Chapter ACWTK2: 58

Hinawakan nito ang kamay. Naluluha ang mga mata nito. “Sylvie, please. Huwag mong isara ang pinto mo sa akin. Importante ka sa akin.”

Tumayo siya at pinagmasdan ito sa malamig na mata habang nakauklo sa kanya. “Bumalik ka na sa workshop. Huwag mo na akong sundan, Lancelot. Kung importante talaga ako sa iyo katulad ng sinasabi mo, hahayaan mo na akong umalis. Pagod na pagod na akong masaktan. Please lang.”

Binitiwan nito ang kamay niya at yumuko. Tuwid ang tingin niya nang umalis at di ito nilingon. Parang bato na ang puso niya nang mga oras na iyon. Nakakalungkot nasayang ang lahat ng masasayang pinagsamahan nila ni Lancelot. Pero gaya ni Mark Andrew, ito ang gumawa ng desisyon nang di sinasaalang-alang ang nararamdaman niya. Namili na ito. At gaya ni Mark Andrew, nawala ito sa kanya.

AKALA ni Sylvie, hindi na ulit siya makakaramdam ng kahungkagan sa puso niya. Nang dumating si Lancelot at naramdaman niya kung paanong sumaya, limot na niya kung paano mag-isa. Pero bumalik na naman siya sa limbo.

Natalukbong ng kumot si Sylvie habang nakahiya sa kama. Mugto pa ang mga mata niya pero heto at umiiyak na naman siya paggising niya. Parang namatayan na naman siya. Ang kaibahan lang, hindi na niya makikita si Mark Andrew kahit na kailan. Nagawa niyang magpanggap na okay lang ang relasyon nila nang mawala ito. Pero hindi kay Lancelot. Araw-araw silang magkikita sa Bright Minds Academy. Di niya kayang magpanggap na okay lang siya.

Kumatok ang mama niya. Kasunod niyon ay bumukas ang pinto. “Sylvie, gising ka na ba? Gusto mo ba ng gatas? Baka masama ang pakiramdam mo dahil di ka na naghapunan kagabi.”

“Okay lang po ako, Mama,” sagot niya at humikbi.

Umupo ito sa tabi sa kama at hinaplos ang ulunan niya. “Anong nangyari? Kagabi pa tumatawag si Lancelot dito dahil nag-aalala sa iyo.”

“Hindi na po siya dapat nang-aabala ng ibang tao.” At kung nag-aalala siya sa akin, di niya ako dapat sinaktan in the first place.

“Anong nangyari? Okay na okay ka pa nang ihatid kita sa Penumbra Publishing. Tapos umuwi ka na lang nang naka-Grab at nagkulong ka agad ng kuwarto. At kung di pa kita puntahan dito, di ka makikipag-usap.”

Ibinaba niya ang kumot at binunasan ng palad ang mukha. “Mama, ayoko pong makadagdag pa ako sa alalahanin ninyo. Makakasama pa iyan sa pagbubuntis ninyo.”

“Mas makakasama kung di ko alam ang pinagdadaanan mo. Siyempre mas mag-iisip ako dahil di ko alam ang problema.” Inabot nito ang tissue sa kanya. “Sige na. Makikinig ako.”

Napilitan si Sylvie na ikwento dito ang buong pangyayari. Mula sa kasunduan nila ni Mark Andrew hanggang sa komprontasyon nila ni Lancelot kahapon. Wala na siyang inilihim pa sa ina.

“Sylvie, I don’t know what to say. Pero tama ka na di dapat mag-settle ka sa isang relasyon na hindi ka mahal ng isang tao. Mark Andrew was a nice young man. Nakita ko ang devotion niya sa iyo bilang boyfriend.”

“Sa plano po niya perpekto siyang boyfriend. Parte lang ako ng plano niya pero hindi naman po ako ang nasa puso niya.”

“Mahal ka siguro niya pero hindi sa paraang gusto mo. Akala ko katulad namin kayo ng papa ninyo na bata pa lang nagmamahalan na. Kaya nga hinayaan namin siya na manligaw sa iyo noon. At si Lancelot…”

“Mas malaki po siyang paasa. Minsan ipinaparamdam niya po sa akin na importante ako sa kanya. Na parang ako ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya. Pero bakit nagawa po niya akong saksakin sa likod, Mama?”

“Di sa kinakampihan ko siya pero minsan kailangan nating itago ang totoo sa taong mahal natin para di sila masaktan. Mabuti siyang tao. Kailangan ni Cela ng tulong at nandoon siya para tumulong. Labas na iyon sa pagkakaibigan ninyo. Mas gugustuhin ba ng konsensiya mo na tuluyang mapahamak si Cela para lang patunayan ni Lancelot na mahalaga ka sa kanya?”

“Hindi naman po ganoon,” tanggi niya.

“Sana di mo isipin na insensitive ako. You will survive with that little ruse, Sylvie. Nasaktan lang ang feelings mo. Pero para kay Cela na wala nang pag-asa, malaking bagay ang ginawa ni Lancelot. Wala nang kinalaman iyon kung sino si Cela sa buhay ng ex-boyfriend mo. Gaya nang sinagip siya ni Mark Andrew, sinagip din siya ni Lancelot dahil kailangan. It was a matter of life and death. Naiintindihan mo ba?”

Marahan siyang tumango. Oo, may katwiran ang mga ito pero sa huli, siya pa rin ang naiiwang mag-isa.

Kinuyom niya ang palad sa kumot. “Mama, ano po bang mali sa akin? Bakit parang ako ‘yung di pinipili?”

Bumuntong-hininga ang ina. “Hindi natin mapipili ang taong mamahalin natin. Ikaw ang pinili ni Mark Andrew bilang girlfriend niya. Nakita ko na nagsikap siya na mahalin ka sa paraang alam niya. Huwag mong iisipin na may mali sa iyo kaya di ka minahal tulad kung paano niya minahal si Cela. Dahil ang pinakamatinding pagmamahal, ‘yung nagmamahal ka ng walang rason. Mahirap ipaliwanag ng logic. Kaya siguro ganoon si Mark Andrew kay Cela. Parang si Lancelot sa iyo…”

“Mama, hindi naman po pareho iyon,” angal niya.

“Pareho sila. Sige nga, bakit kahit anong kasungitan ang gawin mo sa kanya, ayaw niyang umalis sa tabi mo? Oo, maraming maganda at matalino diyan na naghahabol pa sa kanya. Pero parang surot siya na siksik nang siksik sa iyo.”

Ngumiwi siya. “Ma, ang pangit ng representation ninyo sa kanya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.