Chapter YSMM 37

“BENEDIKT is so adorable. You know, he is a very busy man. Pero sinamahan niya ako maghapon sa mga lakad ko kahit na di naman parte ng trabaho niya,” kinikilig na kwento ni Hannah habang nakasakay sila sa van at bumibiyahe para ihatid siya sa bahay nila.

Inipon ni Maki ang lahat ng lakas para hindi maggiyagis ang ngipin niya. Hindi niya alam kung sadyang hilig lang magkwento ng dalaga sa lahat ng mga tao kahit di nito ka-close ng love story nito. Pwede ding feeling nito ay close sila kaya pwede na nitong ipagladlaran kung gaano ito kakilig sa mga gesture ni Benedikt dito. O baka naman alam na nito na siya ang dating nobya ni Benedikt kaya parang sinasadya siya nitong pasakitan.

But Hannah was so nice to her. Siguro ay excited lang ito na mag-share tungkol sa masayang buhay pag-ibig nito. Nag-iisip lang siya ng masama dahil miserable siya.

“Maswerte ka. Di lahat ng tao nakakatagpo ng katulad ni S-Sir Benedikt.” Lumunok siya. “Mukha nga siyang mabait at mapagmahal.” Of course, she experienced that first-hand.

“Mabait talaga siya at mapagmahal. At napaka-precious sa akin ng bawat ngiti niya.” Bahagya itong lumungkot at tumingala na parang may inaalala. “Alam mo ba na napakahirap niyang pangitiin hanggang ngayon? Iilan lang ang mga taong nakakakita ng totoong ngiti niya. Sabi nga nila hindi naman daw siya dating ganoon. Masayahin siya dati at laging nakangiti kahit na may problema.”

“Pero nabago mo naman iyon.”

Bumuntong-hininga ito. “Yes. Perseverance is the key. Gusto ko na siya noong unang beses ko pa lang siyang nakilala sa party five years ago. Habang nagkakandarapang magpapansin sa akin ang ibang lalaki, ni hindi man lang niya ako kinausap o matagal na tiningnan. As if he was not interested. Kaya nang malaman ko na nagkaka-problema kami sa dating contractor dito sa resort, pinilit ko ang kapatid ko na kunin ang kompanya ni Benedikt para magtrabaho sa resort. Doon kami naging close sa isa’t isa.”

Nice. Mukhang masayahin si Hannah at handang unawain si Benedikt. Hindi katulad niya dati na laging si Benedikt ang umuunawa. She felt wretched. Bilang isang nobya, ano ba ang mabuting nagawa niya kay Benedikt noon? Wala naman itong ginawa kundi suyuin at mahalin siya. At anong iginanti niya dito habang gusto siya nitong ipaglaban? She left him.

Tahimik lang siya kaya nagpatuloy sa pagkukwento si Hannah. “Kahit na malapit pa kami sa isa’t isa at alam kong importante ako sa kanya, parang naghe-hesitate pa rin siyang pumasok sa relasyon. Kasalanan iyon ng ex-fiancee niya.”

Biglang kumabog ang dibdib ni Maki. Gaya ng iniisip niya kanina, may alam si Hannah sa nakaraan. “A-Anong nangyari sa kanila?” kinakabahan niyang tanong.

Nanghaba ang nguso ng babae at humalukipkip. “That bitch! Handa na ang lahat sa kasal nila ni Benedikt pero bigla na lang niyang iniwan. Kung tutuusin sila naman ang okay. Magulo lang ang pamilya ng babae kaya daw umalis. Hindi naman si Benedikt ang problema niya. That stupid girl. Pero kahit umalis siya, hinintay pa rin siya ni Benedikt hanggang sa araw ng kasal nila.”

Nasapo niya ang dibdib. “I-Itinuloy n-niya ang kasal?”

Oh, no! Oh, no! Oh, no! Hindi niya iyon alam. Nanghihina siya habang iniisip ang scenario. Akala niya ay hindi na iyon itutuloy ni Benedikt. May dalawang buwan pa naman ito para sabihin sa lahat na di na tuloy ang kasal nila. Bakit pa nito itinuloy?

“Mahal na mahal talaga ni Benedikt ang babaeng iyon. Hinintay niya sa araw ng kasal nila sa simbahan kahit na sinasabi ng lahat na hindi na siya dadating. Naniniwala kasi siya na babalikan siya ng babaeng iyon dahil mahal na mahal siya. Pero hindi na talaga nagpakita ang bride. Pati pamilya ng babae napahiya na rin sa simbahan. The most devastating thing was his father had a heart attack at the church. Hindi niya nakayanan ang kahihiyang dinadanas ni Benedikt at ng pamilya niya. Makalipas ang ilang araw, namatay din ang ama niya at naiwan kay Benedikt ang responsibilidad sa buong kompanya.”

Parang mababaliw si Maki nang mga oras na iyon. Hindi niya alam na iyon ang nangyari kay Benedikt at sa pamilya nito. Kasalanan niya kung bakit nailagay ito sa kahihiyan at ang pamilya nito. Kasalanan niya kung bakit namatay ang ama nito. Kaya naman pala muhing-muhi ito sa kanya. Kahit siya mismo ay kinamumuhian ang sarili nang mga oras na iyon.

Naramdaman na lang niya ang pagpatak ng luha sa pisngi niya. Bakit? Bakit kailangan pang mangyari iyon? Bakit pa kailangang madamay pati ang ama ni Benedikt na si Tito Marval? She felt so guilty. Minsan na itong inatake sa puso dahil sa kagagawan niya. Naulit na naman iyon dahil sa kanya. At siya pa ang dahilan ng kamatayan nito.

Anong klase ba siyang tao? Di talaga siya nag-iisip. Sana ay ipinaglaban na lang niya ang pagmamahalan ni Benedikt. Sana ay nagtiis siya. Hindi sana namatay ang ama nito dahil sa kagagawan niya. Hindi sana siya kinamumuhian nito Benedikt ngayon.

Suminghot siya at lumingon sa kanya si Hannah. Nakita niya ang nagtatakang tingin nito sa kanya nang makitang umiiyak siya. Dali-dali niyang pinahid ng panyo niya ang luha. “I-I am sorry. Mabilis talaga akong madala sa ganyang mga kwento.”

“Nakakalungkot, hindi ba? Dahil lang naduwag ang isang tao, sinira niya ang buhay ng isang pamilya. Kahit na anong gawin ko, alam kong hindi na maibabalik pa si Benedikt sa dati. Pakiramdam ko tuloy tira-tira na lang ang makukuha ko sa kanya. That bitch took away a good part of him. Gusto ko siyang hanapin. Gusto ko siyang makilala. Pero naisip ko, mas mabuti nang di ko siya kilala dahil baka kung ano pa ang magawa ko sa kanya kapag nagkita kami. Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niya kay Benedikt.”

“May malaki siguro siyang dahilan kung bakit siya lumayo,” nausal niya at tumingin sa labas ng sasakyan. “At kung nasaan man siya ngayon, alam kong naghihirap din ang kalooban niya dahil sa ginawa niya kay Sir Benedikt. Pinagbabayaran din niya ang lahat ng ginawa niya. Malamang ay miserableng-miserable siya ngayon.”

Kung alam lang siguro ni Hannah kung sino siya, malamang ay masayang-masaya na ito at pinagtatawanan siya. Pakiramdam niya ay nasa ikapitong impyerno siya nang mga oras na iyon. Kahit siguro humingi siya ng tawad ay hindi siya patatawarin ni Benedikt. At kahit siya mismo ay di niya alam kung kaya niyang patawarin ang sarili niya.

“You think so? Sa palagay mo ba nakokonsensiya siya sa ginawa niya kay Benedikt?” tanong ni Hannah.

“Siguro. Pero mahirap namang malaman, hindi ba? Ang mahalaga ay kayo ni Sir Benedikt. Natagpuan ninyo ang isa’t isa. Maswerte siya na may babaeng gaya ninyo sa buhay niya na pilit na ibinabalik ang ngiti niya.”

And Hannah deserves Benedikt’s smiles. Karapat-dapat ito kung ito man ang pagbubuhusan ng pagmamahal ng dating nobyo. Matapos ang mga nalaman niya, alam niyang hindi siya karapat-dapat dito.

“At hinding-hindi ko siya iiwan,” anang si Hannah na ngayon ay malapad ang ngiti.

“Make him happy. He deserves it.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.