Iyon naman ang gustong marinig ng kahit sinong babae lalo na't kaedad niya. di na bago iyon dahil may kaklase siya na Grade 5 at Grade 6 pa lang may boyfriend at girlfriend na. Minsan tagaabot pa siya ng bulaklak, stuffed toys at love letters sa mga ito. Siyempre gusto rin niyang maranasan iyon. Normal pa rin siyang teenager. At ilang beses na rin na may gustong manligaw sa kanya pero tinanggihan niya.
Pero hindi ito katulad ng pinangarap niya. Kaswal lang itong nakatayo di kalayuan sa kanya habang nakapamulsa. Ni walang bulaklak sa kamay nito kahit santan o kalachuchi man lang na pwedeng pitasin sa tabi ng daan. Ni hindi ito ngumingiti. Seryoso din ang tono nito na parang nagde-deliver ng speech sa isang election forum at nangangako sa mga botante ng gagawin nito kapag nanalo ito sa halalan. Hindi ito nanliligaw.
"Whoa! Sandali lang." Napaurong siya dahil di ganoong klase ng panliligaw ang inaasahan niya. "Seryoso ka? Manliligaw ka talaga? Ganyan ka ba mag-alok ng magiging girlfriend?"
Nadisilusyon siya. Ni hindi man lang siya nito haranahin o kahit na isang tula o love man lang? Minsan na nga lang siya liligawan ng lalaking gusto niya, parang inaalok lang siya nito na maka-partner sa kompetisyon o project o kaya ay maka-tandem sa eleksyon ng student council.
Lumapit ito sa kanya at tinapik ang ibabaw ng ulo niya na parang mabait na aso. "Sylvie, matalino ka. Mas gusto mo ba kung paano manligaw ang ibang lalaki na kakantahan ka o magbababad kayo sa video chat buong magdamag, napupuyat sa pagkukwentuhan sa walang kwentang bagay at walang natututunan? Tapos pag papasok na klase kinabukasan, walang maisagot. I never peg you for that type.”
“Wala ka bang nararamdaman na kilig sa akin na konti?”
Pagak na tumawa ang lalaki. “I am not some silly teenager. Hindi ako nagpapadala sa kilig. May mas mahalagang bagay kaysa sa kilig. There’s compatibility and stability. Kapag kausap kita, alam ko na kaya mong sakyan kung paano tumakbo ang utak ko. Tulad ni Roumel. Pinapaligiran ko lang ang sarili ko ng mga tao na alam kong makakasama ko sa pagse-set ng goal.”
Wala siyang narinig dito kundi goal, future at ambisyon. Parang robot ang kausap nilya. "Mark Andrew, kung magiging boyfriend kita. Hindi dahil iyon sa kung ano ang pakikinabangan ko sa iyo. Kaya kong abutin ang pangarap ko na mag-isa."
"Alam ko. Kaya nga ikaw ang pinili ko. Kailangan ko ng partner na di sasandig lang sa akin at alam ko na di lang ako gagamitin. Kailangan ko ng tao na maibibigay ang best ko. At tutulungan ko rin siya na maibigay ang best niya. Partnership ang tawag doon, Sylvie. Hindi siya aasa sa atin akin ng romance o liligawan ko siya na magmumukha kaming tanga. We talk about ideas and plans. Kung paano kami magtatagumpay sa future nang magkasama.”
Hindi pa rin niya matiindihan. Ilang taon lang ba ito? Fifteen o sixteen? Pero bakit parang matanda na ito kung magsalita? “Bakit, Mark Andrew? Bakit hindi ka maging katulad ng ibang tao? Ayaw mo bang ma-in love?”
“Sylvie, kung gusto mong may maabot sa buhay, utak ang pagaganahin mo. Mas kailangan mo ng solid na pundasyon ng relasyon. Gusto mo ba na ma-in love na mawawala ka sa sarili mo? Tapos pag nagkasawaan kayo o wala na ang kilig dahil naging priority ninyo ang pangarap ninyo, maghihiwalay din. Gusto mo ba na pangunahan ng emosyon tapos masasaktan ka rin sa huli?” Tinapik nito ang sentido. “That's why I am playing smart. Naka-focus tayo sa ambisyon natin. I am not your typically romantic guy. Pero tutulungan kita sa pangarap mo. Sabay nating aabutin ang mga pangarap natin."
Suminghap si Sylvie at binatak ang ponytail. "Masyado pa tayong bata pa maging ganito kaseryoso. Ni hindi ka pa nga umaakyat ng ligaw sa akin. Saka… fourteen pa lang ako tapos iyan na ang pag-uusapan natin.”
"Sylvie, walang masama sa pagiging advance at nagpaplano. Gusto mo pa bang unahin ang kilig sa isang tao habang napag-iiwanan ka na sa pangarap mo? O pwede mo akong bigyan ng pagkakataon.”
Nakakawala ng kilig ang klase ng relasyon na gusto ni Mark Andrew. Pero sa utak niya, may punto naman ito. Gusto pa rin niya ang lalaki pero gusto rin niyang maranasan ang relasyon ng mga magulang - kung paanong may koneksyon ang mga ito sa unang tingin pa lang, diniligan ng pagmamahal at naging matatag sa kabila ng mga pagsubok. Hindi ba niya pwedeng makuha pareho?
Namaywang si Sylvie at direktang tiningnan ang malamig nitong mga mata. “Sige. Halimbawa hinayaan kitang manligaw sa akin at naging boyfriend kita. Paano kung makatagpo ka ng babae kung saan mararamdaman ‘yung kilig at nakakabaliw na pagmamahal, sino ang pipiliin mo - siya o ako?”