“Pero masyadong personal at di ko alam kung gugustuhin ng pamilya niya na maipakita sa ibang tao ang buhay niya. Kahit mga arista hindi naman gusto na ibalandra ang personal nilang buhay kahit gaano pa sila kasikat.”
Hindi siya komportable na ida-dissect ni Lancelot ang buhay ng dating nobyo. May mga bagay na masakit alalahanin. May mga bagay na mas gusto niyang huwag nang balikan dahil parang pinapatay niya ang puso nang paulit-ulit.
“Tutulungan mo akong kumbinsihin ang pamilya niya. Mahal mo si Mark Andrew. Dapat ipagmalaki mo siya sa iba. Gusto kong makilala siya ng ibang tao. Gusto ko rin siyang makilala. Gusto kong malaman kung ano ang minahal mo sa kanya.”
Pagak siyang tumawa pero di niya maitago ang sakit. “Di na kailangang isama pa ako sa kwento niya. Pasensiya na. Nakakatawa lang talaga ito.”
”Pero magandang pagkakataon para sa misyon mo. Sabi mo, kailangan ng modelong kabataan na tutularan ng mga kaedad natin at mai-inspire sila. Heto na si Mark Andrew na ipinagmamalaki ng Bright Minds Academy. Ito lang ang paraan na naiisip ko para matulungan ka na mas kumalat ang magagandang nagawa niya.”
Mataman niyang pinagmasdan ang lalaki. “Bakit kailangan mong gawin ito? Marami namang ibang kwento diyan na maganda rin.”
“Ayoko na ng pakiramdam na hindi ako magaling o wala akong utak o hindi ako deserving sa Bright Minds Academy. At ayokong ganoon din ang tingin mo sa akin. Handa akong magbago para mas gumanda ang mga kwento ko. That’s what professionals do. At gusto kong seryosohin ako sa industriyang ito. Di ‘yung guwapo lang ako kaya binabasa ng mga tao ang kwento ko. Gusto kong patunayan na may substance ang isinusulat ko. At na-inspire ako ng mga isinulat ni Mark Andrew. Na-inspire ako sa buhay niya at mga nagawa niya.”
“Maganda naman ang layunin mo, Lance. Masyado lang itong personal para sa akin.” Iba kapag pinag-uusapan ang mga isinulat ng binata. Hindi iyon personal. Iba kapag tatalakayin na ang buhay nito at bubuksan sa publiko. Damay na doon ang buhay niya. May mga bagay siyang inaalagaan at pinoprotektahan.
“Sylvie, hindi ako manghihimasok sa buhay ni Mark Andrew, sa buhay mo. I will do my research. Isusulat ko ang alam kong maganda. Pero di ko ipo-post iyon o ipa-publish nang walang permiso mo at ng pamilya niya. Di ako magsusulat ng mga bagay na pwedeng makasakit sa inyo. Wala kang dapat ikatakot sa akin. Hindi mo ako kalaban. Magkakampi tayo.”
Marahan siyang tumango. “Hindi lang ako sanay nang pinag-uusapan ang buhay ko.” Dahil marami rin siyang mga tanong nang mawala si Mark Andrew na di niya masagot. May mga sekreto na mas gusto na lang niyang ibaon sa limot.
“Magtulungan tayo. Matutulungan mo akong mag-improve sa sinusulat ko at mai-immortalize ko si Mark Andrew at ang pagmamahalan ninyo. Pareho nating makukuha ang gusto natin. Ano sa palagay mo?”
“Salamat sa pag-consider sa kwento ni Mark Andrew. Kung papayag anng magulang niya, pumapayag na rin ako.”
Pinisil nito ang kamay niya. “Kung kailangan ko mismo silang makausap nang personal, gagawin ko para pumayag sila..”
“Nasa Amerika na sila ngayon.”
“Gagawa ako ng formal request letter. Sylvie, handa naman akong maghintay sa iyo.”
Nahigit niya ang hininga. “Ano?”
“Ang sabi ko, handa akong maghintay sa sagot ninyo,” paglilinaw ito.
Bakit parang di kwento ang tinutukoy nito kundi may iba pa? Imahinasyon lang siguro niya iyon.
Binawi niya ang kamay dito. “Ano ba? Unahin mo muna ang mga revision mo bago ang ibang kwento. May meeting ka pa sa scriptwriter ng movie at sa direktor,” paalala niya. Sana makalimutan din nito ang tungkol sa kwento ni Mark Andrew. Dahil natatakot siya na matuklasan ni Lancelot at ng lahat na di pala perpekto ang pagmamahalan nila gaya ng inaakala nila. Na hindi siya perpekto para dito.
SYLVIE was in the zone. Iba’t ibang sketches ni Lancelot ang ginawa niya nang nagdaang araw at nakasabit sa paligid ng studio niya. Linggo noon. Walang pasok kaya plano niyang plano niyang magkulong maghapon.
Napag-practice’an niya ang mukha ng binata nang nasa mood siyang mag-sketch. Ang iba ay mula sa picture na kuha niya at ang iba ay sa alaala niya sa lalaki. Kumbaga sa kanta, may LSS siya kahit ayaw naman niya. Di niya maalis si Lancelot sa isipan niya. At nangangati talaga siyang I-sketch ito.
Nang magsawa siya sa mukha ni Lancelot, napagbalingan naman niya ang character sketch ng tauhan ng nobela nitong Mystic High. Ibinase niya sa mga kaibigan ni Lancelot na inspirasyon din ng lalaki sa kwento ang character sketch niya. Hindi niya alam kung magagawa niya nang maayos pero susubukan niya. Ngayon lang ulit siya na-inspire nang ganito. Parang may sariling buhay ang mga kamay niya at gusto na lang mag-drawing. Na-miss niyang gawin ito. Pakiramdam niya ay buhay na naman siya.
Tama si Lancelot. Mabuti nang mabuhay siya nang masaya at masaktan sa huli kaysa naman lagi siyang di makakaramdam ng saya dahil takot siyang mas masaktan. Parang sinasaktan na rin niya ang sarili niya kapag ganoon.