"Hindi ka famewhore, Sylvie. Kasama ka sa importanteng tao sa buhay niya. Ikaw 'yung babae na nagmamahal nang lampas sa forever. Kahit wala na siya, mahal mo pa rin siya. At gusto kong malaman kung ano ang meron kay Mark Andrew para mahalin ng isang katulad mo."
Umiling siya. “Alam mo na siguro kung ano ang accomplishments niya…”
“Ano ang minahal mo sa kanya bilang tao? At gusto ko ring malaman kung paano ka niya inalagaan at pinahalagahan.” Malamlam ang mga mata nito habang pinagmamasdan siya. “Maswerte siya para mahalin mo.”
“Ano ba ang meron ako at nasabi mo na maswerte si Mark Andrew?”
Pinisil nito ang pisngi niya. "Perfect. You are perfect.”
Pagak na tumawa ang dalaga. "Perfect? Kalokohan iyan.”
“Matalino ka, masipag, intense, di ka nagse-settle sa mediocre lang, gusto mo din na ilabas ng iba ang best nila, at patas ka lang.”
Umiling siya at yumuko. Sinabi rin ni Mark Andrew na perfect siya pero di pa rin sapat. “Walang perfect, Lancelot. Iba-iba ang mga tao. Kahit gawin mo ang best mo minsan, kahit na ibigay mo ang lahat, hindi pa rin tayo ang pinipili ng taong mahal natin. Kaya walang perfect.”
“Ano bang hugot iyan?” anito at inangat ang baba niya.
“Alam mo ‘yung tingin mo sa tao siya na kasi maganda siya o guwapo, mabait, matalino, masipag at lahat na pero sa huli ‘yung nanakit sa kanila at maraming flaws ang mas gusto nila. Nakuha mo ba ako?
Kumunot ang noo nito pero nagkibit-balikat din pagkuwan. "Maswerte ka kasi hindi naman ganoon ang sitwasyon mo. Sylvie, sabi sa akin ni Roumel ikaw daw ang perfect partner kay Mark Andrew. Kaya matatag ang relasyon ninyo dahil magkatulong kayo na abutin ang pangarap ninyo. Hindi ba nakaka-inspire iyon? May mga maagang nakikipag-relasyon sa mga teenager tulad natin na mas inuuna ang nararamdaman nila. Sa huli maaga silang bumubuo ng pamilya nila at di nakakatapos. Di tulad ninyo na nakaka-focus kayo sa pangarap ninyo. Naitulak ninyo ang isa't isa para umangat. That is a good relationship.”
Pero walang naririnig si Sylvie sa mga kwento nito kung gaano sila kaperpekto ni Mark Andrew para sa isa’t isa. "Lancelot, kunyari kailangan mong mamili sa isang babae na perpekto at tutulong sa iyo sa pangarap mo pero di mo siya mahal o ang babae na pinapakilig ka pero hindi siya makakabuti sa iyo at mailalayo ka niya sa pangarap mo, sino ang pipiliin mo?"
Ikiniling nito ang ulo. "Hindi ba pwedeng pareho?"
Tinampal niya ang sariling kandungan. “Hindi pwedeng pareho. Kailangan mong mamili lang ng isa. ‘Yung di mo mahal pero makakabuti sa iyo o ‘yung mahal mo pero di mo maaabot ang mga pangarap mo?” At inangat niya ang dalawang daliri.
“Pwedeng pareho iyan.”
“Paanong pareho?” naguguluhan niyang tanong.
Pumihit ito sa pagkakaupo at hinawi ang buhok niya na naligaw sa pisngi niya. "Kapag gusto ko ang isang tao, kahit siya pa ang pinakamahirap pakisamahan o sinusungitan niya, siya ang pipiliin ko. Doon lang ako sa tabi niya. Hindi ko siya nagustuhan dahil siya ang makakabuti para sa akin. Pinili ko siya dahil gusto ko na gawin ang lahat para mapabuti siya. Gusto ko na pasayahin siya kapag mahirap ang buhay sa kanya at wala siyang rason para ngumiti.”
“At paano kung ipapahamak ka niya o sinasabi ng lahat na di siya okay para sa iyo?”
“Kapag nagmahal ka, mag-a-adjust ka at magsasakripisyo ka. Kahit na tutol sa amin ang mundo, pipiliin kong manatili sa tabi niya.” Ihinilig nito ang ulo sa sandalan pero nasa kanya pa rin ang mga mata. “Hindi madali ang magmahal pero ‘yung saya na nadadala sa akin kapag nakikita mo ‘yung mahal ko, buo na ang araw ko. Kahit itaboy niya ako palayo, sa tabi lang niya ako.”
Tumaas ang kilay niya. "Talaga lang? Hindi ka pa nagkaka-girlfriend. Hindi mo pa naman nae-experience ‘yang mga sinabi mo.”
"Hindi pa nga ako nagkaka-girlfriend pero na-in love na ako,” pagmamalaki nito. “Sige nga. Ikaw ba sinukuan ko na kahit nang nagsusungit ka sa akin? Hindi ba nandito pa rin ako sa tabi mo?”
Kumunot ang noo niya. Sinasabi ba nitong in love ito sa kanya? Muntik nang tuktukan ni Sylvie ang sarili. Sira! Nag-example lang si Lance. Feeling mo naman ikaw ang gusto niya. Alam mo naman pa-fall lang ang lalaking iyan. Pag kasama ka, ikaw ang espesyal. Matalino ka, Sylvie. Huwag kang feeling.
“At kanino ka naman in love?” nakataas ang kilay niyang tanong. Gusto lang niyang malaman kung anong klaseng babae ang trip ng binata.
Bigla itong umiwas ng tingin sa kanya. "Bakit ako ang ini-interview mo? Hindi naman ako ang bida sa kwento."
"Lagi tayong magkasama pero hindi ka naman nagkukwento sa akin. Ang daya mo!" Dinutdot ng daliri niya ang pisngi nito. “Hoy! Mag-confess ka na. Lancelot!”
Pumihit ito patalikod sa kanya. “Mang Udo, antok na po ako. Pakigising na lang po kapag nasa farm na ako.” At tuluyan na itong tumahimik.
Niyugyog niya ang balikat nito. “Lancelot, gumising ka naman! Sabihin mo na sa akin kung sino. Tutulungan kita para sagutin ka niya agad.”
“Di pa ako nanliligaw.”
“E di tutulungan kitang manligaw. Kahit ako na manligaw para sa iyo.” Idinikit niya ang pisngi sa likod nito. “Lancelot…”
Mahinang paghinga na lang nito ang narinig niya. Mukhang tuluyan na itong nakatulog. Hinayaan na niya ang lalaki. Nakaramdam siya ng pagkadismaya na hindi siya ang babaeng iyon. Kung nanatili ito sa tabi niya kahit na anong sama ng ugali niya, maswerte ang babaeng mahal nito dahil di nito susukuan.
Dahil bago pa dumating si Mark Andrew sa buhay niya, iyon na ang pangarap niyang pagmamahal - ‘yung siya ang mahal di dahil perpekto siya kundi dahil mahal siya nito sa kabila ng pagkukulang niya. Sana ako rin.