito. Naging tahimik ito at nagsasalita lamang kapag kinakausap. And he doesn’t want it that way.

Alam niyang dapat ay matuwa siya dahil sa ginawa iyon ni Frances. Dahil doon ay hindi na siya mahihirapan pang ilayo ang sarili niya rito. Pero naging kabaligtaran naman noon ang naramdaman niya nang gabing iyon. Napagtanto niyang hindi rin pala niya kaya kahit tinangka niyang subukan. Nalulungkot siya kahit isang gabi pa lamang na nag-iba ang trato sa kanya ni Frances. Paano pa kaya kung nagtagal na iyon? Baka mabaliw na siya nang dahil doon. Kaya napagpasyahan niyang kahit gusto rin niyang lumayo ay hindi na lang niya itinuloy iyon. Bagkus ay pinilit niyang ilapit ang sarili rito. Iyon nga lamang, hindi niya maamin kay Frances ang tunay na dahilan kung bakit niya ginawa ang paglalapit niya rito dahil bukod sa hindi pa siya ganoong kasigurado, ay baka iba ang isipin nito. Ang alam nito ay may Angeline na sa buhay niya at kung sakaling aminin niya rito ang nararamdaman niya ay baka isipin naman nitong gusto niya itong gawing “other woman” niya.

Masaya siya na kasama si Frances pero dahil may pangako siyang binitawan kay Angeline noon kahit wala iyong kasiguraduhan ay hindi naman niya basta-basta maisantabi na lamang iyon. He had waited for years. Si Frances, kahit una niyang minahal noon ay ilang araw niya pa lamang nakakasama muli ngayon. Naguguluhan pa siya sa kung ano ang dapat niyang pagdesisyunan na iwan kaya naman hindi niya sinagot nang diretso ang tanong na iyon ni Frances.

Pero kung ang sandali ngang paglayo sa `yo ni Frances ay nakaapekto na sa `yo, ano pa kaya kung taon `yun, James? Nang mawalay sa `yo si Angeline ay hindi ka ganoon kalungkot kahit alam mong walang kasiguraduhan ang pagbalik niya sa piling mo. Pero ang kaso ni Frances sa puso mo ay kakaiba. Alam na alam mong bumabalik ang dating pag-ibig mo kay Frances. Bakit ayaw mong i-admit iyon?! Tanong ng isip niya.

Dahil sa natatakot akong kagaya ng ginawa niya sa akin noon ay bumalik muli iyon. At least kay Angeline, kahit umalis siya ay tinanggap niya ako at minahal. Hindi kagaya ni Frances noon. Oo nga at may mga pinagbago na ito pero paano kung hindi lahat? Paano kung mangyari ang nakaraan at balewalain siya nito? Natatakot siya. Hindi pa naman siya sigurado kung ano ang nararamdaman nito sa kanya. Paano kung dinadaya lang siya ng damdamin at paningin niya sa nakikita niyang gusto rin siya nito? Sabi nga nito, madali itong maakit sa kagaya niyang magandang katawan. Paano kung sa katawan niya lang ito naakit at hindi sa kagaya niya? Masyado na siyang nasaktan nang dahil dito at kung mauulit iyon ay baka hindi na niya makaya pang muli. Paliwanag ng isang bahagi ng isip niya.

Gusto niyang mapabuntong-hininga sa pagtatalo ng isip niya. Hati ang damdamin niya pero nararamdaman niyang mas malaki ang parte na boto sa damdamin niya ang kay Frances. Pero dahil sa mga nabanggit na kadahilanan ay naguguluhan pa rin siya. Hindi pa siya sigurado sa kaya niyang i-give up. Pero isa lamang ang sigurado niya sa ngayon. At iyon ay ang maging masaya sa piling ni Frances. Bahala na sa maaring mangyari bukas. All he wanted now is to be happy. At kung sakaling makasigurado na talaga siya, doon na siya magdedesisyon na hindi na lang sundin ang pangakong sinabi niya kay Angeline noon.

Nang mapansin naman nito na matagal na siyang nakatingin dito ay napatingin rin ito sa kanya. Mas lalong kumunot ang noo nito. “Anong problema mo?”

Ngumiti siya. “Nothing,”

“Eh bakit tingin ka nang tingin sa akin? May dumi ba ako sa mukha?”

Nanatili pa rin siyang nakatingin. “Nah. I’m just admiring your beauty,”

Namula ito sa sinabi niya. Pakiramdam naman niya ay may kamay na humaplos sa puso niya nang dahil doon. Kung maganda na ito kahit nakakunot ang noo nito ay mas lalo pa itong gumanda sa paningin niya ngayong namumula ang mukha nito.

“Istorbo ka naman, eh,” nakasimangot na mukha nito. Isinara nito ang screen ng laptop nito.

“Ha? Paano kita inistorbo? Nakatingin lang naman ako sa `yo, ah,”

“Iyon na nga, eh. Para naman akong chocolate kung titignan mo. Hindi ako makapag-concentrate sa sinusulat ko,”

Tinakpan niya ang mata niya. “O `yan, nakatakip na para hindi mo na ako makitang nakatingin sa `yo,”

Tinanggal nito ang kamay niya. “`Wag na. Nawala na rin naman ako sa mood magsulat dahil napu-frustrate ako doon sa ginagawa kong nobela. Feeling ko kasi ay may mali,”

Dumilat siya. “Ganoon? Eh anong gagawin mo doon?”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko pa alam. Baka may burahin akong eksena. Pag-iisipan ko pa,”

“Pag-isipan mo na ngayon,”

“Wala pa ako sa mood. Mamaya na lang siguro,” itinabi nito ang laptop saka humiga sa tabi niya.

“Wala sa mood? Parang alam ko kung ano ang magpapabalik diyan, ah?” napangisi siya saka hinawakan ang laylayan ng shirt niya.

Nakuha naman ni Frances ang ibig sabihin niya at binatukan siya. “Baliw ka talaga! Bawal `yan sa public. Baka makulong ka,”

Tumawa siya. “Sabi ko nga,” sabi niya saka tumingin-tingin sa paligid. Napansin niyang may rent a bike facility pala sa park na napuntahan nila. Napangiti siya bigla sa naisip. “Tara, bike tayo,”

“Ha? Hindi ako marunong mag-bike,”

“Tuturuan kita,”

Napakagat labi ito. “I always wanted to ride a bike. Pero natatakot naman ako,”

“Oh, come on! Nandito lang ako sa tabi mo. Sa tingin mo ba, pababayaan kita?”

Umiling ito. “Even if you told me you wanted me to be your maid, hindi naman masama ang trato mo sa akin. Hinahayaan mo pa nga ako na bara-barahin kita at inalagaan mo pa ako noong may sakit ka. I trust you. Pero hindi ka kaya mapahiya habang tinuturuan mo ako?”

“Bakit ba `yan ang iniisip mo? Highschool pa lamang tayo ay matalino ka. For sure, pagba-bike lang ay makakaya mo,”

“Sige, sabi mo, eh. Walang reklamo, okay?”

Ngumiti siya. “Trust me,” sabi niya at niyaya itong tiklupin na ang gamit na ginamit nila sa pagpi-picnic at nilagay iyon sa loob ng kotse niya. Pagkatapos mailagay ang mga gamit ay hinawakan niya ang kamay ni Frances. Hindi naman ito pumalag sa ginawa niya at ngumiti pa nga sa kanya. He felt lighter than ever. Sabay silang naglakad papunta sa lugar kung saan nakapaskil ang rent-a-bike. Nag-rent muna siya ng isang single bike saka sinimulang turuan ito.

“All you just need is to learn how to balance,” turo niya dito habang inaalalayan itong makasakay sa bike.

“Okay. Just guide me please,”

“Of course,” sabi niya at hinawakan ang likod ng upuan nito. Itinuon naman ni Frances ang isip sa pagbabalanse nang makaupo na ito. He saw a glint of smile on her lips.

“Puwede mo ng ilagay ang paa mo sa pedal at simulan ang pagpedal,”

Ginawa nito ang sinabi niya. Sa una ay dahan-dahan lamang itong nagpedal dahil na rin siguro sa nakaalalay siya sa likuran nito. Pero nang magtagal at naisip niyang bitawan iyon para na rin makita kung natuto na ito ay saka naman bumilis ang pagpapatakbo nito kasabay na rin ng pagbilis ng tibok ng puso niya lalo na nang makita niyang gumiwang ang takbo nito.

“Frances!” sigaw niya at mabilis na hinabol ito. Mabilis rin niya itong naalalayan bago ito mahulog mula sa bike. Pero kahit hindi naman ito napaano dahil sa nasalo niya ito ay hindi pa rin natinag ang bilis ng tibok ng puso niya kahit sandali lang naman itong napunta sa “danger zone”. Kahit safe na ito ay ang lakas pa rin ng pag-aalala niya rito.

“Damn it!” inis na wika niya. Pero hindi iyon patungkol dito kundi sa sarili niya. Kung hindi niya agad binitawan ang likurang upuan nito, malamang ay hindi siya mag-aalala sa muntik ng paggiwang nito. Pero kung inis ang nararamdaman niya ngayon, ito naman ay kabaligtaran ng sa kanya. Tumawa kasi ito. Para tuloy lalo siyang nainis.

“Anong nakakatawa?” angil niya. Kabado pa rin siya kahit okay na ang lahat.

“`Yang mukha mo,”

“Whats wrong with my face?”

“Ngayon lang kasi kitang nakitang ganyang natakot,”

“Ah, ganoon? Puwes, hindi mo na makikita muli dahil hindi na ulit tayo magba-bike,”

Nanlaki ang mata nito. “Ha? Bakit?!”

Na-realize kong hindi ko yata kayang makita kahit magkagasgas ka man lang kung sakaling mahulog ka mula sa bike na `yan, gusto sana niyang sabihin.

“Na-realize kong hindi ka matututo,” sa halip ay sagot niya.

“Hindi matututo? First try pa nga lang, eh,”

“Ah, basta! Isa pa, `di ba’t noong una ay ayaw mo naman magbike? Kaya `wag na nga lang nating ituloy ngayon,”

Lumabi ito. “Eh na-realize kong gusto ko nang matuto dahil masarap palang mag-bike. Turuan mo na ako, please?”

“Ayaw ko,” giit niya. “Ibalik na natin ang single bike na ito. Kung gusto mong maranasan mag-bike, doon na lang sa double para puwede kitang i-angkas,”

“Ayaw ko noon. I want to learn. Pero kung ayaw mo naman akong turuan, sige. Ako na lang ang magtuturo sa sarili ko,” inagaw nito sa kanya ang bike at sumakay doon.

Siya naman ang nanlaki ang mata. “Ano?! `Wag ka ngang mag-suicide!”

Tumawa ito sabay tapak sa pedal. “`Wag kang OA, James!”

Napahugot na lamang siya nang mahabang hininga at muling inalalayan ito. Dahil mukhang hindi naman niya ito mapipigilan sa pagmamatigas nito ay tinuruan na lang niya muli ito. Ayaw man niyang turuan ito muli dahil natatakot siya, mas matatakot siya kung pababayaan na lamang niya ito.

Pero mabuti na lamang at pagkatapos noon ay hindi na muli ito gumiwang at mabilis rin na natuto. Nang makita niyang marunong na marunong na ito ay saka siya nag-rent muli ng bike at ipinabalik ang bike na ginagamit ni Frances.

Kumunot naman ang noo ni Frances dahil sa naging desisyon niya. “Bakit kailangang double bike pa? Marunong na ako! We can drive the bike together,”

“But I want it if we will “ride” it together,” sabi niya saka pinaangkas na ito sa likuran ng double bike. “Come,”

Sumimangot ito. “Tinuruan mo pa ako,”

“Well, that’s really my plan. Pero dahil napansin kong mas masarap yata kung gagamit tayo ng double bike, naisip kong palitan na lang ang plano,”

“Ganoon? Gusto mo lang yatang yumakap ako sa `yo kagaya nung couple na `yun, o!” nginuso nito ang couple na nakasakay sa isang double bike. Ang lalaking ang siyang nagda-drive ng bike at ang babae namang nakaangkas rito sa likod ay nakayakap dito. The couple looked so sweet.

Ngumisi lamang siya bilang sagot pero alam niyang iyon talaga ang gusto niyang mangyari. He wanted Frances to hug him just like the lady did to the guy. He wanted their body to get closer. Pero dahil hindi naman niya ito masabi ng diretsahan dito ay gumagawa na lamang siya ng paraan para makaporma rito.

Para-paraan rin, James.

Pero sumakay naman ito sa likod niya kahit hindi direkta ang naging sagot niya.

Ginaya rin nito ang ginawa ng couple na nakita nila. And as usual, he felt happiness when she did. Parang okay ang lahat sa pagitan nila. Kung sana ay ganoon na lang palagi silang dalawa. Kung sana ay wala siyang iniintindi na naging pangako niya noon.

Pero walang kasiguraduhan naman iyon, James. Puwedeng-puwede mong ipagpatuloy ang lahat ng ito kung gugustuhin mo, sigaw ng isang bahagi ng isip niya.

Nasasanay na siya sa presensiya ni Frances sa tabi niya. Pero ginugulo siya ng isiping puputulin niya ang isang pangakong dalawang taon niyang iningatang huwag baliin. Naguguluhan siya kung ano ba ang dapat i-prioritize niya dahil sandali pa lamang naman sila muling nagkakasama ni Frances kumpara sa dalawang taon na iyon. Pero sa mga nangyayari ngayon at pagka-realize niya na ang sandaling masugatan man lang si Frances ay nag-aalala na siya, ano pa kaya ang sakit na maaring ma-encounter nito kung sakaling iba ang piliin niya. Parang hindi niya yata kakayaning masaktan pa ito kung sakaling may gusto nga talaga ito sa kanya dahil sa kaalamanan nitong may girlfriend siya.

Kailangan ko ng magdesisyon, wika niya sa sarili. At nang maisip naman niya iyon ay para namang may ESP si Frances at nahalata nitong nagdedesisyon siya ng oras na iyon dahil niyakap siya nito. Napangiti siya.

Then and there, he knew what really his decision is. The only problem is that he still doesn’t have a plan how he will tell that to her in a romantic way.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.