“Thank you po,” sabi ni Lancelot na parang maiiyak. “Akala ko po ayaw ninyo sa mga writer na tulad namin kasi di naman kami matatalino. Di naman po pam-Palanca ang isinusulat namin.”
“Make no mistake. Hindi ko sinasabi na mga Palanca awardees lang ang magagaling. Pero maraming kwento ang hindi na isinasaalang-alang kung tama ba ang pagkukwento, may loopholes o maaring di nagbibigay ng magandang impresyon sa mga kabataan. Mga bata ang karamihan sa readers n’yo at marami sa kanila, iniisip na kung ano ang nabasa nila sa kwento tama o totoo. Iba-iba ang emotional at intelligence level ng mga tao. Paano kung may mga bata na di naiga-guide ng mga magulang nila? Bumabaling sila sa mga hinahangaan nilang tao, palabas o kwento bilang modelo. I believe that writers have responsibility in what they write. Di siguro naniniwala sa akin ang iba at sasabihan akong OA pero bilang isang sikat na personalidad, malaki ang impluwensiya mo sa mga mambabasa mo. Gusto mo ba na maganda o hindi ang mensahe na ibibigay mo?”
“Naiintindihan ko po,” sabi naman ni Lancelot at tumango.
“I would love to work with you. Di ko pipigilan ang artistic at creative side mo pero kailangan maging klaro sa iyo kapag may loopholes sa kwento, sasabihin ko sa iyo. Magsa-suggest ako pero sa huli ikaw pa rin ang masusunod basta babagay sa kwento at tama ang direksyon. We can argue all we want. We can meet halfway. I trust in you that’s why I want you to reach your optimum potential.”
Intelehente pero may puso. Hindi naman pala sarado ang isip ng editor-in-chief ni Lancelot. Professor ito at sa palagay niya ay maraming matututunan si Lancelot dito. Malaki ang maitutulong nito para maiangat ang kalidad ng kwento ng binata at ng ibang manunulat. Excited siya sa mga darating na pagbabago.
“Thank you po, Miss. Malaking tulong na po sa akin ang mga sinabi ninyo.” Nakangiti si Lancelot pero tumutulo ang luha sa mata nito. Ngayon lang niya ito nakitang umiyak. “Akala ko nga po ipapatapon ninyo sa akin ang kwento ko.”
Inilabas ni Sylvie ang tissue sa bag at inabot dito. Naiintindihan niya kung emosyonal ang binata. Pinaghirapan din ang kwento, inalagaan at minahal ng mambabasa. Masakit kung masasayang lahat ng pinaghirapan nito.
Natawa si Miss Rojana sa unang pagkakataon. “Silly. Kung magsalita ka naman parang Wicked Witch ako. Sinusundan ko lang ang daloy ng kwento ninyo. Hinahanap ko lang kung ano ang strong points at weak points. That is my job. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit gusto ka ng readers mo. You are an entertaining storyteller. Nakakalimutan ko ang loopholes. Doon ka magaling. But readers mature, Lancelot. Di pwedeng masarap lang na pakiramdam ang ibigay mo sa kanila. Kalaunan mag-iisip din sila. At habang nagma-mature sila, dapat ganoon ka rin. Maaring may mas gusto ang dati mong sulat pero pagkakataon din ito para makakuha ka ng bagong readers. Nakukuha mo ang punto ko?”
“Naiintindihan ko po. Hindi na tungkol sa simpleng pagpapasaya lang ngayon ang gusto ko sa libro ko. Kailangan bigyan ko ng mas magandang version ang mga readers. Handa po akong mag-adjust. Handa po akong magbigay ng bagong kwento.” At banaag ni Sylvie ang maturity sa mga mata ni Lancelot. Handa itong tanggapin ang lahat ng hamon dito.
“Napansin ko rin na iba na ang pino-post mo sa page. Nai-involve na rin ang readers mo sa nangyayari sa lipunan. And with your interest in social issues, gagawa ka ba ng bagong mga kwento na may kinalaman sa mga problema ng Pilipinas?” tanong ni Miss Rojana.
“Pinag-iisipan ko po,” tipid na sagot ni Lancelot. “Marami pa po akong kailangang matutunan.”
“I can guide you if you want. Sabihin mo lang sa akin. Interesado rin ang readers sa ganyang topic at nakikita ko na interesado sila sa kahit anong topic na ibigay mo sa kanila. They look up to you, Lancelot. Maganda ang ginagawa mo. Kaya huwag kang matatakot na sumubok ng bago.”
Lumingon si Lancelot sa kanya. “Mas alam po ata iyan ni Sylvie ang tungkol sa social issues.”
Sa kanya rin bumaling si Miss Rojana. “Magsusulat pa rin?”
Kuntodo iling agad si Sylvie. “Hindi po. Photographer lang po talaga ako ni Lancelot.” Baliw talaga si Lancelot. Bakit nadamay ako dito?
“She wants to be a photojournalist someday and she’s a good artist. At magaling din po siyang mag-critic ng kwento ko,” papuri ni Lancelot. “Siya po ang dahilan kung bakit nag-submit ako ng gusto kong I-revise.”
“Keeping her is a smart move. Kailangan mo ng tao na magsasabi sa iyo kapag may mali ka. Nakikita niya ang di nakikita ng iba. At kailangan iyan sa industriya na ito, Knight. At sana maraming katulad mo na hindi sarado ang isip. Natutuwa ako dahil mapagpakumbaba ka at malayo ang mararating ng mga katulad mo.” Bumaling din sa kanya ang babae. “Who knows? Baka sa susunod na project ni Lancelot magkasama na kayo ni Lancelot. You can do his cover or you can create the graphics for his novel. Kailangan namin ng mga talentadong bata katulad mo.”
Natawa si Sylvie. Pumunta lang naman siya doon para samahan si Lancelot. Di niya inaasahan na aalukin siya ng mga ito. “W-Wala pa naman po akong nagagawa...”
“Huwag mong tanggihan. Sabihin mo susubukan mo,” pakiusap ni Lancelot.
Nagkibit-balikat siya. Hindi niya magawang tanggihan habang nakatitig sa nagsusumamo nitong mga mata. “Susubukan ko.”
Hindi niya kayang tanggihan si Lancelot.