Chapter ACWTK2: 54

Mahaba ang tulog ni Sylvie nang nakaraang gabi pero hindi payapa ang isipan niya. Kagabi pa niya gustong umuwi, tumakas sa lugar na iyon. Akala niya pagbalik doon magiging okay na siya. Mahaharap na niya ang nakaraan at si Mark Andrew. Masaya na siya kahapon hanggang makita niya kung saan nakuha ang katawan ni Mark Andrew at ang babaeng iyon.

Hindi na siya pumunta sa Tanay dahil idinala din sa Manila ang katawan ni Mark Andrew at doon inilibing. Pero di siya handa na makita ang babaeng may orange na buhok. Ang babae na hinarana ni Mark Andrew. Ang babaeng minahal nito. Ang babaeng hindi nito inobliga na maging perpekto. Ang babaeng pinili nito sa huli.

Klaro na iyon sa kanya. Isang malaking sampal sa inaakala ng lahat na perpektong relasyon nila ni Mark Andrew. At kung anuman ang isusulat ni Lancelot sa kwento nito, alam niyang di iyon totoo.

Hanggang sa huling sandali, di niya kayang ipagsabi na di siya ang mahal ng dating nobyo. Sa kabila ng pagiging sunud-sunuran at perpekto niyang nobya dito, di siya nito minahal sa huli.

“Kukuhanin ko lang po ang sketch pad ko sa taas,” sabi ni Sylvie at tumayo.

“Magdala ka na lang ng banana bread at croissant pag umakyat ka sa tree house. Hindi mo na ba hihintayin si Lancelot?”

Tumingala siya sa second floor kung saan inookupa ng lalaki ang isa sa guesthouse. “Tulog pa po yata siya.”

“Magdamag nagsulat ang isang iyon. Noong una akala ko may pagka-chill ang personality niya. Kahit sa interview niya parang gusto niya kwentuha lang. Nothing formal. Gusto niya komportable lang kami. Pero pagdating sa trabaho, mukhang seryoso siya. No wonder his fans love him.”

“Totoo po.”

May paraan si Lancelot para makapasok sa mga puso ng tao. Na parang di ito mahirap mahalin. At di tama na hinayaan na lang niya itong mag-isa kagabi. Akala niya, ito ang makakatulong sa kanya para maka-move on kay Mark Andrew. Akala niya nakawala na siya sa madilim na mundo kung saan ikinulong niya ang sarili nang mamatay ang dating nobyo. Ngunit may mga bagay nga siguro na mahirap takasan. Parang di siya patas kay Lancelot na di niya masabi dito ang lahat samantalang napakarami na nitong nagawa para sa kanya.

Nag-sketch na lang siya habang nasa tree house. Nasa malaking puno iyon ng mangga at sinadyang I-clear ang isang parte para makita ang Laguna de Bay.

Narinig niya na may kumaluskos sa baba. Nang sumilip siya, nakita niya si Lancelot na umaakyat sa hagdan ng tree house. Gising na ito at mukhang bagong ligo. "Good morning!” bati nito. “Sorry kung tinanghali ako ng gising.”

“Kumain ka na?” tanong niya. “May banana bread dito.”

“Sabi ni Tita Jini kung gusto ko daw mag-breakfast dito sa treehouse para samahan ka. May dala pa akong pagkain dito. Naabala pa kita sa pag-sketch mo,” sabi nito. “Baka mas gusto ko na mag-isa…”

Isinara niya ang sketch pad. “I am good.” Tinapik niya ang bakanteng parte ng mat sa tabi. “Nakuha mo na ba ang research na kailangan mo?”

Inilabas nito ang metal container na may lamang agahan nito. Sinangag at tapa iyon na may sunny side up egg. “Oo. Mababait naman ang mga tao dito. Nakakwentuhan ko pati pinsan ni Mark Andrew. Marami siyang naikwento sa akin. Kaya nga ganado akong magsulat kagabi.” Ipinasa nito sa kanya ang draft notebook nito. “Basahin mo habang kumakain ako.”

Dumistansiya siya sa lalaki at binuklat ang draft notebook nito. Nanginig ang kamay niya nang mabasa ang kwento. Entrance exam para sa Bright Minds Academy. Matapos ang exam, di agad siya umuwi at naglakad-lakad sa school dahil excited na siyang doon mag-aral. May narinig siyang umiiyak. Nang sundan iyon, nakita niya ang isang lalaki na nakayukyok sa likod ng isang building. Umiiyak ito habang yakap ang sarili. Ayaw daw nitong umuwi dahil wala itong naisagot sa exam. Nablangko daw ito sa sobrang kaba at tiyak na magagalit dito ang tatay nito. Sasabihan na naman daw ito na “failure”. Inaliw niya ito at binigyan ng baon niyang chocolate drink. Sinabi niya dito na hindi naman katapusan ng mundo kung di ito makakapasok sa Bright Minds Academy. Na pwede pa rin itong magtagumpay.

"A-Ano ito? Paano mo nalaman ang tungkol sa lalaking umiyak matapos ang entrance exam na binigyan ko ng chocolate drink?" Pati ang detalye kung saan may mark ng star sa kamay at sinabing malayo ang mararating nito kung gugustuhin nito ay nandoon. “Ako nga nakalimutan na ito.”

Nagkibit-balikat ang lalaki. "I just know."

Umiling siya dahil may mali sa kwento. "Hindi ito alam ni Mark Andrew."

"Sure ka na di niya alam?” nanlalaki ang mata na tanong nito.

"Dalawang tao lang ang nakakaalam nito - ako at 'yung lalaki. Kanino mo ito nalaman?” Matiim ang labi niya. Pilit niyang hinuli ang tingin ni Lancelot. “Wala si Mark Andrew noong entrance exam. Di ko ito ikinuwento sa kanya. Walang ibang nakakita. Sino ang nagkwento sa iyo?”

Iniwas nito ang tingin sa kanya. “Sylvie, di ko sasabihin ang sources ko.”

Tinampal niya ang balikat nito. “Sabihin mo na kung sino. Hindi ito accurate. Imposibleng dito unang na-in love sa akin si Mark Andrew.”

“Malay mo na-in love siya sa iyo dahil ikinuwento sa kanya. Ikaw nga mismo nagsabi na di mo na naalala. Pero totoo namang nangyari, di ba?”

Marahan siyang tumango. “O-Oo. Pero di ko na matandaan kung sino ‘yung lalaki na iyon. Di naman siya nakapasok sa Bright Minds Academy.” Ipinilig niya ang ulo. “Never mind. Thank you for writing this. Masarap sa pakiramdam na mabasa ang tungkol dito.”

“Bakit naman?”

“I don’t know. It reminds me of the good times. Na may magmamahal sa akin. Na may maganda akong nagawa na magkakaroon ng impact sa iba. Alam mo iyon.”

Pagak na tumawa ang lalaki. “Sylvie, siyempre naman may magmamahal sa iyo.” Naging seryoso ito at humarap sa kanya. Hinila nito ang kamay niya. “You have a good heart. Alam ko nasaktan ka kaya pinoprotektahan mo ang sarili mo. Pero nandito ako. I will make sure that you will be happy. Hindi ako papayag na malungkot ka at walang totoong ngiti sa labi mo. Kaya kahit isang minuto, huwag mong iisipin na di ka deserving mahalin. Dahil may nakaka-appreciate sa iyo. At dadating ang panahon, may isang tao na magsasabi sa iyo na ikaw ang pinakamagandang nangyari sa kanya.”

"Thank you,” usal niya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Lancelot, having you here with me is more than enough.”

Matapos ang lahat ng sakit na pinagdaanan niya, ito ang pinakamagandang bagay na nangyari sa kanya. Tinulungan siya nitong makabangon at ipinaranas ulit nito sa kanya kung paano maging masaya.

Regalo ito sa kanya ng langit. Hindi niya dapat hayaan ang nakaraan para masira ang magagandang bagay na nangyayari sa kanya ngayon. At isang araw, sana masabi niya dito ang nararamdaman nang di natatakot na iiwan siya nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.