“Oo, pero…”
Itinulak niya ito sa didbib. Parang may nag-aapoy na tela na bumalot sa puso niya, tinutupok ang lahat ng magagandang pinagsamahan nila ng binata. “Sa Tanay pa lang? Na-interview mo na siya para sa kwento mo. Magkasama pa tayo at wala ka man lang sinabi sa akin?”
“Wala kasing chance…”
Naramdaman niya ang pagpatak ng luha sa mga mata pero di niya hinayaan ang sarili na manghina. “Walang chance? Ilang linggo na ang lumipas pero nagawa mo pa rin ituloy ‘yung kwento ni Mark Andrew na parang okay lang ang lahat. Ano ito? Mababasa ko na lang ba ang side niya sa kwento mo at pagmumukhain mo akong tanga sa harap ng ibang tao? Malamang di mo na idadaan sa approval ko.” Pumitik siya sa hangin. “Mas magaling pa nga pala ang idea mo. Gusto mo live na magbibigay ng statement tungkol sa kanila ni Mark Andrew. Wow naman!"
Bakas ang guilt sa anyo ng binata. "Wala akong masamang intensyon. Ni hindi ko nga alam na dadating ka."
"Ano iyon? Sasabog na lang sa mukha ko na nandito siya? Tapos wala siyang masamang intensyon? Sasabihin niya sa lahat na siya talaga ang babaeng mahal ni Mark Andrew kahit na ako ang girlfriend?” Pumalakpak siya. “Congratulations! Ang ganda siguro nitong promotion para sa kwento mo. Gumaling ka na ngang magsulat. Nice plot twist.” Ang kaibahan lang, buhay nito ang pinilipit niya. Nawasak na ang lahat ng pinoprotektahan niya - ang reputasyon niya at ni Mark Andrew.
"Miss, walang kasalanan si Knight,” singit ni Cela at luminga sa hallway. “S-Saka huwag naman dito. Naririnig ng mga tao.”
Ibang klase talaga ang babaeng ito. Nagagawa pang humarap sa kanya at palabasin na siya ang nakakahiya. “Ano namang kaibahan kung marinig ng mga tao ang sinasabi ko? Nag-speech ka na nga, di ba? Sino ba ang nauna?” angil niya.
Yumuko ito. “D-Di ko naman sinabi ang pangalan ni Mark Andrew.”
“Pero isinulat mo na. Isinulat mo na ang kwento n’yo. Nahiya ka pa talaga kasi di mo siya pinangalanan kanina. Sige na. Ipagkalat mo na sa lahat kung sino ka. Ganda mo e!”
“Sylvie, Knight, my office is vacant. Mas maganda siguro kung magkaroon kayo ng privacy para pag-usapan ang ganyang mga bagay,” suhestiyon ni Miss Rojana at binuksan ang kuwarto sa harap nila.
Saka lang niya napansin na nakasilip na ang ibang empleyado sa office ng mga ito sa hallway. Baka narinig din sila pati ng mga nagwo-workshop. Kung ibang pagkakataon siguro, di muna siya magagalit at ilalagay muna sa tamang lugar ang lahat. That was the classy way to go. Pero wala na siyang pakialam sa “classy” ngayon. Gusto na lang niyang sabihin ang lahat ng nararamdaman niya.
Pero may babala sa mga mata ni Rojana. Bilang respeto sa babae at sa opisinang iyon, pumasok siya sa kuwarto. Pumiksi pa siya nang susubukan siyang hawakan ni Lancelot. Humihingal pa rin siya sa galit nang pumasok.
“Maiwan ko muna kayong tatlo. Nasa labas lang ako kung kailangan ninyo ako,” ani Miss Rojana at lumabas ng kuwarto.
Hindi kumikibo si Sylvie habang nakatitig sa dalawa. Nakasandal siya dingding. Di siya umupo sa bakanteng upuan sa tapat ng mga ito. Gusto niyang malayo sa dalawa. Masyadong maliit ang silid na iyon para sa kanilang tatlo. Hindi siya makahinga.
“Ako ang kumontak kay Knight tungkol kay Mark Andrew. Gusto ko lang naman... gusto ko lang naman matahimik,” panimula ni Cela.
Naggiyagis ang ngipin ni Sylvie. "Tahimik? Nananahimik kami ni Mark Andrew pero bumalik ka. Ngayon tuluyan na siyang nanahimik. Di ka na nasiyahan na namatay siya dahil sa iyo?”
Biglang tumayo si Lancelot. "Sylvie, tama na iyan."
Pero wala siyang narinig. Nadagdagan ang ngitngit niya nang marinig ang paghagulgol na parang ito ang inaapi. Siya ang biktima dito. "Di ba sabi mo noon ayaw mo kay Mark Andrew dahil boring siya? Itinaboy mo siya. Sumama ka doon sa boyfriend mong vocalist ng banda. Nagmakaawa si Mark Andrew na ayusin mo ang buhay mo. Na bumalik ka sa eskwelahan. Di ka nakinig, di ba? You made the wrong choices tapos magpapahamak ka ng kapwa mo. Nagpakasaya ka, nagpakalasing at wala sa sarili nang maligo sa ilog. Sinagip ka ni Mark Andrew kapalit ng buhay niya.” Nahaklit niya ang braso ng babae. “At ngayon aasta kang ikaw ang kawawa. Ang kapal mo.”
Pilit na kinalas ni Lancelot ang mahigpit na pagkakahawak niya sa babae. "Nasasaktan na siya. Tama na iyan."
Binalingan niya ang lalaki. "Buti pa siya naiisip mo. Ako ba di nasasaktan? Wala siyang narinig sa akin nang mamatay si Mark Andrew. Ni sumbat. Ni ho, ni ha, wala siyang nahita sa akin. Kinimkim ko lang lahat. At anong ginawa niya sa buhay na ibinigay ni Mark Andrew sa kanya? Di ba gusto niyang sayangin? Sa halip na magtino siya, ipino-post pa niya sa internet ang paninigarilyo, pagpunta pa rin sa mga bar at kung paano niya saktan ang sarili niya."
Napapatanong na lang siya sa sarili kung ano ang silbi ng pang-iiwan ni Mark Andrew sa kanya at pagsagip sa buhay ng babae kung sinasayang lang nito. Hindi niya alam kung bakit mas pinili ito ni Mark Andrew kaysa sa kanya.
"Sylvie, depressed siya. Gusto niyang takasan ang pagkamatay ni Mark Andrew at sinisisi niya ang sarili niya. Di mo na kailangang ipinagdiinan pa sa kanya,” depensa ni Lancelot.
"Ako ba hindi na-depress? Di ba gumuho ang mundo ko? Buo na ang mga plano namin ni Mark Andrew. Tapos isang iglap lang nawala na siya at di ko alam kung paano itutuloy ang buhay ko. Alam mo iyon dahil nandoon ka, Lancelot." At sa ginagawa ni Lancelot sa kanya, parang winawasak ulit nito ang mundo niya. Bakit parang siya na naman ang mali? Bakit parang kasalanan niya?
Humikbi si Cela. "Inaayos ko ang buhay ko. Kaya ako nandito..."
"Kasi nakahanap ka na naman ng sisirain? Si Lancelot ba isusunod mo?” Kinuha niya ang kamay ni Cela at ihinawak sa braso ng lalaki. “Ayan! Sa iyo na. Lahat ng nagpapasaya sa akin gusto mong kunin, di ba? Sa iyo na. Wala ka nang wawasakin sa akin. Wala ka nang itinira."
At dali-dali siyang lumabas ng kuwarto nang di tiyak ang patutunguhan. Narinig niyang tinawag siya ni Lancelot pero di siya lumingon.
Isang pagkakamali na hinayaan niya ang sarili niya na mahalin si Mark Andrew noon kahit sinabi nito na wala itong maibibigay sa kanya. Pero mas malaking pagkakamali na binuksan na naman niya ang puso para kay Lancelot. Sa huli, si Cela rin pala ang pipililiin nito.