Chapter ACWTK2: 41

HINAPLOS ni Sylvie ang gulugod ng hilera ng mga libro sa shelf. Nasa isang bookstore siya sa Maginhawa Street na nagbebenta ng mga lumang libro. May isang oras pa siya bago sila magkita ni Lancelot sa isang cafe doon. Gusto daw muna nitong magsulat habang gusto naman niyang mag-explore muna na mag-isa.

Sabado noon at wala silang assignment maliban sa Politics subject nila. Tapos na siya habang thesis na yata ang gustong gawin ni Lancelot sa haba ng sinusulat nito. Usapan nila magbu-book hunting sila pero di daw tumitigil ang utak nila sa pag-iisip kaya hinayaan na lang niya. Alam niya na bawal bulabugin ang mga manunulat kapag “in the zone” ang mga ito.

Abala sila sa mga project at assignment nang nagdaang araw. Malapit na kasi ang periodical exam nila kaya tadtad sila ng activities. Ito lang ang pagkakataon niya na makatakas sa pag-aaral kahit isang oras lang. Di naman talaga siya tumatakas dahil naghahanap pa rin siya ng lumang libro para literature subject nila. Parusa iyon sa ibang estudyante pero hindi sa kanya. Gusto niya na napapalibutan siya ng mga libro, lalo na ang mga lumang libro.

Dati sa ganoong lugar sila nagde-date ni Mark Andrew. Pero nalulunod lang ito sa binabasang libro at nakakalimutan na siya. Ganoon din naman siya kapag nagpipinta. Naalala niya ang nobyo ngayon nang walang sakit sa puso. Masaya lang. Nami-miss niya ito pero nagagawa na niyang ngumiti. Siguro dahil alam niyang pag-alis niya sa lugar na iyon, may naghihintay sa kanya na magpapasaya din sa kanya - si Lancelot.

Dati parang robot lang siya. Humihinga at nag-aaral para maabot ang pangarap niya. Na sapat na iyon para sumaya siya at di niya kailangan ng mababaw na bagay para sumaya. Lagi siyang naka-focus sa hinaharap.

Iba na ngayon. Maigsi ang buhay para malungkot. May mga bagay pa rin siyang kinatatakutan. Seryoso pa rin siya sa mga bagay na dapat magseryoso. Pero malaking kaibahan na ngayong mas madalas siyang ngumiti. Mas magaan sa dibdib. Mas magaan na ang bawat araw na dumadaan sa kanya ngayon. At dahil doon, parang laging may magandang mangyayari sa kanya.

Nagtatalo ang isip niya kung bibilhin ang Sophie’s World o ang Men Without Women ni Haruki Murakami nang mag-ring ang cellphone niya. Sinagot niya iyon nang kipit ang dalawang libro sa braso. Di niya kilala ang numero. “Hello.”

"Hello, Sylvie. This is Rojana Madrid from Penumbra Publishing."

"Hi, Miss. Good afternoon po,” magalang niyang bati sa editor-in-chief ni Lancelot. “May kailangan po ba kayo kay Knight? Para sa Manila International Book Fair po ba?” Katatapos lang ipasa ni Lancelot ang new edition ng Mystic High. Siya ang kinuhang beta reader ng binata kaya naman nasala na niya ang revision na ginawa nito bago nito ipasok sa publication.

Di na bago sa kanya na tinatawagan ng editor-in-chief ng Penumbra. May pagkakataon na sa kanya nito pinadadaan ang mensahe para kay Lancelot lalo na kapag tsine-check ang schedule nito para sa event. Mas madali daw kasi iyon dahil madalas silang magkasama ng binata.

“Ikaw talaga ang gusto kong makausap, Sylvie. Nakita ko ang character sketch ng Mystic High na gawa mo pati na rin ang two pages na panel ng manga na nasimulan mo na."

Suminghap siya. "P-Paano po ninyo nakita?" Kay Lancelot lang naman niya ipinakita iyon kahapon. Sorpresa niya dito nang maipasa na nito ang revised edition ng Mystic High at nagandahan siya.

"Ipinadala ni Knight sa amin ang pictures. Sabi niya, gusto niyang gawing cover ang character sketch mo."

Sinapo niya ang noo. "Nakakahiya po. Di ko pa po nalilinis sa digital iyon. It is a traditional drawing." Ang alam niya dapat naka-digital na kapag nagpasa ng comics sa publication. Sa papel lang siya nag-drawing at hindi sa computer. "Hindi pa po dapat ipinasa ni Knight sa inyo ang mga iyan." Masasakal talaga niya ang lalaking iyon. Ito lang dapat ang makakita. Di iyon para sa ibang tao.

Magaang tumawa ang babae sa kabilang linya. "Huwag kang mag-alala. Nagustuhan namin ang gawa mo. Kuhang-kuha mo ang character na gusto namin pati na rin kung paano mo i-present ang mga eksena. Sabi ni Knight wala nga daw siyang input na ibinigay sa iyo. You did things on your own.”

"Fanart lang po iyan."

"Sylvie, you have a gift. At kailangan namin ng mga katulad mo sa industriya. One of our resident illustrators will give you pointers to improve your craft. Kaya kung papayagan mo, gusto naming I-publish na ito. Pwede sigurong webcomic ‘yung ginagawa mong manga.”

"I don't want to commit into anything,” aniya. “Marami pa po akong kailangang matutunan bago ako tumanggap ng ganito kalaking responsibilidad. Di naman po basta-basta kwento lang ang Mystic High. Marami pong followers at ayokong madismaya sila.”

“Sylvie, nire-recognize namin ang kakayahan ng mga bata tulad mo. Nasabi ko na ito nang unang beses tayong nagkita. Let's put it online. We will pay you for your works. Para lang pasabikin ang fans. May mga nagpasa na sa amin para sa Mystic High pero di namin nagustuhan ang hagod ng artist. Nang sabihin namin kay Knight, ipinasa niya ang gawa mo. And we like it. Huwag mong sabihin na wala kang tiwala sa sarili mong gawa?”

Magaan siyang tumawa. “Di naman po sa ganoon. It’s just not my best.”

“Then send us your best. I think you and Knight will be a great team. You bring out the best in him.”

“He also brings out the best in me.” Ni sa hinagap di naisip ni Sylvie na mapipili ng publication ang fanart niya. Si Lancelot ang nagtulak sa kanya para gawin ang bagay nagpapasaya sa kanya at nagbunga iyon. Nagustuhan ng publication ang gawa niya. “Thank you po sa chance, Miss Rojana. Susubukan ko pong ilipat sa digital ang manga strip ko.”

“Kaya mo ba ang digital?” tanong nito.

“Opo. Nag-training na po ako sa SEACAT dati.” Nag-summer class siya sa animation school sa Cubao kaya mag-background siya kung paano gumawa ng manga at animation sa computer.

“Good. Congratulations, Sylvie! Hihintayin ko ang ipapasa mo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.