Chapter ACWTK2: 53

"ASTIG! Maganda 'yung bagong version mo,” puri ng pinsan ni Mark Andrew na si Ace habang nagkukwetuhan sila matapos ang hapunan.

Maagang nagkulong sa kuwarto si Sylvie dahil masama daw ang pakiramdam nito. Pero sinamahan naman sila ng Ace na mag-foosball o table soccer sa game room. Kauuwi pa lang nito mula sa Quezon kung saan dinalaw ang mga magulang nito. Sa mansion ito tumutuloy dahil nagtatrabaho ito bilang construction engineer sa bayan. Na huli, natuklasan niya na reader pala niya ito kahit noong sa internet pa siya nagsusulat. Mas matanda ang lalaki nang limang taon sa kanya.

“”Pero bakit mo pala iniba?" tanong nito

"Sylvie pointed out the loopholes, sa harap pa ng maraming tao.” Di niya maiwasang ngumiti nang maalala kung gaano ito katapang na magpahayag ng opinyon nito sa harap ng mga tao.

"Parang tigre ang isang iyan. Female version ni Mark Andrew. Pero mabait siya sa mga bata dito. Naalala ko kapag nagbabakasyon siya, iniiwan na niya ang mga damit para ipamigay sa anak ng ibang trabahador. Di daw niya masuot ang iba. Si Mark Andrew kasi..."

Kumunot ang noo niya. "May problema ba sila?" Sabi nga ni Sylvie, walang perpekto. Naalala niya na atubili itong magsabi tungkol sa relasyon nito kay Mark Andrew. Alam niyang pribado na iyon. Pero nang magpunta sila sa ilog kanina, nakita niya kung paano itong manlamig nang makita kung saan nalunod ang dating nobyo. Parang bumalik na naman ito sa dating Sylvie na galit sa mundo.

"Advance kasi 'yung pinsan ko. Puro image ang iniisip. Pangarap ata na maging presidente ng Pilipinas. Di ko naman masisisi kung perfectionist ang isang iyon. Ito kasing pinsan kong si Billy na kuya niya, naloka sa babae na may di magandang reputasyon. Kaya ipinadala sa States kaso di pa rin nagtino. Ayaw na ni Mark Andrew na madismaya ang magulang niya. Gusto niyang maging perpekto at achiever para makabawi man lang sa ginawa ng kapatid niya.”

“Salamat. Naiintindihan ko na ngayon.” Kanina lang niya nahimigan ng pagrerebelde si Sylvie. Kahit ito gusto rin ni Mark Andrew na maging perpekto.

“Buti naisip mo ang kwento niya. Matalino talaga ang pinsan ko na iyon. Kahit na di naman siya close sa mga tao dito at laging nakikipagkwentuhan, kapakanan ng lahat ang iiniisip niya. Siya ang nag-suggest na gawing organic itong farm. Tapos Science project lang ata niya nang gawin ang methane na source ng energy ng farm galing sa dumi ng hayop at basura. Kaso wala na siya. Marami pa siyang kontribusyon sana sa maraming tao.”

“Kaya nga gusto kong gawin ang kwento niya dahil baka may ibang kabataan na magtutuloy ng ginawa niya.”

Alas otso y media pa lang ay nagpaalam na si Ace na magpapahinga. Mukhang maagang matulog ang mga tao doon. Marami naman siyang nakuhang kwento tungkol kay Mark Andrew - mula sa mga teacher at kaklase sa Bright Minds Academy hanggang sa buhay nito sa farm. Kulang na lang ang love story nito at ni Sylvie. Parang napasama pa nga ang pagpunta nila sa farm. Pati sa kanya ayaw nang makipag-usap ng babae. Ayaw niyang bumalik na naman sa zero sa buhay ni Sylvie. Marami na silang pinagsamahan. Kung kailangang di niya isama si Sylvie sa kwento, gagawin niya huwag lang itong magalit sa kanya.

Pero di ba kaya ko nga isusulat ang kwento para makita ng lahat ang magagandang qualities ni Sylvie?

Pumunta muna siya ng kusina para kumuha ng tubig bago puntahan si Sylvie sa kuwarto nito. Papasok siya nang makarinig niya ang boses ng babae. Nang sumilip siya, nakita niya ang isang babae na di nalalayo ang edad sa kanila ni Sylvie. Kulay orange ang buhok nito. Ang babae sa tabing-ilog kanina na may dalang bulaklak. “Manang, gusto ko lang makausap sila Ma’am Jini.”

“Cela, huwag ka nang magpilit. Ayaw ka na nilang makita,” anang tagaluto sa mansion. “Pati kaming mga tao dito sa farm mapapagalitan kapag nalaman na nakapasok ka dito. Matapos mamatay si Sir Mark Andrew, di ka na nila gugustuhing makita.”

“P-Pinagsisisihan ko naman po na di ako sumama sa kanyang umuwi. Sana nakinig ako sa kanya. Sana nag-aral na lang ako. Sana siya ang pinili ko noon.”

Sino ang babaeng ito? May iba bang babae sa buhay ni Mark Andrew bukod kay Sylvie? Sumikdo ang dibdib niya. Kaya ba pinili na lang ni Sylvie na umiwas nang makita ang babae kanina?

“Hindi pa ngayon ang oras. Saka nandito ang girlfriend ni Sir Mark Andrew at ‘yung writer na gagawa ng libro niya. Kapag nakita ka ni Miss Sylvie, mas malaking gulo. Gusto mo ba talaga ng gulo?”

Humikbi ang babae at yumuko. “Sige po. Aalis na lang po ako.”

Lumabas ito ng backdoor ng bahay. Sakto naman siyang pumasok ng kusina nang naisara na ang pinto. “Sir, may kailangan po kayo?”

“Kaibigan po ba ng mga Cahayon ‘yung kausap ninyo?” tanong niya.

“Ah! Wala po iyon,” sabi nito at umiling. “Dating kaklase ni Sir Mark Andrew.” At biglang natutop ang bibig.

“Pwede po ba siyang ma-interview?” magalang na tanong niya.

“Huwag na lang po, Sir. Kausapin na ninyo ang lahat tungkol kay Sir Mark Andrew pero huwag ang babaeng iyon,” babala ng matandang babae at kumuha ng pitsel ng tubig mula sa ref at baso.

Nagpasalamat siya sa matandang babae. Idinala niya ang baso at pitsel sa kuwarto. Kumatok siya pero di naman ito sumagot. Pagdating sa kuwarto niya, inilabas din niya ang notebook para ilista ang mga research kay Mark Andrew.

Isang text message ang natanggap niya mula sa numerong di niya kilala.

Hi! I’m Cela, Mark Andrew’s friend. Nalaman ko na nag-I-interview ka para sa kwento ng buhay niya. He died a hero. He died saving me.

“TITA, pwede pong sa tree house muna ako?” tanong ni Sylvie pagkatapos kumain ng agahan. “Wala pa po kasi iyon nang huli kong punta dito.”

Nag-aalala siyang pinagmasdan ni Tita Jini. “Are you okay? Pagkatapos mag-dinner nagkulong ka na sa kuwarto.”

“Nasobrahan nga po ako ng tulog. Sorry po, Tita. Nitong nakakaraang araw masyado lang pong maraming ginagawa sa school. Wala po akong tulog na matino. Kaya thank you po dahil nakapag-relax ako habang nandito.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.