HINAPLOS ng kamay ni Sylvie ang balustre ng hagdan paakyat sa ikalawang palapag ng bahay ng mga Cahayon sa Tanay, Rizal. Nakatayo iyon sa ibabaw ng bundok at napapalibutan ng iba’t ibang citrus trees na bumubuo ng farm. May magandang view ng Laguna de Bay na nakikita mula sa bintana ng mga kuwarto at balkonahe.
“Itinayo ito noong 1960s. Galing sa Batangas ang pamilya ng asawa ko. Nakabili ng lupa dito si Papa Dino, ang lolo ni Mark Andrew, na naipon niya mula sa pagbabarko,” kwento ni Tita Jini na sumalubong sa kanya at ipinasyal sila sa bahay. “Kapitan sa barko si Papa Dino. Naibili nila ng lupa at nagpatayo sila ng bahay at farm. Walo na magkakapatid ang asawa ko kaya malaki itong bahay. Tapos nagsipag-asawa na ang mga hipag at bayaw ko kaya lumipat na sila ng bahay. Kami na lang ang naiwan dito at ang pamilya ni Arnel. Bunso siyang kapatid ng asawa ko."
"Masaya po siguro dito sa bahay ninyo kapag dumadalaw ang mga kapatid ng asawa ko. Magulo nga dito sa bahay. Every year nandito sila. Kaso wala nang killjoy na sasaway sa kanila kapag maingay o magpapatago sa mga gadgets ng mga bata para mabasahan sila ng kwento o magbasa ng libro. Iyon kasi ang hilig gawin ni Mark Andrew. Aasarin naman siya ni Billy at yayayaing maglaro sa labas ang mga bata. Boring daw kasi kung magbabasa lang at mag-storytelling."
Di niya maiwasang ngumiti sa alaala. Mahigit isang taon na mula nang huli siyang tumapak doon. Buhay pa si Mark Andrew noon. Masaya siya kapag nasa bahay na iyon dahil malawak ang taniman at maganda ang tanawin sa labas. Payapa ang pakiramdam niya doon at di pa rin nagbabago hanggang ngayon. Marami siyang magagandang alaala sa bahay na iyon.
Lumiko sila sa right wing ng bahay at binuksan ni Tita Jini ang dulong pinto. "Ito ang paboritong lugar ni Mark Andrew. Library. Gusto niyang napapalibutan ng mga libro. Kahit may gadgets, dito siya at nagkukulong."
Namangha si Mark Andrew nang iikot ang mata sa paligid. "Wow! Ang daming libro. Hard bound pa ang iba. At mukhang antique na ang iba."
"Koleksyon ng lolo ni Mark Andrew. Binabasahan na siya ng encyclopedia baby pa lang siya kaya naman sa kanya rin iniwan ang mga lumang libro. Nasa bahay namin ito sa Manila dati pero inuwi dito nang ibenta na namin ang bahay.
"Anong ginagawa po ni Sylvie kapag nandito siya?"
"Nagkukulong sa pagbabasa ng libro kasama ni Mark Andrew," sagot ni Tita Jini. "Kaya nga compatible silang dalawa. Kaya maswerte ang anak ko na naging girlfriend siya. Parang di nawala ang anak ko dahil sa kanya." Kinintalan nito siya ng halik sa pisngi. "Iwan ko muna kayo dito. I am sure marami kang maise-share kay Knight na kwento. Nasa baba lang si Manong Lino. Pwede niya kayong samahan na mag-ikot sa farm. Feel at home."
Binuksan ni Lancelot ang bintana paglabas ni Tita Jini. "Maganda sa labas. Maraming mapapasyalan dito. May falls at may ilog. May farm sa labas. Tapos nagkulong lang kayo sa library. Sayang ang view at sariwang hangin sa labas."
Inilabas niya ang sinaunang version ng Divine Comedy ni Dante Alghieri sa shelf. Iyon ang huli niyang binasa habang nandoon siya. At dumudugo na ang utak niya pero wala siyang magawa dahil may diskusyon muna sila ni Mark Andrew bago siya malakas. "Ang totoo, di ko naman talaga trip na magkulong sa library. Ikinulong niya ako dito dahil pinakatakas ko ang mga bata na bored na bored nang magbasa ng libro. I mean, reading is fine. Pero 'yung dito maghapon? Kahit ako mabo-bore din naman. Kaya nga kami sumama ng mga bata para mag-enjoy. Ayun! Napagalitan ako ni Mark Andrew. Pwede daw mamasyal ang mga bata sa labas kung maiiwan ako dito para magbasa kasama niya.”
Ngumiwi ito. “Di talaga kayo lumalabas?”
“Namamasyal kami pero lagi siyang may dalang libro. Minsan uupo lang kami sa ilalim ng isang puno tapos magbabasa. There were times that he preferred to be left alone. Kaya nakikipaglaro na lang ako sa mga bata dito o kaya kinakausap ang mga trabahador. Minsan kumukuha ako ng magandang tips tapos ipinapasa ko kay Papa para magamit sa farm niya. Sabi pa nga ni Mark Andrew, maganda daw iyon kasi pwedeng mag-merge ang mga farm namin kapag kasal na kami. Or something like that.”
“Nagpaplano na kayo ng kasal?” manghang tanong ni Lancelot.
Umiling siya. “That’s Mark Andrew for you. Nang alukin niya ako na maging girlfriend niya, sinabi niya na kapag naging boyfriend ko siya, pwede na akong maging first lady ng Pilipinas balang-araw. Sa plano niya, baka nga fifty years old na kami pareho bago kami magpakasal sa dami ng gusto niyang gawin.” Pero nawala ang ngiti sa labi niya dahil naalala niya ang panahon na nakikita niya ang sarili na nakatayo sa tabi nito habang nanunumpa ito sa tabi ng watawat ng Pilipinas bilang pangulo. At siya ang first lady nito. “Hindi na iyon mangyayari.”
Sinapo nito ang pisngi niya. “Di naman siguro ni Mark Andrew na malungkot ka habang nandito, di ba? Di mo na rin kailangang magkulong dito sa loob. Mabuti pa ipasyal mo ako sa labas. Gusto kong makita ang farm.”
Saka lang bumalik ang ngiti ni Sylvie nang maglakad sa hilera ng mga dalandan na malapit nang magbunga. Binabati siya ng mga trabahador ng farm na naglilinis sa mga puno. “Masarap sigurong bumalik dito kapag may bunga na at nag-aanihan,” sabi ni Lancelot. “Hindi pa ako nakakapagsulat ng kwento tungkol sa mga ordinaryong tao sa probinsiya at tungkol sa mga trabaho nila. Pwede rin siguro akong magtrabaho dito kahit tagapitas lang ng mga prutas. O kaya doon ako sa farm ninyo.” Siniko siya nito. “Sabihin mo kay Tito tutulong ako sa pag-aani ng mga gulay at prutas ninyo.”
“Hindi ko kaya ang talent fee mo. Baka mamumulubi kami sa iyo.”
Ipinapaliwanag ni Manong Lino ang operasyon sa farm at paggamit ng renewable energy para makatipid nang dumating ang mga bata na pinsan ni Mark Andrew na sina Fritz at Merrick. "At Sylvie, dumating ka na ulit."