"Kasi pasmado ka. Naglalawa 'yang kamay mo,” katwiran naman niya.
"Di ka rin ganoon ka-sweet si Mark Andrew kahit noong boyfriend mo na siya,” paalala ni Vivi. “Minsan nga feeling ko magkuya lang kayo.”
"Di niya hilig ang PDA. Our relationship is more on intellectual and emotional than physical. Nagkakaintindihan kami sa maraming bagay. Okay na sa amin iyon.” Habang mapusok ang ibang kabataan pagdating sa pisika na aspeto, ibinubuhos naman ni Mark Andrew ang kapusukan nito sa pag-aaral. Mas ligtas ang pakiramdam niya dito. Nakatuon ang atensyon nito sa pangarap nila. Kaya naman may tiwala ang mga magulang niya dito.
"So, ibig sabihin kayo ni Lancelot di magkasundo sa maraming bagay pero physically attracted kayo sa isa't isa?" tanong ni Cristinamarie.
"Saan naman nanggaling iyon?" bulalas ni Sylvie.
Itinaas ng babae ang daliri. "PDA galore. Hindi ka ma-PDA kahit sa aming mga kaibigan mo. May chemistry kayo ni Knight na di mo siguro napapansin. Pilit mong sinasabi na magkaibigan lang kayo at walang malisya pero kitang-kita naman ang spark sa inyo. Parang Meralco.”
"Mahal ko si Mark Andrew,” depensa agad niya. “Hindi pwedeng pagkumparahin ang nararamdaman ko sa kanila dahil magkaiba sila ni Lancelot.”
“Si Knight ang nandito. Siya ang kasama mo,” ani Vivi.
Nabasa niya sa mga mata nito ang lihim na mensahe - wala na si Mark Andrew. Hindi na ito babalik pa.
Lumunok ang dalaga at huminga ng malalim. May kirot pa rin sa puso niya sa katotohanang iyon. “Oo na. Si Lancelot nga ang nandito. Di ba nakakahiya doon sa tao? Paano kung wala naman talagang malisya 'yung pagiging sweet niya sa akin? Tapos tukso kayo nang tukso. Marami pagkakaibigan ang nasisira sa ganyan. At importante sa akin ang pagkakaibigan namin ni Lancelot. Marami na kaming pinagdaanan. Ayokong mawala iyon.”
Nagkatinginan ang mga kaibigan niya. Si Ace ang unang nagsalita. "Alam namin di ka pa nakaka-recover kay Mark Andrew. Pasensiya ka na kung insensitive ang dating namin. Pero masaya lang kami dahil malaki ang nagbago sa iyo mula nang dumating si Knight sa buhay mo. Parang ikaw ulit 'yung nakilala namin na masayahin at makulay. Alam mo iyon? Na-miss ka lang namin."
"Aminin mo man o hindi, malaking bagay ang pagdating ni Knight sa buhay mo. Espesyal siya sa iyo kahit pa nga parang bulldog ka noong una na nakangirngir sa kanya,” paalala ni Roma.
"Oo naman. Nagpapasalamat naman ako sa kanya bilang kaibigan. Aaminin ko, nakakaramdam ako ng kilig sa gestures niya sa akin pero naiinis din ako. Basta! Kasi okay naman na ako dati nang manhid at walang pakialam sa iba. Tapos heto na naman at may tao na nagpaparamdam na espesyal ako. Paano kung mawala siya sa akin? Pagod na akong masaktan."
Sa loob ng mahigit isang taon, parang ninakaw ang puso niya mula sa dibdib at ginulpi nang paulit-ulit. Nanatili siya sa isang madilim at malamig na lugar. Itinulak niya ang lahat ng tao palayo. Takot siya na maging masaya pa.
Pero ngayon, mas matalino na siya. Oo, hahayaan pa rin niya ang sarili na maging masaya pero alam na niya kung nasaan ang hangganan niya. Hinding-hindi na siya magmamahal gaya ng pagmamahal niya kay Mark Andrew.
Pumalakpak si Vivi. "Huwag na nating ipilit. Enjoy the kilig lang. Wala naman sigurong masama kung kikilig-kiligin pa rin."
Magaang tumawa si Sylvie dahil nawala na sa wakas ang tensyon. "Kilig with no expectations para di masakit."
"Tama," sabay-sabay na sabi ng mga kaibigan.
"May na-miss ba ako?” tanong ni Lancelot at nakapatong na ang hood ng jacket sa ulo.
Ngumuso si Roma sa kanya. "Si Sylvie baka na-miss mo."
"Oo naman,” sabi ni Lancelot at hinaplos ang buhok niya.
"Huwag mong paiyakin. Huwag mo siyang sasaktan,” sabi ni Ace. Di pa rin pala ito titigil. At walang epekto kahit mulagatan niya ito ng mata.
"Ako pa ba? Ako nga ang lagi niyang sinasaktan."
Siniko niya ang lalaki. "Huwag kang ganyan. Baka maniwala sila."
Wala siyang kakayahan na saktan si Lancelot dahil di naman siya nito mahal. Sana. Dahil di niya gustong saktan ito.
NAKATULOG agad si Lancelot pagsayad pa lang ng ulo nito sa sandalan ng kotse. Dumating na ang kanya-kanyang sundo nilang magkakaibigan pero nangako siya sa nanay ni Lancelot na siya ang ang maghahatid dito. Hindi rin niya masabi dito na kinuyog ng mga fans ang binata nang umagang iyon o naging si Queen Elsa ito sa buong maghapon.
Napansin niya na may make up pa rin ang lalaki. Di nito tuluyang inalis kung sakaling may makakilala dito. Nakatulog na ito bago pa niya nalinisan.
“Mukhang napagod si Sir Lancelot sa pinuntahan ninyo, Ma’am,” puna ni Mang Udo.
“Opo. Masyado siyang maraming fans. Nag-cosplay po kasi siya,” paliwanag ni Sylvie. Tumango lang ang matandang lalaki at di na nagtanong pa. Alam naman nito na naging libangan din niya ang pagko-cosplay noon.