“Mapagbigay si Lancelot sa fans niya pero minsan may abusado na. Di na iyon tama.” Hanggang ngayon umaalingawngaw pa rin ang takot sa boses nito sa utak niya. Kakausapin talaga niya ang mga admins tungkol dito. Kailangang respetuhin ng ibang tagahanga ang privacy at kaligtasan ni Lancelot.
“May point ka naman diyan. Paano nga pala ang diskarte para mailabas mo siya nang di dinudumog ng fans niyang rabid?” tanong ni Vivi.
“Tatawag ng security?”
“So kailangan natin mag-request ng sarili niyang marshall para dito? Baka may bayad iyon o kailangan ng formal request. Baka mamaya di tayo pansinin ng mga iyon dahil bata pa tayo.”
“Siguro naman makikinig sila dahil kaligtasan na ni Lancelot ang pinag-uusapan dito.”
“E paano pa kung mailabas mo siya sa cubicle, susundan pa rin siya ng mga fans niya? Di lang siya kundi pati tayong dalawa. Ewan ko kung makakapag-cosplay ako nang maayos,” dismayadong sabi ng kaibigan.
“Sorry kung pati ikaw apektado. Baka kailangan kong iuwi si Lancelot kung ganyan. Wala naman kasi siyang ibang kasama.” Kinagat niya ang labi. “First time lang niyang makakapunta sa cosplay event tapos ganito pa ang nangyari. Kakausapin ko siya.”
Mauunawaan naman siguro ni Lancelot kung hindi ito basta-basta makakapamasyal kasama niya. Susunod at susunod ang mga fans nito. Di rin ito mag-e-enjoy. Hindi talaga basta-basta magiging normal ang buhay nito bilang si Knight. At nalulungkot siya para sa binata.
“I have a brilliant idea. Pwede nang makalabas si Knight ng cubicle nang hindi siya binubulahaw ng mga fans niya,” anang kaibigan at kumindat.
SUNUD-SUNOD ang tunog sa Messenger at notification sa social media account ni Sylvie habang paakyat sila sa second floor ng SMX Convention Center para sunduin si Lancelot. Nang sulyapan niya, nakita niyang usap-usapan na sa page na nakita si Lancelot sa SMX Mall of Asia at gustong magsuguran ng ibang readers para lang makita ang binata.
"This is a nightmare," usal ni Sylvie. "Mas dumami pa daw ang fans na nag-aabang kay Lancelot dahil may mga nag-post na sa internet na nandito siya."
"Akala ko masayang maging sikat. Hindi rin pala. Lulurayin lang ng mga fans ang ganda ko. How about you? Gusto mo bang mag-boyfriend ng sikat tulad ni Knight?" tanong ni Vivi na nasa likuran niya sa escalator.
"Huh?" usal niya at nilingon ang kaibigan.
"Alam mo iyon, 'yung dinudumog ng mga babae at pinag-aagawan ang boyfriend mo. Tapos mamatay-matay sila sa inggit sa iyo dahil ikaw ang pinagpala sa babaeng lahat. Iyon nga, marami ka ring haters. Tapos may mga gusto kang sabunutan at kalbuhin saka sasabihan ka ng hindi maganda. Wala ka ring peace of mind."
"That is not a question. Wala naman kaming romantic relationship ni Lancelot. Hindi siya nanliligaw. Hindi ko siya boyfriend."
"Kahit hypothetical lang 'yung tanong ayaw talagang sagutin? Kahit mahal mo?" tanong ng kaibigan.
"Hindi nga mangyayari iyon,” giit niya. Naranasan na niyang pagselosan ng mga fans ni Lancelot at hindi maganda sa pakiramdam. Gusto lang niya ng tahimik na buhay. Iba ang pagiging admin nito at iba kapag may espesyal na siyang nararamdaman sa lalaki. Parang wala itong pribadong buhay. “Wala na akong oras mag-isip ng mga ganyan kasi mas importante sa akin na maiiwas si Lance sa mga fans niya."
"Don't worry. Effective ang plano ko."
"Iyon ay kung papayag siya," pasubali ni Sylvie. Payag man siya sa naisip na plano ng kaibigan, pero si Lancelot pa rin ang magdedesisyon.
Nakakulumpon ang maraming babae at lalaki sa kanto papunta sa hallway ng restroom. May mga guwardiya na nakabantay sa mga ito at pinagagalitan pa ang mga ito. "Anong klase kayong mga babae kayo? Ang babata pa ninyo pero nagpipilit na kayong pumasok sa restroom ng mga lalaki? Naha-harass na ‘yung gustong mag-CR. Gusto ba ninyo na mag-file kami ng complain sa inyo," anang guwardiya.
"Ang OA mo, Manong. Gusto lang naming makita si Knight,” angil ng isang babae na mukhang babaeng bubuyog dahil sa headband nito na may antena ng bubuyog.
"Wala nga 'yung Knight na sinasabi ninyo. Pati ibang mga gagamit ng restroom naaabala n'yo na," reklamo ng guwardiya. "Hindi na tama ang ginagawa ninyo. Nakita sa CCTV na may hina-harass kayong lalaki. Kapag may nagreklamo sa management ‘yung ginugulo ninyo..."
"Walang magrereklamo dahil mahal kami ni Knight. Di niya kami sasaktan kaya huwag kang madrama, Manong," tungayaw ng isang babae. “Alam niya na handa namin siyang sundan kahit saan dahil mahal na mahal namin siya.”
Muntik nang lumingon si Sylvie at sumugod para siya mismo ang magpamukha dito na di niya papayagan ang pananakit at kawalan ng respeto kay Lancelot. Oo, ang mga ito marahil ang nagpasikat sa lalaki. Ang mga fans din ang nagtatanggol dito kapag may nagsasabing di ito magaling. Ang mga ito rin ang nakikipaglaban para maging pinakasikat na manunulat ang binata.
Pero walang karapatan ang mga ito na umakto na pag-aari ang lalaki. Na kung tratuin ay walang pakiramdam. Ito na ang huling beses na mangyayari ito.
Hinawakan agad ni Vivi ang balikat niya at tumayo sa likuran niya. "Tuwid lang ang lakad. Huwag kang lilingon. Kunyari wala kang narinig. Hindi makakatulong kay Knight kung mapapaaway ka. Lalo nilang malalaman na nandito nga siya at lalo siyang hindi makakatakas."
Nanginig ang katawan ni Sylvie sa sobrang panggigigil pero nag-focus siya sa sinabi ni Vivi. Si Lancelot ang mahalaga ngayon. Saka na niya babalikan ang ibang mga fans nito.