NAHIGIT ni Sylvie ang hininga at biglang dumilat. Nagulat nang makitang wala siya sa kotse kundi nasa umaandar na sasakyan. Wala rin siya sa farm kung saan naghahanap siya ng clue para sa treasure hunt. Wala si Mark Andrew sa tabi niya kundi si Lancelot na may kausap sa cellphone habang bumibiyahe sila sa highway na may overlooking ng Metro Manila.
Sa palagay niya ay nasa Antipolo na sila dahil mataas ang lugar at dahil sa tanawin. Patungo silang Tanay, Rizal, sa ancestral house at farm ng mga Cahayon. Si Mang Udo ang driver nila at bantay nila ni Lancelot. Overnight sila sa farm na isang taon na mula nang huli niyang mapuntahan. Bibong-bibo pa rin si Lancelot kahit na pareho lang naman silang walang tulog. Excited ito sa lakad na iyon.
"Ayan! Gising na si Sleeping Beauty. Mag-hello ka sa kanila, Sylvie," sabi ng binata at itinutok pa ang camera sa kanila. "Okay ka lang?"
Natutop niya ang bibig at hinawi ang cellphone nito palayo sa kanya. "Sira ka ba? Kagigising ko lang. Tapos itututok mo sa akin 'yang camera." Paano kung tulo-laway pala siya habang natutulog? Gusto niya itong tadyakan minsan dahil sa lakas nitong mag-trip. "I-off mo iyan." At sinubukan niyang agawin ang cellphone para I-off.
"Bakit ba? Matulog ka na lang ulit. Di naman kita ginugulo. Tinitingnan namin ang view," sabi ng lalaki at ibinaling ulit ang cellphone sa overlooking view. Ngumisi sa kanya ang lalaki. “Kaso mas maganda ka pa sa view.”
Inirapan lang niya ito. Kinuha niya ang water canister sa harapan at ininom. Masasakal talaga niya ang lalaki kapag nakita niya na kinuhanan siya ng video n ito habang nagla-live. Maniwala naman ako na mas maganda ako sa view. Kahit naman anong itsura ko, sinasabi niyang maganda. Parang di makatotohanan.
Pero malaking bagay sa kompiyansa niya na may nagsasabing maganda siya kahit ano pa ang ayos niya. Ganoon si Lancelot. Parang ipinagmamalaki siya lagi sa iba. Sabi niya sa sarili, di naman iyon importante sa kanya dahil di naman siya sasali sa Miss Universe. Pero may pagkakataon na iyon ang nagpapangiti sa kanya.
Natigilan siya nang bumulong sa isip niya ang boses ni Mark Andrew. Don’t be offended if I don’t compliment you for your beauty. Expect me to compliment you when you do great in school or competitions. Mas importante iyon.
Ipinilig niya ang ulo sa alaala. Heto na naman si Mark Andrew. Nakatulog siya sa biyahe dahil wala naman siyang matinong tulog nang nagdaang linggo. Ang totoo, inaalala niya ang kwentong isusulat ni Lancelot tungkol sa namayapang nobyo. Ipinasa niya ito sa mga teacher at sa kaibigan ni Mark Andrew na si Roumel para sa research nito. Ikinatwiran niya na busy siya sa webcomic ng Mystic High.
Pero ang totoo, hindi pa niya kayang pag-usapan ang personal na buhay ng dating nobyo. Buong linggo siyang di pinatulog niyon. At ngayon napanaginipan pa niya si Mark Andrew na di naman nangyari mula nang mamatay ito. Dahil ba nasobrahan siya sa kaiisip dito o sumasang-ayon ito na ikwento niya kay Lancelot ang relasyon nila?
Mariing pumikit si Sylvie. Sa panaginip niya, hindi siya nasagot ni Mark Andrew. Pero malinaw pa rin sa kanya ang sagot nito. Siya ang pipiliin nito.
Tumingin siya sa labas ng bintana at humagibis ang gilid ng bundok sa paningin niya. Ako ba talaga ang pinili mo hanggang huli, Mark Andrew? Tinupad mo ba talaga ang pangako mo?
"Paano ko magiging heroine si Sylvie? Iyan ang dapat ninyong abangan sa upcoming novel ko,” kwento ni Lancelot sa mga fans nito na kausap pa rin nito sa Facebook Live. “Pupunta kami sa Tanay ngayon para tingnan ang location ng novel at para na rin sa interview. Hindi ito horror. Iba ito sa Mystic High. Para naman makita ninyo na may iba pa akong kwento na kayang gawin bukod sa horror at thriller. Sana magustuhan n'yo pa rin. Oo, kahit na masungit ang heroine ko, maganda naman ang kwento niya. I am sure mamahalin n’yo rin siya." At saka ito humahalakhak na nagpaalam sa mga fans. "Hintayin ninyo ang next Facebook Live ko. Bye!" At kumaway ito bago tinapos ang live video.
Nanlaki ang ulo ni Sylvie. Ipinagkalat ni Lancelot na siya ang magiging bidang babae sa susunod nitong nobela? Tinampal niya ang braso nito. "Bawiin mo ang sinabi mo na ako ang heroine mo."
“Bakit ko naman babawiin? Heroine naman talaga kita.”
Ngumiwi siya. Naaalibadbarain pa siya. "Di ako komportable. Parang bida-bida ang dating ko. Pwede bang huwag mo na akong isama sa kwento? O kaya gawin mo na lang minor role."
"Bakit naman hindi? Malaki ang gagampanan mo sa kwento ni Mark Andrew. Ikaw naman talaga ang girlfriend niya. Sigurado ako na marami kang nai-contribute sa kanya para mag-grow siya as a person. Napasaya mo siya noong buhay pa siya."
"Siya pa rin ang bida. Ayoko ng pakiramdam na nagte-take advantage ako sa pagkamatay niya. Kahit alisin mo na ako sa kwento. Okay lang sa akin. Sa dami ng accomplishments niya at magagandang nagawa niya, hindi na ako kailangan sa kwento."