Muntik na siyang lumabas sa pinagtataguan at sugurin si Lancelot kundi lang siya napigilan ni Rhein. “Dito ka lang. Masisira ang announcement niya.”
Umabot na ba sila sa ganito? Nagalit ba ito nang todo sa kanya at ibubulgar nito sa publiko sa sekreto nila ni Mark Andrew? Ganoon na ba katindi ang galit mo sa amin na sisirain mo kami ni Mark Andrew sa harap ng mga tao? Gusto mo na bang mawala ako sa buhay mo?
Ano ang susunod nitong sasabihin? Na si Cela ang mahal ni Mark Andrew sa simula pa lang at siya ang “robot girlfriend” ng lalaki?
Nagpatuloy sa pagsasalita si Lancelot. "Hindi totoo na na-in love si Mark Andrew kay Sylvie sa entrance exam. Akala ko lang iyon. Hindi ko alam kung kailan na-in love si Mark Andrew sa kanya.”
“Ibig sabihin hindi totoo ang kwento na may tinulungan siyang examinee?” tanong ni Odan dito na di nakatiis. “Favorite ko pa mandin ‘yung parte na iyon.
Ngumiti si Lancelot. “Totoo na nangyari iyon. Iyon ang kwento kung paano ako na-in love sa kay Sylvie.
Napalitan ng pagkamangha ang ngitngit ni Sylvie. Lumabas na siya nang tuluyan sa pinagtataguan at tumuro kay Lancelot. “Ikaw ‘yung examinee na iyon!”
Biglang lumingon at tumayo si Lancelot. “Wala ka dapat dito.”
Itinaas ni Sylvie ang baba. “Sagutin mo na lang tanong ko. Ikaw ‘yung examinee na umiiyak sa likod ng building noon. Kaya alam mo ‘yung kwento kahit na nakalimutan ko na at walang nakakaalam kasi ikaw iyon.”
Tumango ito at nilapitan siya. Nakalimutan na yata nito ang live video nito. Nakalimutan na rin niya ang nasa paligid dahil nakatutok lang ang mga mata niya sa binata hanggang tumigil ito sa harap niya. “Ako 'yung batang examinee na tinulungan mo. Hindi mo na siguro ako naalala pero ako 'yung binigyan mo ng chocolate drink. Ako rin nilagyan mo ng drawing na star sa likod ng kamay. Mula noon, nagsimula akong magsulat. Inilabas ko ang lahat ng nararamdaman ko sa kwento ko. Ikaw ang dahilan kaya hinanap ko kung ano ang magpapasaya sa akin. Na-in love ako sa iyo noon at sa palagay ko mas in love na ako sa iyo ngayon.”
Naiiyak na siya kanina dahil sa matinding kaba na ipahiya siya ni Lancelot. Di niya inaasahan na sasabihin nito ang nararamdaman sa harap ng maraming tao. Napisil niya ito sa magkabilang pisngi kahit ang gusto talaga niya ay yakapin ito. Naiinis pa rin siya dito. Tinakot siya nito hanggang sa huling segundo kanina. Akala niya magkakaroon na naman sila ng komprontasyon sa harap ng netizens. Pero sinagot lang pala nito ang dalawang misteryo - kung bakit alam nito ang tungkol sa nangyari noong entrance exam at kung ano talaga ang nararamdaman nito para sa kanya.
"Sira ka ba? Bakit kailangan mo pang i-broadcast? Pwede mo naman sabihin sa akin nang harapan,” sermon niya dito at nangilid ang luha sa mga mata.
"Ayaw mo akong kausapin. Paano ko sasabihin?” reklamo nito. Ilang beses siya nitong tinawagan nang nagdaang araw pero tumanggi siya.
“Di niya alam ang sasabihin kasi torpe siya tapos ikaw naman manhid,” singit ni Odan.
“Wag kang sumingit. Ilang taon na nga bago nag-confess ‘yang si Lancelot, sisirain mo pa ang moment,” saway ni Rhein dito.
Itinaas ni Lancelot ang baba at nagpulasan ang ibang admin ng binata. Solo na lang nilang dalawa ang ikalawang palapag.
“Akala ko ba napipilitan ka lang mag-exam doon dahil sa papa mo?” tanong ni Sylvie sa binata.
“Sylvie, ikaw lang ang gusto kong makita kung papasok ako sa Bright Minds Academy. Kaya nang pumasok ako sa Bright Minds Academy, parang aso akong nakabuntot sa iyo kahit masungit ka sa akin. Nagsikap ako kasi gusto ko, karapat-dapat na akong manatili sa tabi mo. Alam ko naman na di ko kayang pantayan si Mark Andrew.” Itinaas nito ang kamay sa ibabaw ng ulo nito. “Ganito siya o! Kasing taas ng ozone layer. Kahit ‘yung pagiging sikat at guwapo ko di ko naman kayang ipagmalaki sa iyo. Kung kailan pakiramdam ko sobrang lapit ko na sa iyo, na naaabot ko na ‘yung standard na gusto mo sa lalaki,
“Nakakainis ka! Napagbintangan tuloy kita na may masamang intensyon sa akin. Akala ko talaga kanina ipapahiya mo ako. Akala ko talaga ayaw mo na akong maging parte ng buhay mo.”
“Alam na nga yata ng lahat pwera sa iyo. Pasensiya na kung akala mo tinraidor kita. I am sorry. Ni-revise ko yung kwento. Akala ko kasi alam ni Mark Andrew ang tungkol doon.”
“Di mo ako nakalimutan."
Sorry rin kasi wala akong balak na umalis sa buhay mo. Sana bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon para mapasaya ka ulit. Babawi ako sa iyo. Bibigyan mo ba ako ng chance? Hindi bilang kaibigan. I want you to be my girlfriend. Hindi pa ako nakakapag-speech sa harap ng United Nations. Di ko alam kung magagawa ko iyon pero may iba naman akong silbi sa bayan siguro. Let me love you. ‘Yung pagmamahal na magtutulak sa atin sa mga pangarap natin. ‘Yung aalagaan at pasasayahin ka. Di ako perfect, Sylvie. Pero handa akong mag-improve para sa iyo.”
“Lancelot, di ko hinihingi na maging katulad ka ni Mark Andrew. Siguro di mo mararanasan na magsalita sa harap ng United Nations. But you are unique in your own way. May katangian ka na iba sa kanya. Hindi ka kasing talino niya pero ikaw lang ang nag-effort para magustuhan ko. Di ka umalis sa akin. Minahal mo ako nang totoo kahit na di mo hinihingi. Hindi ko na kailangang magpanggap sa mga tao na ako ‘yung mahal niya. I don’t even have to try hard with you. At gusto kong malaman mo na nagustuhan kita di dahil heartthrob ka o sikat ka.. Nagustuhan ko ‘yung kagustuhan mong magpasaya sa ibang tao. Ginawa mo ang lahat para lang mapasaya ako. At ‘yung saya, walang pwedeng sumukat no’n. Natuto akong mag-appreciate ng simpleng bagay dahil sa iyo. Na huwag kong tingnan ang nawala sa akin kundi ipagpasalamat ko kung ano ang meron ako. Kung wala ka siguro, malungkot pa rin ako at mag-isa. Umasa rin ako nang slight na baka gusto mo ako. Kaya masakit sa akin nang malaman ko na nagkausap na pala kayo ni Cela.”