Chapter 12 GOC-KTCK 32

“HINDI ka mapakali, Ashley. Nahihilo na ako sa iyo. Sa kalalakad mo, wala ka nang make up mamaya pagdating sa exhibit. Kahit snow tutunawin mo dahil sa energy mo. Will you stay put?” naiiritang angil ni Cara sa kanya na abala sa pagme-make up.

“Dapat ba talaga akong pumunta sa exhibit?”

Sa gabing iyon ang exhibit sa gallery kung saan itatanghal ang mga obra ni Robinson na may konseptong Pasko sa Pilipinas. Kasama nito sa exhibit ang iba pang Filipino artists na magpapakita din ng sarili nitong obra. Pumatok ang mga unang obra ni Robinson dahil sa barrio life concept nito. Ngayon ay isa na ito sa mga up and coming artist sa New York.

“And why not? Sabi ni Robinson pumunta ka. Kailangan daw nandoon ka. Bawal kang um-absent,” anang kaibigan at pinanlakihan siya ng mata.

“Kasi doon daw niya ipapakilala ang babaeng gusto niya. Baka maiyak lang ako doon kapag nakita ko silang magkasama ni Lhala,” anang si Ashley at huminga ng malalim.

“Kaya nga pinaghandaan natin. Kailangan ikaw pinakamaganda sa lahat. At mahuhulas ang ganda mo kung magpapalakad-lakad ka lang.”

“Napaka-masokista ko naman sa ginagawa ko,” aniya at umupo sa kama.

“Ashley, iba ka na ngayon. Iba ka na sa babaeng una niyang nakilala. Kapag nakita niya, makakalimutan niya ang Lhala na iyon. Saka malaki ang naitulong mo para sa wakas makatapak si Robinson dito sa New York. At ano ang naitulong ng Lhala na iyon sa kanya? Wala!”

Hindi niya nasundo ang binata sa airport nang umagang iyon. Ang ama niya at si Rex ang sumundo sa binata at nagdala dito sa hotel na tutuluyan. Nagkausap lang sila kanina para tiyakin na dadalo siya. Ayaw niyang makita itong kasama si Lhala. Ikinatwiran na lang niya na may meeting siya kahit ang totoo ay naka-leave siya para sa araw na iyon dahil gusto niyang paghandaan ang exhibit ng binata.

May update pa rin siya kay Jonnelyn dahil ito ang nagkukwento sa kanya sa nangyayari kay Robinson. Dito rin niya unang nalaman na pupunta ng New York ang binata kaya naman naiinis ang binata dahil wala na daw itong sorpresa sa kanya. Alam din niya na laging magkasama sina Robinson at Lhala. Pero di gaanong nagbibigay ng detalye si Jonnelyn dahil hindi nito gusto ang babae para sa kapatid. Ang katwiran naman niya, kung saan masaya si Robinson ay doon na rin siya kahit masakit.

“Parang napaka-masokista ko naman. Ang sakit nga noong di niya ako naihatid sa airport dahil kay Lhala. Hanggang ngayon ba naman?”

Mahirap palang magmahal sa lalaking di naman siya gusto. Hindi niya magawang makalimutan ang binata o palisin ang nararamdaman nito sa kanya. Dahil kahit di siya mahal ng binata, ito pa rin ang nagpapasaya sa kanya.

Pinisil ni Cara ang balikat niya. “Tatagan mo ang loob mo. Lilipas din iyan. Alalahanin mo na mas madalas mo siyang makikita kapag sa Pilipinas ka na tumira.”

Plano niyang ikutin ang Pilipinas. She wanted to quit on her job. Oras na para mag-relax naman siya sa buhay at i-discover ang magagandang bagay sa mundo. Matapos mag-ikot-ikot sa Pilipinas ay gusto niyang magtayo ng sariling negosyo.

“Iniisip ko nga kung tama ang plano ko,” aniya at huminga ng malalim.

“Sa palagay ko nasa Pilipinas na talaga ang puso mo. Basta tatagan mo lang ang loob mo. Hangga’t di pa kasal, wag kang susuko.”

Nanginig ang tuhod niya nang dumating sa exhibit. Mas maaga pa nga kaysa sa inaasahan ang dating niya. Ayaw naman niyang masyadong umeksena. Para kung sakaling nandoon si Lhala at di kinaya ng puso niya ang mga eksena, pwede siyang tumalilis paalis. Katwiran niya ay matagal na siya sa exhibit.

My Christmas Girl ang title ng exhibit para sa area ni Robinson. Kumunot ang noo niya at ihinanda na ang sarili na makikita niya ang mukha ni Lhala sa lahat ng ipinantang nandoon. Pero napansin niya ang ipinupukol na tingin sa kanya ng mga tao. Anong problema? May mali ba sa suot niya o pangit ba ang make up at hair style niya? Hindi niya maintindihan kung anong nangyayari.

“Ashley, hindi ba ikaw iyon?” tanong ni Cara at itinuro ang larawan na nakaupo ang isang babae sa ilalim ng puno habang may sinasalo. Sumasal ang dibdib niya dahil pamilyar sa kanya ang eksenang iyon. Ang titulo ng painting ay Snow Queen. Sa halip na snow ay alam niyang ipa ang umuulan doon.

“Oo nga. Bakit nandiyan ako?” tanong niya.

“Iyon pa,” sabi ni Cara at itinuro ang painting ng isang babae na nakatitig lang sa Christmas tree habang nakasalampak sa sahig. “At iyon pa.”

At natagpuan na lang ni Ashley ang sarili na napapalibutan ng paintings na siya ang modelo. No. Hindi lang siya ang modelo kundi lahat ay nagkukwento kung ano ang naging Pasko niya sa Pilipinas nang nakaraang taon.

Natagpuan na lang niya ang sarili na nakatayo sa painting kung saan hinalikan niya si Robinson sa harap ng simbahan para itaboy si Lhala.

“A-Anong nangyari? Nasaan si Lhala?” tanong ni Ashley habang namamanhid ang mukha. May mali sa exhibit na iyon.

“Obviously, she is not my Christmas Girl,” sabi ni Robinson na may hawak na poinsettia sa isang kamay.

“Robinson. Ako ang nasa exhibit mo? Akala ko ba ipapakilala mo sa lahat kung sino ang mahal mo?”

“Ito ang sagot ko,” anito at inilahad ang palad sa mga paintings. “You are my Christmas Girl. At ikaw din ang babaeng mahal ko.”

Umiling siya. “Pero si Lhala ang mahal mo.”

“Noon. Until I realized that she doesn’t make my heart skip a beat anymore. Di na niya ako napapangiti. Hindi na rin siya ang lagi kong naiisip paggising ko sa umaga o bago ako matulog sa gabi. Hindi na siya nagpaparamdam sa akin na araw-araw ay Pasko simply by existing.” Inipit nito ang bulaklak sa tainga niya. “Hindi na rin siya ang pinangaparap kong halikan. Ikaw na.”

Animo’y isang magandang panaginip nang hagkan siy ni Robinson. Umiikot sa kanya ang lahat ng tanawin sa paligid habang natutunaw ang puso niya. Robinson was kissing her, claiming her as his girl. Isa itong magandang regalo ngayong Pasko pero di niya alam kung totoo. Natatakot siya na paggising niya ay panaginip lang ang lahat at maglalaho rin pagmulat ng mata niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.