Wala sa sariling tumayo ako at handa nang tumakbo palabas. Lumuluha ang mga mata at nasasaktan nang sobra. Tumakbo ako kahit naririnig ko pa ang pagtawag ni Cecelia sa akin.
May fiancee? Malapit ng ikasal? Kailan pa? Kailan niya pa ako niloloko?
Tumakbo ako nang tumakbo at dahil malaki ang bahay nila hindi ko agad mahanap ang daan palabas hanggang sa tumama ako sa bulto ng lalaki. Namoy ko ang pamilyar na pabango. Alam kong siya ito dahil kilalang-kilala ko na siya. Hindi ko magawang mag-angat ng tingin. Napasulyap ako sa kamay na nakakapit sa braso niya.
"Buko pie?"
Pipi akong umiyak, natakpan na ang sariling bibig.
Kasama niya ang babaeng sa tingin ko ay fiancee niya! A piece of liar!
"Buko pie," akmang hahawakan niya ako sa braso, pero sinapak ko siya.
"My gosh!" Rinig ko ang sabi ni Cecelia.
"Kailan mo pa ako niloloko?"
"Sino siya, Sweetie?" kunot-noong ani ng babae.
Peke akong tumawa. "Grabe! Woah! Hindi ako makapaniwala, Denmeir!" Hinimas ko ang dibdib ko dahil sobrang sakit nito.
"Buko pie, let me ex—" malakas na sampal ulit ang ginawad ko sa kaniya.
"Ginawa mo lang ba 'yon dahil sinabi ni Denveir? Sana hindi ka na lang nagpakita! Alam mo ba…" dalawang kamay ko na ang nakahawak sa dibdib ko. "Kung gaano kasakit ito?" Tumulo nang tumulo ang luha ko. "Natutunan kitang mahalin kahit mahirap at natatakot ako. Akala ko lahat ng pinakita mo sa akin ay totoo. Itinaya ko ang puso ko na kahit masaktan ulit ay okay lang, pero hindi naman sa ganitong paraan!" Nanginginig na ang tuhod ko at nanghihina na.
"Dinurog mo nang sobra. Sinaktan mo ako ng walang kalaban-laban. Pinaglaruan at higit sa lahat pinaasa sa isang bagay na hindi naman pala totoo! Wala naman akong kasalanan sa iyo, ‘di ba? Bakit mo kailangang gawin ito! Kahit sinabi sa iyo ni Denveir sana hindi mo na lang ginawa dahil… ang sakit-sakit!"
Lumapit na si Cecelia at galit na tiningnan si Denmeir. "Kuya, anong ibig sabihin nito! Alam mo naman kung gaano kasakit kay Ailey nang mawala si Kuya Denveir tapos ginago mo pa!" Hinawakan ako ni Cecelia sa braso at inalalayan.
"Sweetie? What is this?" Tanong ng babae. Masama niya akong tiningnan pagkatapos ay bumalik ang tingin kay Denmeir. "Babae mo ba siya, huh?"
Nanghihina akong naglakad.
"Ailey!" Hinabol ako ni Denmeir at niyakap sa likuran. Mahigpit na ayaw na niyang tanggalin. "Let me explain, please!"
"Denmeir!" Galit siyang hinila ng babae.
"Shut the fuck up, Reylen! Matagal na tayong tapos pwede ba tigilan mo na ako!"
Hindi ko alam kung paniniwalaan ko pa ba ang naririnig ko. Sinungaling at manloloko!
"Buko pie!" Humarang si Denmeir sa daanan namin. "Listen to me!"
Mariin akong pumikit at nagtimpi ng galit. "Lumayas ka sa harapan ko kung ayaw mong sipain kita."
"Please, pakinggan mo ako," tumulo nang tumulo ang luha niya. "Makinig ka." Umiiyak na siya, pero hindi ko magawang paniwalaan ang emosyon na pinapakita niya.
Oo nga pala, best actor nga raw siya. Theater actor na pati sa totoong buhay ay kaya niyang gawin.
"Tabi!" Tinabig ko siya at nagmartsang naglakad palabas. Iniwan ko silang tatlo roon, tumakbo ako, pero naabutan niya ako at niyakap.
"Makinig ka sa akin, please!"
Hinarap ko siya at sinampal. "Ayaw kong manakit ng pisikal, pero kung hindi mo pa ako lulubayan baka mapatay kita!" Nagngitngit ang ngipin ko sa galit. "Ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo! Kahit marinig lang ang boses mo! Ayaw ko na!"
"Ailey!"
Tumakbo na ako nang mabilis. Hindi ko alam paano ako makakauwi.
"Ailey!"
"Ailey!"
"Ailey, Mahal kita!"
Napahinto ako at pinigilan na lingunin siya. Isa nanamang kasinungalingan.
Baka naman ang salitang 'yan ay pinapasabi lang din ni Denveir?
"Minahal kita! Maniwala ka sa akin! Minahal kita at patuloy na minamahal!" Rinig ko ang lakas ng paghikbi niya. "Itinuro sa akin ni Denveir ang mga dapat kong gawin, pero hindi niya kayang ituro kung paano ka mahalin! Sa mga araw na kasama kita minahal na kita! Mahal kita, Ailey. Kahit 'yon lang paniwalaan mo!"
"'Wag mo na akong saktan, please! Tama na ang kasinungalingan. Kahit anong sabihin mo manloloko ka pa rin! Bumalik ka sa loob at puntahan mo ang fiancee mo! 'Wag mo na akong paglaruan! Hindi ka na nakakatuwa!"
"Hindi kita pinaglaruan kahit kailan. Mahal kita."
Bigla siyang tumakbo at nahawakan ako. Pilit niya akong niyakap at humagulgol na sa balikat ko. Naging matunong ang iyak naming dalawa.
"Mahal kita… Mahal kita, Ailey. Mahal kita," paulit-ulit niyang ibinubulong sa tainga ko, pero hindi ko man lang 'yon pinaniwalaan. Nabingi na ako sa sakit na naidulot niya. Namanhid na ako sa kirot na binigay niya.
"Denmeir! Bitawan mo ako!"
"No! Hindi ko kayang mawala ka!"
"Kapag hindi mo ako binitawan hindi na ako sa iyo magpapakita kahit kailan!"
"Ailey, please. Buko pie, don't leave me," iyak siya nang iyak. Ang mga luha niya ay pumapatak na sa balat ko sa balikat.
"Please? Bitawan mo ako."
Binitawan niya ako at tinitigan ang mukha ko.
Magsasalita pa sana siya, pero tumakbo na ako.
May humintong kotse sa harap ko. Binaba niya ang windshield kaya nakita kong si Roex 'yon.
"Ailey, hop in."
Walang pagdadalawang isip na sumakay ako at iniwan si Denmeir. Hinabol niya pa ako, pero hindi niya na naabutan. Nakita ko pang nadapa na siya sa kalsada at lumuhod, patuloy sa paghagulgol.
"Anong nangyari?"
Hindi ko magawang sagutin si Roex dahil sa pag-iyak ko. Ang sakit-sakit ng dibdib ko. Heto nanaman nga at nasasaktan ako. Ito ang bagay na takot akong mangyari, ang maiwan, pero mas masakit pala ang hindi naman siya namatay, pero niloko ka naman at pinaglaruan.
Punyetang pag-ibig 'yan!
Kung sana hindi ako pumayag sa limang araw na 'yon eh ‘di sana move on na ako ngayon at masaya na ulit na namumuhay, walang Denmeir na nagbigay ng panibagong sakit at hirap.
Huminto ang kotse ni Roex sa park. Binuksan niya ang pinto at inalalayan akong makababa.
"Dito muna tayo. Tahimik kasi rito para makapag-isip ka rin."
Tumango lang ako, ang mga luha ay patuloy sa pagpatak.
"Buti nakita kita roon. Anong nangyari?"
Umupo kami sa bench na nandito. "Hindi ko
kayang—" humagulgol nanaman ako, "magsalita, masiyadong masakit."
"Okay. Cry on me, then." Tinapik niya ang balikat niya, pero hindi ako humilig.
Ano ba ang masakit, ang maiwan ka ng taong nagmamahal sa iyo at mahal mo dahil namatay o ang buhay naman, pero hindi ka pala nagawang mahalin?