"O! Wala 'yung hinahanap n'yo. Huwag na kayong tumambay dito. Naghihintay lang kayo sa wala,” anang guwardiya at itinataboy na ang mga tagahanga ni Lancelot. “Nakakaabala na kayo sa iba. Wag n’yo nang bantayan ‘yung restroom.”
"Baka itinakas ninyo, Manong. Ilabas n'yo na si Knight!”
"Bye, girls. See you around," anang si Vivi at humabol din sa kanila kalaunan. "Effective ang strategy natin. Siguro naman mababawasan na ang maghahanap sa iyo, Knight."
"Di kaya may makakilala pa rin sa akin sa prestige lounge?” nag-aalala pa ring tanong nito.
Pinagdikit ni Vivi ang dalawang daliri. "Very minimal na lang ang chances na makilala ka kasi ita-transform ka namin bilang Queen Elsa. I am so happy to have a sister na." At pumalakpak ang kaibigan niya. “Sikat na writer pa ang sisterette ko sa cosplay.”
"Pwede bang sekreto lang natin ito? Kapag kumalat na nag-cosplay ako ng pambabae, baka masakal ako ng tatay ko,” puno ng pag-aalangang sabi ni Lancelot nang makapasok na sila sa wakas sa prestige lounge. Tumuloy agad sila sa powder room para ayusin ang make up ng dalawang lalaki. Wala pang tao doon at ang isa pang kaibigan ni Vivi na may prestige card lang ang nandoon. “Di sa dinidiscriminate ko ang mga nagko-cross dress, nagko-cosplay o may ibang gender preference. Hindi lang talaga kami komportable ni Papa sa idea,” paliwanag nito.
"Oo na. May reputasyon kang kailangang protektahan kaya hindi pwede. Ibig ding sabihin di ko pwedeng sabihin na si Sylvie ang photographer ko dahil malalaman ng iba na si Knight nga ang dinumog nila kanina," sabi ni Vivi na inilabas ang make up kit nito.
“Kausapin na lang din natin ang ibang kaibigan natin na pupunta mamaya na walang lalabas na information na nandito din ako sa cosplay,” ani Sylvie at pinahiran ng moisturizer ang mukha ng binata.
“Di sila mag-spluk kung ayaw nilang i-Pacquiao ko sila. Ready ka na ba sa complete transformation?" nakangising tanong ni Vivi na may hawak na star glitters. “Kailangan mag-practice ka na rin ng kanta mo, Queen Elsa.”
Umungol si Lancelot. “Ano ba itong napasukan ko?”
“Pwede ka pang mag-backout kung gusto mo. Maiintindihan naman namin. Pwede kong tawagan si Manong Udo para ihatid ka pauwi. Hindi biro-biro ang cosplay. Di lang basta naglalaro at nagpapalit ng damit ang mga cosplayer. Parang nagpapalit din sila ng pagkatao. Binubuhay nila ang fictional characters.”
“Parang artista?” tanong nito.
Tumango siya. “Ganoon na nga. Ito ang paraan nila para ma-appreciate ang mga hinahangaan nilang characters. Inaaral nila ang mga character nila kung paano kumilos, magsalita at mga importanteng dialogue at eksena nila. Maraming cosplayers ang gumagawa ng sarili nilang costume dahil iyon lang ang kaya ng budget nila. Nailalabas nila ang creativity nila.”
“Si Vivi mismo ang gumawa nito?”
“Pumikit ka. Lalagyan kita ng eyeshadow.” Tipid siyang ngumiti. “Bata pa lang kami gusto na niyang manahi. Tumutulong siya sa dress shop ng nanay niya. Suportado siya ng parents niya at kaming mga kaibigan niya.”
“Wala bang nambu-bully sa kanya?”
“Meron pero wala siyang pakialam. Dinedepensahan din namin siya sa mga bully. Proud ako sa mga nagawa ng kaibigan ko. Ito ang paraan niya para makalaya at maging ibang character. Hindi naman siya pwedeng maging prinsesa araw-araw. Pero sa araw na ito, prinsesa siya. Binuo niya nang sarili niya. At sana ma-appreciate mo rin kung ano ang pinaghirapan niya. ‘Yung pwedeng kahihiyan sa iyo na cosplay, bunga iyan ng talento niya.”
“Sorry kung iniisip mo na hindi ko na-appreciate ang kaibigan mo. Hindi ko gustong maka-offend. The costume itself is good.”
“Hmmm…” aniya at tinaasan ito ng kilay.
"Sorry, Sylvie. Alam ko nagsasawa ka nang kasama ako. Gusto mo naman makasama ang ibang kaibigan mo. Kaso nami-miss kita..."
"Shhhhh! Di ako makapag-focus sa foundation mo,” saway niya dito. Kapag sinasabi nitong nami-miss siya nito, kinikilabutan siya. “This is your first cosplay and I want it to be perfect."
Napabuga ito ng hangin. "All I want is a quiet Sunday with you, Sylvie. Iyon lang. Di ko naman alam na dudumugin ako dito ng readers ko. Hindi ko naman gusto na maging pabigat sa iyo.”
Maingat niyang nilagyan ng eyeshadow ang mata nito. “Hindi ako galit sa iyo. Di mo naman gusto na dumugin ka at sundan ka hanggang restroom. Di rin ako natutuwa dahil sinaktan kita. Kung ako ang masusunod, mas gusto kong ilayo ka na lang sa mga fans mo para hindi ka na nila masaktan. Hindi ka pabigat sa akin.” Ngumiti siya nang maramdaman na parang kinikiliti ang puso niya. Mabuti na lang nakapikit ito dahil baka tuksuhin siya nito “Na-appreciate ko rin na gusto mo akong makasama kahit pa mag-costume ka ng pambabae at di ka sanay. Ibig sabihin gusto mo talaga akong makasama. Di ko alam kung bakit."
"Pag kasama ka, parang kaya kong maging kahit anong gustuhin ko. You inspire me. Na pwede akong maging magaling sa sarili kong paraan.”
Natigilan si Sylvie. “Paano ko naman magagawa iyon sa iyo? Mula nang magkakilala tayo, puro kritisismo na ang natanggap mo sa akin. Saka sikat ka na bago pa tayo magkakilala.” Nire-reverse psychology ba siya nito?
Bumuntong-hininga ito at dumilat. Natigilan tuloy siya sa pagtitimpla ng eyeshadow sa mata nito "Di mo na maalala? Di mo na ako maalala talaga?"
"Naalalang ano?" tanong niya. Di naman sila nagkita o nagkausap bago ito pumasok sa Bright Minds Academy.
Pumikit ulit ito. "Kalimutan mo na 'yung sinabi ko. Tutal limot mo na talaga."
"Ang weird mo, sa totoo lang." Nagha-hum siya ng For the First Time in Forever habang nilalagyan ito ng glitter na bituin sa gilid ng mukha. "Konting tiis na lang at kumpleto na ang disguise mo. Ready ka na bang maging Queen Elsa?"
"Hindi pa. Una, di ko alam kung paano maging Disney princess. Hindi ko alam paano maging ice queen. Hindi ko alam kung paano maging babae. Ikaw ang nagsabi sa akin na dapat in character ako. Pangalawa, paano ako magiging convincing na Elsa. Alam mo naman kung anong klaseng boses meron ako. Hindi ko kakayanin ang kahihiyan ko."
"Relax. Magpa-practice ka mamaya. Kailan ba naman kita pinabayaan? Alam mo naman kapag may project ako, ibinibigay ko ang two hundred percent ko. And I trust you, Lancelot. You can do it."
"Ikwento mo nga sa akin ang Frozen."
"Hindi mo pa napanood?"
"Mukha ba akong nanonood ng Disney movies ngayon?"
Bumulanghit ito ng tawa pero pinigilan din nang makitang matalim ang tingin niya. "Okay. Frozen is about the two princesses of Arendelle - Princess Elsa and Princess Anna."