"Pwede namin siyang i-hug and kiss?" tanong ni Roma na nanghahaba ang nguso at akmang hahalikan si Lancelot.
Nanlaki ang mata ni Sylvie at ipinadyak ang paa. "No! Di pwede!"
"Sabi ko sa inyo siya lang ang pwede," ani Vivi na hinahaplos-halos ang nakatirintas na wig. "Binakuran na ni Sylvie iyan.”
"Kayo na ba at makabakod ka wagas?" nakangising tanong ni Jaz. “May secret relationship ba kayo?”
Namula si Sylvie sa panunukso ng mga ito. Mas matindi pang manukso ang mga bagong dating. At sa palagay niya, hindi siya tatantanan ng mga ito. “Wala, okay?”
"Wala namang sekreto sa amin ni Sylvie. Gusto ko siya kapag possessive siya at ayaw niya akong pahawakan sa iba," panunukso ni Lancelot sa kanya at hinawakan ang kamay niya. "Okay lang ba kung tumingin kami sa booth? Di pa kasi kami nakakapasyal."
"Ako rin," ani Cristinamarie at itinaas ang kamay na parang gustong humabol sa kanila.
"Gusto nilang mapag-isa. Obvious naman. I-meet na lang natin si Sylvie mamaya kapag kakain na tayo," sabi ni Ace at sumenyas ang kamay na parang itinataboy sila. Inilahad nito ang kamay sa kanya. “Akin na ang camera mo. Ako na ang bahala.” Walang pag-aatubiling ibinigay ni Sylvie ang camera dito. Ito ang photographer ng grupo kapag wala siya kaya may tiwala siya dito.
"Salamat," sabi ni Lancelot at hinila siya palayo.
"Hindi ka ba komportable na kasama ang mga kaibigan ko?" Akala niya okay lang dito na makasama ang mga kaibigan niya. Siguro naiilang din ito kanina dahil dinikitan ng mga kaibigan niya katulad ng fangirls nito.
"Hindi naman. Hindi ka lang kasi komportable na tinutukso nila tayo.”
“Hindi ba lalo nila tayong tutuksuhin ngayon?”
“Hindi mo naman naririnig, ‘di ba? Saka gusto ko lang tumingin sa mga booth. May gusto lang akong bilhin."
"Okay." Nandoon pa rin ito para mag-enjoy. Iyon ang unang cosplay nito pero di pa ito nakakapag-ikot sa dami ng gustong magpa-picture dito. Ito lang marahil ang pagkakataon na makakahinga ang binata at maging isang normal na teenager o tao na di dinudumog. Maliban sa mangilan-ngilan na batang gustong magpa-picture dito, wala nang nang-aabala pa sa binata.
Tumingin-tingin sila sa iba't ibang booth. May mga booth na may merchandise ng mga anime, manga at mga Japanese artists. Mayroon ding booth na para sa mga mobile game at ready-to-wear costumes. Sa huli ay tumigil si Lancelot sa booth ng mga Filipino manga at comics.
"Tulungan mo akong pumili ng maganda. 'Yung wala ka pa," sabi ng binata at dumampot ng ilang manga saka ipinasa sa kanya. "Okay kaya itong based sa novel na ginawang manga?"
"Subukan natin," sabi niya at pumili ng iba pang titles na maganda ang pagkaka-drawing sa palagay niya. Magandang pag-aralan iyon lalo na't may mga kwentong naiiba kapag naisalin na sa manga at comics, gaya nang pag-iiba ng kwento kapag naging animated na o nagiging live action gaya ng pelikula at drama series. "Sa palagay ko okay na ito."
Pagkatapos bayaran ang mga manga comics ay inabot din nito sa kanya. "Sa iyo na iyan. Basahin at pag-aralan mo."
"Bakit?" tanong niya.
"Gusto ko rin magkaroon ng manga version ang Mystic High. Hindi ako ang masusunod sa pelikula ko. Producer ang mamimili ng mga artista pati kung ano ang ipapasuot nila. Interpretation nila iyon. Kung magkakaroon ako ng manga, gusto ko makuha ng artist ang style na gusto ko. Kung ano ang nakita ko sa libro ko, iyon din sa drawing. At sana... ikaw ang maging artist na iyon dahil mas alam mo pa ang takbo ng kwento ko kaysa sa akin."
"Lance, di mo pa nga nakikita kung marunong ako o kung mai-interpret ko ng tama ang kwento mo. Baka mamaya mapasubo ka kapag sa akin ka umasa."
"Gusto ko lang subukan mo. Wala namang mawawala. Nakita ko ang mga artwork mo. Nakita ko rin 'yung sketch mo noong nasa ampunan tayo. Maganda din ang drawing mo kahit sabi mo kinakalawang ka. Paano pa kaya kung nakapag-practice ka pa? E di lalong mas magaling.”
Parang sasabog ang puso ni Sylvie sa saya. May tiwala si Lancelot sa kakayahan niya kahit nang panahon na di pa siya bumabalik sa pagdo-drawing. At kahit maraming propesyunal na makukuha nito, siya pa rin ang gusto nitong makatrabaho. Di niya alam kung paraan lang iyon ng lalaki para mapalapit sa kanya o kung binobolola lang siya nito, pero malaking bagay ang tiwala nito para lumakas ang loob niya at magkaroon ng inspirasyon.
Hinila niya ito sa area para sa pagkain. Matapos bumili ng takoyaki at matcha frappe ay inokupa nila ang isang mesa. "May ipapakita ako sa iyo." Inilabas niya ang sketch pad mula sa loob ng bag at inabot kay Lancelot.
Binuklat iyon ng binata at nanlaki ang mata. “Ano ito?”
"Character sketch para sa Mystic High." Pinagkiskis niya ang palad. “Hindi ko pa dapat ilalabas iyan dahil kasisimula ko lang. Iyan dapat ang gagawin ko kung hindi ako nagpunta sa cosplay.”