“Anong sinasabi nila na hindi na valid ang unang report na nakuha natin?” nanlalaki ang matang tanong ni Ondoy, ang pinuno ng mga tourist guide na katulong ng nanay niya sa pangangampanya laban sa pagtatayo ng international airport sa La Reina.
Pagbalik pa lang niya sa bayan ay tinawagan na niya ang inang si Lupita para sabihin dito ang masamang balita at nagpatawag agad ito ng pulong sa lahat ng mga kasamahan. Pag-uwi niya ay nasa harap na ng bahay nila ang lahat, nakaupo sa pinagdugtong-dugtong na lamesa mula sa loob ng bar habang umiinom ng softdrinks at pinag-uusapan ang bagong balita.
“Iyon po ang sinabi ni Governor Marasigan sa akin kanina. Pinawalang-bisa daw ng Earth Link ang una nilang report na hindi pwedeng tayuan ng international airport ang La Reina. May bago daw silang report na ginawa kung saan sinasabing feasible na ang pagtatayo ng international airport dito. Updated daw iyon,” paliwanag niya. Di pa man siya nakakapagpalit ng uniporme ay kailangan na niyang harapin at paliwanagan ang mga ito. And it was not easy. Damang-dama niya ang init ng damdamin ng mga ito at ngitngit. “Nagtalumpati pa nga si Governor Marasigan na ayaw daw nating umunlad ang lalawigan at wala tayong malasakit kaya daw tayo kontra nang kontra.”
“Aba’t ang kapal ng mukha ng Governor Marasigan na iyan,” anang si Aling Tetay na presidente ng mga property owner na ayaw ibenta ang lupain nito para gawing airport. Paano’y paaalisin ang mga ito sa lupang minana pa ng mga ito sa mula ninuno at hindi alam ng mga ito kung saan lilipat kung sakali. Walang sapat na halagang katumbas para sa mga ito ang ibabayad ng gobyerno sa lupang marami nang alaala ng mga mahal nito sa buhay. “Palibhasa hindi siya ang mawawalan ng bahay. Hindi siya ang mapapahamak oras na nadiskaril ang proyektong airport niya. Kung may mangyaring sakuna dito na huwag naman sanang ipahintulot, kaya ba niyang protektahan tayong lahat? Siya itong walang pakialam sa atin. Mukha siyang pera.”
“Malamang nga ay binayaran niya ang Earth Link na iyan para ibahin ang findings nila. May updated-updated pa silang nalalaman. Mga sinungaling at mukhang pera. Magsama-sama sila,” anang si Ladylight na isa sa may-ari ng maliliit na resort doon. “Gusto ko rin ng pera pero hindi ko ilalagay sa alanganin ang isla natin at ang mga tao dito. Ano pang maipapamana ko sa mga anak ko kung sira na ang kalikasan?”
“Dapat siguro ay magprotesta tayo para ipaalam sa kanila na tinututulan natin ang proyektong iyan. O kung kinakailangang magsampa tayo ng restraining order ay gawin natin,” sabi ni Ben, isa sa mga tourist guide. “Hindi natin kailangan ng international airport. Ang kailangan natin ay maayos na pamumuhay nang di nasisira ang kalikasan natin.”
Sumisigid lalo ang sakit ng ulo niya dahil sa usaping iyon. Sinenyasan niya ang ina. “Nay, papasok na po muna ako sa loob. Masama po kasi ang pakiramdam ko,” aniya at nagpaalam na rin sa ibang mga kasamahan. Kaninang-kanina pa niya gustong mapag-isa. Hindi na niya matatagalan pang magkunwari na okay lang siya, makipagtalakayan tungkol sa isyu ng international airport habang wasak na wasak ang puso niya.
Bago pa man siya pumasok sa kuwarto niya ay tumutulo na ang luha niya. Nasalubong pa niya si Ponyang na may dalang tinuping damit at dadalhin marahil sa kuwarto ng nanay niya. “Ate, bakit ka umiiyak? Anong nangyari?”
“M-Masama lang ang pakiramdam ko. Gusto ko lang magpahinga,” aniya at tuloy-tuloy pumasok ng kuwarto niya. Pagsara niyon ay dumapa agad siya sa kama at humagulgol ng iyak.
She curled herself into a ball. Ganito pala ang pakiramdam kapag hindi na siya significant sa buhay ng lalaking mahal niya. Mas masakit kaysa nang napilitan siyang iwan ito. Bakit pa ito bumalik sa buhay niya? Ayos na siya na walang minamahal. Ayos na siyang isipin na bahagi lang si Benedikt ng nakaraan niya at umaasa siyang masaya na ito. Pero para aktuwal itong makita nang harapan na may kasamang iba, parang hindi niya kakayanin.
Parang nawasak din ang lahat ng paniniwala niya na mas maayos ang buhay niya ngayon, na mas makakabuti para sa kanila ni Benedikt kung lalayo siya. Maaring mas maayos ang buhay nito ngayon at masaya ito pero hindi siya. Ayaw niya ng closure. Hindi kaya ng puso niya na mag-move on.
May kumatok sa pinto. “Anak, may dala akong mainit na sinigang na hipon para makakain ka naman at bumuti ang pakiramdam mo,” anang si Aling Lupita. “Pwede bang pumasok?”
“S-Sige po, Nay,” sabi na lang niya. “Pakipasok na lang po.”
Lalo lang itong mag-aalala sa kanya kapag hindi siya sumagot. Lalo nitong iisipin na may nangyayaring di maganda.
Tumalikod na lang siya para hindi makita ang pag-iyak niya. “Anak, hindi ka nagbihis man lang. Ano bang masakit sa iyo? Gusto mong tumawag ako ng doktor?” nag-aalalang tanong nito at umupo sa kama. “Baka may nakain kang di maganda o kaya ay kulang ka ng pahinga.”
Hindi rin siya nakatiis sa huli. Bumangon siya at niyakap ito ng mahigpit. “Nanay, sobrang sakit! Nakita ko po si Benedikt sa opening ng Annex kanina.”
“Si Benedikt, ang dati mong nobyo, nandito sa La Reina?”
Tumango siya. “Opo. Naimbitihan siya ng anak ni Governor.”
“Anong sabi niya sa iyo? Nagalit ba siya nang magkita kayo?”
Umiling siya. “Akala ko po kasi noong una sinusundan niya ako. Na baka nandito siya dahil gusto niyang bumalik ako sa kanya. Sinabi niya sa akin na hindi na sa akin umiikot ang mundo niya. Nandoon pala siya para sa anak ni Governor Marasigan. Mukhang nobya na po niya ang babae. Hindi na po niya ako mahal.”
“Anak…” nausal na lang ni Aling Lupita.
Napahagulgol na lang siya ng iyak. “Pakiramdam ko mamamatay ako kanina nang makita ko kung paano siyang ngumiti sa babaeng iyon. He used to smile at me that way. Tama po kayo. Hangal ako para maniwala sa isang panaginip na hindi naman magkakatotoo. Bakit pa kami pinagtagpo kung makikita ko lang siyang may kasama na iba?”
“Hindi ko alam, anak. Hindi ko alam,” anang ina niya at nahimigan niya ang panginginig ng boses nito. “Ganyan din kasakit para sa akin nang malaman kong nagpakasal sa iba ang tatay mo. Parang pinapatay ako. Mas masakit pa iyon kaysa nang makulong ako na walang kasalanan.”
“Pero iba po ito, Nay. Hindi ninyo gustong iwan si Papa. Wala kayong kasalanan sa kanya. Pero ako, alam kong may kasalanan ako kay Benedikt. Hindi ko alam ang gagawin ko. B-Baka po magkita pa rin kami dahil iniimbitahan ang mga bata na kumanta sa opening ng resort ng anak ni Governor Marasigan. Tiyak na nandoon ulit si Benedikt. P-Parang ayoko pong magpakita, Nay. Bakit kailangan pa niyang bumalik sa buhay ko ngayon? Nang makita ko siya kanina, saka ko nalaman kung gaano kamiserable ang buhay ko mula nang iwan ko siya. Humihinga ako, gumagalaw, nagtatrabaho pero parang walang apoy sa puso ko. Si Benedikt lang ang nagsisindi sa apoy na iyon. Pero siya lang din ang may kakayahan sa aking magbigay ng ganito katinding sa sakit.”
“Kailangan mong tiisin ito, anak. You made your choices. Ikaw ang nang-iwan sa kanya. Magsisisi at magsisisi ka talaga. At kahit gaano kasakit, patuloy pa rin ang buhay natin kahit na di natin kasama ang mga taong mahal natin o masaya na sila sa iba.”
“Paano naman ako, Nanay? Kailan po ba ako magiging masaya?” tanong niya. “Gusto kong maramdaman ulit na mabuhay gaya noong kasama ko pa si Benedikt. Kaya ko namang mabuhay nang wala siya pero hindi ako masaya.”
Pinahid nito ang luha niya. “Hindi ko masasagot ang tanong mo, anak. Pero nandito lang ako para damayan ka. Masasanay ka rin sa sakit hanggang mamanhid ka. Tiisin mo lang ang sakit. Tiisin mo.”
“MAKI, mabuti naman at nakasabay ka rin naming magmiryenda sa wakas. Aba! Ilang araw ka na naming di nakakasabay kumain man lang o umuwi. Hindi na tayo nakakapag-kwentuhan. Marami ka tuloy na-miss na mga bali-balita,” anang kasamahang guro ni Maki na si Candy habang nagmimiryenda sila nang hapong iyon. Kasama nila ang isa pang guro na si Karen na pawang naging kaibigan na niya. Halos magkakasabay silang natanggap sa La Reina Central Elementary School kaya naman sila ang magkakasundo at nakakakuha sa trip ng isa’t isa.
“Naku! Kung iku-kwento mo na naman ang LQ ni Karen at ng asawa niya, pass na muna ako,” sabi niya at sumubo agad ng lomi. “Alam naman ninyo na busy ako dahil sa isang linggo na ang performance nila para sa opening ng La Reina. Gusto ni Ma’am Teleb na mag-perform sila ng bagong kanta. Hindi pa nila gaanong nakukuha ang bagong composition ko dahil nagsisimula pa lang naming i-practice iyon para sana sa nalalapit na choral competition.”
Matinding pressure ang haharapin ng mga bata lalo na’t matataas na opisyal at mga may sinasabi sa bansa ang dadalo sa pagbubukas ng resort. Hindi magiging madali pero alam niyang kaya ng mga estudyante niya na magbigay ng magandang performance. Magandang training at exposure din ang naturang event para sa mga bata, isama pa na malaki ang maitutulong ng donasyon at talent fee na ibabayad sa mga ito para sa pag-aaral ng mga bata.
Excited na nga ang mga bata kinabukasan matapos ang opening ng La Reina Elementary Annex ay nagpadala na ng mga modista na magsusukat sa mga damit na gagamitin ng mga bata. Ibig sabihin ay bongga talaga ang pagbubukas ng La Reina Resort.
“Dadating pa nga ang anak ni Governor Marasigan mamaya para obserbahan ang performance ng mga bata. Nakaka-pressure tuloy,” usal niya at bumuga ng hangin. Hindi niya alam kung paano niyang pakikiharapan nang maayos si Hannah lalo na’t alam niyang ito na ang babaeng pumalit sa kanya sa buhay ni Benedikt. Susubukan niyang maging civil.
Siniko siya ni Candy. “Uy! Ang guwapo naman ng bisita ni Governor Marasigan. Boyfriend ata ng anak ni Governor iyon.”
Biglang tumuwid ng upo si Maki. “Si Benedikt? Nakita mo si Benedikt?” tanong niya habang habol ang hininga.
Wala siya sa huwisyo ilang araw na mula nang magkita silang muli ni Benedikt. Nang lumipas ang mga araw, akala niya ay makokontrol din niya ang kalungkutan. Na mawawala din sa pagdaan ng mga araw. Pero isang banggit lang ang Benedikt ay parang magha-hyperventilate na siya.
“Sa Facebook. Naka-tag sa wall ni Ma’am Teleb. Benedikt pala ang pangalan niya. Bagay sa kanya. Pangguwapo, pangmayaman at mukhang sobrang mabango,” kinikilig na sabi ni Candy. “Gusto kong maramdaman ang feeling na may makatabi at makasamang ganoon kaguwapong lalaki.”
Nanahimik siya dahil di siya komportable na pinag-uusapan nang ganito si Benedikt. Na harap-harapan ay pinag-uusapan ito ng ibang babae. Dati ay nahihiya ang mga kababaihan na gawin iyon dahil nobyo siya ni Benedikt. Wala na siya sa posisyong iyon ngayon.
“Aba! Iyang Maki ang tanungin mo,” anang si Karen at itinuro siya ng tinidor. “Hindi ba naikwento sa atin ni Robert na sila ang magkatabi sa van tulungan sila nang masiraan at pasakayin sa sasakyan ng guwapong iyon?”
Puno ng interes na bumaling sa kanya si Candy. “Oo nga pala. Maki, nakatabi mo na ang Benedikt na iyan. Anong pakiramdam na may makatabi na ganyan kaguwapo? Mabango ba siya? Anong amoy?”
Napamaang siya at nakabusangot na itinuloy ang pagkain. “Bakit ko naman siya aamuyin?” Siyempre hindi niya ise-share sa mga ito ang karanasan niya o ang aalala niya sa bango ni Benedikt.
“Ano? Di mo man lang sininghot?” di makapaniwalang usal nito. “Aba! Kung ako ang may kabatabing ganoon kaguwapo, baka pinapak ko na.”
Binigyan niya ito ng nagbababalang tingin. “Candy, behave. Teachers tayo. Hindi tayo ganyan kagarapal.”
“Tse! Madalang ang ganyang pagkakataon na may makakatabi kang guwapo at mayaman. Kung pwede lang i-freeze ang sandaling iyon o kaya ay ibote ang bango niya, baka ginawa ko na. Masyado kang killjoy,” tungayaw ni Candy.
“Baka naman hindi siya interesado sa guwapo at mayaman dahil kay Robert,” anang si Karen at kumindat sa kanya bago sumubo ng kakanin. “Ano? Sinagot mo na ba si Robert?”