Chapter ACWTK2: 38

"NILILIGAWAN mo ba si Sylvie, Knight?"

Natigilan sa paghihiwa ng pizza ang dalaga nang marinig ang tanong ni Ace kay Lancelot. Natigilan din ang pagkukwentuhan nilang mga babae tungkol sa kung paanong iyakan ni Vivi ang cosplayer na babae na crush nito na unang beses nilang nakitang mangyari. Mukhang seryoso ang pag-uusap ng dalawang lalaki. Katabi ni Sylvie si Lancelot habang nakaupo naman sa tapat niya si Ace na seryosong-seryoso ang mukha.

"No. Hindi siya nanliligaw," kontra agad ni Sylvie at minulagatan ang kaibigan. Akala niya di na nito uungkatin kung may relasyon sila ni Lancelot na higit sa magkaibigan.

"Kelan mo siya liligawan?" tanong ni Roma at nangalumbaba.

"Isa ka pa," aniya at minulagatan ang kaibigan. Akala naman niya di na siya kukulitin ng mga ito ang isyu tungkol kay Lancelot. Di pa rin pala.

"Kain ka lang diyan. Di ka namin kinakausap," saway sa kanya ni Cristinamarie at sinubuan siya ng pizza para manahimik. "Torpe ka ba, Knight? Kami na maglalakad sa iyo."

"Hindi ako torpe," kontra agad ni Lancelot.

“Tumitiyempo ka lang? Nahihiya?” tanong ni Jaz. "So, Knight, anong maitutulong namin para mapabilis ang pagsagot sa iyo ng friend namin? Gusto mo lista ko lahat ng mga alam ko tungkol sa kanya?"

Isinubsob ni Sylvie ang mukha sa palad. Gusto na niyang magtago sa ilalim ng mesa nang mga oras na iyon at huwag magpakita hanggang mag-alisan ang lahat. "Harap-harapan talaga? Di na kayo nahiya?"

Gusto talaga niyang sakalin ang mga ito. Parang desperada naman ang dating niya na gustong-gustong maligawan ng lalaki. Ipinamimigay na siya ng mga ito.

Oo, madalas nagbibiruan sila ni Lancelot. Alam nilangd alawa kung hanggang saan ang hanggangan ng panunukso nito. Pero ibang usapan kapag ipinagpipilitan siya ng ibang tao dito. Wala na iyon sa kontrol niya. Ayaw niyang mailang ito lalo na’t di naman ito masyadong malapit sa mga kaibigan niya.

"Bakit naman kami mahihiya? Si Knight nga di nahiya na maging Queen Elsa para makasama ka. Huwag mong sabihin na friends lang kayo? Nakita namin kung gaano kayo ka-possessive sa isa't isa at 'yung hug na mahigpit di iyon friendly," pananalakab ni Roma. "Ano ba talaga kayo?"

Tumitig sa kanya si Lancelot na puno ng emosyon. Di pa ito nagsasalita pero parang may sinasabi na ang mga mata nito. Na espesyal siya para dito. Na siya ang babaeng gusto nitong manatili sa tabi nito. "Gusto kong kasama si Sylvie. Gusto kong masiguro na masaya siya. Kung anuman ang nararamdaman ko para sa kanya..."

"Sa amin na lang iyon. Huwag na kayong makiintriga," pagtatapos ni Sylvie sa usapan. At nakangiti siyang bumaling kay Lancelot. "Gusto mo itong carbonara pizza? Kumain ka lang at huwag mo silang pansinin."

"Ano pala ang mga hilig ninyong gawin?" tanong ni Lancelot kaya napunta sa mga kaibigan ang usapan.

Itinaas ni Cristinamarie ang kamay. “Maghanap ng mga guwapong writer sa Wattpad. Baka naman may mairereto kang guwapong friend sa akin.”

Parang nabunutan ng tinik si Sylvie nang maiba ang usapan. Ayaw niyang maging weird ang samahan nila ni Lancelot lalo na kapag tinutukso sila. Ngayon pa lang siya nasasanay na parte ito ng buhay niya. Ngayon pa lang ulit siya bumabalik sa normal na buhay at nakakawala sa sakit ng nakaraan. Malaking bagay ang nagawa ni Lancelot para magbago ang magandang samahan nila. Natatakot din siya kung sakaling gustong manligaw ng lalaki sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang dapat isagot dito kapag kinumpirma nito sa kanya na gusto nitong manligaw.

"Magbibihis na ako," sabi ni Lancelot matapos silang kumain.

"Jacket mo," paalala ni Sylvie at inabot sa lalaki ang paper bag. Bumili ito ng jacket kanina sa booth para magamit nito para di makapagtago sa mga fans nito.

"Thank you," sabi ni Lancelot at pasimpleng hinaplos ang pisngi niya bago pumila sa restroom ng restaurant.

"Ang sweet naman. May pahaplos pa sa pisngi," pansin ni Jaz. "Gosh! Ang swerte mo lang. Sa dinami-dami ng babae sa mundo, ikaw pa ang nagusuhan ni Knight. How to be you po?"

"Ngayon lang tayo nagkita, ganyan pa kayo sa akin," reklamo ni Sylvie at uminom ng iced tea.

Gusto na lang niyang mag-walkout minsan sa katutukso ng mga ito. Di naman siya tinutukso ng mga kaibigan noong nanliligaw pa si Mark Andrew o nang maging nobyo niya ang lalaki. Masyadong seryoso si Mark Andrew kapag magkakasama sila. Parang kuya ito na nagpapayo sa mga kaibigan niya. Di rin ito makasakay sa biruan ng mga kaibigan, di tulad ni Lancelot na kayang sakyan ang kalokohan ng mga ito.

"Ngayon lang tayo nagkita pero may kasama ka pang Knight. Ang sweet n'yo pa. Para namang di namin mapapansin ang mga holding hands n'yo at mga ngitian ninyo. Alam mo, bakit di mo aminin na gusto mo rin siya?" tanong ni Roma.

"As a friend," dugtong agad niya.

"Tagal na nating magkaibigan pero di ka nakikipag-holding hands kahit noong mga bata tayo. Ayaw mo ngang hinahawakan kamay ko,” reklamo ni Ace. “Naalala mo noong nagsayaw tayo ng itik-itik noong Grade Six? Napagalitan pa nga tayo ng teacher natin kasi ayaw mong hawakan ang kamay ko?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.