Pagpasok sa loob ng restroom, tuloy-tuloy si Sylvie sa huling cubicle kung saan nandoon si Lancelot. Kumatok siya. "Lance, ako ito, si Sylvie."
Narinig niya ang pag-click ng lock ng pinto. Bumukas ang pinto ng cubicle at nakatayo doon si Lancelot. Bigla siya nitong hinatak papasok at dali-dali nitong isinara ang pinto. Nakakulong silang dalawa sa maliit na espasyo.
Hinawakan nito ang kamay niya. Malayelo ang lamig ng kamay nito. Natatakot pa rin ito hanggang ngayon. Napansin din nya ang nisnis sa damit nito at mga kalmot sa braso nito. "Ginawa nila ito sa iyo? Gamutin natin at baka ma-infect..."
"Gasgas lang ito." Subalit nakikita pa rin niya ang takot sa mga mata nito. "May mga tao pa bang naghihintay sa labas?"
Tumango siya. "Alam nilang nandito ka sa restroom. Naharang lang ang mga security guard kaya hindi sila makatuloy dito."
"Pwede bang di ko muna sila makita?" Nakayuko ito at nadama niya ang magkahalong lungkot at takot sa tinig nito. "Alam ko malaki ang dapat kong ipagpasalamat sa readers ko. Alam ko dapat matuwa ako sa atensyon na ibinibigay nila. Hindi lahat ng writer kasing swerte ko. Di ko lang alam kung bakit kailangan pa nilang mag-away-away o saktan ako. Ayoko ng ganoon."
Niyakap niya ito nang mahigpit. Nanginginig ang katawan nito. "I am sorry. Hindi ka nila dapat sinaktan. Hindi ko rin alam bakit nila ginawa iyon pero di ako papayag na saktan ka ulit nila."
Unti-unting nawala ang panginginig ng katawan nito. Kumakalma na ito at nawawala ang takot sa sistema nito. Gusto niyang malaman na magkakampi sila. Na ligtas ito kapag kasama siya.
Nang mga sandaling iyon, parang ito lang ang mundo niya. Kung maari lang di na sila lumabas doon para wala nang ibang manakit dito. Si Lancelot ang isa sa pinakamabuting taong nakilala niya. Hindi siya nito binitawan nang panahong gusto lang niyang mag-isa. Di rin niya ito bibitawan ngayong alam niyang kailangan siya nito.
Nabulabog sila nang biglang may kumatok sa pinto. "Hello! Ano nang nangyari sa inyong dalawa diyan? Na-flush na ba kayo sa inidoro o may himala na diyan?"
"Wala kaming ginagawang masama," angil ni Sylvie sa kaibigan at niluwagan ang pagkakayakap kay Lancelot.
"Yes. It feels so good," bulong ni Lancelot sa ibabaw ng ulo niya at magaang nakayakap sa baywang niya. Mukhang okay na ito dahil nagagawa na nitong manukso.
Kinalas ni Sylvie ang kamay nito at itinulak palayo. Di nga naman magandang tingnan lalo na't nagkukulong sila doon. Mukha nga silang gagawa ng kababalaghan. Siya pa ang yumakap dito. Walang malisya pero pwedeng magkamalisya. Mahabang paliwanag ito kay Vivi mamaya.
"Kailangan nang mag-let it go ng Knight in Distress, besh. Baka kasi nakakalimutan mo na ang plano," paalala ni Vivi sa kay Sylvie. "Transform mo na iyan.” At narinig niya ang papalayong yabag ng kaibigan.
"Anong plano?" tanong ni Lancelot. "Nag-request ba kayo ng security para sa akin? O mapapaalis nila ang mga nag-aabang sa akin sa labas?"
"Pwede naman nating gawin iyon pero ayoko rin na magkalamat ang relasyon mo sa mga readers mo at lalo lang kukuha ng atensyon. Kaya ilalabas ka namin dito nang tahimik at walang nakakakilala sa iyo."
Kumunot ang noo ng binata. “Paano?”
Inilabas niya ang asul na gown at blonde na pelukang nakatirintas mula sa loob ng ecobag. “Kailangan mong mag-transform na Queen Elsa para makalabas ka dito.”
“Ano?” bulalas ng lalaki at umurong hanggang bumangga ang likod sa pader ng cubicle. Nanlalaki ang mga mata nito, akala mo ay makamandag na ahas ang hawak niya at inaalok dito. “Gusto mong maging drag queen ako?”
“Cosplayer. Cosplayer ka at hindi drag queen. Ano ka ba?” angil niya.
Mariin itong pumikit. “Sylvie naman. I am Knight. Maraming babae ang may gusto sa akin. Tapos gagawin mo akong Disney princess? I have some pride.”
“O sige. Diyan ka sa pride mo. Nandoon ‘yung mga fans mo na handa kang dumugin na naman at lamutakin. Gusto mo talaga na harapin sila nang magkagula-gulanit pati ang kaluluwa mo? Go ahead! Basta ako magpo-photographer ako kay Vivi. Bahala ka na kung ayaw mo ng tulong ko. Kung ayaw mo sa idea namin, bahala ka diyan.”
“Look. Huwag ka namang ma-offend. Cosplaying a woman’s character is just not my thing. Ang ibig ko lang sabihin, wala na bang ibang costume? ‘Yung panlalaki sana na babagay sa macho image ko,” nahihiyang usal nito.
Huminga siya ng malalim at namaywang. “Pasensiya na kung di kami prepared na pagsuutin ka ng costume. Maswerte lang tayo na may extra na costume si Vivi at magkakatawan kayo. At sana kasya sa iyo ang sapatos niya.”
Yumuko ito at ikinaskas ang sneakers sa sahig. “Pero nakakahiya naman. Paano kung may makakilala sa akin?”
“That’s the point. Kaya nga magko-cosplay ka para walang makilala sa iyo. Sa palagay mo ba inaasahan mo na lalabas ka ng naka-Queen Elsa? Ito lang ang naiisip naming paraan na walang makakakilala sa iyo. Magagawa mo ang lahat ng gusto mo. Hindi ka nila hahabulin. Hindi ikaw si Knight. Malaya ka.”
Parang may kakaibang mahika ang salitang “malaya” dahil awtomatikong kumislap ang mata nito. Masyado nang mahal ang halaga ng kalayaan sa katulad nitong sikat. Kaya mistulang ginto marahil ang inaalok niya dito.
Ilang sandali siya nitong pinagmasdan. Binabalanse marahil ang sariling kahihiyan at ang pagkakataong makasama siya. “Sige. Payag na ako. Basta ikaw ang bahala sa akin.”
“Siyempre naman.” Ginulo niya ang buhok nito. “Sige na. Magbihis ka na. Hihintayin kita sa labas.”
SYLVIE kept her fingers crossed. Nag-post siya ng isang random na selfie picture ni Lancelot na di pa nito na-post sa cellphone nito. Kinuha niya ang cellphone ng lalaki at nagpaalam dito na siya ang magpo-post ng update sa account nito.
Di pa nagpo-post ng status ang binata. Di rin ito nagsabi na pupunta ito sa Mall of Asia. Namili siya ng isang selfie ng lalaki habang umiinom ng gatas habang kagigising pa lang pero di nito in-upload. Happy Sunday! Just woke up Napuyat sa new edition ng Mystic High 1. Sino ang handa na sa bagong ganap?