Ang problema lang, kailangang malinis niya ang mukha ng binata bago ito makauwi sa bahay nito. Di ito pwedeng umuwi na may nakasalpak pag make up sa mukha. Inilabas niya ang tissue at binasa ng tubig para ipanlinis sa mukha nito. Inuna niya ang talukap ng mata nito at ang pilik-mata. Delikado na mapasukan ng mascara ang loob ng mata nito kapag nakatulugan.
Umungol ito nang maalimpungatan. “Anong ginagawa mo?”
“Shhhh… matulog ka lang. Nililinis ko itong mukha mo.”
Hindi iyon madaling gawin dahil hindi naghilamos ang binata. Mabuti na lang bumili siya ng tissue, wet wipes at sunflower oil na make up remover para dito. Minsan kahit naghilamos na, may make up pa rin na mahirap tanggalin.
"Hayaan mo na lang iyan,” anitong di idinilat ang mata.
"Di pwede. Baka magalit ang papa mo kapag nakita na may make up ka. Ma-bad shot na naman iyon sa iyo."
Sinapo nito ang kamay niya at pinagmasdan siya sa naniningkit na mata. Pinaglalabanan nito ang antok. "Ako na ang bahala sa sarili ko."
"Hindi. Ako ang naglagay ng make up kaya ako na rin ang mag-aalis. Di ka na nga makagulapay diyan, may lakas ka pang umangal. Matulog ka lang, Sleeping Beauty. Paggising mo, ikaw na ulit si Prince Charming."
Natahimik si Lancelot. Nakatulog siguro ulit ito. Gusto niya na siya mismo ang naglilinis ng make up nito. Nakakaaliw. Nakikita niya kung paano lumabas ang kaguwapuhan nito habang naglalaho ang make up nito. Pakiramdam niya ay bata ulit siya na nililinisan ang mga Barbie doll niya matapos lagyan ng make up.
“Ayan! Lalagyan kita ng sunflower oil para tuluyang mawala ‘yang waterproof mascara mo,” sabi niya dito.
"Sorry. Nahihirapan ka sa akin,” anang binata na gising pala. Nakapikit lang.
"I am not. Masaya ako na makasama si Queen Elsa kahit na isang araw lang."
Umungol ito. "Iyon yata ang pinakamahirap na ginawa ko sa buhay ko. Mataas ang respeto ko sa cosplayers pero mahirap palang maging reyna. Hindi ko alam kung paano ako naka-survive kanina - mula sa make up, sa damit hanggang sa kung paano aakto na ibang karakter na iba sa pagkatao mo. Natatakot ako na madismaya ko ang fans ni Queen Elsa.”
Tumigil siya sa pagpupunas sa mukha nito at pinisil ang pisngi nito. "You did great. Marami kang napasayang tao, lalo na ang mga bata."
Bahagya nitong ibinuka ang mata at itinaas ang kamay. "Gusto kong gumawa ng kwento tungkol sa cosplayer."
"Basta bida ang cosplayer ni Queen Elsa. Gagawan ko rin iyan ng character sketch,” nakangisi niyang sabi. Siyempre ito ang inspirasyon niya kung sakali.
Idinilat nito ang isang mata. "Na-inspire ulit kita?"
Tumango siya. "Pakiramdam ko ako si Queen Elsa na takot magkamali. Kailangan kong itago ang sarili ko sa loob ng mahabang panahon. Natakot ako. Pero ngayon hindi na. Kaya ko na ulit gumawa ng magagandang bagay. Kaya ko na ulit maging masaya,” puno ng kompiyansa nitong sabi.
"Successful pala ako sa misyon ko. Gusto ko talaga na mapasaya ka sa kahit anong paraan."
Hinaplos niya ang buhok nito. "Thank you. Kasi di ka umaalis sa tabi ko. Sa kabila ng maraming tao na gustong makasama ka, ako ang pinili mong makasama. Thank you for making me feel special kahit na masama ang trato ko sa iyo. Thank you kasi di ka napikon kahit na tinutukso tayo ng mga kaibigan ko. Thank you for not giving up on me."
Ngayong unti-unti na siyang bumabalik sa dati at napanghahawakan na niya ag mga bagay na nagpapasaya sa kanya, ayaw na niyang bumalik sa nakaraan kung saan lagi siyang mag-isa at takot na maging masaya. Gusto na ulit niyang napapaikutan ng mga tao na nagmamahal sa kanya. Hinahayaan na ulit niya ang sarili na makisalamuha sa iba. Nagagawa na ulit niya ang mga bagay na nagpapangiti sa kanya at sa iba. Ito ang totoong Sylvie. At di na niya makita ang sarili na wala si Lancelot sa buhay niya.
Dumilat ang binata at tinitigan siya sa mga mata. Inaantok ito pero pilit itong nagfo-focus para mapagmasdan siyag mabuti. "Sylvie, marami akong bagay na sinukuan noon. Pero ikaw ang nagbigay ng lakas ng loob sa akin para lumaban at maabot ang mga pangarap mo. Kaya maghihintay ako hanggang handa ka nang buksan ulit ang puso mo."
Natigagal ang dalaga. Pinagmasdan ito habang unti-unting pumikit at binitawan ang kamay niya. "Anong ibig mong sabihin? Lancelot!" Niyugyog niya ang balikat nito. “Hoy! Sumagot ka.”
"Knockout na iyan, Ma'am. Pagpahingahin na ninyo,” anang si Mang Udo.
Siya naman ngayon ang di makapaghintay. Di niya alam kung paano niya ito natulungan na abutin ang pangarap nito. Dati na nito sinabi iyon sa kanya pero hindi pa rin niya maintindihan. Isa sa mga araw na ito, pipigain niya dito ang totoo.