Chapter YSMM 38

Nakatulala lang si Maki habang pinagmamasdan ang pagsasayaw ng liwanag ng buwan sa malawak na karagatan. Alas diyes na ng gabi. Dapat ay kanina pa siya natulog at nagpapahinga. Pero nakailang biling na siya sa higaan ay hindi pa rin siya natatahimik. Hindi pa rin nawawala sa isipan niya si Benedikt. Kaya naman nagtungo siya sa tabing-dagat para magpahangin.

Napakakalmado ng dagat ngunit malamig ang simoy ng hangin. Kabalintunaan ng kaligaligan na nararamdaman niya. Mistula siyang tubig sa dagat na hinihigop ng buhawi. Paikot-ikot hanggang dalhin sa kawalan. At hindi na magiging gaya ng dati ang lahat.

Dati kapag umiiyak siya dahil naaalala niya si Benedikt at hindi siya matahimik ay tumutugtog siya sa keyboard at nagsusulat siya ng kanta. Noong di pa niya nabibili ang keyboard niya ay nagpapahangin lang siya sa tabing-dagat. Makalipas ang ilang sandali ay nakakalma din siya at nakakatulog, pero hindi sa pagkakataong ito. Kahit anong gawin niya ay hindi siya matahimik. Isang tao ang namatay dahil sa kasalanan niya. Nawalan ng ama ang lalaking mahal niya. Ang inaakala niyang makakabuti sa kanya ay nakasama kay Benedikt at sa pamilya nito. Niyakap niya ang sarili. Hindi niya alam kung paano siya matatahimik nito.

Nakarinig siya ng kaluskos sa likuran niya at nakita niyang palapit ang ina. May dala itong bote ng beer saka umupo sa tabi niya. “Gusto mo?” alok ni Lupita sa kanya.

Umiling siya. “Alam naman po ninyong hindi ako umiinom.”

Inilagay nito ang bote ng beer sa kamay niya. “Kunin mo na. Mukhang kailangan mo iyan. Kanina ko pa napapansin na mukhang wala ka sa sarili. Tapos hindi ka pa rin natutulog hanggang ngayon at nandito sa aplaya. Anong problema?”

Huminga siya ng malalim at mahigpit na hinawakan ang malamig na bote ng beer sa kamay niya. “H-Hindi po ako matahimik. Hindi po talaga ako makatulog.”

“Hindi ka nga rin kumain kanina. Nagkulong ka na lang basta sa kuwarto mo,” sabi ng nanay niya at niyakap ang tuhod. Saka siya nito nilingon. “Idinala ni Robert kanina ang nasira mong keyboard. Dahil ba doon kaya hindi ka mapakali? Mahirap nga namang mag-practice kung sira ang gamit mo saka alam ko naman na importante iyon sa iyo. May ipon naman ako diyan. Pambili sana ng bagong microphone sa bar at sound system. Pwede nating gamitin na lang muna para sa bagong keyboard. Gumagana pa naman ang lumang microphones natin. Natitiyaga ang amplifier.”

Umiling siya. “Nay, hindi na po. Hindi ko naman kailangan ng bagong keyboard sa ngayon. Magpapadala na po ang bukas ang anak ni Governor ng bagong keyboard sa school. Sabi po ni Ma’am Hannah, para din naman daw iyon sa opening ng resort niya. saka ‘yung keyboard ko naman po mapapalitan ko rin iyon kapag dumating na ang bonus ko.”

“Okay naman na pala. Bakit balisa ka pa rin? May nangyari bang di maganda? Nakita ko na may naghatid sa iyo na van. Anak ni Governor Marasigan ang naghatid sa iyo?”

“Opo. Idinala po niya ako sa La Reina Resort para mag-practice ng piano. Iyon daw po kasi ang gagamitin ko sa pagpe-perform.”

“At…?”

“Nandoon po si Benedikt. Nang magkaroon po kami ng pagkakataon na magsolo, humingi po ako ng tawad sa kanya sa nagawa ko dati. Kinamumuhian po niya ako.” Humugot siya ng malalim na hininga. “Kahit na sabihin niyang wala na sa kanya ang nangyari at mas gusto niyang ituring na lang akong estranghero, alam kong di niya ako mapapatawad.”

“Natural lang naman iyon sa nangyari sa inyo dahil nasaktan mo siya.”

Umiling siya at nangilid ang luha sa mga mata niya. “Hindi po ganoon kasimple ang lahat, Nay. Masyadong malalim ang sugat na iniwan ko sa kanya. Malaking gulo rin ang iniwan ko nang umalis po ako. Nagkwento po ang anak ni Governor tungkol kay Benedikt. Di ko alam kung alam niyang ako ang nang-iwan kay Benedikt pero dahil sa kanya, nalaman ko kung ano pong nangyari nang umalis ako. Itinuloy po pala ni Benedikt ang kasal namin. Naghintay daw po siya sa simbahan.”

Nagulantang si Lupita. “Bakit naman niya ginawa iyon? Umurong ka na nga.”

“Umaasa daw po siya na babalik ako. Siguro naisip niya na mas matimbang ang pagmamalan namin sa kahit anong bagay na kinatatakutan. Na sapat na ang pagmamahal ko sa kanya para maniwalang gagawin niya ang lahat para hindi kami matulad sa inyo ni Papa. Kaso hindi po ako dumating. Napahiya sila Papa at Mommy Santina. Napahiya din ang pamilya nila Benedikt. Ayaw na po kasi ng pamilya niya na ituloy iyon pero ipinilit po niya. Inatake po sa puso si Tito. It was fatal this time.”

Nasapo ng ina niya ang noo nito. “Diyos ko! Pero malayo na tayo noon. Malayo sa sibilisasyon at wala pa ngang signal ng cellphone noon dito.”

“Hindi po iyon excuse. Sinadya ko pong hindi makibalita kay Benedikt o sa kahit na sino.

Ginusto ko po ang nangyari. Ang sama-sama ko, Nay. Sobrang sama ko. Tuwing sinusubukan kong gawin ang inaakala kong tama o ginagawa ko ang inaakala kong mabuti para sa akin o kay Benedikt, puro gulo ang nangyayari. Akala ko ako lang ang mawawala sa kanya sa pag-alis ko. Pati Papa niya ay nawala nang dahil sa akin.” Sinabunutan niya ang sarili. “Hindi ko alam kung anong gagawin ko, Nanay. Hindi ako mapapatawad ni Benedikt dahil ako ang pumatay sa ama niya. At… At hindi ko rin po alam kung paano patatawarin ang sarili ko. Bakit ako ganito?”

Hot scalding tear flowed on her cheeks. Mistulang lava iyon mula sa bulkan na tumutunaw sa kanya. Kahit anong justification ang gawin niya ngayon sa pang-iiwan niya kay Benedikt, namarkahan na ang pagkatao niya. Masama siya. Dahil sa kanya ay may namatay na malapit sa kanya. Isang tao na walang ginawang masama sa kanya.

“Shhh!” saway ni Lupita at niyakap siya. “Huwag mong pahirapan ang sarili mo. Hindi mo naman ginusto ang nangyari. Hindi mo ginusto na mamatay ang ama ni Benedikt. Pero kailangan nating tanggapin na may mga desisyon tayo na ang kinahihinatnan ay mas masama pa kaysa sa inaasahan natin. Pero kailangang maging mabait ka rin sa sarili mo. Alam ng Diyos hindi mo intensiyon na saktan si Benedikt. Lalong di mo gusto na mawalan siya ng ama. Kailangan mong gawin iyon para sagipin ang sarili mo.”

“Pero kung hindi nga po ako umalis, baka nagawa naming ayusin ang relasyon namin. Baka masaya pa rin po kami ngayon at buhay pa rin si Tito. Hindi po ako kinamumuhian ni Benedikt ngayon at nagmamahalan pa rin kami. Baka nga may anim na kayong apo. Kung pwede lang po sanang bumalik sa nakaraan, hindi mangyayari ito.”

Malungkot nitong hinaplos ang mukha niya. “Pero hindi mo na maibabalik pa ang nakaraan, anak. Kahit na anong gawin mong pagpapahirap sa sarili mo, hindi mo na mababawi ang sakit na ibinigay mo kay Benedikt nang iwan mo siya o ang buhay ng ama niya. Kailangan mo ring palayain ang sarili mo. Hangga’t di mo napapalaya ang sarili mo, hindi ka magiging masaya.”

“Ayoko pong maging masaya. Hangga’t hindi ako napapatawad ni Benedikt, hindi ko po alam kung paano ako magiging masaya.” Wala siyang karapatan na sumaya. Ito ang parusa niya sa sarili niya.

Malungkot siyang pinagmasdan ng ina. “Maki, kausapin mo si Benedikt. Ngayong alam mo na ang lahat, mas mabuting magkausap kayo para personal kang makahingi ng tawad sa kanya. Kung anuman ang magpapalaya sa iyo, gawin mo. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa sakit. Hindi ko hahayaan na magkaganyan ka. Nasasaktan din ako.”

“At kung hindi po niya ako patawarin?”

Nagkibit-balikat ito. “Ginawa mo na ang lahat ng makakaya mo. Ang pinakamahalaga sa lahat ay mapatawad mo ang sarili mo. May sarili ka ring buhay, Maki. Lumayo ka para mamuhay sa buhay na gusto mo. Huli na para baguhin ang nakaraan pero pwede mo pang magpatuloy sa kasalukuyan nang maluwag ang loob mo.”

Niyakap niya ang ina. “Susubukan ko po. Susubukan ko.”

“Anuman ang mangyari, nandito ako para sa iyo, anak. Nandito lang ako lagi.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.