Tumango si Tito Josh at pinisil ang balikat niya. “That is good to hear. Nag-alala din kami sa iyo. We eventually have to move on.”
Inabutan siya ng juice ni Lancelot at binigyan siya ng mahinay na ngiti. Move on. Hindi niya alam kung naka-move on na nga talaga siya. Masaya na siya. Hindi na siya nag-iisa. Nagagawa na niyang ngumiti.
Pero may alaala si Mark Andrew na nagdudulot ng sakit sa kanya na di niya mabubura. Parang vase na may lamat ang puso niya na kahit anong dikit ang gawin ay may marka na.
“Tito, Tita, hihingi po sana ako ng permiso na gumawa ng kwento na base sa buhay ni Mark Andrew,” wika ni Lancelot pagkuwan.
"Nabanggit nga ni Sylvie. Masyado lang kaming busy na mag-asawa kaya hindi namin nasagot ang message niya sa amin,” sabi ni Tito Josh at hinaplos ang baba. Mukhang di nito gusto ang ideya na gawan ng kwento si Mark Andrew.
"Malaking inspirasyon po sa mga bata tulad namin kung mababasa ang kwento niya. Role model po siya. Makabuluhan po ang buhay niya. Isa po siyang karangalan sa Bright Minds Academy. Bayani po siya. At alam ko po na misyon niyang maging inspirasyon habang nabubuhay pa siya,” pangungumbinsi ni Lancelot.
Tahimik lang si Sylvie dahil hanggang ngayon hati pa rin ang puso niya kung papayagan ito. Personal pa rin na buhay iyon ni Mark Andrew. Personal na buhay nila. Kahit pa sabihin na nakadikit ang pangalan niya kay Lancelot may pribado pa rin siyang buhay na di niya ibinabahagi sa iba.
“Hindi ko po ilalabas ang kwento niya nang walang permiso ninyo,” dagdag ng binata.
"Pumapayag ako, hijo,” sabi ni Tita Jini. “Bilang isang nanay, maipagmamalaki ko na maayos kong napalaki ang anak ko at may kabutihan siyang nagawa sa iba.”
“Thank you po, Tita!” sabi ni Lancelot at niyakap ang ina ni Mark Andrew. “Malaking bagay po para sa akin ang tiwala ninyo bilang writer.”
“May tiwala ako dahil nandiyan naman si Sylvie para tulungan ka sa kwento mo,” sabi ni Tito Josh at ngumiti sa kanya.
Nag-aalalang ngumiti si Sylvie. Wala naman siyang magagawa kung iyon ang desisyon ng magulang ni Mark Andrew. Siya ang may kontrol sa sitwasyon at sa kwento kaya siguro sumang-ayon ang mga ito. Hindi maglalabas si Lancelot ng kahit ano na pwedeng makasira sa binata.
"Gusto ba ninyong sumama sa Tanay next weekend? Makikita mo kung saan siya lumaki at makikilala mo rin ang mga kababata niya. Marami kang makukuha kung gagawin ang kwento niya,” alok ni Tita Jini.
“Opo. Gusto ko po iyan. Long weekend vacation naman po,” ani Lancelot.
"Sylvie, sumama ka rin. Ikaw ang maraming alam na kwento tungkol sa anak namin. Nami-miss ka rin naming kasama,” pakiusap ni Tito Josh.
"Samahan mo na ako,” ungot ni Lancelot.
Sa Tanay? Marami silang alaala ni Mark Andrew doon na ayaw na sana niyang balikan dahil masasaktan lang siya.
"Sige po,” nanulas sa labi niya. Hindi niya matanggihan si Lancelot.
"I CHOOSE you, Sylvie."
Natigil sa paghahanap ng clues si Sylvie para sa treasure hunt ng The Newsmaker at nilingon si Mark Andrew na parang di naman naghahanap ng clues. Nasa farm sila sa Tanay para sa team building na pag-aari ng pamilya ng lalaki.
Grade Eight siya sa Bright Minds Academy at Grade Nine naman ito. Ito ang news editor ng school paper nila habang nakalinya naman siya sa editorial cartooning at photojournalism. Crush niya si Mark Andrew dahil matalino ito at mabait. Matured ito kaysa sa edad nito at iyon ang mas gusto niya. Nakakapagtanong siya dito tungkol sa lessons at mga issue sa lipunan. Di tulad ng ibang kaedad niya na mas abala sa pagpapapogi o pagpapa-cute sa mga babae. At kinikilig naman siya dahil siya ang nabunot nito na ka-partner sa team building. Syempre ayaw niyang magpatalo kaya wala siyang balak na mangulelat para sa larong iyon.
"Naglalaro ka ba ng Pokemon? Hindi ako pokemon." Mas importante sa kanya na mahanap ang ribbon na posibleng nakatali sa mga puno ng mangga.
"Silly. I want you to be my girlfriend."
Tumigil si Sylvie sa paghahanap at nilingon ito. "Gusto mo akong maging girlfriend? Okay ka lang?"
"You are perfect - smart, well-behaved, talented and we get along. Pareho din tayo ng level of intelligence. Katulad mo ang kailangan ko kung gusto mo na mag-top sa Bright Minds Academy o maging top student sa buong Pilipinas kung gugustuhin mo. We could be a powerhouse couple in the future. I want to be a diplomat or a lawyer. Malay mo maging girlfriend ka ng future ambassador o presidente ng Pilipinas."
Dapat magta-tumbling sa saya ang dalaga. Heto na ang crush niya na gusto siyang maging girlfriend.