Chapter YSMM 32

Inikot ni Maki ang mga mata. “Magkaibigan lang kami ni Robert. Huwag na ninyo kaming intrigahin. Saka hayaan na natin si Benedikt. May girlfriend na iyon. Wala kang tsansa sa katulad niya dahil may Hannah na siya. Move on na.” Tumayo siya at pinamaywangan ang dalawa. “Naiintindihan ninyo? Move on.”

Nakanganga lang ang dalawa sa kanya. “Ay! May pinagdadaanan ka, te?” tanong ni Candy.

“Kailangan bang ganyan katindi ang emosyon? Humahanga lang naman sa boyfriend ng anak ni Governor. Akala mo naman pipikutin. Saka kung makasaway ka parang ikaw ang girlfriend. Umupo ka nga diyan. Wala naman tayong kailangang pagtalunan.”

Nahimasmasan si Maki at dahan-dahang umupo. “P-Pasensiya na kayo. Medyo hindi lang maganda ang pakiramdam ko,” aniya at huminga ng malalim.

Uminom siya ng tubig para pakalmahin ang kalooban. Hindi naman kasi ang mga ito ang sinasabihan niya kundi ang sarili niya. Kailangan na niyang kalimutan si Benedikt. Kailangan na niyang mag-move on. And it was frustrating. Hindi naman kasi ganoon kadali ang makalimutan ito. Hindi ba’t walong taon niyang sinubukan pero sa huli ay di pa rin siya nakawala dito? Kahit yata kunin ang puso mula sa dibdib niya ay hindi niya ito makakalimutan.

“Ano bang nangyayari sa iyo?” tanong ni Karen na matamang nakatitig sa kanya. “Parang aligaga ka nitong nakakaraang araw mula nang manggaling ka sa Annex.”

Hinaplos niya ang sariling noo. “Sorry. Pagod lang talaga ako.”

“Pagod ka rin naman dati pero hindi ka ganyan. Kakaiba ka ngayon,” anang si Karen at nailing.

“Magbakasyon tayo sa sem break ha? Mag-Bohol tayo. Magagaling daw ang albularyo sa Anda, Bohol. Doon pa daw nagpapa-renew ng lisensiya ang mga manggagamot dito sa Siquijor,” anang si Candy. “Baka sakaling makakuha na rin ako ng gayuma at nang mapikot ko ang Prince Charming ko. Ano nga ulit ang pangalan ni Pogi? Benedikt.”

Nagpaalam na siya dahil baka masira din ang mood ng mga kaibigan niya sa kanya. Sa Anda, Bohol nagmula ang mga Rubella at ayaw na niyang balikan ang bayang iyon. “Kayo na ang bahalang mag-check sa klase ko. May iniwan naman akong art activity para sa kanila. Sabihin ninyo itse-check ko ang album nila sa isang linggo kaya dapat kumpleto na ang mga artworks nila. Babalik na ako sa auditorium, ha? Baka naghihintay na ang mga bata sa akin.”

“At si Robert. Hinihintay ka na ni Robert,” anang si Karen. “Sagutin mo na kasi. Di ka na rin bumabata.”

Isang malungkot lang na ngiti ang ibinigay niya sa mga ito at saka lumabas ng canteen. Nasalubong pa niya si Robert sa corridor patungo sa auditorium. “Mabuti dumating ka na. Susunduin na sana kita.”

“Naka-assemble na ba ang mga bata? Kumpleto na ba sila?”

“Uhmmm… nakaayos naman na sila kaninang iniwan ko sila.”

“Naka-set up na ba ang keyboard ko?” tanong niya. Personal niyang keyboard ang gamit sa pagpa-practice nila ang presentation dahil walang sariling keyboard ang paaralan. “Kailangang ma-practice natin ang Bukang Liwayway. Sana mas maganda na ang mai-present natin sa pagdating nila Miss Hannah. Nakakahiya kapag di natin nakuha nang maayos.”

“Relax ka lang. Kaya iyon ng mga bata. Nakuha naman na nila kanina. Hindi perfect pero kabisado na nila ang piyesa.”

Huminga siya ng malalim. “Siguro pwede pa nating pasadahan kahit isang practice bago dumating sila Miss Hannah para naka-warm up na sila.”

Malapit na sila sa auditorium nang marinig nilang may bumagsak. Nagkatinginan sila ni Robert. “Ang mga bata,” usal niya.

Hangos silang tumakbo papunta ng auditorium. Malakas ang kaba ni Maki. Baka kung ano na ang nangyari sa mga estudyante niya. Habang nasa paaralan ang mga bata ay responsibilidad niya ang mga tao. At laging kinatatakutan ng kahit sinong guro ay may mangyaring di maganda sa mga estudyante nila habang nasa paaralan kahit na hindi naman nila kasalanan.

"Anong nangyari, mga bata? Ano 'yung bumagsak?" tanong agad ni Maki. "May nasaktan ba sa inyo?"

Nakagat ni Kristine ang labi. "Kasi po, Ma'am..." At tumingin ito sa stage.

Doon niya nakitang nakatumba na ang patungan ng keyboard at wasak na sa sahig ang instrumento niya. Nang mga oras na iyon ay parang biniyak ang puso niya. "A-Anong nangyari dito?"

Nakayukong lumapit sa kanya ang member ng choir na si Geneza. "Ma'am, sorry po. Natabig ko po ang keyboard ninyo dahil hinahabol po ako ni Kenken. Hindi ko po kasi nakita dahil maaabutan na po niya ako."

"Mga bata naman! Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi playground itong auditorium? Saglit lang akong nawala, may nasira nang gamit dito. Alam naman ninyo kung gaano kahalaga ang keyboard na iyan kay Ma'am Veracruz ninyo, sa ating lahat. Hiniram lang natin iyan," sermon ni Robert sa mga ito.

"Sorry po, Sir, Ma'am," anang si KenKen. "Hindi ko naman po kasi kasalanan. Ito lang si Gina sinabihan akong bakla."

"Kasi hinihila mo ang buhok ko, kalalaki mong tao," depensa naman ni Gina.

"Tama na. Huwag na kayong magsisihan. Kailangan pa nating mag-practice. May mga bisita pa tayong dadating ngayon." Sinapo niya ang noo at kinagat ang pang-ibabang labi. Parang gusto na niyang maiyak. "A-Ano bang gagawin natin ngayon? W-Wala tayong keyboard."

Nag-shut down na ang utak niya. Kung kailan kailangang-kailangan nila ang keyboard ay saka pa nasira. Paano na sila magpa-practice nito?

“Ma’am, may naipon po akong pera. Hindi ko po alam kung magkano iyon pero ibibigay ko na lang po sa inyo para po mapalitan ang keyboard ninyo. Basta huwag na po kayong malungkot,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Gina.

Alam niya na pambili ng bagong damit iyon ng bata at nakuha nito mula sa pagtitinda ng mga kakanin kapag walang pasok para may maibaon ito sa paaralan. Simpleng mangingisda lang kasi ang ama nito at ang nanay ay naglalako lang din ng kakanin. May dalawa pa itong kapatid sa high school na pinag-aaral kaya malaking bagay dito ang naiipong pera.

“B-Babayaran ko na lang po kahit magtrabaho pa po ako sa koprahan. M-Magkano po ba iyan?" tanong naman ni KenKen. Gaya ni Gina ay mula lang din ito sa mahirap na pamilya. Ang alam niya ay hindi ito nakakapasok minsan kapag kailangan nitong tumulong sa koprahan para magkabaon lang.

“Ako rin po magko-contribute para po makabili ng keyboard kahit konti,” sabi ni Kristine at nagtaas din ng kamay ang iba pang miyembro ng choir.

Parang pinipiga ang dibdib niya nang makita kung gaano katindi ang concern ng mga bata sa grupo at kung gaano ang pagnanais ng mga ito na makaawit. Alam niyang di sasapat ang maibibigay ng mga ito dahil pawang mahihirap lang. Hindi niya maaatim na kunan ng pera ang mga ito pero tagos sa puso niya ang kagustuhan ng mga bata na makatulong.

Dali-dali niyang pinahid ang luha nang pumatak sa pisngi niya at pilit na ngumiti. “Hindi na kailangan, mga bata. Okay na. A-Ako na ang bahala sa keyboard na bago. Bibili naman talaga ako ng bago p-pagpunta ko sa Kapitolyo. Huwag na kayong mag-alala.”

“Pero ayoko pong magalit kayo sa amin, Ma’am,” umiiyak na sabi ni Gina.

Niyakap niya ito. “Hindi naman ako galit. Basta maging maingat na lang kayo next time. Susunod kayo sa mga instruction para iwas sa disgrasya. Tahan na.” Ngumiti din siya sa iba pa. “Magsimula na kayong mag-vocalize habang nililinis ko lang itong stage.”

“May naka-record naman ako sa USB ko. May portable speaker naman ako kaya iyon na lang ang gamitin natin,” sabi ni Ramon. “Huwag ka nang mag-alala, okay?”

“Okay,” nausal na lang niya at mabigat ang loob na pinulot ang mga nagkalat na mga piyesa ng keyboard.

Napaka-importante sa kanya ng keyboard na iyon. Iyon ang una niyang pinag-ipunang bilhin mula nang lumayo siya sa dati niyang buhay. It was not easy. Magkano lang naman ang sweldo niya bilang guro. Hindi naman siya sumusweldo noon sa bar ng ina bilang tulong dito. Hindi madali na makaipon ng halaga para makabili ng magandang klase ng keyboard. May mumurahin namang keyboard. Iyon lang siguro ang kasya sa pero alam niyang napakalayo ng tunog sa magandang brand na keyboard gaya ng YAMAHA.

Naisilid na niya ang mga sirang piyesa sa loob ng kahon nang saktong dumating si Hannah at ang mga kasamahan nito. Pakiramdam niya ay nag-crash na naman ang mundo niya nang makitang magkahawak ng kamay ang anak ng gobernador at si Benedikt.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.