Chapter ACWTK2: 35

HINDI naaalis ang ngiti ni Sylvie sa labi habang kinukuhanan ng picture sina Lancelot bilang Queen Elsa. Paborito ang binata at si Vivi ng mga bata hanggang matatanda. Hindi na ito naiilang sa karakter nito at puno rin ng kompiyansa kapag may batang nagpapakanta dito. Pero English version na ang kinakanta nito sa mga bata na gusto pang ka-duet ito.

Nalibang din ito sa pagpapakuha ng larawan sa ibang cosplayer na naglisaw sa paligid. Nagtatanong-tanong din siya kung paano ginawa ng mga ito ang costume. Nami-miss niyang mapaligiran ng mga talentadong tao sa mundo ng cosplay. Di naman lahat sa mga ito ay maykaya. Kaya naman gustong-gusto na niyang sumalampak sa isang tabi at ilabas ang sketches niya dahil umaapaw ang ideas niya. Hindi lang talaga niya maiwan sina Lancelot at si Vivi. Lalo na si Lancelot.

“Dito tayo kay Queen Elsa!” tilian ng ilang teenagers na mas bata sa kanila at pinagkulumpunan ito. “Queen Elsa, pwedeng pa-hug.”

“Sayang naman si Kuya, naging queen sa halip na prince,” anang isang babae na sa tantiya niya ay thirteen pa lang. “Kyaaaa, akin ka na lang.”

Napansin niya ang pamumutla ni Lancelot at ang paninigas ng buong katawan nito. Naalala na naman marahil nito kung paano ito kuyugin kanina. Sa itsura ni Lancelot, parang gusto na naman nitong tumakbo palayo. Kung bibigyan lang siya ng senyales ng binata, pwede naman niya itong iuwi anong oras man nito gustuhin.

“Kasing amoy niya si Knight kanina,” sabi ng babaeng feeling Ariana Grande sa mataas na ponytail nito at leopard print na headband. Kinikiskis nito ang pisngi sa braso ni Lancelot at di alam ng binata kung paano iiwas dito.

“Grabe! Nasinghot mo talaga kanina? Maniwala naman ako,” sabi ng katabi nito.

Tumingala ang babaeng nasa kabila ni Lancelot at parang sinisino ito.. “Kasing tangkad pa niya.”

Doon na naalarma si Sylvie. Kaya naman pala hindi komportable si Lancelot dahil sa mga ito. “Guys, pwede po huwag masyadong gitgitin si Queen Elsa? Sige na. Hindi tayo makakapagpa-picture kung hindi kayo maayos. Walang mamimisil, mangungurot, mangyayakap nang sobrang higpit at mangha-harass. Let’s make the cosplayers feel safe,” bilin niya sa mga ito. Kailangan niyang pagaanin ang boses dahil naiirita siya sa mga taong walang konsiderasyon sa nararamdaman ng iba. Napasaya na nga ang mga ito, bakit kailangang manakit?

“Grabe naman! Sobrang higpit naman,” nanghahaba ang nguso na sabi ng babae na may pusang headband sa ulo.

“Okay. One, two, three,” bilang agad niya. Nagngitian naman agad ang mga ito at umalis matapos ang ilang pose.

Dali-dali niyang nilapitan si Lancelot. “Okay ka lang?” tanong niya at inabot dito ang mineral water nito. Tumango ito habang tumutungga sa bote. “Gusto mong umuwi na? Nandiyan ang ibang kaibigan namin ni Vivi. Pwede nang sila ang kumuha ng pictures para sa kanya. Sasamahan na kita pauwi.”

Umiling ito. “Okay lang. Di naman ako nakilala ng mga naghabol sa akin kanina.”

“Pero muntik na.”

“Umalis na sila. Okay na ako. Saka gusto ko rin makilala ang ibang kaibigan mo. Ayoko nang iwan mo sila nang dahil lang sa akin. Ngayon pa lang ako nag-e-enjoy.”

Hinawakan niya ang isang kamay nito na nanlalamig. “Lance, aalis tayo dito kapag di ka na komportable o sa palagay ko nasa alanganin ka na. May ibang pagkakataon pa para makasama ko ang mga kaibigan ko. Ako ang magdedesisyon.”

“Yes, boss,” anito at sinaluduhan siya.

"Sylvieeee!" tili ng mga kaibigan nang makita siya. Naluha siya nang pagkulumpunan siyang yakapin. Sa loob ng mahigit isang taon, may mga nagbago na sa mga ito. May tumangkad, may tumaba, may tinubuan ng pimples ang dating makinis na mukha at meron ding ugly duckling na naging swan. Napansin niya si Lancelot na nakamata sa kanila. Nahuli niya itong nakasimangot habang yakap siya ng kaibigang si Ace na dating payat at maliit na kaklase nila pero ngayon ay matangkad na at nagkalaman kaya naman suki ng male pageant.

"Si Lancelot classmate ko." At inisa-isa niya ang mga kaibigan. Fans ni "Knight" ang mga ito at nabigyan na rin ng instruction ni Vivi na di pwedeng ipagsabi sa iba na magkakasama sila o si Lancelot ang kasama nila. Kailangang sekreto ang lahat.

"Sylvie, picture-an mo naman kami," ungot ni Jaz na nakahawak agad sa braso ni Lancelot.

"Ayan tayo e! Akala ko ako talaga ang na-miss ninyo tapos gagawin lang akong photographer," angal ni Sylvie.

Humagikgik si Cristinamarie. "Kasi naman first time lang namin siyang na-meet. Ipinagdadamot mo kasi sa amin."

"Of course not," tanggi ni Sylvie. Naiinis lang siyang magbigay ng impormasyon tungkol kay Lancelot dati dahil parang naalala lang siya ng ibang kakilala nang malamang nag-transfer sa eskwelahan nila. At ngayon, ayaw niya na di komportable ang pakiramdam ni Lancelot dahil sa pangunguyog ng fans dito. Di garantiya na kaibigan niya ang kasama nila dahil di kaila sa kanya na patay na patay din ang mga ito kay Knight.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.