Chapter ACWTK2: 25

Ano bang masama kung babalik siya sa pagpe-painting o pagdo-drawing? Para namang mai-in love siya. Magkaibang bagay iyon. Sa ngayon ine-enjoy lang niya ang ginagawa niya.

Naputol ang pagkanta ng Is Your Love Enough ng Little Mix sa music player niya nang tumunog ang ringtone ng cellphone niya na No Excuses ni Meghan Trainor. Pinindot niya ang call accept button nang makitang ang kaibigan niyang si Vivi ang tumatawag. “Hello, Vivencio! Kumusta?”

“How dare you call me with that name? It is Vivi.”

“Oo na. Ikaw na ang naunang nagsabi ng “Kwak! Kwak!”. Napatawag ka,” kaswal na sabi niya at patuloy sa pag-I-sketch.

Kaibigan niya si Vivi mula kinder. Magkaklase sila noong elementary at nagkahiwalay lang nang mag-high school siya sa Bright Minds Academy. Isa itong “loud and proud” na gay at napaka-creative. Cosplayer din ito at hilig sumali sa iba’t ibang anime events.

“Hi, Sylvie, my favorite photographer in the world. Pwede mo ba akong samahan sa Cosplaymania ngayon? I need your expertise.”

Tiningnan niya ang oras. Alas nuwebe na ng umaga. Ngayon pa nito naisipan na yayain siya sa cosplay event. “May ginagawa kasi ako.”

Wala siya sa mood na iwan ang ginagawa lalo na’t nasa mood siya.

“Please? Baka naman pwedeng samahan mo ako. O baka naman si Knight na lang ang ginagawan mo ng pabor ngayon?”

Hindi kaila sa mga kaibigan niya noong high school pati malalayo niyang kamag-anak sa probinsiya at abroad na tagahanga ni Lancelot tinutukso na rin siya at nagtatanong kung boyfriend na niya ang lalaki. Nang sabihin niyang magkaibigan lang sila, ayaw namang maniwala. Wala daw magkaibigan lang na lalaki at babae. Lagi daw may malisya.

Umungol siya. “Huwag ka ngang ganyan. Hindi naman ito tungkol kay Lancelot okay?”

“E bakit yes ka nang yes sa kanya tapos sa akin hindi?” Nakikinita na niya ang nakatikwas na kilay ng kaibigan na hanggang rooftop ng bahay nito.

“Hindi ka naman kasi nagsasabi. Saka last time nagprisinta ako sa iyo, sabi mo may photographer ka na. ‘Yung photographer talaga ng cosplayers galing sa ibang school na guwapo at mukhang anime character kamo.”

“Grabe ka naman. Last year pa iyon. May girlfriend na siya, so he is out. Buhay pa nga si Mark Andrew no’n. Naalala mo niyaya kita sa ibang cosplay pero sabi mo busy ka. Lagi ka namang busy. Ewan ko kung busy ka ba talaga o ayaw mo lang talaga akong makita o ayaw mo na akong maging friend,” nagtatampong sabi nito.

“Hindi totoo iyan,” mahinang tanggi niya dahil nakokonsensiya siya. Kasama si Vivi sa mga tao na umalalay at dumamay sa kanya nang panahong nagluluksa siya kay Mark Andrew. Sinubukan nito at ng ibang kaibigan na aliwin siya pero itinulak lang niya palayo.

“Kung totoong friend pa rin ang turing ko sa akin, sumama ka sa cosplay para maging photographer ko. Naniniwala pa rin ako na ikaw ang pinakamagaling na photohrapher sa lahat.”

“Kahit di ako guwapo?” pabiro niyang tanong.

“Oo na. Please. Huwag mo na akong tanggihan, frennie.”

“Oo na. Sasama na ako. Saan ba iyan?” tanong niya at iniligpit na ang sketch pad at lapis. Hindi niya kayang hindian si Vivi. Kailangan niyang bumawi dito. Baka sakaling makakuha siya ng inspirasyon sa Mystic High character sketch niya.

“SA SMX Mall of Asia lang. Girl, I love you talaga. Di ka magsisisi.”

“Okay. I will see you later. Text-text na lang.”

Tumawag siya sa ina na nasa farm nang mga oras na iyon at may ine-entertain na bisita. “Mama, pwede po bang samahan ko si Vivi sa MOA? Kailangan po kasi niya ng photographer para sa event niya.”

“Of course. Samahan mo siya. Nandiyan naman si Manong Udo para ihatid ka kahit saan mo gusto. Mabuti naman at lumalabas ka ulit kasama ang mga kaibigan mo. Akala ko magmumukmok ka na naman.”

Magaan siyang tumawa. “Nami-miss na daw kasi niya ako. Nami-miss ko na rin pong um-attend sa ganitong events.”

“Have fun, Sylvie. Make sure you will have fun.”

Mas magaan ang pakiramdam niya nang mag-shower at namili ng isusuot na damit. Nag-cap siya, checkered black and red polo saka pantalon. Sinamahan niya iyon ng puting sneakers. Mas gusto niya na komportable siya at di agaw-atensyon. Kapag ganitong event, mas gusto ni Vivi na ito ang sentro ng atraksyon.

Nasa kotse na siya at bumibiyahe papunta sa Mall of Asia nang tawagan siya ni Lancelot. “Hi! Are you busy? Gusto sana kitang yayaing magmiryenda dito sa bahay. Ipapa-check ko sana ‘yung revisions ko sa manuscript. Nagluto si Mama ng mac and cheese at nag-bake ng pie.”

“Pakisabi kay Tita Gracia pasensiya na. Sa ibang araw na lang ako dadalaw sa kanya. Pupunta kasi ako ng Cosplaymania. Ako ang photographer ng kaibigan ko na cosplayer.”

“Ikaw talaga. Di mo sinabi sa akin na pupunta ka diyan. Di ka nagyayaya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.