“It doesn’t matter. Lancelot likes you a lot. Pwede ka naman niyang iwasan noon pa at huwag sayangin ang oras sa iyo. Pero nagpakamartir siya para makuha ang loob mo. And he is right. Kailangan mong harapin si Cela.”
“Mama…” Lumalabas ang insecurities niya pagdating kay Cela.
“Kumpara kay Cela, mas maswerte ka, Sylvie. Maganda ang pamilya mo. Nakakapag-aral ka. May career ka na kahit na seventeen pa lang. How about her? Bagsak na bagsak siya. Nasa kamay niya ang dugo ni Mark Andrew. Alam mo ba kung gaano katinding parusa iyon sa isang tao? Ngayon lang siya nakakabangon. Ipagkakait mo ba sa kanya ang pagkakataon na iyon? Be the bigger person, Sylvie. A little compassion can go a long, long way. This is also for your own sake.”
MAKULIMLIM ang panahon paglabas ni Sylvie nang lumabas ng kotse. Tama lang iyon para di mainit pagpunta niya sa memorial park. Bitbit niya ang basket ng bulaklak na lagi niyang dala kapag dinadalaw ang dating nobyo.
Naroon na si Cela sa puntod ni Mark Andrew nang dumating siya. Nakapag-alay na ito ng bulaklak at nakapagtirik ng kandila. Inilapag niya ang bulaklak sa kabila ng puntod ni Lancelot. “Salamat dahil pumunta ka dito,” sabi niya sa babae.
Nakuha niya ang numero nito mula kay Miss Rojana sa tulong ng mama niya. In-assure muna ng mama niya sa editor na wala siyang intensiyon na masama. Nag-text siya kay Cela at ibinigay ang lokasyon ng puntod ni Mark Andrew. Sinabi niya na doon sila magkita.
“Ako ang dapat mag-thank you dahil hinayaan mo akong makadalaw dito. Hindi ko magawa sa totoo lang dahil hiyang-hiya ako kay Mark Andrew at sa mga nagmamahal sa kanya. Hanggang ngayon ayaw pa rin akong harapin ng magulang niya. Hindi ko sila masisisi. Nawala si Mark Andrew dahil sa akin. At kahit noong buhay pa siya, binalewala ko lang ang pagmamahal niya.” Nilingon siya nito. "Sorry. Di ko intensyon na mapahamak si Mark Andrew dahil sa akin. Araw-araw kong sinisisi ang sarili ko sa pagkawala niya. Araw-araw iniisip ko kung mas magiging mabuti siguro ang mundo kung ako na lang ang nawala. Ikaw ang pinili niya, Sylvie. Sa huling sandali, ikaw ang girlfriend niya.”
“Sa paningin ng iba pero ikaw ang nasa puso niya. Alam ko iyon,” aniya sa malungkot na boses. “At kung buhay siguro si Mark Andrew, baka magdesisyon din siya na iwan ako. Hindi rin siya magiging masaya sa akin.”
Umiling si Cela at hinawakan ang kamay niya. “Aaminin ko noong nasa get together kami, tinanong ko siya kung gusto pa niya ako. Hindi na daw niya ako mahal. Sabi niya ikaw na ang future niya. Perpekto ka. Wala daw kailangang ayusin sa iyo. Tama naman siya. Parang wala akong kwenta. Kasalanan ko naman. Sana nga di na lang niya ako sinagip. Di ko gustong mabuhay nang miserable. Ayoko nang manakit ng tao.
“Dalawang taon akong parang nasa isang madilim ang mundo. I felt empty inside. Di ko alam kung paano babawi. Nang malaman ko na isusulat ni Knight ang kwento ni Mark Andrew, tumawag ako para sa interview. Pero sabi ni Knight, mas maganda kung ako ang magsulat ng alam ko. Gusto kong isulat ang kwento niya dahil iyon ang paraan ko para ituloy ang buhay ko. Di ako magpapaka-famewhore. Di ko kailangang sumikat. Gusto ko lang mapatawad ko ang sarili ko. Saka huwag kang magalit kay Knight. Tumutulong lang siya para may outlet ako. Pero kung gusto mo na dumistansiya ako sa kanya, gagawin ko. Di na rin ako magsusulat para ipakita ko sa iyo ang pagsisisi ko."
Naawa siya nang tingnan ang babae. Di naman nito hiniling na mapahamak si Mark Andrew. Mali na sisihin niya ito na ito ang minahal ni Mark Andrew. Sa dami ng magagandang nangyari sa buhay niya kahit nang mawala si Mark Andrew, di ba niya ito mabibigyan ng pagkakataon na magpatuloy sa buhay?
"Magsulat ka ulit, Cela. Hindi kita pipigilan. Kung kailangan mo ang tulong ni Knight, okay lang.”
Natigilan ito. “Pero akala ko ayaw mong makipag-usap ako sa kanya…”
“Emotional ako kahapon pero nakapag-isip-isip na ako. Mabuhay ka para kay Mark Andrew. Kung mahal mo talaga siya, ituloy mo ang magagandang nasimulan niya. Tumulong ka rin sa iba. Patawarin mo na ang sarili mo."
"Mapapatawad mo ba ako?"
Tumango siya. "Wala ka namang kasalanan sa akin. Kung anuman nangyari sa relasyon namin ni Mark Andrew, sa amin na lang iyon. Gusto ko na lang matahimik. Ayoko nang matali sa nakaraan. Sana ganoon ka rin. Sa simula pa lang, alam ko na gusto niyang maging maayos ang buhay mo at magkaroon ng tamang direksyon.”
Napahagulgol ito at yumakap sa kanya. “Salamat, Sylvie. Sobrang buti mo pa rin sa akin kahit na maraming nawala sa iyo dahil sa akin.”
Wala nang makapang galit si Sylvie sa puso niya habang yakap ito. Parang nabunutan siya ng tinik sa dibdib. Ilang taon niyang kinainggitan si Cela. Tumindi iyon nang sagipin ito ni Mark Andrew. Pero ngayon, natuto na lang siyang tanggapin na may mga bagay na hindi para sa kanya at pahalagahan niya kung ano ang meron sa kanya.
“Hindi lahat nabibigyan ng pangalawa o pangatlong pagkakataon, Cela. Sana kapag nagkita ulit tayo, nagsisimula ka nang tuparin ang mga pangarap mo. Aalis na ako. Alam ko gusto mo na masarili si Mark Andrew. Matagal rin bago ka nakadalaw sa kanya.” At pinisil niya ang balikat nito.
"Si Knight ba di mo bibigyan ng second chance? Wala siyang kasalanan. Maswerte ka sa kanya kasi gustong-gusto ka niya. Karapatan mo rin na maging masaya."
Ngiti lang ang sagot niya dito at naglakad palayo. Hindi pa niya alam kung ano ang gagawin kay Lancelot. Nahahati pa rin ang puso niya. Kakausapin na ba niya ito o ipapahinga muna ang puso niya?
But I miss him so much. Pero handa na ba siyang ilagay na naman sa alanganin ang puso niya?