”MAS maganda ka pa sa akin. Nasaan naman ang hustisya?” dramatikong reaksyon ni Vivi nang makita si Lancelot sa Queen Elsa costume niya.
Tapos na siyang lagyan ng make up ni Sylvie. Hindi nito hilig mag-make up at simple lang ang ayos pag nasa campus sila. Di niya alam na talentado ito. Parang may mahika ito na kayang mag-transform sa anyo ng isang tao. Mula sa pagiging guwapo, nagawa siya nitong maging maganda.
Kanina lang si Knight pa siya. Pero matapos ang mahigit isang oras, nagawa siya nitong gawing si Queen Elsa. Alam niyang magaling ito sa art pero di niya inaasahan na siya mismo ay gagawin nitong artwork. Wala sa hinagap niya na papayag mag-cosplay o maging cross-dresser para sa dalaga. Kapag nabalitaan ito ng mga admin niya sa page, tiyak na itatakwil siya ng mga ito lalo na si Odan. Nakakantiyawan nga siya nito dahil hanggang ngayon, di pa daw siya makapanligaw kay Sylvie. Na manhid naman ang babae sa pagpaparamdam niya.
"Magaling kasing mag-ayos si Sylvie," papuri niya sa dalaga. Nadagdagan pa ang paghanga niya dito nang ipaliwanag nito kung gaano kahalaga ang cosplaying sa ibang tao, gaya kung gaano kahalaga ang pagsusulat para sa kanya. Kaya naman kahit kinakabahan, handa na siyang maging reyna ng niyebe para sa araw na iyon.
Nanghaba ang nguso ni Vivi. "Alam ko naman ikaw na ang paborito niya ngayon. Nakakaselos talaga."
Nakuyom niya ang palad at tumiim ang anyo niya. “May gusto ka ba kay Sylvie para magselos ka?”
Gulilat siyang tiningnan ni Vivi habag sapo ang dibdib. “Walang malisya ang selos ko. Nagseselos lang ako sa ganda ng make up mo.” Bumaling ito kay Sylvie. “Ako pa talaga ang paghihinalaan niyang may gusto sa iyo samantalang mas makapal ang blush on ko sa iyo. Selosa pala itong new BFF mo. At sure ako na di make up ang pinagseselosan niya.” Saka ngumisi si Vivi dito. “Pero mag-practice ka munang maging Queen Elsa. At ako ang baby sister mo sa araw na ito.”
“Anong kailangan kong matutunan?” tanong niya.
“Kung paano mag-Do You Wanna Build A Snowman at mag-Let It Go, my way.”
“Sylvie, pwede bang kami muna ang mag-practice?” tanong niya sa dalaga. Baka wala siyang magawang matino dahil mako-conscious siya nang pinapanood nito.
“Sure,” anang babae kahit na naguguluhan. “Bibili lang ako ng grain bar sa labas. Mahihirapan na kayong kumain sa costume ninyo. Ikaw na bahala kay Lance.”
“Sure. Pagbalik mo, reynang-reyna na siya,” puno ng kompiyansa na sabi ni Vivi.
Muntik nang mag-walkout si Lancelot nang malaman niyang beki version pala ang ipapagawa ng lalaki. At sa loob ng isang oras, kailangan niyang I-memorize iyon dahil pupunta na sila sa cosplay convention mismo para makihalubilo sa guests at sa mga cosplayers. Hindi niya alam kung kakampi niya si Vivi o kaaway.
“Pwedeng English version na lang ang gawin natin? Medyo alam ko iyon,” sabi niya.
Pumatalak si Vivi. “Nasaan naman ang excitement doon kung kakanta ka ng English version. That is so boring. Okay. From the top.” At ipinakita nito kung paano siya lalakad at aarte habang kumakanta.”
"Kailangan ko ba talagang kumembot gaya mo?" tanong niya. "Naglalakad na sa snow si Queen Elsa pero may kembot pa? Di ba nangangatog na siya sa lamig?"
"Look, Knight in Distress. Limang beses na akong nag-Queen Elsa kaya alam ko ang ginagawa ko. Queen si Elsa. Queen. Kagalang-galang pero graceful at may poise. Ang tunay na queen, kahit palakarin sa apoy o sa ibabaw ng tubig, dapat poise pa rin. Sa cosplay, makakarinig ka minsan ng di magagandang comment. Deadma lang. Dapat poise ka pa rin."
Nanlumo si Lancelot. "Sorry. Di pala ganoon kasimpleng mag-cosplay."
"Mahirap pero masaya kasi mahal namin ang ginagawa namin. Di ako napipilitan tulad mo na nagpapaka-queen para makasama si Sylvie. Alam ko ipinahiya ka niya pero bakit nakabuntot ka sa kanya?"
"Magaling si Sylvie. At gusto niyang makabawi sa akin."
"Gusto niyang makabawi? Ikaw ang sumunod dito. Ikaw ang naka-Queen Elsa ngayon para makasama siya. May gusto ka ba sa kanya?"
Isang misteryosong ngiti ang ibinigay niya dito. "Ano sa palagay mo?"
"You like her. Noong una iniisip ko na ginagantihan mo lang ang katarayan niya. Gawin siyang aliping saguiguilid. Ganoon. Kaso kinilala mo ang talent niya. Nagawa mo nga ang di namin nagagawa dati na palabasin si Sylvie sa lungga niya."
"Sa palagay mo ba may pag-asa ako sa kanya?" tanong niya.
Hiyang-hiya siya kanina kay Sylvie nang kailangan niyang humingi ng tulong dito dahil na-trap siya sa restroom. Inaasahan na niyang sesermunan siya nito kagaya ng nakagawian nito. Handa na siya doon. Akala rin niya ay pagtatawanan siya nito at bawas pogi points sa kanya kapag nakita nito na nanginginig siya sa takot at maiiyak. Sinong babae ang gusto sa lalaking dinudumog ng mga babae? Sino naman ang babaeng gugustuhin na depensahan pa siya sa mga tagahanga niya? Ayaw ni Sylvie ng ganoong klaseng sakit ng ulo.
Di lang niya inaasahan ang matinding pag-aalala nito sa kanya at lalong di niya inaasahang yayakapin siya nito bilang pagdamay sa pangunguyog sa kanya. Protective ito sa kanya. Di rin siya nito itinaboy kahit na nakakaabala na siya dito at sa kaibigan niya. Nag-effort pa itong ayusan siya at masaya siya na nakatutok sa kanya ang atensyon nito. Umaasa siya na baka mas mapalapit siya sa puso ng dalaga.
Kinindatan siya ni Vivi. "Sa akin may pag-asa ka."
"Hindi ko trip si Princess Anna."
Umirap ito. "Oo na. Si Sylvie na ang pinagpala sa babaeng lahat. Hindi ako sigurado kung bet ka niya. Pero hinayaan ka niyang mapalapit sa buhay niya kaya may pag-asa."
"Talaga?"