Chapter EPILOGUE

"Congratulations to all graduates!"

"Yohoo!"

Ang lakas ng sigawan ng mga naka-graduate.

"Key!" Tumakbo ako at sinalubong siya ng yakap.

"Baby ko!" Parang siraulo naman siyang nag-slow motion ng paglalakad para salubungin ako. Mahigpit ko siyang niyakap. "Congrats!"

"Congratulations, too!"

Sunod ay si AP, Miyell at Delight.

"Congrats, Nematodes!" Malakas na bati namin sa isa't isa.

Nakipagkwentuhan pa ako sa kanila. Ang dami kong sinabi. Natigilan lang ako nang iangat ni Delight ang daliri ko at itinuro sa kanila ang singsing ko.

"Ikakasal ka na!" Sabay-sabay nilang sabi. "Ngayon niyo lang nakita? Matagal na 'to." "Woah! Kanino?" Tanong ni AP.

Sinabunutan ko nga siya. "Kanino ba? Gaga ka!"

"To me."

Nakatingin sila sa likod ko kaya umikot din ako.

Napangiti ako nang makita ko si Denmeir.

Yumakap sa akin nang mahigpit nang makalapit. "Congratulations, my buko pie."

"Congrats, Babe!" Humalik ako sa pisngi niya.

"Ayi-Ayi-Ayiee!" Kantyaw ng mga nematodes.

"Tara na inuman na!" Biglang lumapit si TK at hinila si Denmeir. "Mamaya ka na lumandi."

"Tsk. Panira ka." Tumingin si Denmeir sa kanilang apat. "Tara, inom tayo."

"Sure! Basta libre mo!" Excited na sabi ni AP.

Siniko naman siya ni Miyell.

"Kakahiya ka, AP."

"Walang hiya ako. Nagtaka ka pa?" pumorma ang ngisi ni AP.

Nagpa-cute ang mukha ni AP habang nakatingin kay TK. Lumapit siya at naglahad ng kamay.

"Hi! My name is AP! Hindi Araling Panlipunan kung hindi Aenes Pristine!" Masigla niyang pakilala.

Nakangiti namang tinanggap 'yon ni TK. Magsasalita sana siya, pero tinulak ni Delight si AP at kinuha ang kamay ni TK.

"Hi! I'm Delight Areana Laganzo! Ganda ng pangalan ko, 'no? Kasing ganda ko!" Hinawi niya pa ang buhok. Natampal ni Miyell ang mukha niya dahil sa pinagsasasabi nitong dalawa.

"Nako! Pagpasensiyahan mo na. Kalalabas lang ng mental hospital," sambit ni Miyell at lumapit. "Miyell Almildrez."

"Bro!" Lumapit si Key at nakipag-apir kay TK. "Kilala kita, eh. Ikaw 'yong apo ng may-ari ng university."

Napanganga si AP at Delight. "Apo?" Sabay nilang

sabi.

Nagkamot naman ng ulo si TK at nahihiyang tumingin sa kanila. "Taxen Kil Baider." Umakbay siya kay Denmeir.

"Apo siya? Jolly cow! ‘Di ako makapaniwala na nakilala kita," nakangiting ani ni AP.

"Nice to meet you all, too," nakangiting sabi ni TK.

"Kil!" Napalingon ako sa tumawag. Natigilan si Elle nang makita ako. "Ailey?" Ngumiti siya at yumakap sa akin. "Congratulations!"

"Congrats din!"

Nagpakilala siya doon sa apat pati na rin kay Denmeir matapos ay umalis na rin.

"Halika na!" Umakbay sa akin si Denmeir.

Sa The Rose kami niyaya ni TK. Kaibigan niya ang may-ari nito na si Javen Flair Imperial 'yong naging amo namin sa Rosa Restaurant. Ang bait niya dahil libre daw ang alak ng lahat ng grumaduate kahit pa unli.

Masaya kaming nag-inuman. Hindi na matapos ang katatawa nila. Ang dami namin kompleto ang Nematodes at Gonads. Si TK naman ay palipat-lipat ng table dahil nasa kabila ang mga kaibigan niya. Nandoon din si Arah, Elle, Jave at iba pa.

"Tingin ko may atat na magpakasal dito," tumawa si Norman.

Nakangiti namang pinainggit ni Denmeir ang singsing namin. "Bleh!" Dumila pa, abnormal talaga 'to.

"Eh, ikaw, Gonad TK?" Tanong ni Jessie. "Kailan mo balak magtapat ng pag-ibig mo kay Arah?"

Umiling-iling si TK. "Trip mo nanaman ako."

"Bahala ka kapag naunahan ka ng iba iyak ka riyan," sabi ni Denmeir.

"’Di ako relate! Sino si Arah? May love of your life ka na?" Singit ni AP at nagsalong baba. "Sad naman." Tinuro ni Norman si Arah na nasa kabilang table.

"Do'n na nga ako," tumayo si TK at lumipat na ng

upo.

"Gusto mo lang diyan kasi nandiyan si Arah!" Malakas na sigaw ni Jessie. Nagkantyawan naman sa kabilang table.

"Oh, anong nangyari doon sa lalaking pinatos mo? 'Yong nakuha mo 'yong number sa bente pesos?" Tatawa-tawang sabi ni Key.

"'Ayon, ghinost ko."

Tumawa si Delight. "Baka ikaw ang na-ghost?"

"Oy, hindi kaya!" Tanggi niya agad. "Ikaw nga choosy ka pa sa crush mo!"

"Hindi ko siya type."

Hinawi ni Miyell ang buhok ni Delight at sinabunutan. "Ay, ganda!"

"Aray!" Sinabunutan din niya si Miyell. Nagsabunutan silang dalawa kaya tawa nang tawa ang mga Gonads. Mga baliw talaga.

"At least hindi baliw na na-inlove sa love letter," nakangising bumaling si Delight kay Key.

"Hoy, hindi!" Tanggi niya agad. "May sinabi ba akong ikaw?" "W-wala, pero ako lang naman 'yo—"

"Ayiee!" Sinundot ko ang baiwang ni Key kahit magkalayo kami, na-stretch pa ang katawan ko.

Paglingon ko kay Denmeir ay masama ang tingin sa

akin.

"Peace?" Nag-peace sign ako.

"Okay," nakangiti niyang sabi.

Nagpaalam kami sa kanila na mauuna na dahil may sorpresa raw si Denmeir sa akin. Na-excite naman ako. Tuwang-tuwa akong sumakay sa kotse niya.

"Saan tayo pupunta?"

"Secret."

"Kaka-excite!" Kumapit ako sa braso niya.

Nakatulog ako sa biyahe. Ginising lang ako ni Denmeir nang marating ang lugar.

"Buko pie?" Mahigpit niya akong niyakap kaya napangiti ako.

"Ganiyan ka ba manggising?"

Nagkamot siya ng noo. "Gusto ko lang yakapin ka." Lumabas siya ng kotse at binuksan ang pintong malapit sa akin. "Let's go."

Magkahawak-kamay kaming naglakad. Nasa beach kami, sa mismong pag-aari nila. Ngayon ko lang nakita ang pangalan ng beach. Camerino's Resort. Nahirapan ako maglakad dahil naka-heels ako. Napasigaw na lang ako nang buhatin ako ni Denmeir at ang loko tumakbo pa. Tawa kami nang tawa. Kapag kami nadapa kasalanan niya. Natigilan ako nang gumuhit ang fireworks sa madilim na kalangitan.

Congratulations, Buko pie! Iyon ang ginuhit ng fireworks.

Bumaling ako sa kaniya at tumingkayad para halikan ang pisngi niya.

"Congratulations din sa iyo. Sa ating dalawa."

Kinuha niya ang kamay ko at pinagsalikop 'yon. Hindi ko napansin na may nakalatag na tela sa buhanginan. Hinila niya ako paupo at hinubad ang coat

niya. Akala ko ay ipapatong niya sa balikat ko, pero hindi tinakpan niya ang hita ko.

"Dapat pala nagpalit muna tayo ng damit." Nakangusong sabi niya. Humiga siya at tinitigan ang kalangitan.

Maliwanag pa rin dahil sa fireworks, pero unti-unti na 'yong nawawala. Natigilan ako nang may tumunog na malakas. Natutop ko ang bibig nang makita ko ang isinulat ng fireworks.

Marry me, Buko pie.

Bumangon si Denmeir at nakangiting hinawakan ang kamay ko.

"Nangangati na talaga akong pakasalan ka. Kahit naman engage na tayo matagal na gusto ko pa ring makasiguro."

"Makasiguro?"

"Na ako ang pakakasalan mo."

Natawa ako nang malakas. "Kabaliwan mo talaga. Siyempre pakakasalan kita."

"Paano kung ma-realize mo na hindi mo pala ako love o kaya makahanap ka ng ib—"

Pinutol ko ang pagsasalita niya nang halikan ko ang labi niya. Sa una ay halatang natigilan siya dahil sa gulat, pero sa huli tinugon niya ang halik ko.

Sa ilalim ng magandang kalangitan naiparamdam namin sa isa't isa ang pagmamahal namin. Kulang palagi ang sandali kapag magkasama kami. Ang saya ay wala ng mapaglagyan. Ang lungkot ay wala ng puwang, pero paminsan-minsan hindi talaga maiiwasang malungkot dahil walang perpektong relasyon. May mga pagkakataon na talagang mag-aaway kayo.

"My gosh? Anong nangyari?" Nagpa-panic kong sabi kay manong driver.

"Mukhang natirikan po tayo, Ma'am."

Kasal namin ni Denmeir kaya naman hindi ko alam ang gagawin ko dahil mukhang nasiraan yata kami.

Tatlong taon na ang lumipas. Pareho na kaming propesyunal. Naging licensed pharmacist na ako at siya naman ay nagtayo ng sariling pharmaceutical company. Magkalapit lang ang kurso namin kaya hindi mahirap ang magkatuwang kami sa trabaho. Hindi pa ganap na kilala ang kompanya ilang buwan pa lang naman, pero naniniwala kami na lalago rin 'yon.

Ang malas naman. Lechugas ngayon pa nasira ang sasakyan!

Hinanap ko ang phone ko. Napahilamos ako sa mukha nang malamang wala 'yon. Mukhang naiwan ko pa.

"Manong, pwede bang manghiram ng phone?"

"Wala akong load, Ma'am."

Pinagpawisan ako dahil male-late na ako sa kasal

ko.

Bakit ba naman kasi kung anu-anong kolorete ang nilagay nila sa mukha ko? Ang tagal tuloy tapos ngayon mukhang mahuhuli pa ako! Bahala na nga! Bumaba ako ng kotse at naghintay ng taxi. Paulit-ulit akong tinawag ni Manong, pero ‘di ko na siya pinansin kasi sabi ko okay lang ako.

Walang taxi!

Sa halip ay bus ang nakita ko. Pinara ko 'yon. Ganoon na lang ang dami ng matang humagod sa akin ng tingin.

Siyempre, ikaw ba naman ang nakadamit pangkasal tapos sasakay ka ng bus?

Buti naman at may naawa sa akin kaya pinaupo na

ako.

"Kasal mo?"

Nakangiti kong nilingon si Manong konduktor na hugotero.

"Oo."

"Doon sa boyfriend mo na lagi mong kasama sumakay rito?"

"Oo, kanino pa ba?"

"Ohh?" Manghang sabi ni Manong. "Nahanap mo pala ang forever mo?"

"Oo, sana ikaw rin."

"Nahanap ko na lima pa nga."

Natawa ako at umiling-iling. "Lima pa, huh?"

"Oo, ang nanay, tatlo kong kapatid na babae at ang asawa ko," tinuro niya ang driver. Napamaang ang labi ko.

Babae ang driver?

Ang akala ko noon kay manong lima ang nobya.

Iyon pala ay ang nanay at kapatid niya.

"Bakit hindi ikaw ang nagda-drive?"

"Ayaw niya, eh. Kumander siya kaya siya ang masusunod."

"Nakakatuwa naman kayo."

"Oo, simpleng buhay lang, pero palagi naman kaming magkasama kaya masaya."

Aabutan ko na sana siya ng bayad, pero hindi niya tinanggap.

"Regalo ko na sa iyo dahil kasal mo." Bumaling siya sa asawa. "Hon! Bilisan mo baka ma-late ang ikakasal!"

"Salamat," nakangiti kong aniya. Naglakad na siya paunahan bago muling nagsalita.

"Minsan talaga nasa bus ang taong mamahalin mo," nakangiti niyang sabi.

Nang marating ang simbahan ay tumakbo na ako. Nakita kong nagkakagulo na ang mga tao. Siguro ay hinahanap ako dahil huli na ako.

"I'm okay! Magsimula na tayo!" Sigaw ko sa kanila.

"Saan ka ba galing nematoda ka!" Kinurot ako ni AP sa baiwang. "Alalang-alala kami sa iyo lalo na ang groom mo!"

"Ailey? Saan ka galing? Anong nangyari? Okay ka lang?" Sunod-sunod na tanong ni Cess.

"Dami mong tanong, okay lang ako," nagkamot ako ng ulo.

"Bilis na!" Asik ni Delight.

"Ikakasal ka na, iiwan mo na akong nag-iisa," pakantang biro ni Key.

"Baliw!"

Tumulo nang tumulo ang luha ko habang dahan-dahang naglalakad palapit sa taong mahal ko. Kitang-kita ko ang pagkamangha at paghanga niya sa hitsura ko.

Paghanga o pagtataka dahil ako lang yata ang kinasal na haggard dahil sumakay ako ng bus. Napamaang ang labi ko nang tumakbo si Denmeir at binuhat ako.

"Hoy! Anong ginagawa mo?"

Tatawa-tawa siyang tumakbo habang karga ako papunta sa altar. "Akala ko tinakasan mo ako."

Natawa ako sa kaniya. "Bakit naman kita tatakasan?"

"Ang tagal mo, eh."

Nang mailapag niya ang paa ko sa sahig ay ikinagulat ko ang pagsagot niya ng 'I do' kahit wala pang sinasabing kahit na ano ang pari. Tumawa ang mga tao.

"Hoy! Ano ka ba!"

Nagkamot ng noo si Denmeir. "Ang tagal naman."

Nagsimulang magsalita ang pari. Pagkatapos ay binigay na ang singsing.

"I do," sagot ni Denmeir. "Ailey Espinar, take my love that last forever." Maloko siyang umakto na hiniwa ang dibdib at nilabas ang puso tapos inaabot sa akin kaya hinampas ko sa braso.

"Umayos ka nga."

Tumawa siya at dahan-dahang sinusuot sa akin ang singsing. Malapad ang ngiti niya. Sunod-sunod na tumulo ang luha niya. "My buko pie, I will love you for the rest of my life. I'm willing to do anything to make you happy. I'll be a good husband and a father to our future child. Thank you for your love. I love you so, so, so, so, so much!"

"I love you more."

Kinuha ko ang isa pang singsing at dahan-dahang sinuot sa kaniya.

"Ang tanong ko noon sa sarili 'is it possible to love the person within a short period of time?' Kasi akala ko walang gano'n. Hindi ako naniniwala sa love at first sight, pero nangyari sa akin ang crush at first sight noong makita ko si Denveir," ngumiti ako at inunat ang nakasalubong niyang kilay gamit ang thumb.

"Minahal ko na lang siya noong nawala na siya, pero may mas matinding tama pa pala, ang hinayupak na limang araw na kasama ka sa beach. Pakiramdam ko napaglaruan ako ng puso ko dahil bakit naman tumitibok sa iyo? Eh, hindi ka naman si Denveir? Saka ko lang na-realize na totoo ang magmahal ka ng isang tao kahit pa iilang araw lang na kasama mo."

"Totoo na hindi nasusukat ng araw o ng tagal ng pagsasama niyo ang pagmamahal kasi kapag tinamaan ka na kusa mo 'yong mararamdaman."

Mahigpit kong hinawakan ang kamay niya. "Denmeir Camerino, you're the day that gives light to me. You're the weirdest of all, but I do love you. I love you, the entire you. I love you so, so, so, so much, Babe!"

"I love you more, Buko pie!"

Nakangiti kami sa isa't isa habang tinatanggal niya ang belo. Hinawakan niya ang pisngi ko at hindi na hinintay ang anunsyo ng pari hinalikan niya na agad ako. Sunod-sunod na tumulo ang luha ko. Sobrang saya ng nararamdaman ko.

‘Wag kang matakot itaya ang puso mo hindi naman palaging sad ending. Ang hirap pala talagang mabuhay sa mundong ibabaw 'yong tipong hindi mo alam kung sino ang mananatili at mang-iiwan.

Totoong kamatayan ang hantungan ng lahat, pero bago mangyari 'yon naranasan mo muna ang tumawa, umiyak, ngumiti, malungkot at magalit. Mararanasan mo muna kung paano magmahal at mahalin. Kung pwede lang na habang buhay mabuhay, pero walang gano'n, ang mahalaga ngayon ay kung paano mo mapapasaya,

maipapakita, mapapasalamatan at mamahalin ang mga taong importante sa iyo.

'Wag kang mahiyang sabihin ang nararamdaman mo hindi natin sila palaging kasama darating ang araw na mawawala sila at iiwan tayo, o hindi kaya ikaw ang mang-iwan.

"Mabuhay ang bagong kasal!" Nagpalakpakan ang mga tao.

Ang mga Nematodes ay may paiyak-iyak pa. Si Key naman ay siraulong kinukunan sila ng video at tatawa nang malakas.

Luminya sila para ihagis ko ang bulaklak. Ayaw sumama ni Miyell dahil ayaw niya naman daw magpakasal.

Hinagis ko ang bulaklak nang patalikod.

"Hibiscus rosa sinensis! No way!" Boses iyon ni Miyell.

"Yes way!" Sigaw nilang tatlo.

Natawa ako nang lingunin ko sila. Todo maktol si Miyell. Binibigay kala Delight ang bulaklak.

"Hibiscus! Ayaw ko nito! No! No! No! Mukha bang may papatol sa hitsura ko? Ano ba naman! Kunin niyo ito!"

Tinakbuhan siya ng mga Nematodes kaya tawa kami nang tawa.

"Ang pangit ko! Walang papatol sa pimples ko! Kinasal na ako sa mga libro! Hoy! Kunin niyo 'to!"

Hinabol niya 'yong tatlo. By the way, Hibiscus rosa sinensis ang scientific name ng gumamela. Ang paborito niyang bulaklak.

"Bakit ako ang nakasalo? Hindi nga ako sumali! Kakainis naman!" Magkakrus kasi kanina ang braso niya

sa may dibdib at ang pasaway na bulaklak sa kaniya pumatak. Sa mismong pagitan ng braso niya at dibdib.

"Walang susubok na magkamali sa akin! Sa inyo na ito! Please lang! Hoy!" Sigaw ni Miyell. Tinawanan lang ulit siya ng mga Nematodes.

"Nematodes! Badtrip naman oh! Saan ako hahanap ng groom ko? Mukha akong palakang tinubuan ng buntot, may sungay at lima ang kamay!" Ang lakas ng tawanan ng mga tao. Nagulat ako nang may lalaking lumapit at inagaw kay Denmeir ang garter.

"Oh? Fervid? Akala ko hindi ka pupunta? Late ka wala ka naman kanina. Bakit mo kinuha ang garter?" Sunod-sunod na tanong ni Denmeir.

"Akin na lang. Ang cute, eh," nakangiti niyang sabi habang nakatingin kay Miyell.

Napangiti ako. Mali ka, Miyell. May taong nakakakita ng unusual beauty mo at sa tingin ko bagay kayo. Sinundan ko ng tingin si Fervid. Matangkad na lalaki, matangos na ilong, pero mukha siyang masungit at tahimik dahil may mga kumausap sa kaniya, pero halos tango lang ang isagot niya.

"Halika na, buko pie ko," malambing na sabi ni Denmeir at binuhat ako.

Nagpaalam kami sa kanila. Lahat sila ay nakangiti habang kumakaway. Nagsimula sa limang araw hanggang sa naging habang buhay. Tandaan, Lumikha ng masasayang alaala.

Ikaw ang hantungan ko,

Ailey Espinar-Camerino.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.