Chapter ACWTK2: 27

“Nandito ako sa restroom,” anito sa hinihingal na boses.

Tumaas ang kilay niya. “Restroom? Saang restroom?”

“Dito sa second floor ng SMX. May nakakilalang ibang readers sa akin. Papunta sana ako sa restroom. Magpapa-picture lang daw sila. Sabi ko magre-restroom lang ako at babalikan ko sila pero ayaw nila akong pakawalan. Dumami na sila nang dumami at nag-aagawan sila kung sino ang unang magpapa-picture sa akin. Nakawala ako sa kanila at tumakbo ito sa restroom. Pero sinundan pa rin nila ako.” Nahimigan niya ang panginginig at takot sa boses nito. “Nasa labas pa rin sila at nagpipilit na pumasok sa restroom ng mga lalaki.”

“What?!” bulalas niya. “Nandiyan pa rin sila?”

“Naririnig ko nagkakagulo sila sa labas. Nasa loob ako ng cubicle at nagtatago. Sunduin mo ako dito. Kailangan kong makalabas.” At narinig niya ang tensyon sa boses nito. “Parang… parang hindi na ako makahinga.”

Sinapo ng dalaga ang noo. Nagpa-panic ito at pati siya pangangapusan na rin ng hininga. Kilala niya si Lancelot. Di ito mayabang o madamot sa atensyon ng mga sumusubaybay dito. Napaka-appreciative nito sa mga tagahanga. Lagi itong naglalaan ng oras sa pagpapa-picture, pakikipag-usap at kung anumang hiling dito. Katwiran nito, di ito makakarating sa kinalalagyan kung wala ang suporta ng mga fans nito.

Pero ibang usapan na kung pakiramdam ni Lancelot ay nasasamantala na ang kabaitan nito at di na ito ligtas. Naririnig niya ang takot sa boses nito. Di naman kaila sa kanya na may mga tagahanga na walang pakialam sa nararamdaman ng idolo ng mga ito. Nakakapanakit na o nakaka-violate na ng privacy pero ipipilit pa rin ang gusto. Sinong matinong babae ang papasok sa restroom ng mga lalaki para lang maipilit ang gusto nito?

Sanay si Lancelot na may mga admins sa paligid nito kapag may mga events. Ang mga ito rin ang nagsisilbing marshall at di nadudumog si Lancelot basta-basta. Kahit kapag namamasyal ito may kasama itong mga kaibigan at paisa-isa lang kung lapitan ng mga tagahanga. Pero hindi sa cosplay event na iyon kung walang kokontrol sa kilos ng mga tao. Walang magpoprotekta dito.

“Lance, diyan ka lang. Pupuntahan kita. Huwag kang aalis diyan.,” sabi niya. “Pag may kumatok, huwag mong pagbubuksan hangga't di ako o kaibigan ko ang kausap mo. Got it?"

Narinig niya ang paghugot nito ang hininga. “Okay. Salamat. Maghihintay ako.”

Mabilis na gumana ang utak ni Sylvie. Ipinasok niya ang naka-ponytail na buhok sa loob ng cap. Isinuot din niya ang reading glasses at ibinaba ang shade ng cap para di masyadong makita ang mukha niya. Di siya nag-atubili na pumasok sa restroom ng mga lalaki. Tuwid lang ang tingin niya at di pinansin ang ibang mga lalaki na gumagamit ng palikuran. Tumuloy siya agad sa hilera ng cubicle at isa-isang kinatok ang mga iyon.

“Vivi, nasaan ka na?” aniyang nilakihan ang boses na parang sa lalaki. “Bilisan mo diyan. Lumabas ka na.”

Lumabas ito suot ang maiden dress ni Princess Anna ng Frozen pero hawak pa nito ang di pa naayos ang wig. Kulay brown ang peluka at nakatirintas nang dalawa. “Sylvie, anong ginagawa mo ditong bruha ka? Leslie ka na ba?”

Kasasabi lang niya kanina na mga baliw at desperada lang ang papasok sa restroom para maghabol sa lalaki. Desperada na siya sa pagkakataong ito.

Hinatak niya ang kamay nito at kinuha agad ang bag na may lamang props at pamalit na damit. “Kailangan na nating umalis dito.”

“Bakit? Anong nangyari? May sunog ba?” nagtatakang tanong nito. Nagpalinga-linga ito at napansin na business as usual ang mga nasa restroom.

“Kailangan nating puntahan si Lance, I mean si Knight,” aniya at hinatak ito palabas ng restroom. Wala siyang pakialam kung hindi pa handa ang kaibigan. Wala silang oras na pwedeng sayangin.

“Si Knight? Si Knight mo, ‘yung guwapong writer? Nandito siya?” tanong nito. “Emegerd! Excited na akong ma-meet siya.” Tinampal nito ang kamay niya. “Pwede ba ayusan mo muna ako bago natin siya puntahan? Gusto naman presentable ako at in character kapag nagkita kami. Who knows? Baka maakit siya sa ganda ko. Gusto kong mukhang reyna. Di pa ako prepared e.”

“Wala na tayong oras. Kailangan natin siyang mailabas sa restroom. Di siya makalabas ngayon dahil dinumog siya ng mga fans niya. Pinaghahatak-hatak na daw ang damit niya at nagkakagulo. Nang makatakas siya at tumakbo papunta sa restroom, sinundan pa rin siya hanggang doon.”

“Di pa siya nasanay? Sikat naman siya,” sabi nito at pilit na isinalpak ang blonde na wig sa ulo saka pasimpleng inayos. Wala pa itong make up pero pinapwede na basta bumagay lang sa ayos nito. Asiwa nga naman na naka-gown ito pero maigsi ang gupit nito at wala pang make up.

“Di na kasi normal ‘yung mga fans na nandudumog, nanakit at susundan pa hanggang sa restroom ng mga lalaki.”

Nagimbal ang anyo ng kaibigan. “Sobra naman sila. Di ba nila pwedeng bigyan ng privacy ‘yung tao?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.