Bigla siyang niyakap ni Vivi sa braso at ikiniskis pa ang pisngi sa balikat niya. "Wagi ka, sister! Ang galing ko talagang magturo."
Kinilabutan si Lancelot sa pagdikit ni Vivi sa kanya. Di naman siya homophobic. Pero matapos siyang kuyugin kanina, di siya komportable na dikitan ng iba, maliban kay Sylvie.
Bigla itong hinatak ni Sylvie palayo sa kanya at saka ihinarang ang sarili sa pagitan nila ni Vivi. "Bawal ang yakap. May sapak sa akin."
"Ay! Possessive ka? Girlfriend ka? Ikaw lang pwedeng mag-hug?" Nanlalaki ang matang sabi ni Vivi sa dalaga.
Ngingiti-ngiti na lang si Lancelot dahil ayaw siyang pahawakan ni Sylvie sa iba. Ibig sabihin binabantayan na siya nito. Gusto niya sa kanya lang ako. Ibig sabihin malaki ang pag-asa na may gusto siya sa akin.
“Behave!” anang si Sylvie at tumuro kay Vivi.
“Aba’t ginawa pa akong aso.”
Hinila siya ni Sylvie sa braso. “Tara na. Rumampa na kayo or mag-pictorial somewhere. Gusto ko na rin I-check ang mga booth para sa latest manga.”
Hinagip niya ang kamay ng dalaga. Di talaga siya matatahimik hangga’t di niya nalalaman kung ano ang nasa puso nito. “Sylvie, okay lang ba ako?”
“You mean, di ka makikilala ng mga fans mo? Oo naman. Magbe-blend in ka rin sa ibang cosplayers kaya huwag kang mag-alala.”
Umiling siya at pinisil ang kamay nito. Nanlalamig na asiya. "Sa palagay mo kabawasan sa kakisigan ko kung magko-costume ako ng pambabae o magiging Disney princess?"
"Hindi. Look at Vivi. Love na love ko iyan."
"Iba si Vivi, iba ako. Gusto ni Vivi na maging pa-girl at ako… sabi ko nga kakisigan."
"Lalaking-lalaki ka ganoon? Kanya-kanya naman na pananaw iyan.” Humarap ito sa kanya at hinawakan ang isang kamay niya. “Let me tell you a secret. Alam mo ba kung paano ko nagustuhan si Mark Andrew?”
Mark Andrew na naman. Ayaw talaga niyang marinig ang pangalan ng lalaki. Alam naman niya na malaking bahagi ng puso at pagkatao ni Sylvie ay nakasakop ng lalaki kahit patay na ito.
Pero anumang impormasyon na makuha niya kay Mark Andrew, makakatulong sa kanya para mapalapit kay Sylvie. Kailangan wais sa pag-ibig. Di pwedeng puro emosyon ang pairalin.
“Paano?” tanong agad niya kahit na pilit na pilit ang ngiti niya.
“Nang mapanood ko siya sa practice ng play ng Noli Me Tangere at nag-Sisa siya. Gender bender ‘yung play. Nag-switch ang roles ng mga babae at lalaki. At magaling siya. Parang ikaw, magaling kang Queen Elsa. Ilang minuto pa lang pero in character ka na. Na-amaze ako sa iyo.”
“Ibig sabihin okay lang ako na ganito?” maingat niyang tanong.
“Hindi naman importante sa akin kung gusto mong maging Darna. Does it make you a lesser a man? Hindi naman sa palagay ko.” Pinisil nito ang mga pisngi niya. “Lance, kahit anong gawin mo o isuot mo, I am sure marami pa rin magkakagusto iyo. You are adorable, Lancelot. As a writer, as a person, you have your own unique character. At kapag may lumait sa iyo o sa pagkatao mo dahil lang nag-costume ka na Queen Elsa, sumbong sa akin.”
Pagak na tawa lang ang ibinigay niya dito. Tiyak na maghuhurumentado ang papa niya kapag nalaman na nagdamit-babae siya. Iinit na naman ang ulo nito sa kanya. Pero sekreto nila ito ni Sylvie. At opinyon lang nito ang mahalaga sa kanya nang mga oras na iyon.
Pabiro niyang dinunggol ang balikat nito. "So, kailangan ko palang galingan ang pagiging Elsa para ma-in love ka sa akin?"
"Ano?" tanong ng dalaga sa mataas na boses. "Puro kakalokohan." Halatang di nito sineseryoso ang sinabi niya.
"Kaya ko rin mag-Sisa.” Inilahad niya ang palad. “Basilio! Crispin! Mga anak ko!” At lumapit ito sa dalawang teenager na abala sa pagse-selfie sa isang painting sa hallway. “Nakita n’yo ba ang mga anak ko?”
“Nabaliw na si Queen Elsa?” tanong ng isang dalagita na naka-tirintas ang buhok.
“Baka sinapian ni Sisa dahil pinasukan ng snow sa utak,” anang isa na bobcut ang buhok at humagikgik.
Puno ng kompiyansa siyang bumalik kay Sylvie na nakatakip ang mga palad sa mukha. “See? Effective din naman akong Sisa. Ano pa ang gusto mo?”
“Mag-enjoy ka sa araw na ito. Alam ko naman na gusto mong magtago sa mga fans mo at ma-enjoy ang cosplay na ito. So, enjoy it.”
“Mag-e-enjoy talaga ako basta kasama kita. Salamat kasi hinayaan mo akong makasama ka.”
“Sus! Maliit na bagay,” sabi ng babae. “O! May fan ka doon.” At itinuro ang ilang mga bata na palapit dito at tinatawag si Queen Elsa.
Mukhang mapapasubo siya sa araw na iyon pero kahit ano gagawin niya para mapalapit at mapasaya si Sylvie.