Pumihit si Sylvie sa upuan. Parang kasalanan niya na di ito sinabihan. Hindi niya alam na obligado siyang mag-report dito kung saan siya pupunta. “Biglaan lang naman akong niyaya ng kaibigan ko noong elementary. Di naman talaga ako pupunta.”
“Gusto kong sumama sa inyo. Magpapaalam lang ako kay Mama at Papa,” sabi agad nito.
“Hala! Teka. Family day ninyo ang Sunday.”
“Good mood si Papa ngayon dahil nakausap niya si Miss Rojana na puring-puri ako. Saka ikaw naman ang kasama ko kaya okay lang iyan. Di pa ako nakaka-attend ng mga cosplay event.”
Mariin siyang pumikit. “Di ka ba nagsasawa na lagi na lang tayong magkasama? Kahit walang pasok magkasama tayo dahil may event ka minsan o may project tayo. Kundi ka nandito sa bahay, nandiyan ako sa inyo. Nakakaumay na sa totoo lang. ”
“Hindi ako mauumay na kasama ka. Nami-miss na nga kita.”
Tumirik ang mata niya. Nasanay na siya na laging nanunukso ang lalaki at naglalambing na parang may gusto ito sa kanya. “Lance, malapit nang magkapalit ang mukha natin kasi lagi tayong magkadikit. Kaya tayo napaghihinalaan na may “something” sa totoo lang.”
“Hayaan mo sila. You are my favorite girl. At gusto kong kasama ka ngayogn araw. Magkita na lang tayo sa MOA okay?”
“Bolero amf!” usal niya at nakitang ngingiti-ngiti si Manong Udo. “Bakit po nangingiti kayo, Manong?”
“Malakas talaga ang tama sa inyo ni Sir Knight. Ayaw na mawala kayo sa paningin niya. Pag magkasama kayo, titig na titig.”
Humalukipkip siya. “Hindi ko po napapansin na tinitingnan niya ako.”
Iniiwasan niya lagi na tumingin sa lalaki malibang kinakailangan. Nanlalambot siya kapag nagtatama ang mga mata niya. At kahit na mahuli niyang nakatingin sa kanya ang lalaki minsan, di na lang niya nilalagyan ng malisya. Magkaibigan sila. Hanggang doon lang iyon. Safe sa kanya si Lancelot.
Bineso-beso siya ni Vivi nang magkita sila sa Bonchon malapit sa SMX Building. Hindi pa ito nakasuot ng costume. “Kumusta na?” tanong niya dito.
“Ikaw ang kumusta na,” anang kaibigan. “Di ka masyadong nagpo-post sa mismong Facebook account mo. Nararamdaman lang kita kapag nagpo-post ka sa page ni Mark Andrew. Na-shookt na lang ako na inaaway-away mo na ang writer na si Knight tapos ngayon admin ka na niya. Nakakalokah! So kayo na?”
Pinitik niya ang noo. “Wala ngang kami. Bumabawi lang ako sa pamamahiya ko sa kanya sa event. Ganoon lang.”
“Ganoon lang?” nakataas ang kilay na tanong nito. “Charotera ka rin. Kita naman ang glow ng mga mata mo kapag nababanggit ang pangalan ni Knight. Iyan ba ang walang malisya.”
Hinampas niya ang balikat nito. “Magtigil ka nga diyan. Layasan kita. Wala kang photographer,” banta niya.
“Uy! Biglang may bantang pangkaligtasan. Mukhang guilty,” anitong di man lang nasindak na magwo-walkout siya. “Pero dahil kailangan ko ng photographer ngayon, hindi kita masyadong pipitpitin tungkol kay Knight. Que may kinalaman siya sa bigla mong pagsulpot ngayon at sa pagiging blooming mo, nagpapasalamat din ako kasi miss na miss na kita, friend.”
Niyakap niya ito. “Thank you kasi di mo ako nakalimutan. Kayo ng ibang kaibigan ko. Sorry kung napabayaan ko kayo.”
“Matutuwa ang mga iyon kapag nakita ka. Hahabol daw sila sa cosplay. May pinuntahan lang na ibang event ang friend natin pero nang malaman nilang ikaw ang photographer ko, sabi nila pupunta rin sila para makita ka. Miss ka na rin nila.”
“Thank you. Naa-appreciate ko na gusto pa rin nila akong makita. So, paano? Tulungan na kitang magbihis at mag-make up,” tanong niya dito.
“Tulungan mo nga akong mag-decide. Di ko kasi alam kung ano ang pipiliin ko kaya dalawang costume ang dala ko. Sino ang mas bagay sa akin - si Queen Elsa o si Princess Anna of Arendelle?” tanong nito at inilabas ang dalawang wig. Natawa pa siya dahil pinagsalitan nito ang pagsusuot ng wig.
Pinahaba niya ang nguso. “Mag-Princess Anna ka naman this time. Nakadalawang Elsa ka na. At ako na rin ang bahala sa make up mo.” Di siya mahilig mag-make up sa sarili pero nasanay na siyang mag-make up para sa iba. Kasama na iyon sa na-develop niya nang maging photographer.
Hinihintay niyang makapagbihis si Vivi at nakatambay sa labas ng restroom nang maramdaman niyang nag-vibrate ang cellphone niya sa loob ng bag. Tumatawag si Lancelot. Sa sobrang aliw niya sa pakikipag-kwentuhan kay Vivi, nakalimutan niya na susunod nga pala ang binata sa kanya.
“Hello, Lancelot. Nasaan ka na? Nasa MOA na ako.”
Oras na malaman ni Vivi na naroon ang binata, tiyak na maghihinala na naman ito sa kanila. Kailangan pa pala niyang makausap si Lancelot tungkol doon. Baka pwede nitong sabihin na di sinasadya ang pagkikita nila sa SMX. Sana lang makisama ang lalaki sa kanya. Madalas kasi ay nananadya ito. Sinasadya na palabasin na higit pa sa pagiging magkaibigan o pagiging admin niya ang relasyon nila. Baka masakal niya si Lancelot sa harap ng kaibigan nang wala sa oras.