Niyakap siya ng mga ito. “Whoa! Ang lalaki na agad ninyo. Mahahabol na yata ninyo ang tangkad ko.” Nang nakaraang nagkita sila, anim na taon lang si Merrick at pitong taon si Fritz. Ngayon ay ilang pulgada na ang itinangkad ng mga ito.
“Akala ko hindi ka na babalik dito, Ate Sylvie,” maluha-luhang sabi ni Merrick. “Wala na kasi si Kuya Mark Andrew.”
“Bumalik naman ako, di ba? Heto nga may kasama akong kaibigan - si Kuya Lancelot!” pagpapakilala niya at ngumiti sa binata. “Si Merrick at si Fritz. Mga pinsan sila ni Mark Andrew at dito nakatira sa farm.”
Suminghot si Fritz na nakatirintas ang buhok at may dumi pa sa pisngi. “Ikaw po ba ang bagong boyfriend ni Ate Sylvie?”
“Hindi. Magkaibigan lang kami. Pero pwede n’yo rin akong maging kuya,” anang si Lancelot at umuklo sa harap ng dalawang bata. “Okay lang sa akin.”
“Mahilig ka ba sa libro at ikukulong mo rin ba kami sa library?” tanong ni Merrick. Bakas ang takot sa mata nito. Nagtago agad sa likod niya si Fritz.
“Masaya naman ang magbasa ng libro. Nagsusulat ako ng sarili kong libro. Pero di ko kayo ikukulong sa library. Mas gusto ko kung sasamahan ninyo akong mamasyal. Saan magandang pumunta dito?” tanong ni Lancelot.
“Sa ilog!” sagot agad ni Merrick at hinawakan ang kamay ng lalaki. Hinatak din ni Fritz ang kabilang kamay nito.
Natawa na lang sila ni Lancelot dahil sabik na mamasyal ang dalawang bata. Nakuha rin agad ni Lancelot ang loob ng dalawa dahil hinayaan lang nito na magkwento ang mga ito. Nasa bungad si Mang Lino bilang guide nila at tiitingnan muna kung ligtas ang dinadaanan nila. May kataasan ang burol at sa baba pa ang ilog kaya naman dapat maingat sila sa pababa para di sila madulas.
“I love this place,” usal ni Sylvie habang dinadaanan nila ang trail na talahiban at damo ang magkabilang gilid ng daan. “Tahimik at maririnig mo ang huni ng ibon pati mga kuliglig. Tapos kahit malayo pa dinig ko na ang lagaslas ng tubig.”
“Okay lang kahit na may mga engkanto daw sa paligid-ligid?” bulong ni Lancelot sa kanya sa mababang boses, animo’y nananakot.
Matalim niya itong tiningnan. “Huwag ka ngang nananakot diyan.”
“Scaredy cat si Ate Sylvie,” anang si Fritz at humagikgik.
“Hindi kaya ako takot.” Naalala na naman niya na kapag pumupunta doon, kailangan pa niyang magpasintabi sa mga engkanto dahil iyon ang nakagawian niya. Nagtatalo pa sila ni Mark Andrew dahil wala naman daw scientific explanation ang mga engkanto. Di na lang niya sinasabi dito na natatakot siya para di na siya nito sermunan pa.
Hinapit ni Lancelot palapit ang katawan niya dito. “Huwag kang mag-alala. Di ko hahayaan ang mga engkanto na kuhanin ka. May asin dito sa bulsa ko.”
“Ano naman ang gagawin mo sa asin?”
“Sawsawan sana ng bayabas. Kukuha sana ako kanina sa farm kaso nagyaya nang pumunta ng ilog. Maganda rin pang-emergency para kung sakaling may masalubong tayong engkanto, may depensa tayo.”
Nakahinga ng maluwag si Sylvie. Di na isyu dito kung totoo o hindi na may engkanto. At least di siya pinagtawanan ni Lancelot. Para dito, di na importante kung ano ang pinaniniwalaan ng isang tao. Mahalaga dito na maramdaman ng isang tao na komportable ito at may kakampi.
“Ayun! May sinigwelas,” sabi ni Fritz at tumakbo papunta sa puno na hitik na hitik sa bunga. Sumunod agad dito si Merrick.
“Ako na lang ang kukuha, mga bata,” sabi ni Lancelot.
“Hindi. Gusto kong umakyat sa puno,” ani Sylvie. “Ako na lang ang kukuha.” At lumapit siya sa puno na sinusubukan nang akyatin ng mga bata. “Baba na kayo.” Sumunod naman ang dalawa at nagsimula na siyang sumampa sa katawan ng puno. May kataasan ang bunga at di basta maaabot.
“Ma’am, baka pwedeng kumuha na lang kami ng panungkit,” ani Mang Lino. “Di ba binawalan kayo ni Sir Mark Andrew na umakyat sa puno? Dalaga na kayo para umakyat pa at umakto na parang haragan.”
“Oo nga. Baka masaktan ka,” segunda naman ni Lancelot.
Nakadama si Sylvie ng pagrerebelde. “Para kang si Mark Andrew na takot na takot akong masaktan. Okay lang ako. Di ako babasagin."
“Importante ka sa akin kaya aalagaan kita,” ani Lancelot na maigting ang tingin sa kanya habang nasa ilalim ng puno.
"Okay lang akong masaktan. Sanay na ako,” makahulugan niyang sabi at nagpatuloy sa pag-akyat. Nakadama siya ng pagrerebelde sa puso. Ilang taon niyang di nagawa ang mga gusto niyang gawin dahil kailangan perpekto siya para kay Mark Andrew.
Humalakhak siya nang makakuha ng bunga. Ipinasok niya iyon sa bulsa ng short. Nagtsi-cheer naman ang mga bata para sa kanya. Nang makapuno siya saka lang siya bumana. Nakaalalay agad si Lancelot sa baba ng puno. "Yes! Sabi ko naman sa iyo okay lang ako.”
Sinapo ni Lancelot ang dibdib nang makatapak na siya nang ligtas sa lupa. “Muntik na akong atakihin sa puso sa iyo.”
“OA ka. Umakyat lang ako ng puno. Di pa ako nag-skydiving o nag-cliff diving.”
Ngumiwi ang binata. “May ganoon ka pang plano.”
“Ikaw ang nagsabi na gawin ko ang bagay na nagpapasaya sa akin,” sabi niya at ibinigay sa mga bata ang sinigwelas.
Tumambay sila sa batuhan sa gilid ng ilog. Nagkawkaw sila ni Lancelot ng paa sa ilog habang kumakain ng sinigwelas. Nagpapalayuan naman ng pagbato ang dalawang bata. “First time mong umakyat ng puno?”
“Nagagawa ko naman iyon pero di na nang maging boyfriend ko si Mark Andrew. Killjoy iyon. Lahat daw ng kilos ko makakaapekto sa kanya.”
"He wants to take care of you."
Huminga nang malalim ang dalaga. "Marami akong gustong gawin. Di lang 'yung nababasa ko sa libro. Gusto kong maranasan kung paano mabuhay. Hindi lang kung ano ang gusto ni Mark Andrew. Ngayon wala na siya, okay lang naman siguro na gawin ko ang nagpapasaya sa akin.”
Ginagap ng binata ang kamay niya. “Basta nandito lang ako kapag kailangan mo ako. Kahit saan ka makarating sa pangarap mo, suportado kita. Sa simula pa lang, doon na ako sa nagpapasaya sa iyo, di ba?”
“Thank you,” aniya at nilagyan ng isa pang sinigwelas ang palad nito. “Kain ka lang nang kain.”
Hindi na niya gustong maging perpekto ngayon. Gusto na niyang maging malaya at humihinga. Dahil alam niya na kahit magkamali siya, kaya niya ang sakit. At nariyan si Lancelot para saluhin siya.
Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang matanaw niya ang parte ng ilog na may naglalakihang buhay na bato. Natigilan si Sylvie at parang ayaw nang humakbang pa ng paa niya. Parang may kamay na may mahahabang kuko na bumaon sa puso niya.
“Sylvie…” untag sa kanya ni Lancelot.
Tumuro si Mang Lino. "Doon po nakuha ang katawan ni Sir Mark Andrew. Ilang kilometro na ang layo sa balsa kung saan sila nag-picnic.”
Isang babae na mahaba ang kulay orange na buhok ang nakauklo sa gilid ng tubig. "Parang may nag-aalay ng bulaklak. Gusto mo bang puntahan?” tanong ni Lancelot sa kanya.
Umiling siya at tumalikod. "Hindi na. Bumalik na tayo sa farm.”
Parang namatay na naman si Sylvie nang makita ang lugar kung saan nakita ang walang buhay na katawan ni Mark Andrew. Buhay pa sana siya kung ako ang pinili niya. Buhay pa sana siya kung ako ang minahal niya.