"Wag lang masyadong excited. Alam mo siguro na di ganoon kadali para kay Sylvie ang mag-move on. Nagsisimula pa lang bumalik sa normal ang buhay niya. Mahina pa ang puso niya. Ayaw na namin na masaktan siya."
"Hindi ko siya sasaktan. Ginawa ko ang lahat para protektahan siya. Gagawin ko ulit iyon."
Tumaas ang nakakurbang kilay nito. "Ikaw nga ang pinrotektahan namin kanina. Ewan ko lang kung gugustuhin ni magka-boyfriend nang marami siyang karibal at kailangan pa niyang maging Neneng Hawi para lang protektahan ka. Gusto niya ng tahimik na buhay."
Bumagsak ang balikat niya. "Wala yata akong magagawa doon. Di ko naman ginusto na pagkaguluhan ako ng mga tao."
"Pero kung gustong-gusto ka talaga niya, gagawin niya lahat para sa iyo. Sa amin ngang mga kaibigan niya, ganyan na siya. Kaya maswerte ka ka kahit kaibigan ka lang niya. Lalo na pag nagustuhan ka niya. Handa rin kaming protektahan siya kapag may nanloko o nanakit sa kanya. Marami kaming mambo-boycott sa iyo."
"Hindi pa nga ako nanliligaw."
"Advance kasi akong mag-isip. Mag-focus na tayo sa pagiging Queen Elsa mo. Make Sylvie proud. Kailangang sundin mo ako kung gusto mong ma-impress."
Kalahating oras din silang nag-practice ng pagiging Queen Elsa bago bumalik si Sylvie dala ang sandwich nila. Nagkwentuhan ang mga ito tungkol sa bagong ganap sa mga kaibigan ni Sylvie noong elementary. Hindi naman hinahayaan ni Sylvie na ma-out of place siya dahil nagtatanong din ito kung ano ang experience niya noong elementary siya. Mga admin niya ang mga kaibigan niya noong elementary pa lang. Iba ang batang Sylvie sa Sylvie na nakilala niya noon. Makulit ito dati at laging nagpapangiti sa mga kaibigan sa pamamagitan ng comics na dino-drawing nito dati.
"Do you cosplay?" tanong niya kay Sylvie.
"Dati,” sagot ni Vivi. “Kaso nagsimula na siyang maging adult-adult-an nang maging boyfriend niya si Mark Andrew."
"Grabe ka naman. Busy lang talaga," katwiran ni Sylvie. Nagtaka siya kung bakit pipigilan ni Mark Andrew si Sylvie na gawin ang gusto nito. Dahil ba may imahe si Sylvie na gusto nitong buuin? Kabawasan ba sa perpektong reputasyon nito kung mag-cosplay man ang dalaga?
"O sige na nga.” Tinapik ni Vivi ang balikat ni Lancelot. “Anyway, kabogero itong BFF mo. Wait mo lang ang performance niya."
"Pwede kong makita 'yung na-practice mo, Lance?" tanong ni Sylvie at pinagsalikop ang palad. “Please.”
Lumunok siya. "Gusto mong mapanood?"
Tipid itong ngumiti at tumango. "Oo. First cosplay mo ito at gusto ko si Queen Elsa bukod kay Mulan."
Muntik nang mapakamot si Lancelot sa blonde niyang wig. "Susubukan ko." Tumayo siya at ipinatong ang hood sa ulo. Parang nananadya naman si Vivi dahil pinatugtog pa ang instrumental ng Let It Go sa iPhone nito. Nakailang beses siyang huminga habang malakas ang kabog ng dibdib. “Umaawra ang snowbelle shunayt. Wiz ko keri ang lamig. Shumushogo sa aking closet. Kumekemeng Miss U din.”
"Ano daw?" bulalas ni Sylvie.
"Shhhhh! Wag kang maingay,” saway ni Vivi dito na seryosong-seryoso.
Kumunot ang noo ng dalaga. Lalo siyang nahiya. Parang ayaw na niyang alisin ang hood para di makita ni Sylvie ang kahihiyan niya. Paano pa ang kakisigan ko nito? Bawas pogi points ito sa akin.
Pero ipinagpatuloy niya ang pagkanta dahil nasimulan na niya. Lumakad din siya katulad ng turo ni Vivi sa kanya na pang-beauty queen. “Wit ko na ma-keep. Bet ko nang mag-fly.”
Nakita niya ang pinipigil na ngiti ni Sylvie. Sa kabila ng salamin, sa kanya pa rin nakatutok a ng mga mata nito. Puno ito ng interes at tiwala. Hinihintay nito ang susunod niyang gagawin. May tiwala si Sylvie sa kanya na gagalingan niya at di siya dapat na mapahiya dito.
Mas naging kampante siya dahil doon. “Anetch man ang I-say nila. Kiber lang. I-push mo lang iyan, te. Wiz nang magpaka-paminta. Spluk mo na," kanta niya sa stanza bago ang chorus at ibinaba ang hood. “Kembot na, kembot na, iladlad na ang kapa.”
Itinataas niya ang kamay at kunyari ay nagpasabog ng snow mula sa kamay. Halos gumulong sa katatawa si Sylvie na nakasalampak sa carpet habang pinapanood siya. Akala niya ay mamamatay ito sa paghahabol ng hininga at noon lang niya ito nakitang sobrang saya. Kaya sa halip na mahiya at mag-walk out, itinodo niya ang pagpe-perform.
“I love you, Queen Elsa!” sabi pa ni Sylvie habang pumapalakpak.
Isa siyang reyna ngayon na mahal ni Sylvie. Napahalakhak niya ito. Kahit ano gagawin niya para lang makita itong masaya.
“Wiz ko care sa chismax nila. Nakakalurkey! Imbyerna chaka naman nila,” taas na pagtatapos ni Lancelot sa kanta at saka ginawa ang signature turn ni Queen Elsa sabay hawi ng kapa.
Tumayo si Sylvie at saka siya sinugod niya ng yakap. “Ang galing mo talaga! Sabi na nga ba’t kaya mo iyon.”
“Alam mo na kaya kong maging Queen Elsa? Bagay akong babae?” Tuluyan na bang nabura ng pagiging Queen Elsa niya ang kakisigan niya?
Niyakap ulit siya nito. “Queen na queen ka talaga. I love you, Queen Elsa,” parang batang sabi nito. Walang kaibahan sa batang tuwang-tuwang yumakap kapag nakikita si Jollibee o si Mickey Mouse sa Disneyland.
Alaganin tuloy ang ngiti ni Lancelot. Mahal nga siya nito at yakap-yakap pero si Queen Elsa ang mahal nito. Si Queen Elsa ang sinabihan nito ng “I love you” at hindi siya. Dapat ba siyang matuwa? Gusto niya na mahalin siya nito bilang Lancelot o Knight. Nasaan naman ang katarungan para sa kanya?
Natigilan si Sylvie nang maramdamang di siya gumagalaw. Nailang ito tuloy at iniwas ang tingin sa kanya. “S-Sorry... ano, gusto ko lang talaga si Queen Elsa.” Pagak itong tumawa. “Ganyan din ako kapag nakikita ko si Jollibee.”
“Sa akin okay lang,” sabi niya. “Di ka dapat nahihiya.” Pero kung iba ang yayakap dito, aalma talaga siya.