Chapter ACWTK2: 57

ISANG MALAKAS na sigaw ang pinakawalan ni Sylvie nang makarating sa rooftop ng gusali ng Penumbra Publishing. Doon siya napadpad. Sa ground floor siya dapat pupunta pero umangat ang elevator papunta sa penthouse. May daan doon papunta sa rooftop. Ayaw niyang may makitang ibang tao. Gusto niyang tumakas sa lahat. Pakiramdam niya pinaglalaruan siya ng buhay. Na parang walang siyang karapatan na maging masaya kahit na gawin niya ang lahat ng tama.

Unfair! Sobrang unfair.

"Sylvie, please. Pag-usapan natin ito,” sabi ni Lancelot na sumunod sa kanya sa rooftop.

Hindi niya ito nilingon at niyakap ang sarili. “Ayokong makita kayo ni Cela. Sabi ko naman magsama na kayo, ‘di ba?”

“Ako lang ang nandito. Wala siya.” Narinig niya ang papalapit nitong yabag. “Sylvie bigyan mo naman ako ng pagkakataon…”

“Pagkakataon para saktan na naman ako?” Hinaklit niya ang harap ng polo nito nang lapitan siya. "Ano bang ginawa kong masama sa iyo? Akala ko kaibigan kita. Bakit kailangan mong ipamukha sa akin na kahit anong gawin kong tama, walang magmamahal sa akin?”

Malungkot ito at bakas ang sakit sa mga mata sa akusasyon niya. “Hindi totoo iyan. May nagmamahal sa iyo, Sylvie.”

Wala na siyang pinaniniwalaan sa sinasabi nito. Ayaw na niyang makinig. “Anong bang kasalanan ko sa iyo? Is this some sick game of yours? Gumaganti ka sa akin dahil ipinahiya kita dati sa mga tao? Kunyari mabait ka. Na naiintindihan mo ako. Pero sa huli, gusto mong sabihin na kahit gaano ako kagaling o kabait, may ibang tao diyan na kahit magwala mas karapat-dapat mahalin. Ginawa ko naman para maging mabuti sa iyo. Ano bang kasalanan ko sa inyo ni Mark Andrew? Ibinigay ko naman ang best ko. Ginawa ko lahat para maging perfect girlfriend sa kanya pero di pa rin sapat. Ano bang mali sa akin? Bakit tinatrato ninyo ako na parang wala akong kwenta?"

Umuklo siya at niyakap ang sarili. Naguguluhan siya. Ano bang meron sa kanya para tapak-tapakan na lang ng mga taong pinahalagahan niya?

Ibinaba din ni Lancelot ang sarili para magkaharap sila. "Sylvie, hindi ikaw ang problema."

"So, ano? Kayo ang problema? Masaya ba kayo na nakakasakit kayo ng tao? Masaya ka na ba? Bakit kailangan pang dumating kayo ang mga ito sa buhay ko kung sasaktan n’yo rin ako?”

"Hindi kita tinraidor. Hindi sa paraang alam mo."

Iniwas niya ang tingin dito. Naniwala siya dito at nagtiwala. Isinantabi niya ang takot para hayaan ito sa buhay niya. "Pareho lang kayo ni Mark Andrew.”

"Hindi kami pareho. Ginawa ko lahat para sumaya ka."

Tumingala siya at pagak na tumawa kahit na tumutulo ang luha niya b. "Hahaha! Ang saya-saya ko nga. Ang galing mo. Mas traidor ka pa kay Mark Andrew. At least sa kanya, sinabi niya na di niya ako mabibigyan ng romantic love. Maibibigay lang niya sa akin, partnership para maabot ang pangarap namin. Ako lang ang tanga na umasa na pwede niya akong mahalin. Pero hindi pala. Ako 'yung perpektong babae na makokontrol niya at di magbibigay sa kanya ng sakit ng ulo. Parang robot ako na sunud-sunuran sa kanya. Akala ko sapat na iyon para ako ang piliin niya. Pero anong nangyari? Nang malaman niyang umuwi si Cela para sa get together, umuwi siya sa Tanay para makita siya. Ayokong umalis siya pero si Cela ang pinili niya. Sabi ko sa kanya na sasama ako pero ayaw niya. Tapos nalaman ko na lang wala na si Mark Andrew. Sinagip niya si Cela na nag-swimming habang lasing. Pinatunayan niya na mahal niya si Cela samantalang ni hindi niya ako hinarana man lang. Bakit di ako ang pinili niya?"

Nakatulala na lang si Sylvie. Malamig si Mark Andrew sa kanya. Parang ginawa lang siyang project. Para ipakita sa kanya na may perpekto itong girlfriend. Pero hindi siya robot. May puso siya. Minsan iniisip niya, mas minahal kaya siya ni Mark Andrew kung nagpakasira na lang siya katulad ni Cela.

"I am sorry, Sylvie. Akala ko masaya ka sa relasyon ninyo. H-Hindi ko alam na ganoon si Mark Andrew sa iyo. Bakit pinili mong manatili sa tabi niya? Hindi ikaw ang mahal niya pero hanggang ngayon mahal mo siya,” mapait nitong usal.

“Dahil sa pamamagitan niya, wala nang mananakit sa akin. Siya lang ang pananggalang ko para ipaalala sa sarili ko na kahit anong gawin ko na tama, na tumupad man ako sa mga patakaran, iiwan pa rin ako sa huli. Ako lang nakakaalam ng sekreto namin. At ayos na ako na mag-isa lang. I am safer that way. Pero dumating ka. Pinasaya mo ako. Naniwala ako na baka ito na ang pagkakataon ko para sumaya. Kasi deserve ko naman iyon, di ba? Ang tanga ko na naman. Umasa ako. Naniwala ako sa iyo."

"Sylvie, wala akong masamang intensyon. Gusto ko lang makatulong. Pakiramdam ni Cela patapon na ang buhay niya. Sinisisi siya ng lahat sa pagkamatay ni Mark Andrew. Sinisisi niya ang sarili niya.”

Mapait siyang ngumiti. “Di kita pipigilan. Wala na akong pakialam sa inyo. Sabi ko nga doon ka na sa kanya.”

Umiling ang lalaki at hinawakan ang balikat niya. “Sylvie, huwag kang parang bata. Hindi ka pa nakaka-move on sa inyo ni Mark Andrew. Baka oras na para harapin mo si Cela. Kailangan mo ng closure.”

"Closure? Sige. Gusto ko kasi talaga ng closure.” Itinaas niya ng baba. “We are done, Lancelot. Sana di ka na lang naging parte ng buhay ko. Kasi parang pinatay mo ulit ako. Thank you very much.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.